Ang mga Guro ng Salita ng Diyos Hinimok na Tuparin ang Kanilang Atas
Ang mga Guro ng Salita ng Diyos Hinimok na Tuparin ang Kanilang Atas
DAAN-DAANG libong guro ang nagtipon para maturuan nitong nakalipas na mga buwan. Pasimula noong Mayo 2001, nagtipon sila sa daan-daang “Mga Guro ng Salita ng Diyos” na mga Pandistritong Kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig. Ang mga delegado ay hinimok na turuan ang kanilang sarili, upang maging higit na kuwalipikado, at upang tuparin ang kanilang atas bilang mga guro.
Dumalo ka ba sa isa sa mga kombensiyong ito? Kung oo, walang-alinlangang pinahalagahan mo ang mainam na espirituwal na pagkain na ibinigay sa mga pagtitipong ito para sa pagsamba sa tunay na Diyos, si Jehova. Bakit hindi mo kami samahan ngayon sa pagrerepaso sa nakapagtuturong programa ng kombensiyon?
Unang Araw—Ang Kinasihang Kasulatan ay Kapaki-pakinabang sa Pagtuturo
Mainit na tinanggap ng tsirman ng kombensiyon ang mga delegado sa pahayag na “Maturuan Kayo, Kayong mga Guro ng Salita ng Diyos.” Palibhasa’y natuto mula kay Jehova, ang “Dakilang Tagapagturo,” si Jesu-Kristo ay naging Dakilang Guro. (Isaias 30:20; Mateo 19:16) Kung nais nating sumulong bilang mga guro ng Salita ng Diyos, tayo rin ay dapat na maturuan ni Jehova.
Sumunod naman ang bahaging “Ang Pagtuturo ng Kaharian ay Nagluluwal ng Maiinam na Bunga.” Sa pamamagitan ng mga panayam sa makaranasang mga guro ng Salita ng Diyos, naitampok ang mga kagalakan at mga pagpapala ng paggawa ng alagad.
Isang nakaaantig na pahayag na pinamagatang Gawa 2:11) Maaari rin nating antigin ang mga tao upang kumilos sa pamamagitan ng pagpapahayag ng gayong “mariringal na mga bagay” gaya ng maka-Kasulatang mga turo hinggil sa pantubos, sa pagkabuhay-muli, at sa bagong tipan.
“Napakikilos ng ‘Mariringal na mga Bagay ng Diyos’ ” ang sumunod. Noong unang siglo, ang “mariringal na mga bagay” may kaugnayan sa Kaharian ng Diyos ay pumukaw sa mga tao upang kumilos. (Pinatibay ng sumunod na pahayag ang lahat na “Makasumpong ng Kaluguran sa Katuwiran ni Jehova.” (Awit 35:27) Tayo ay tinutulungan na itaguyod ang katuwiran sa pamamagitan ng pagkatutong ibigin ang matuwid at kapootan ang masama, sa pamamagitan ng pag-aaral ng Bibliya, sa pamamagitan ng aktibong paglaban sa mga impluwensiyang nakapipinsala sa espirituwal, at sa pamamagitan ng paglinang ng kapakumbabaan. Ang gayong mga hakbang ay tutulong upang maipagsanggalang tayo mula sa di-mabuting mga kasamahan, mula sa materyalistikong mga pamantayan, at mula sa imoral at marahas na libangan.
Ang pinakatemang pahayag, na pinamagatang “Lubusang Nasangkapan Bilang mga Guro ng Salita ng Diyos,” ay nagpaalaala sa atin na tayo ay ginagawa ni Jehova na kuwalipikadong mga ministro sa pamamagitan ng kaniyang Salita, ng kaniyang banal na espiritu, at ng kaniyang makalupang organisasyon. May kaugnayan sa paggamit sa Salita ng Diyos, pinayuhan tayo ng tagapagsalita: “Ang ating tunguhin ay gawing buháy ang mensahe ng Bibliya at ikintal ito sa puso ng ating mga tagapakinig.”
Ang unang simposyum ng kombensiyon ay pinamagatang “Tinuturuan ang Ating Sarili Habang Tinuturuan ang Iba.” Idiniin ng pambukas na bahagi na dapat nating sundin ang gayunding mataas na pamantayan sa Kristiyanong moralidad na gaya ng itinuturo natin sa iba. Pinaalalahanan tayo ng sumunod na bahagi na ‘gamitin nang wasto ang salita ng katotohanan.’ (2 Timoteo 2:15) Upang maturuan ang ating sarili, mahalaga ang regular at masikap na personal na pag-aaral ng Bibliya, gaanuman tayo katagal na sa paglilingkod sa Diyos. Ipinakita ng pangwakas na bahagi ng simposyum na binabantayan tayo ng Diyablo at tinitingnan ang mga saloobing gaya ng pagmamapuri, isang nagsasariling espiritu, pagkadama ng importansiya-sa-sarili, paninibugho, inggit, kapaitan, hinanakit, at pamimintas. Gayunman, kung buong-lakas nating sasalansangin ang Diyablo, tatakas siya mula sa atin. Upang masalansang siya, kailangan nating lumapit sa Diyos.—Santiago 4:7, 8.
Ipinakita sa atin ng napapanahong pahayag na Habakuk 1:13) Dapat na “kamuhian [natin] ang balakyot.” (Roma 12:9) Ang mga magulang ay pinaalalahanan na subaybayan ang paggamit ng kanilang mga anak sa Internet at ang panonood nila ng telebisyon. Yaong mga naakit sa pornograpya, ang sabi ng tagapagsalita, ay dapat na humingi ng tulong sa isang kaibigan na maygulang sa espirituwal. Makatutulong din na bulay-bulayin at isaulo ang mga kasulatang gaya ng Awit 97:10; Mateo 5:28; 1 Corinto 9:27; Efeso 5:3, 12; Colosas 3:5; at 1 Tesalonica 4:4, 5.
“Kamuhian ang Makasanlibutang Salot ng Pornograpya” kung paano mapagtatagumpayan ang nakasasamang bantang iyan sa ating espirituwalidad. Ganito ang sinabi ng propetang si Habakuk tungkol kay Jehova: “Napakadalisay ng iyong mga mata upang tumingin sa kasamaan; at ang tingnan ang kabagabagan ay hindi mo magagawa.” (Inaliw naman tayo ng sumunod na pahayag, “Pag-ingatan Ka Nawa ng Kapayapaan ng Diyos,” taglay ang katiyakan na kapag tayo ay pinabibigatan ng kabalisahan, maaari nating ihagis ang ating pasanin kay Jehova. (Awit 55:22) Kung ibubuhos natin ang ating puso sa panalangin, bibigyan tayo ni Jehova ng “kapayapaan ng Diyos,” ang kahinahunan at panloob na kapanatagan na dulot ng ating mahalagang pakikipag-ugnayan sa kaniya.—Filipos 4:6, 7.
Higit na naging mas maligaya ang pagtatapos ng unang araw sa pahayag na “Pinagaganda ni Jehova ang Kaniyang Bayan sa Pamamagitan ng Liwanag,” na nagpaliwanag sa katuparan ng Isaias kabanata 60. Sa gitna ng kasalukuyang kadiliman ng daigdig, ang “mga banyaga”—ang dumaraming malaking pulutong ng mga tulad-tupa—ay nagtatamasa ng liwanag ni Jehova kasama ng pinahirang mga Kristiyano. Sa pagtukoy sa mga talatang 19 at 20, ipinaliwanag ng tagapagsalita: “Si Jehova ay hindi ‘lulubog’ gaya ng araw o ‘liliit’ man gaya ng buwan. Patuloy niyang pagagandahin ang kaniyang bayan sa pamamagitan ng pagpapasikat ng liwanag sa kanila. Anong kamangha-manghang katiyakan ito para sa atin habang namumuhay tayo sa mga huling araw ng sanlibutang ito ng kadiliman!” Sa pagtatapos ng pahayag, ipinatalastas ng tagapagsalita ang paglalabas ng aklat na Hula ni Isaias—Liwanag Para sa Buong Sangkatauhan, Ikalawang Tomo. Natapos mo na bang basahin ang bagong publikasyong ito?
Ikalawang Araw—Lubusang Kuwalipikado na Magturo sa Iba
Pagkatapos na talakayin ang teksto sa ikalawang araw na iyon, nakinig tayo taglay ang matinding interes sa ikalawang simposyum ng kombensiyon, “Mga Ministro na sa Pamamagitan Nila ay Nagiging Mananampalataya ang Iba.” Ang mga tagapagsalita sa simposyum na ito na may tatlong bahagi ay nagtampok sa bawat isa sa tatlong yugto na kasangkot sa pagtulong sa mga tao na maging mga mananampalataya—pagpapalaganap sa mensahe ng Kaharian, paglinang sa natagpuang interes, at pagtuturo sa mga interesado na sundin ang iniutos ni Kristo. Sa tulong ng mga panayam at mga pagsasadula, espesipiko nating nakita kung paano natin matuturuan ang iba upang maging mga alagad.
Ang sumunod na bahagi ay may paksang “Idagdag sa Inyong Pagbabata ang Makadiyos na Debosyon.” Ipinakita ng tagapagsalita na ang pinakamahalaga ay ‘makapagbata tayo hanggang sa wakas.’ (Mateo 24:13) Dapat nating gamitin ang lahat ng paglalaan ng Diyos—panalangin, personal na pag-aaral, mga pagpupulong, at ang ministeryo—upang malinang ang makadiyos na debosyon. Huwag nating hayaang agawin o sirain ng makasanlibutang mga pagnanasa at mga gawain ang ating makadiyos na debosyon.
Paano makasusumpong ng kaginhawahan ang mga taong nagpapagal at nabibigatan sa ngayon? Ang pahayag na “Pagkasumpong ng Kaginhawahan sa Ilalim ng Pamatok ni Kristo” ang sumagot sa tanong na iyan. May-kabaitang inanyayahan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na sumailalim sa kaniyang pamatok at matuto mula sa kaniya. (Mateo 11:28-30) Maaari tayong sumailalim sa pamatok ni Jesus sa pamamagitan ng maingat na pagsunod sa kaniyang halimbawa ng simple at timbang na pamumuhay. Ang pangunahing mga punto sa presentasyong ito ay pinatingkad ng mga panayam sa mga indibiduwal na pinasimple ang kanilang buhay.
Ang isa sa mga tampok na bahagi ng malalaking pagtitipon ng mga Saksi ni Jehova ay ang bautismo ng bagong nag-alay na mga lingkod ng Diyos. Mainit na tinanggap ng kapatid na nagpahayag ng diskursong “Ang Bautismo ay Umaakay sa Mas Malalaking Pribilehiyo ng Pagtuturo” ang mga kandidato sa bautismo at inanyayahan silang makibahagi sa higit na mga pribilehiyo sa paglilingkod. Ang bagong bautisadong mga guro ng Salita ng Diyos na nakaabot sa maka-Kasulatang mga kahilingan ay maaaring umabot sa iba’t ibang mga pananagutan sa kongregasyon.
“Tularan ang Dakilang Guro” ang pamagat ng unang pahayag nang hapong iyon. Sa loob ng di-mabilang na mga taon sa langit, maingat na minasdan at tinularan ni Jesus ang kaniyang Ama, sa gayo’y naging Dakilang Guro siya. Noong nasa lupa, gumamit siya ng epektibong mga pamamaraan sa pagtuturo, gaya ng nakaaantig na mga tanong at simple ngunit malinaw na mga ilustrasyon. Isinalig ni Jesus ang kaniyang turo sa Salita ng Diyos at nagsalita nang may sigla, init, at awtoridad. Hindi ba’t tayo’y napakilos na tularan ang Dakilang Guro?
Isa pang nakaaantig na pahayag, “Handa Ka Bang Maglingkod sa Iba?,” ang nagpasigla sa atin na tularan ang halimbawa ni Jesus sa paglilingkod sa ibang mga tao. (Juan 13:12-15) Tuwirang hinimok ng tagapagsalita ang kuwalipikadong mga lalaki na tularan si Timoteo sa pagsasamantala sa mga pagkakataon na tulungan ang iba. (Filipos 2:20, 21) Ang mga magulang ay pinatibay na tularan sina Elkana at Hana sa pagtulong sa kanilang mga anak na itaguyod ang buong-panahong ministeryo. At pinaalalahanan ang mga kabataan na tularan ang halimbawa ni Jesu-Kristo at ng kabataang si Timoteo sa pamamagitan ng kusang pagbibigay ng kanilang mga sarili sa paglilingkod. (1 Pedro 2:21) Tayo rin ay naantig ng mga salita ng mga indibiduwal na sinamantala ang mga pagkakataon upang maglingkod sa iba.
Ang tema ng ikatlong simposyum ay “Makinabang Nang Lalong Higit Mula sa Teokratikong Edukasyon.” Idiniin ng unang tagapagsalita ang kahalagahan ng pagpapahaba sa tagal ng pagtutuon natin ng pansin sa isang bagay. Upang maisakatuparan ang tunguhing ito, makapagpapasimula tayo sa pamamagitan ng maiikling sesyon sa personal na pag-aaral at sikaping pahabain ang mga ito. Pinasigla rin niya ang mga tagapakinig na hanapin ang mga kasulatan at kumuha ng mga nota sa panahon ng mga pagpupulong. Binalaan tayo ng ikalawang tagapagsalita sa pangangailangan na manghawakang mahigpit sa “parisan ng nakapagpapalusog na mga salita.” (2 Timoteo 1:13, 14) Upang maingatan ang ating mga sarili mula sa imoral na mga palabas sa media, mga pilosopiya ng tao, mapanuring kritisismo, at mga turo ng apostata, kailangan nating bilhin ang panahon para sa personal na pag-aaral at para sa pagdalo sa mga pagpupulong. (Efeso 5:15, 16) Itinampok ng panghuling tagapagsalita sa simposyum na iyon ang pangangailangan na isagawa ang mga bagay na natutuhan upang tayo ay makinabang nang lubusan mula sa teokratikong edukasyon.—Filipos 4:9.
Gayon na lamang ang ating pananabik na marinig ang pahayag na “Mga Bagong Paglalaan Para sa Ating Espirituwal na Pagsulong”! Nagsaya tayo sa pagkabatid na isang bagong aklat na pinamagatang Makinabang sa Edukasyon Mula sa Paaralang
Teokratiko Ukol sa Ministeryo ang malapit nang ilathala. Sabik na sabik tayo habang binubuod ng tagapagsalita ang mga nilalaman nito. Hinggil sa bahagi ng aklat na naglalaman ng ilang puntong ipinapayo sa pagsasalita, sinabi niya: “Ang bagong aklat-araling ito ay hindi isinulat na tulad ng sekular na aklat-aralin. Ang paraan sa paghaharap ng 53 aspektong ito ng mabuting pagbabasa, pagsasalita, at pagtuturo ay nakasalig sa mga simulain ng Kasulatan.” Ipakikita ng aklat na ito kung paano gumamit ang mga propeta, si Jesus at ang kaniyang mga alagad ng mahuhusay na kasanayan sa pagtuturo. Oo, ang aklat-araling ito at ang bagong mga pitak ng Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo ay tiyak na tutulong sa atin na maging mas mahuhusay na guro ng Salita ng Diyos.Ikatlong Araw—Maging mga Guro na Kayo Dahilan sa Panahon
Pagkatapos ng pagtalakay sa teksto sa panghuling araw na iyon, ang lahat ay nagbigay ng matamang pansin sa huling simposyum ng kombensiyon, “Inihahanda Tayo ng Hula ni Malakias Para sa Araw ni Jehova.” Si Malakias ay humula humigit-kumulang isang daang taon pagkatapos bumalik ang mga Judio mula sa Babilonya. Muli na naman silang naanod tungo sa apostasya at kabalakyutan, anupat winalang-galang ang pangalan ni Jehova sa pamamagitan ng pagwawalang-bahala sa kaniyang matutuwid na kautusan at sa pagdadala ng bulag, lumpo, at may sakit na mga hayop upang ihandog. Isa pa, dinidiborsiyo nila ang mga asawa ng kanilang kabataan, marahil upang makapag-asawa ng mga babaing banyaga.
Ang unang kabanata ng hula ni Malakias ay tumitiyak sa atin sa pag-ibig ni Jehova sa kaniyang bayan. Itinatampok nito ang pangangailangan na magkaroon ng may pagpipitagang pagkatakot kay Jehova gayundin ang pagpapahalaga sa sagradong mga bagay. Inaasahan ni Jehova na ibibigay natin sa kaniya ang ating pinakamabuti, anupat sinasamba siya dahil sa ating walang pag-iimbot na pag-ibig sa kaniya. Ang ating sagradong paglilingkod ay hindi dapat maging pormalidad lamang, at dapat tayong magsulit sa harap ng Diyos.
Sa pagkakapit ng ikalawang kabanata ng Malakias sa ating kaarawan, nagtanong ang tagapagsalita ng ikalawang simposyum: “Personal ba tayong alisto upang ‘walang kalikuang masusumpungan sa ating mga labi’?” (Malakias 2:6) Dapat na tiyakin ng mga nangunguna sa pagtuturo na ang kanilang sasabihin ay matibay na nakasalig sa Salita ng Diyos. Dapat nating kapootan ang gayong kataksilan na gaya ng walang-katarungang mga pakikipagdiborsiyo.—Malakias 2:14-16.
Sa pagsasalita sa temang “Sino ang Makaliligtas sa Araw ni Jehova?” tinulungan tayo ng huling tagapagsalita sa simposyum upang maihanda tayo sa araw ni Jehova. “Kaylaking kaaliwan na malaman ng mga lingkod ni Jehova na ang Malakias kabanata 3, talatang 17, ay pangunahin nang natutupad sa kanila!” ang bulalas ng tagapagsalita. “Sinasabi nito: ‘ “Sila ay tiyak na magiging akin,” ang sabi ni Jehova ng mga hukbo, “sa araw na ako ay maglalabas ng isang pantanging pag-aari. At mahahabag ako sa kanila, gaya ng pagkahabag ng isang tao sa kaniyang anak na naglilingkod sa kaniya.” ’ ”
Ang isa pang tampok na bahagi ng kombensiyon ay ang drama na may kumpletong kostiyum, “Igalang ang Awtoridad ni Jehova,” na nagsadula sa mga anak ni Kora. Sa kabila ng mapaghimagsik na saloobin ng kanilang Ama kay Moises at Aaron, nanatili silang matapat kay Jehova at sa kaniyang mga kinatawan. Bagaman nalipol si Kora at ang kaniyang mga tagasunod, nakaligtas ang mga anak ni Kora. Ikinapit ng sumunod na pahayag, “Matapat na Magpasakop sa Maka-Diyos na Awtoridad,” ang nilalaman ng drama sa bawat isa sa atin. Nagbabala ang tagapagsalita hinggil sa anim na larangan kung saan nabigo si Kora at ang kaniyang mga tagasunod: pagkabigong magpakita ng matapat na pagsuporta sa awtoridad ni Jehova; pagpapahintulot na madaig sila ng pagmamapuri, ambisyon, at paninibugho; pagtutuon ng pansin sa mga di-kasakdalan ng mga hinirang ni Jehova; pagkakaroon ng mareklamong saloobin; pagiging di-nasisiyahan sa kanilang mga pribilehiyo ng paglilingkod; at pag-una sa pagkakaibigan o kaugnayan sa pamilya kaysa sa katapatan kay Jehova.
“Sino ang mga Nagtuturo ng Katotohanan sa Lahat ng mga Bansa?” ang tema ng pahayag pangmadla. Ang katotohanang tinalakay ay hindi ang katotohanan sa pangkalahatan, kundi ang katotohanan tungkol sa layunin ni Jehova na pinatotohanan ni Jesu-Kristo. Isinaalang-alang ng tagapagsalita ang katotohanan na may kaugnayan sa mga paniniwala, ang katotohanan may kinalaman sa paraan ng pagsamba, at ang katotohanan may kaugnayan sa personal na paggawi. Sa paghahambing sa unang siglong mga Kristiyano at sa mga Saksi ni Jehova sa ngayon, ang ating pananalig na ‘ang Diyos ay tunay ngang nasa gitna natin’ ay talagang napatibay.—1 Corinto 14:25.
Pagkatapos ng isang sumaryo ng artikulo sa Bantayan para sa linggong iyon, ang lahat ng dumalong mga guro ng salita ng Diyos ay naantig na kumilos sa pamamagitan ng pangwakas na pahayag, “Apurahang Tinutupad ang Ating Atas na Magturo.” Idiniin ng maikling repaso sa programa ang kahalagahan ng paggamit sa Kasulatan sa pagtuturo, ang mga paraan kung paano tayo magiging kuwalipikadong mga guro, at ang pangangailangan na magkaroon ng pananalig sa katotohanan na itinuturo natin sa iba. Pinaalalahanan tayo ng tagapagsalita na ‘ihayag natin ang ating pagsulong’ at ‘laging bigyang-pansin natin ang ating sarili at ang ating turo.’—1 Timoteo 4:15, 16.
Kaylaking kapistahang espirituwal ang ating tinamasa sa “Mga Guro ng Salita ng Diyos” na Pandistritong Kombensiyon! Tularan nawa natin ang ating Dakilang Tagapagturo, si Jehova, at ang ating Dakilang Guro, si Jesu-Kristo, sa pagtuturo sa iba tungkol sa salita ng Diyos.
[Kahon/Mga Larawan sa pahina 28]
Bagong mga Publikasyon Upang Matugunan ang Pantanging mga Pangangailangan
Buong pananabik na tinanggap ng mga delegado sa “Mga Guro ng Salita ng Diyos” na Pandistritong Kombensiyon ang dalawang publikasyon na lubhang makatutulong sa pagtuturo ng maka-Kasulatang katotohanan sa mga tao sa ilang bahagi ng daigdig. Ang tract na pinamagatang Mayroon Ka Bang Imortal na Espiritu? ay magiging isang kapaki-pakinabang na kasangkapan sa pagpapasimula ng mga pag-uusap sa mga nakatira sa mga lupain na ang lokal na mga wika ay walang ipinakikitang pagkakaiba sa salitang “kaluluwa” at “espiritu.” Maliwanag na ipinakikita ng bagong tract na ang espiritung puwersa ay naiiba sa espiritung nilalang at na ang mga tao ay hindi nagiging mga espiritung nilalang kapag sila ay namatay.
Ang brosyur na Isang Kasiya-siyang Buhay—Kung Paano Ito Matatamo ay inilabas sa pagtatapos ng ikalawang araw ng kombensiyon. Ang brosyur na ito ay inihanda sa layuning pasimulan ang mga pag-aaral sa Bibliya sa mga walang konsepto hinggil sa isang Maylalang na may personalidad at sa isang aklat na kinasihan ng Diyos. Nagamit mo na ba ang bagong mga publikasyong ito sa iyong ministeryo?
[Mga larawan sa pahina 26]
Sa Milan, Italya, at sa mga kombensiyon sa buong daigdig, daan-daan ang nabautismuhan
[Larawan sa pahina 29]
Naantig ang mga tagapakinig sa dramang “Igalang ang Awtoridad ni Jehova”