Matatanda—Sanayin ang Iba na Dalhin ang Pasan
Matatanda—Sanayin ang Iba na Dalhin ang Pasan
SA MGA kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig, may kagyat na pangangailangan para sa mga lalaking makapaglilingkod sa mga tungkulin ng pangangasiwa. May tatlong pangunahing dahilan sa kaganapang ito.
Una, tinutupad ni Jehova ang kaniyang pangako na “ang maliit ay magiging makapangyarihang bansa.” (Isaias 60:22) Sa pamamagitan ng kaniyang di-sana-nararapat na kabaitan, halos isang milyong bagong alagad ang nabautismuhan bilang mga Saksi ni Jehova sa nakalipas na tatlong taon. Kinakailangan ang responsableng mga lalaki upang tulungan ang mga bagong bautisadong ito na sumulong sa Kristiyanong pagkamaygulang.—Hebreo 6:1.
Ikalawa, napilitan ang ilan na naglilingkod bilang matatanda sa loob ng maraming dekada na bawasan ang kanilang gawaing pinapasan sa kongregasyon dahil sa pagtanda o mga suliranin sa kalusugan.
Ikatlo, maraming masisigasig na matatandang Kristiyano ang naglilingkod ngayon bilang mga miyembro ng mga Hospital Liaison Committee, Regional Building Committee, o Assembly Hall Committee. Sa ilang kaso, kinailangan nilang balansihin ang kanilang mga responsibilidad sa pamamagitan ng pagbibitiw kahit man lamang sa ilan sa mga pananagutan nila sa kanilang lokal na kongregasyon.
Paano matutugunan ang mahigpit na pangangailangan para sa karagdagang kuwalipikadong mga lalaki? Pagsasanay ang kasagutan. Pinasisigla ng Bibliya ang mga tagapangasiwang Kristiyano na sanayin ang ‘mga taong tapat, na maging lubusang kuwalipikado na magturo naman sa iba.’ (2 Timoteo 2:2) Ayon sa isang diksyunaryo, ang pandiwang “sanayin” ay nangangahulugang “turuan upang gawing karapat-dapat, kuwalipikado, o may kakayahan.” Ating isaalang-alang kung paano masasanay ng matatanda ang ibang kuwalipikadong lalaki.
Sundin ang Halimbawa ni Jehova
Tiyak na si Jesu-Kristo ay ‘karapat-dapat, kuwalipikado at may kakayahan’ sa kaniyang gawain—at hindi kataka-taka iyan! Sinanay siya ng Diyos na Jehova mismo. Anong mga salik ang nagpangyaring maging napakabisa ng programang ito ng pagsasanay? Bumanggit si Jesus ng tatlo, gaya ng nakaulat sa Juan 5:20: “[1] Minamahal ng Ama ang Anak at [2] ipinakikita sa kaniya ang lahat ng bagay na kaniya mismong ginagawa, at ipakikita niya sa kaniya [3] ang mga gawa na mas dakila pa kaysa sa mga ito.” Ang pagsusuri sa bawat isa sa mga salik na ito ang maglalaan ng kaunawaan hinggil sa paksa ng pagsasanay.
Pansinin na sinabi muna ni Jesus: “Minamahal ng Ama ang Anak.” Mula sa pasimula ng paglalang, isang magiliw na ugnayan ang umiral sa pagitan ni Jehova at ng kaniyang Anak. Ang Kawikaan 8:30 ay naglalaan ng kaliwanagan sa ugnayang iyon: “Noon ay nasa piling niya [ng Diyos na Jehova] ako [si Jesus] bilang isang dalubhasang manggagawa, at ako ang siyang lubhang kinagigiliwan niya araw-araw, at ako ay nagagalak sa harap niya sa lahat ng panahon.” Walang pag-aalinlangan sa isipan ni Jesus na “lubhang kinagigiliwan” siya ni Jehova. At hindi inilihim ni Jesus ang kagalakang nadarama niya habang gumagawa siyang kasama ng kaniyang Ama. Anong inam nga kapag may umiiral na isang magiliw at palagay-ang-loob na ugnayan sa pagitan ng Kristiyanong matatanda at ng mga sinasanay nila!
Ang ikalawang salik na binanggit ni Jesus ay na ‘ipinakikita [ng Ama] sa kaniya ang lahat ng bagay na kaniya mismong ginagawa.’ Pinagtitibay nito ang mga pananalita sa Kawikaan 8:30, samakatuwid nga, na si Jesus ay “nasa piling” ni Jehova habang nilalalang ang sansinukob. (Genesis 1:26) Masusundan ng matatanda ang mahusay na halimbawang iyan sa pamamagitan ng matalik na paggawang kasama ng mga ministeryal na lingkod, na ipinakikita sa kanila kung paano nila gagampanan ang kanilang mga tungkulin sa mainam na paraan. Gayunman, hindi lamang ang bagong-kahihirang na mga ministeryal na lingkod ang nangangailangan ng progresibong pagsasanay. Kumusta naman yaong mga tapat na kapatid na lalaking umaabot sa katungkulan ng tagapangasiwa sa loob ng maraming taon ngunit hindi pa kailanman nahirang? (1 Timoteo 3:1) Dapat na magbigay ng espesipikong payo ang matatanda sa gayong mga lalaki upang malaman nila kung ano ang kailangan nilang pasulungin.
Halimbawa, ang isang ministeryal na lingkod ay maaaring maaasahan, nasa oras, at palaisip sa pagtupad sa kaniyang mga tungkulin. Maaaring magaling din siyang guro. Sa maraming aspekto ay maaaring mahusay ang ginagawa niya sa kongregasyon. Gayunman, baka hindi niya natatanto na may hilig palá siya na maging magaspang sa kaniyang pakikitungo sa mga kapuwa Kristiyano. Kailangang ipamalas ng matatanda ang “kahinahunan na nauukol sa karunungan.” (Santiago 3:13) Hindi ba magiging kabaitan para sa isang matanda na kausapin ang ministeryal na lingkod, na sinasabi kung ano talaga ang problema, magbigay ng espesipikong mga halimbawa at praktikal na mga mungkahi ukol sa pagsulong? Kung maingat na ‘titimplahan [ng matanda] ang kaniyang payo ng asin,’ ang kaniyang mga komento ay malamang na malugod na tatanggapin. (Colosas 4:6) Siyempre pa, gagawing higit na kalugud-lugod ng ministeryal na lingkod ang gawain ng matanda sa pamamagitan ng pakikinig at pagtanggap sa anumang payo na ibinigay sa kaniya.—Awit 141:5.
Sa ilang kongregasyon, naglalaan ang matatanda ng praktikal at patuluyang pagsasanay sa mga ministeryal na lingkod. Halimbawa, isinasama nila ang kuwalipikadong mga ministeryal na lingkod kapag dinadalaw nila ang mga maysakit o may-edad. Sa ganitong paraan, nakapagtatamo ang mga ministeryal na lingkod ng karanasan sa gawaing pagpapastol. Siyempre pa, maraming magagawa ang isang ministeryal na lingkod upang pasulungin ang kaniyang sariling espirituwalidad.—Tingnan ang kahon sa ibaba na pinamagatang “Kung Ano ang Magagawa ng mga Ministeryal na Lingkod.”
Ang ikatlong salik na nagpangyaring maging napakabisa ng pagsasanay kay Jesus ay na sinanay siya ni Jehova taglay sa isipan ang pagsulong sa hinaharap. Sinabi ni Jesus hinggil sa Ama na ipakikita nito sa Anak “ang mga gawa na mas dakila pa kaysa sa mga ito.” Ang karanasang natamo ni Jesus nang siya’y nasa lupa ang nagpangyari sa kaniya na mapasulong ang mga katangian na kakailanganin niya sa pagtupad sa mga atas sa hinaharap. (Hebreo 4:15; 5:8, 9) Halimbawa, talaga namang isang mabigat na atas ang malapit nang tanggapin ni Jesus—yaong pagbuhay-muli at paghatol sa bilyun-bilyong taong patay sa ngayon!—Juan 5:21, 22.
Kapag sinasanay ang mga ministeryal na lingkod, dapat na nasa isip ng matatanda sa ngayon ang mga pangangailangan sa hinaharap. Bagaman tila may sapat na matatanda at mga ministeryal na lingkod upang pangalagaan ang kasalukuyang mga pangangailangan, ganiyan ba ang mangyayari kung mabuo ang isang bagong kongregasyon? Kung mabuo ang ilang kongregasyon? Sa loob ng nakalipas na tatlong taon, may mahigit sa 6,000 bagong kongregasyon sa buong daigdig. Tunay na isang malaking bilang ng matatanda at ministeryal na lingkod ang kinakailangan upang pangalagaan ang mga bagong kongregasyong iyon!
Kayong matatanda, sinusunod ba ninyo ang halimbawa ni Jehova sa pamamagitan ng paglinang ng isang magiliw at personal na ugnayan sa mga lalaking inyong sinasanay? Ipinakikita ba ninyo sa kanila kung paano nila gagampanan ang kanilang gawain? Palaisip ba kayo sa mga pangangailangan
sa hinaharap? Ang pagsunod sa halimbawa ni Jehova sa kaniyang pagsasanay kay Jesus ay magbubunga ng mayayamang pagpapala sa marami.Huwag Matakot na Mag-atas
Ang may-kakayahang matatandang nasanay na humawak ng ilang mabibigat na tungkulin ay tila nag-aatubili sa paanuman na mag-atas ng awtoridad sa iba. Maaaring sinikap na nilang gawin ito noon ngunit nagtamo ng di-kasiya-siyang mga resulta. Kaya maaaring tinaglay nila ang saloobing, ‘Kung nais mong maganda ang trabaho, kailangan na ikaw mismo ang gumawa nito.’ Ngunit ang saloobin bang ito ay kasuwato ng kalooban ni Jehova, tulad ng ipinahayag sa Kasulatan, na ang di-gaanong makaranasang mga lalaki ay tatanggap ng pagsasanay sa mga mas makaranasan?—2 Timoteo 2:2.
Nadismaya si apostol Pablo nang iwanan ng isa sa kaniyang mga kasamahan sa paglalakbay, si Juan Marcos, ang atas nito sa Pamfilia at umuwi. (Gawa 15:38, 39) Gayunman, hindi pinahintulutan ni Pablo ang kabiguang ito na pahinain ang kaniyang loob na magsanay ng iba. Pumili siya ng isa pang kabataang kapatid na lalaki, si Timoteo, at sinanay ito sa gawaing misyonero. * (Gawa 16:1-3) Sa Berea, napaharap ang mga misyonero sa napakabagsik na pagsalansang anupat hindi naging praktikal para kay Pablo na manatili roon. Kaya iniwan niya ang bagong kongregasyon sa pangangalaga ni Silas, isang may-gulang at nakatatandang kapatid na lalaki, at gayundin kay Timoteo. (Gawa 17:13-15) Walang alinlangan na maraming natutuhan si Timoteo kay Silas. Nang maglaon, nang si Timoteo ay handa nang tumanggap ng karagdagang pananagutan, ipinadala siya ni Pablo sa Tesalonica upang patibayin ang kongregasyon doon.—1 Tesalonica 3:1-3.
Ang ugnayan sa pagitan nina Pablo at Timoteo ay hindi pormal, malamig, o di-personal. May isang magiliw na ugnayan sa pagitan nila. Sa pagsulat sa kongregasyon sa Corinto, tinukoy ni Pablo si Timoteo, na kaniyang planong ipadala roon, bilang ang kaniyang “minamahal at tapat na anak sa Panginoon.” Idinagdag pa niya: “Ipaaalaala [ni Timoteo] sa inyo ang aking mga pamamaraan may kaugnayan kay Kristo Jesus.” (1 Corinto 4:17) Tumugon si Timoteo sa pagsasanay na tinanggap niya kay Pablo, at naging kuwalipikado sa pagtupad sa kaniyang mga atas. Maraming kabataang kapatid na lalaki ang naging may-kakayahang mga ministeryal na lingkod, matatanda, o mga naglalakbay na tagapangasiwa pa nga dahil nakinabang sila sa pagsasanay na kanilang natanggap mula sa nagmamalasakit na matatandang lalaki na nagpakita ng tunay na interes sa kanila, katulad ng ginawa ni Pablo kay Timoteo.
Matatanda, Sanayin ang Iba!
Tiyak na ang hula sa Isaias 60:22 ay natutupad sa ngayon. Ginagawa ni Jehova ‘ang maliit na maging makapangyarihang bansa.’ Upang mapanatiling ‘makapangyarihan’ ang bansang iyon, kailangan na ito’y organisadung-organisado. Kayong matatanda, bakit hindi isaalang-alang ang mga paraan kung paano makapagbibigay ng karagdagang pagsasanay sa mga naaalay na lalaki na kuwalipikadong tumanggap nito? Tiyakin na lubos na nababatid ng bawat ministeryal na lingkod ang anumang bagay na kailangan niyang pasulungin. At kayong bautisadong mga kapatid na lalaki, samantalahin ang anumang personal na atensiyon na tinatanggap ninyo. Gamiting mabuti ang mga pagkakataon na pasulungin ang inyong kakayahan, kaalaman, at karanasan. Tiyak na pagpapalain ni Jehova ang gayong programa ng maibiging pagtulong.—Isaias 61:5.
[Talababa]
^ par. 18 Nang maglaon, gumawa uli si Pablo kasama ni Juan Marcos.—Colosas 4:10.
[Kahon sa pahina 30]
Kung Ano ang Magagawa ng mga Ministeryal na Lingkod
Bagaman ang matatanda ang dapat na maglaan ng pagsasanay sa mga ministeryal na lingkod, maraming magagawa ang mga ministeryal na lingkod upang pasulungin ang kanilang sariling espirituwalidad.
—Ang mga ministeryal na lingkod ay dapat na masikap at maaasahan sa pagtupad sa kanilang mga atas. Dapat na linangin nila ang mabubuting kaugalian sa pag-aaral. Sa kalakhan, ang pagsulong ay depende sa pag-aaral at pagkakapit sa mga bagay na natutuhan.
—Kapag ang isang ministeryal na lingkod ay naghahanda na magbigay ng isang pahayag sa isang pulong Kristiyano, hindi siya dapat mag-atubili na magtanong sa isang may-kakayahang matanda para sa mga mungkahi hinggil sa kung paano ihaharap ang materyal.
—Maaaring pakiusapan din ng ministeryal na lingkod ang isang matanda na obserbahan siya kung paano siya magbigay ng pahayag sa Bibliya at bigyan siya ng payo para sumulong.
Ang mga ministeryal na lingkod ay dapat na humingi, tumanggap, at magkapit ng payo mula sa matatanda. Sa ganitong paraan, ang kanilang pagsulong ay ‘mahahayag sa lahat ng mga tao.’—1 Timoteo 4:15.