Ang Maiinam na Gawa ay Lumuluwalhati sa Diyos
Ang Maiinam na Gawa ay Lumuluwalhati sa Diyos
SA PAMAMAGITAN ng kanilang mainam na paggawi at ulirang mga gawa, ang tunay na mga Kristiyano ay nagdudulot ng kaluwalhatian sa Diyos. (1 Pedro 2:12) Ito’y makikita sa nangyari sa Italya nitong nakaraang mga taon.
Noong Setyembre 1997, isang malakas na lindol ang yumanig sa iba’t ibang bahagi ng mga rehiyon ng Marche at Umbria, na puminsala sa halos 90,000 kabahayan. Isang grupo ng mga Saksi ni Jehova ang agad-agad na nag-alok ng tulong sa kapuwa mananampalataya at sa mga iba pa. Mga treyler, mga sleeping bag, mga kalan, mga generator, at iba pang mga bagay na kinakailangan ay inilaan. Ang mga pagsisikap na ito na makatulong ay nakatawag-pansin.
Ang pahayagang Il Centro ay nag-ulat: “Ang unang dumating na may dalang mga tulong na panustos sa apektadong mga lugar ay ang mga Saksi ni Jehova ng Roseto [sa lalawigan ng Teramo] . . . Maliban pa sa pagtitipon sa pana-panahon upang manalangin, yaong mga tapat kay Jehova ay gumagawa sa isang praktikal na paraan, nagbibigay ng tulong sa mga nagdurusa, na di-alintana anuman ang relihiyon nila.”
Ang alkalde ng Nocera Umbra, isa sa mga bayan na lubhang naapektuhan, ay sumulat sa mga Saksi: “Buong puso at personal akong nagpapasalamat para sa tulong na ibinigay sa mga mamamayan ng Nocera. Sigurado ako na ipinapahayag ko ang damdamin ng lahat ng mamamayan nito.” Karagdagan pa, pinagkalooban ng Ministry of the Interior ang Congregazione Cristiana dei Testimoni di Geova (Kongregasyong Kristiyano ng mga Saksi ni Jehova) ng isang sertipiko ng pagpapahalaga at isang medalya “upang magpatunay sa mga nagawa at kasipagan na inihandog sa mga gawain may kaugnayan sa panahon ng kagipitan na bumangon sa mga rehiyon ng Umbria at Marche.”
Noong Oktubre 2000, sinalantâ ng isang mapaminsalang baha ang mga rehiyon ng Piedmont sa hilaga ng Italya. Muli, ang mga Saksi ay agad-agad na gumawa ng mga paghahanda upang tumulong. Ang mainam na mga gawang ito ay muling nakatawag-pansin. Pinagkalooban sila ng Rehiyon ng Piedmont ng isang plake para sa kanilang “mahalagang kusang-loob na gawain ng pagsuporta sa mamamayan ng taga-Piedmont na naapektuhan ng pagbaha.”
Tinagubilinan ni Jesus ang kaniyang mga alagad: “Pasikatin ninyo ang inyong liwanag sa harap ng mga tao, upang makita nila ang inyong maiinam na gawa at magbigay ng kaluwalhatian sa inyong Ama na nasa langit.” (Mateo 5:16) Ang mga Saksi ni Jehova ay naliligayahang luwalhatiin ang Diyos, hindi ang kanilang mga sarili, sa pagganap ng “maiinam na mga gawa” na tumutulong sa kanilang mga kapuwa, sa espirituwal at sa iba pang mga paraan.