Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Magkapatid na Nagkaroon ng Magkaibang Saloobin

Magkapatid na Nagkaroon ng Magkaibang Saloobin

Magkapatid na Nagkaroon ng Magkaibang Saloobin

ANG mga pagpapasiya na ginawa ng mga magulang ay tiyak na nakaiimpluwensiya sa kanilang mga anak. Ito’y totoo rin sa ngayon kagaya noon sa halamanan ng Eden. Ang mapaghimagsik na landasin nina Adan at Eva ay nagkaroon ng napakalaking epekto sa buong sangkatauhan. (Genesis 2:15, 16; 3:1-6; Roma 5:12) Gayunman, bawat isa sa atin ay may pagkakataon na paunlarin ang isang mabuting kaugnayan sa ating Maylalang kung iyon ang pinili nating gawin. Ito’y inilarawan sa ulat nina Cain at Abel, ang unang magkapatid sa kasaysayan ng tao.

Walang rekord sa Kasulatan na ang Diyos ay nakipagtalastasan kina Adan at Eva pagkatapos na sila’y palayasin sa halamanan ng Eden. Gayunman, si Jehova ay hindi umiwas sa pakikipagtalastasan sa kanilang mga anak. Mula sa kanilang mga magulang, walang alinlangan na napag-alaman nina Cain at Abel kung ano ang nangyari noon. Nakikita nila “ang mga kerubin at ang nagliliyab na talim ng tabak na patuloy na umiikot upang bantayan ang daan patungo sa punungkahoy ng buhay.” (Genesis 3:24) Nasaksihan din ng mga lalaking ito ang katotohanan ng kapahayagan ng Diyos na ang pawis at kirot ay magiging mga katotohanan ng buhay.​—Genesis 3:16, 19.

Maaaring alam nina Cain at Abel ang mga salita ni Jehova sa serpiyente: “Maglalagay ako ng alitan sa pagitan mo at ng babae at sa pagitan ng iyong binhi at ng kaniyang binhi. Siya ang susugat sa iyo sa ulo at ikaw ang susugat sa kaniya sa sakong.” (Genesis 3:15) Ang nalalaman nina Cain at Abel tungkol kay Jehova ay makatutulong sa kanila na paunlarin ang isang sinang-ayunang kaugnayan sa kaniya.

Ang pagbubulay-bulay sa hula ni Jehova at sa kaniyang mga katangian bilang isang maibiging Tagapagpala ay tiyak na nagbunga na hangarin nina Cain at Abel ang pagsang-ayon ng Diyos. Subalit hanggang saan nila mapauunlad ang hangaring iyon? Sila kaya ay tutugon sa kanilang likas na hangaring sambahin ang Diyos at paunlarin ang kanilang espirituwalidad hanggang sa punto ng pagsasagawa ng pananampalataya sa kaniya?​—Mateo 5:3.

Ang Magkapatid ay Nagdala ng mga Handog

Nang sumapit ang panahon, sina Cain at Abel ay nagdala ng mga handog sa Diyos. Si Cain ay naghain ng mga bunga ng lupa, at si Abel naman ay naghandog ng mga panganay ng kaniyang kawan. (Genesis 4:3, 4) Ang mga lalaking ito ay maaaring mga 100 taóng gulang noon, dahil si Adan ay 130 taon nang siya’y maging ama sa kaniyang ikatlong anak na lalaki, si Set.​—Genesis 4:25; 5:3.

Ang kanilang mga hain ay nagpapakita na kinikilala nina Cain at Abel ang kanilang makasalanang kalagayan at ninanasa ang pagsang-ayon ng Diyos. Kahit paano, napag-isipan nila ang pangako ni Jehova may kaugnayan sa serpiyente at sa Binhi ng babae. Hindi binanggit kung gaano karaming panahon at pagsisikap ang ginugol nina Cain at Abel upang paunlarin ang isang sinang-ayunang kaugnayan kay Jehova. Ngunit ang reaksiyon ng Diyos sa kanilang mga handog ay nagsisiwalat ng kaunawaan sa kaloob-loobang kaisipan ng bawat isa.

Ipinahihiwatig ng ilang mga iskolar na minalas ni Eva si Cain bilang ang “binhi” na dudurog sa serpiyente, sapagkat nang ipanganak si Cain ay sinabi niya: “Ako ay nagluwal ng isang lalaki sa tulong ni Jehova.” (Genesis 4:1) Kung ganito rin ang paniniwala ni Cain, siya ay maling-mali. Sa kabilang dako naman, may kalakip na pananampalataya ang hain ni Abel. Kaya nga, “sa pananampalataya si Abel ay naghandog sa Diyos ng hain na lalong higit ang halaga kaysa kay Cain.”​—Hebreo 11:4.

Hindi lamang ang espirituwal na kaunawaan ni Abel at ang kawalan nito ni Cain ang tanging pagkakaiba ng magkapatid na ito. Mayroon ding pagkakaiba sa kanilang mga saloobin. Sa gayon, “samantalang si Jehova ay nagpakita ng paglingap kay Abel at sa kaniyang handog, siya ay hindi nagpakita ng anumang paglingap kay Cain at sa kaniyang handog.” Malamang na hindi gaanong pinag-isipang mabuti ni Cain ang kaniyang paghahandog at wala sa puso ang kaniyang paghahain. Ngunit hindi sinasang-ayunan ng Diyos ang pormal lamang na pagsamba. Nagkaroon si Cain ng isang masamang puso, at nalalaman ni Jehova na siya’y may maling mga motibo. Ang reaksiyon ni Cain sa pagtanggi sa kaniyang handog ay nagpapakita ng kaniyang tunay na saloobin. Sa halip na hangaring ituwid ang kaniyang saloobin at mga motibo, “si Cain ay nag-init sa matinding galit, at nagsimulang mamanglaw ang kaniyang mukha.” (Genesis 4:5) Ang paraan ng kaniyang paggawi ay nagsiwalat sa balakyot na mga ideya at mga intensiyon.

Ang Babala at ang Reaksiyon

Sa pagkaalam ng saloobin ni Cain, ang Diyos ay nagpayo sa kaniya: “Bakit ka nag-iinit sa galit at bakit namamanglaw ang iyong mukha? Kung gagawa ka ng mabuti, hindi ba magkakaroon ng pagkakataas? Ngunit kung hindi ka gagawa ng mabuti, ang kasalanan ay nakaabang sa pasukan, at ikaw ang hinahangad niyaon; at mapananaigan mo ba naman iyon?”​—Genesis 4:6, 7.

Mayroong isang leksiyon dito para sa atin. Sa katunayan, ang mga pagkakataon na magkasala ay nakaabang upang sumakmal sa atin. Ngunit, binigyan tayo ng Diyos ng kalayaang magpasiya, at maaari tayong pumili upang gawin kung ano ang tama. Hinimok ni Jehova si Cain na ‘gumawa ng mabuti,’ subalit hindi Niya ito pinilit na magbago. Pinili ni Cain ang kaniyang sariling paraan.

Ang kinasihang ulat ay nagpatuloy: “Pagkatapos ay sinabi ni Cain kay Abel na kaniyang kapatid: ‘Pumaroon tayo sa parang.’ Kaya nangyari, nang sila ay nasa parang, dinaluhong ni Cain si Abel na kaniyang kapatid at pinatay niya ito.” (Genesis 4:8) Sa gayon, si Cain ay naging isang masuwayin, walang-habag na mamamaslang. Siya’y hindi man lamang nagpakita ng anumang pahiwatig ng pagsisisi nang magtanong si Jehova: “Nasaan si Abel na iyong kapatid?” Sa halip, sa paraang walang-awa at walang-pakundangan, si Cain ay sumagot: “Hindi ko alam. Ako ba ang tagapag-alaga ng aking kapatid?” (Genesis 4:9) Ang gayong tahasang pagsisinungaling at pagkakaila sa pananagutan ay nagbunyag sa kalupitan ni Cain.

Isinumpa ni Jehova si Cain at siya’y pinalayas mula sa kapaligiran ng Eden. Ang sumpa na inilapat sa lupa ay maliwanag na mas mailalapat sa kaso ni Cain, at ang lupa ay hindi magiging mabunga pagkatapos na sakahin niya ito. Siya’y magiging palaboy at isang takas sa lupa. Ang pagrereklamo ni Cain sa bigat ng kaniyang kaparusahan ay nagpahayag ng pagkabahala na ang pagpatay sa kaniyang kapatid ay ipaghihiganti sa kaniya, ngunit siya’y hindi nagpakita ng taimtim na pagsisisi. Si Jehova ay naglagay ng “isang tanda” para kay Cain​—malamang ito’y isang mapitagang dekreto na hayag at nakikita ng iba at nilayon upang hindi siya mapatay dahil sa paghihiganti.​—Genesis 4:10-15.

Sa gayon si Cain ay “umalis mula sa harapan ni Jehova at nanahanan sa lupain ng Pagtakas sa dakong silangan ng Eden.” (Genesis 4:16) Pagkakuha ng isang asawa mula sa kaniyang mga kapatid na babae o mga pamangkin, siya’y nagtayo ng isang lunsod na ipinangalan niya kay Enoc, ang kaniyang panganay na anak. Si Lamec na inapo ni Cain ay naging marahas na kaparis ng kaniyang di-makadiyos na ninuno. Ngunit ang angkan ng pamilya ni Cain ay naparam noong Baha nang kaarawan ni Noe.​—Genesis 4:17-24.

Mga Aral Para sa Atin

May matututuhan tayo mula sa mga ulat nina Cain at Abel. Pinapayuhan ni apostol Juan ang mga Kristiyano na mag-ibigan sa isa’t isa, “hindi tulad ni Cain, na nagmula sa isa na balakyot at pumatay sa kaniyang kapatid.” Ang kay Cain na “mga gawa ay balakyot, ngunit yaong sa kapatid niya ay matuwid.” Si Juan ay nagsasabi rin: “Ang bawat isa na napopoot sa kaniyang kapatid ay mamamatay-tao, at alam ninyo na walang mamamatay-tao ang may buhay na walang hanggan na nananatili sa kaniya.” Oo, ang paraan ng ating pakikitungo sa kapuwa mga Kristiyano ay nakaaapekto sa ating kaugnayan sa Diyos at sa ating pag-asa sa hinaharap. Hindi natin maaaring kapootan ang sinuman sa ating mga kapananampalataya at tamasahin pa rin ang pagsang-ayon ng Diyos.​—1 Juan 3:11-15; 4:20.

Sina Cain at Abel ay nagkaroon ng magkatulad na pagpapalaki, ngunit si Cain ay walang pananampalataya sa Diyos. Sa katunayan, ang ipinakita niya ay espiritu ng Diyablo, ang orihinal na ‘mamamatay-tao at ama ng kasinungalingan.’ (Juan 8:44) Ang landasin ni Cain ay nagpapakita na tayong lahat ay may pagpipilian, na yaong pumipili na magkasala ay inihihiwalay ang kanilang sarili mula sa Diyos, at na hahatulan ni Jehova ang mga di-nagsisisi.

Sa kabilang dako naman, si Abel ay nagsagawa ng pananampalataya kay Jehova. Sa katunayan, “sa pananampalataya si Abel ay naghandog sa Diyos ng hain na lalong higit ang halaga kaysa kay Cain, na sa pamamagitan ng pananampalatayang ito ay pinatotohanan siya na siya ay matuwid, na ang Diyos ang nagpapatotoo may kaugnayan sa kaniyang mga kaloob.” Bagaman ang Kasulatan ay hindi nag-ulat ng anumang salita na binigkas ni Abel, sa pamamagitan ng kaniyang huwarang pananampalataya, siya ay “nagsasalita pa.”​—Hebreo 11:4.

Si Abel ang una sa mahabang linya ng mga nag-iingat ng katapatan. Ang kaniyang dugo, na ‘sumisigaw kay Jehova mula sa lupa,’ ay hindi nakalimutan. (Genesis 4:10; Lucas 11:48-51) Kung tayo ay magsasagawa ng pananampalataya tulad ng ginawa ni Abel, tayo rin ay maaaring magtamasa ng isang mahalaga at namamalaging kaugnayan kay Jehova.

[Kahon sa pahina 22]

ANG MAGSASAKA AT ANG PASTOL

Ang pagsasaka ng lupa at pangangalaga sa mga hayop ay ilan sa orihinal na bigay-Diyos na mga pananagutan ni Adan. (Genesis 1:28; 2:15; 3:23) Si Cain na kaniyang anak ay nagsaka ng lupa, at si Abel naman ay naging isang pastol. (Genesis 4:2) Yamang ang tanging pagkain ng sangkatauhan ay binubuo lamang ng mga prutas at mga gulay hanggang sa pagkaraan ng Baha, bakit mag-aalaga ng tupa?​—Genesis 1:29; 9:3, 4.

Upang mabuhay, kailangan ng tupa ang pangangalaga ng tao. Ang hanapbuhay ni Abel ay nagpapatunay na inalagaan ng tao ang domestikong mga hayop na ito mula pa sa pasimula ng kasaysayan ng sangkatauhan. Hindi sinasabi ng Kasulatan kung ginamit ng mga tao noong bago ang baha ang gatas ng hayop bilang pinagmumulan ng pagkain, subalit maaaring gamitin maging niyaong mga di-kumakain ng karne ang balahibo ng tupa. At kapag ang tupa ay namatay, ang kanilang mga balat ay magagamit sa kapaki-pakinabang na mga layunin. Halimbawa, upang damtan sina Adan at Eva, si Jehova ay naglaan ng “mahahabang kasuutang balat.”​—Genesis 3:21.

Sa anumang kalagayan, waring makatuwirang ipalagay na sina Cain at Abel ay nagtulungan sa isa’t isa noong una. Sila’y gumawa ng isang bagay na kinakailangan ng iba sa pamilya upang damtan at mapakain nang mabuti ang mga ito.

[Larawan sa pahina 23]

Ang “mga gawa [ni Cain] ay balakyot, ngunit yaong sa kapatid niya ay matuwid.”