Ang ‘Pangangaral ng Salita’ ay Nagdudulot ng Kaginhawahan
Ang ‘Pangangaral ng Salita’ ay Nagdudulot ng Kaginhawahan
SIYA ay isang sakdal na tao na may mahalagang misyon. Napakabisa ng kaniyang mga paraan ng pagtuturo anupat “lubhang namangha ang mga pulutong sa kaniyang paraan ng pagtuturo.” (Mateo 7:28) Siya rin ay isang walang-pagod na mángangarál. Pangunahin niyang itinuon ang kaniyang panahon, lakas, at mga kakayahan sa pangangaral hinggil sa Kaharian ng Diyos. Oo, naglakbay si Jesu-Kristo sa kaniyang buong bayang tinubuan bilang isang walang-katulad na mángangarál at guro.—Mateo 9:35.
Ang apurahang misyon ni Jesus ay ipangaral “ang mabuting balita ng kaharian” sa kaniyang mga kapanahon at sanayin ang kaniyang mga alagad para sa gawain ding iyon sa isang pangglobong lawak. (Mateo 4:23; 24:14; 28:19, 20) Ang mabigat na pananagutan kaya ng kanilang atas na mangaral at ang pagkaapurahan nito gayundin ang lawak ng gayong gawain ay makasira ng loob ng kaniyang mga tagasunod na di-sakdal at may mga limitasyon?
Tiyak na hindi! Pagkatapos tagubilinan ang kaniyang mga alagad na manalangin sa “Panginoon ng pag-aani,” ang Diyos na Jehova, para sa higit na mga manggagawa, isinugo sila ni Jesus upang turuan ang mga tao. (Mateo 9:38; 10:1) Pagkatapos ay ibinigay niya ang kaniyang katiyakan na ang pananagutan ng pagiging kaniyang tagasunod—kabilang na ang atas na mangaral—ay magdudulot ng tunay na kaginhawahan at kaaliwan. Sinabi ni Jesus: “Pumarito kayo sa akin, . . . at pagiginhawahin ko kayo.”—Mateo 11:28.
Isang Pinagmumulan ng Kagalakan
Tunay ngang madamayin, maibigin, at mabait ang paanyayang iyon! Ipinahahayag nito ang taimtim na pagkabahala ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod. Ang kaniyang mga alagad ay talagang nakasusumpong ng kaginhawahan sa pagtupad ng kanilang pananagutang mangaral ng “mabuting balita” ng Kaharian ng Diyos. Ito’y nagdudulot sa kanila ng tunay na kagalakan at kasiyahan.—Juan 4:36.
Matagal na panahon bago pa pumarito si Jesus sa lupa, idiniin ng mga Kasulatan na ang kagalakan ay dapat na maging isang bahagi ng sagradong paglilingkod sa Diyos. Nilinaw ito nang awitin ng salmista: “May-pagbubunyi kayong sumigaw kay Jehova, lahat kayong mga tao sa lupa. Maglingkod kayo kay Jehova na may pagsasaya. Lumapit kayo sa harap niya na may hiyaw ng kagalakan.” (Awit 100:1, 2) Sa ngayon, ang mga tao ng lahat ng bansa ay nagbubunyi kay Jehova, at ang kanilang mga kapahayagan ng papuri ay tulad ng matagumpay na sigaw ng nagwaging hukbo. Yaong mga tunay na matapat sa Diyos ay lumalapit sa kaniyang presensiya “na may hiyaw ng kagalakan.” Tunay, iyan ay nababagay sapagkat si Jehova ay “maligayang Diyos,” na nagnanais na ang kaniyang mga lingkod ay makasumpong ng kagalakan sa pagsasakatuparan ng kanilang pag-aalay sa kaniya.—1 Timoteo 1:11.
Naginhawahang mga Ministro
Paano nagiging posible na ang pagpapagal sa ministeryo sa larangan ay hindi nakapapagod sa atin kundi sa katunayan ay nakagiginhawa? Buweno, ang paggawa ng gawain ni Jehova ay gaya ng nakapagpapasiglang pagkain para kay Jesus. Sinabi niya: “Ang aking pagkain ay ang gawin ko ang kalooban niya na nagsugo sa akin at tapusin ang kaniyang gawain.”—Juan 4:34.
Sa katulad na paraan, ang masisigasig na mángangarál na Kristiyano sa ngayon ay nakasusumpong ng kagalakan habang kanilang ‘ipinangangaral ang salita.’ (2 Timoteo 4:2) Si Connie, isang babaing Kristiyano na nasa katanghaliang gulang na gumugugol ng mahigit na 70 oras bawat buwan sa gawaing pangangaral, ay nagsabi: “Pagkatapos makibahagi sa ministeryo, nakadarama ako ng kasiyahan at kaligayahan, kahit na ako’y pagod sa kinahapunan.”
Kumusta naman kung hindi tinanggap ang mensahe ng Kaharian? Ganito ang pagpapatuloy ni Connie: “Anuman ang pagtugon, hindi ko kailanman pinagsisihan ang pakikibahagi sa ministeryo. Bukod sa pagkaalam na ginagawa ko ang nakalulugod kay Jehova, itinuturing kong isang kaluguran na magsalita
hinggil sa katotohanan sapagkat habang ginagawa ko ito, lalong naikikintal sa aking puso ang kahanga-hangang pag-asa mula sa Bibliya.”Nasusumpungan ng iba na ang pagtulong sa mga tao na magkaroon ng tumpak na kaalaman tungkol sa Diyos ay nagbibigay ng kabuluhan sa kanila mismong buhay. Si Meloney, isang kabataang babae na regular na gumugugol ng mahigit na 50 oras bawat buwan sa gawaing pangangaral, ay nagsabi: “Ang ministeryo ay nakagiginhawa sapagkat ito’y nagbibigay ng direksiyon at layunin sa aking buhay. Ang personal na mga problema at pang-araw-araw na mga kaigtingan ay naglalaho kapag nakikibahagi ako sa paglilingkuran.”
Si Millicent, isa pang masigasig na ministro ng mga Saksi ni Jehova, ay nagkomento: “Ang ministeryo ay nagbibigay ng kahalagahan sa bawat araw na ginugugol ko sa pakikipag-usap sa iba tungkol sa layunin ng Diyos sa sangkatauhan at sa pagpapaliwanag kung paano isasauli ang Paraiso sa lupa. Ginagawa nitong totoo sa akin si Jehova sa araw-araw at binibigyan ako ng kapayapaan at isang antas ng panloob na kaligayahan na hindi matatamo sa anumang ibang paraan.”
Ang mga Tumanggap na Naginhawahan
Ang mga mángangarál ng Kaharian ay tiyak na nagiginhawahan sa ministeryong Kristiyano, at yaong tumatanggap ng nagbibigay-buhay na mensahe ay naaaliw nito. Bagaman sinanay ng mga madre at mga pari ang isang guro sa Portugal, nadarama niyang ang kaniyang espirituwal na mga pangangailangan ay hindi nasasapatan ng kaniyang simbahan. Ang mga katanungan niya sa Bibliya ay nananatiling hindi nasasagot. Ang isang regular na pag-aaral sa Bibliya na idinaraos ng isa sa mga Saksi ni Jehova ay nagdulot sa kaniya ng pasulong na pagkaunawa sa Kasulatan. Ang guro ay tuwang-tuwa. “May pananabik kong hinihintay ang aking pag-aaral tuwing Miyerkules,” ang sabi niya, “yamang ang mga katanungan ko ay isa-isang nasasagot na may nakakakumbinsing patotoo sa Bibliya.” Sa ngayon, ang babaing ito ay isang nakaalay na lingkod ni Jehova, at siya man ay nagbibigay ng kaginhawahan sa iba sa pamamagitan ng katotohanan sa Bibliya.
Maliwanag, kung gayon, na ang mga Saksi ni Jehova ay hindi nadaraig ng pagiging seryoso ng kanilang atas na mangaral o ng lawak ng kanilang pangglobong teritoryo. Hindi napahihina ang kanilang loob ng kawalang-interes ni ng pagsalansang. Buong-sigasig silang abala na isakatuparan ang kanilang atas na pangangaral ng Kaharian. Ibinabahagi nila ang mabuting balita sa mga tao saanman masumpungan ang mga ito—sa hintuan ng trak sa Estados Unidos (1), sa isang paliparan sa Korea (2), sa Andes (3), o sa isang pamilihan sa London (4). May-kagalakang isinasagawa ng kasalukuyang mga tagasunod ni Jesus ang kanilang kapaki-pakinabang na pambuong daigdig na gawain. At tapat sa kaniyang pangako, pinaginhawa niya sila at ginamit niya sila upang magpaginhawa sa marami pang iba.—Apocalipsis 22:17.