Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Gaano ba Kahalaga ang Kalinisan?

Gaano ba Kahalaga ang Kalinisan?

Gaano ba Kahalaga ang Kalinisan?

ANG kalinisan ay nangangahulugan ng iba’t ibang bagay sa iba’t ibang tao. Halimbawa, kapag sinasabi ng isang ina sa kaniyang maliit na anak na maghugas ito ng kaniyang mga kamay at mukha, maaaring isipin ng anak na sapat na ang basta basain ng tubig sa gripo ang dulo ng kaniyang mga daliri at labi. Ngunit mas marunong ang Ina. Ibinalik niya ang kaniyang anak sa gripo at sinabong mabuti ang mga kamay at mukha ng anak at saka binanlawan ng tubig​—sa kabila ng matinding pagtutol nito!

Ang totoo, hindi pare-pareho ang mga pamantayan sa kalinisan sa buong daigdig, at ang mga tao ay lumaki na may iba’t ibang konsepto sa kalinisan. Noong nakalipas na mga panahon, ang isang malinis at masinop na kapaligiran ng paaralan sa maraming bansa ang tumulong sa mga estudyante na magkaroon ng mabubuting kinaugalian sa kalinisan. Sa ngayon, ang ilang bakuran ng paaralan ay punung-punô ng kalat at mga sukal anupat parang basurahan ang mga ito sa halip na isang lugar para maglaro at mag-ehersisyo. At kumusta naman ang mga silid-aralan? Si Darren, isang diyanitor ng isang haiskul sa Australia, ay nagsabi: “Ngayon ay makikita na rin natin ang basura sa loob ng silid-aralan.” Itinuturing ng ilang estudyante ang tagubilin na “Pulutin ito” o “Linisin ito” na nangangahulugang sila’y pinarurusahan. Ang problema ay na talagang ginagamit ng ilang guro ang paglilinis bilang paraan ng pagpaparusa.

Sa kabilang panig, ang mga adulto ay hindi laging mabubuting halimbawa sa kalinisan, sa pang-araw-araw na pamumuhay man o sa daigdig ng negosyo. Halimbawa, maraming pampublikong lugar ang pinababayaang marumi at pangit tingnan. Dinudumhan ng ilang industriya ang kapaligiran. Gayunman, ang polusyon ay kagagawan, hindi ng walang-buhay na mga industriya at mga negosyo, kundi ng mga tao. Bagaman ang kasakiman ang malamang na pangunahing dahilan ng pambuong-daigdig na problema sa polusyon at sa maraming masasamang epekto nito, bahagi ng problema ay bunga ng maruruming personal na kinaugalian. Sinuportahan ng isang dating direktor-heneral ng Commonwealth of Australia ang konklusyong ito nang sabihin niya: “Ang lahat ng mga isyu hinggil sa kalusugang pambayan ay nauuwi sa pagsasaalang-alang sa kalinisan ng bawat indibiduwal.”

Gayunman, nadarama ng ilan na ang kalinisan ay isang personal na bagay at hindi dapat ikabahala ng iba pa. Totoo nga ba ito?

Napakahalaga ng kalinisan pagdating sa ating pagkain​—binibili man natin ito sa pamilihan, kinakain ito sa isang restawran, o kumakain man tayo sa bahay ng isang kaibigan. Ang isang mataas na pamantayan sa kalinisan ay inaasahan sa mga humahawak o naghahain ng ating pagkain. Ang maruruming kamay​—nila o natin​—ay maaaring maging sanhi ng maraming sakit. Kumusta naman ang mga ospital​—higit kaysa sa iba pang dako, ang lugar na inaasahan nating makikita ang kalinisan? Iniulat ng The New England Journal of Medicine na ang di-nahugasang kamay ng mga doktor at nars ay makatutulong na ipaliwanag kung bakit ang mga pasyente sa ospital ay nagkakaroon ng mga impeksiyon na pinagkakagastusan ng hanggang sampung bilyong dolyar bawat taon upang gamutin. Angkop lamang na asahan nating walang sinuman ang magsasapanganib ng ating kalusugan dahil sa kaniyang maruruming kinaugalian.

Isa ring napakaseryosong bagay kapag dinudumhan ng isa​—sinasadya man o di-pinag-iisipan​—ang ating mga suplay ng tubig. At gaano ba kaligtas ang maglakad nang nakayapak sa dalampasigan kung saan makakakita ang isa ng mga nagamit nang heringgilya na naiwan ng mga sugapa sa droga at iba pa? Marahil ang lalo pang mahalaga ay ang tanong na: Ang kalinisan ba ay kinaugalian sa aming sariling tahanan?

Si Suellen Hoy, sa kaniyang aklat na Chasing Dirt, ay nagtanong: “Tayo ba ay kasinlinis na gaya noon?” Sumagot siya: “Malamang na hindi.” Tinukoy niya ang pabagu-bagong mga pamantayan sa lipunan bilang pangunahing dahilan. Habang paunti nang paunting panahon ang ginugugol ng mga tao sa tahanan, binabayaran na lamang nila ang iba upang siyang maglinis para sa kanila. Bunga nito, ang pagmamantini ng isang malinis na kapaligiran ay hindi na priyoridad. “Hindi ako naglilinis ng banyo​—ang sarili ko ang nililinis ko,” ang sabi ng isang lalaki. “Kahit paano, kung marumi ang bahay ko, malinis naman ako.”

Gayunman, ang kalinisan ay higit pa kaysa sa panlabas na anyo. Ito ay isang saklaw-ang-lahat na etika sa malusog na pamumuhay. Ito ay isa ring kalagayan ng isip at puso na nagsasangkot sa ating moral at pagsamba. Tingnan natin kung paano naging ganito ang kalagayan.