Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang mga Suliraning Dulot ng Pagkakaiba-iba ng Katayuan sa Lipunan

Ang mga Suliraning Dulot ng Pagkakaiba-iba ng Katayuan sa Lipunan

Ang mga Suliraning Dulot ng Pagkakaiba-iba ng Katayuan sa Lipunan

“ANG PAGKAKAPANTAY-PANTAY AY MARAHIL ISANG KARAPATAN, NGUNIT WALANG AWTORIDAD SA LUPA ANG MAAARING MAGSAKATUPARAN NITO KAILANMAN.”

Ganiyan ang sinabi ni Honoré de Balzac, isang nobelistang Pranses noong ika-19 na siglo. Sumasang-ayon ka ba sa kaniya? Marami ang likas na nakadarama na ang mga pagkakaiba-iba ng katayuan sa lipunan ay imoral. Gayunman, maging sa ika-21 siglong ito, ang lipunan ng tao ay nahahati pa rin sa napakaraming grupo na may iba’t ibang katayuan sa lipunan.

SI Calvin Coolidge, presidente ng Estados Unidos mula 1923 hanggang 1929, ay nabahala sa suliranin ng pagkakaiba-iba ng katayuan sa lipunan at nagsalita tungkol sa “ganap na paglaho ng lahat ng uring nakaaangat sa lipunan.” Magkagayunman, mga 40 taon pagkatapos ng pagkapangulo ni Coolidge, ang Kerner Commission, na hinirang upang pag-aralan ang ugnayan ng mga lahi, ay nagpahayag ng pangamba na hindi na maiiwasang maging dalawang lipunan ang Estados Unidos: “isang itim, isang puti​—magkahiwalay at di-pantay.” Sinasabi ng ilan na ang prediksiyong ito ay nagkatotoo na at na “ang puwang sa kabuhayan at sa lahi ay lumalaki” sa bansang iyon.

Bakit napakahirap na maabot ang pagkakapantay-pantay ng mga tao? Ang isang pangunahing salik ay ang kalikasan ng tao. Sinabi noon ng dating konggresista ng E.U.A. na si William Randolph Hearst: “Ang lahat ng tao ay nilikha na pantay sa isang aspekto, sa paanuman, at iyan ay ang kanilang pagnanais na maging di-pantay.” Ano ang ibig niyang sabihin? Marahil ay mas maliwanag ang pagkakasabi ng dramatistang Pranses noong ika-19 na siglo na si Henry Becque: “Ang labis na nagpapahirap sa pag-abot ng pagkakapantay-pantay ay ang pagnanais natin na maging kapantay lamang niyaong mga nakatataas sa atin.” Sa ibang pananalita, nais ng mga tao na makapantay yaong mas matataas ang katayuan sa lipunan; ngunit iilan lamang ang handang limitahan ang kanilang mga pribilehiyo at mga kaalwanan sa pamamagitan ng pagkakaloob ng pagkakapantay-pantay sa mga itinuturing nilang nakabababa sa kanila.

Noong nakalipas na mga panahon, ang mga tao ay ipinanganganak bilang mga commoner (karaniwang tao), bilang bahagi ng isang aristokrasya, o kabilang pa nga sa mga maharlika. Totoo pa rin iyan sa ilang lugar. Gayunman, sa maraming lupain sa ngayon, ang salapi​—o kawalan nito​—ang nagtatakda kung ang isa ay kabilang sa uring nakabababa, katamtaman, o nakatataas. Gayunman, mayroon pang ibang mga salik na nagtatakda sa katayuan ng isa sa lipunan, tulad ng lahi, edukasyon, at kakayahang bumasa at sumulat. At sa ibang lugar, ang kasarian ay isang pangunahing dahilan ng pagtatangi, anupat itinuturing ang mga babae na mas nakabababang uri.

May Nababanaag Bang Pag-asa?

Nakatulong ang pagsasabatas ng mga karapatang pantao upang mapawalang-bisa ang ilang hadlang dahil sa katayuan sa buhay. Naipasá sa Estados Unidos ang mga batas laban sa pagbubukud-bukod ng mga grupo ayon sa katayuan sa lipunan. Ipinagbawal ang pagbubukod ng lahi (apartheid) sa Timog Aprika. Ang pang-aalipin, bagaman umiiral pa rin, ay ilegal sa kalakhang bahagi ng daigdig. Napilitang kilalanin ang karapatan sa pag-aari ng lupa ng ilang katutubong grupo dahil sa legal na mga pasiya, at ang mga batas laban sa pagtatangi ay naglaan ng ginhawa sa ilang kapos-palad ang katayuan sa lipunan.

Ipinahihiwatig ba nito ang wakas ng pagkakaiba-iba ng katayuan sa lipunan? Hindi naman. Bagaman ang ilang pagkakaiba-iba ng katayuan sa lipunan ay maaaring humina na ngayon, nagsimula namang lumitaw ang bagong mga pagkakabaha-bahagi. Ang aklat na Class Warfare in the Information Age ay nagsabi: “Waring hindi na angkop sa ngayon na pag-ibahin ang mga tao sa mga uring kapitalista at uring manggagawa, ngunit ganito lamang ang pangyayari dahil sa ang malalaking uring ito ay nahati-hati sa mas maliliit na grupo ng galít na mga tao.”

Habang panahon na lamang bang mahahati ang mga tao dahil sa pagkakaiba ng katayuan sa lipunan? Buweno, gaya ng ipakikita ng susunod na artikulo, ang situwasyong ito ay may pag-asa.