Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Matuto ng Aral Mula kay Nicodemo

Matuto ng Aral Mula kay Nicodemo

Matuto ng Aral Mula kay Nicodemo

“KUNG ang sinuman ay nagnanais na sumunod sa akin, itatwa niya ang kaniyang sarili at buhatin ang kaniyang pahirapang tulos sa araw-araw at sundan ako nang patuluyan.” (Lucas 9:23) Agad na tinanggap ng mapagpakumbabang mga mangingisda at isang hinahamak na maniningil ng buwis ang imbitasyong iyan. Iniwan nila ang lahat upang sumunod kay Jesus.​—Mateo 4:18-22; Lucas 5:27, 28.

Ang panawagan ni Jesus ay napakikinggan pa rin ngayon, at marami ang tumutugon. Gayunman, ang ilan na nasisiyahang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova ay nag-aatubili na ‘itatwa ang kanilang sarili at buhatin ang kanilang pahirapang tulos.’ Sila’y bantulot na tanggapin ang pananagutan at ang pribilehiyo na maging mga alagad ni Jesus.

Bakit ang ilan ay nag-aatubiling tanggapin ang imbitasyon ni Jesus at mag-alay ng kanilang sarili sa Diyos na Jehova? Totoo, yaong mga hindi pinalaki sa Judeo-Kristiyanong ideya ng pagsamba sa iisang Diyos ay maaaring mangailangan ng sapat na panahon bago lubos na maunawaan ang pag-iral ng isang personal at makapangyarihan-sa-lahat na Maylalang. Gayunman, kahit na pagkatapos na sila’y makumbinsi na ang Diyos ay totoo, ang iba’y tumatanggi na sumunod sa mga yapak ni Jesus. Maaaring ikinatatakot nila kung ano ang iisipin tungkol sa kanila ng kanilang mga kamag-anak at mga kaibigan kapag sila’y naging mga Saksi ni Jehova. Ang iba naman, na hindi nakikita ang pagkaapurahan ng ating kinabubuhayang panahon, ay bumabaling sa paghahangad ng katanyagan at kayamanan. (Mateo 24:36-42; 1 Timoteo 6:9, 10) Anuman ang maging kaso, para doon sa patuloy na ipinagpapaliban ang kanilang desisyon na maging mga tagasunod ni Jesus, may aral na matutuhan mula sa ulat tungkol kay Nicodemo, isang mayamang Judio na tagapamahala noong kaarawan ni Jesus.

Pinagpala ng Kahanga-hangang mga Pagkakataon

Mga anim na buwan lamang pagkatapos na pasimulan ni Jesus ang kaniyang makalupang ministeryo, kinilala ni Nicodemo si Jesus ‘bilang isang guro na nagmula sa Diyos.’ Palibhasa’y namangha sa mga himalang ginawa ni Jesus hindi pa natatagalan sa Jerusalem noong Paskuwa ng 30 C.E., si Nicodemo ay dumating nang gabi, upang ipagtapat ang kaniyang paniniwala kay Jesus at upang matuto nang higit pa tungkol sa gurong ito. Sa pagkakataong iyon, sinabi ni Jesus kay Nicodemo ang isang malalim na katotohanan tungkol sa pangangailangan na “ipinanganak muli” upang makapasok sa Kaharian ng Diyos. Sa okasyong ito, sinabi rin ni Jesus ang mga salitang: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.”​—Juan 3:1-16.

Ano ngang kamangha-manghang pag-asa ang nasa harapan ni Nicodemo! Maaari siyang maging isang matalik na kasamahan ni Jesus, na mismong makasasaksi sa iba’t ibang aspekto ng buhay ni Jesus sa lupa. Bilang isang tagapamahala ng mga Judio at isang guro sa Israel, taglay ni Nicodemo ang saganang kaalaman sa Salita ng Diyos. May malalim din siyang unawa, tulad ng makikita sa kaniyang pagkilala kay Jesus bilang isang guro na isinugo ng Diyos. Si Nicodemo ay interesado sa espirituwal na mga bagay, at siya’y may di-karaniwang kapakumbabaan. Napakahirap para sa isang miyembro ng kataas-taasang hukuman ng mga Judio na kilalanin ang isang anak ng hamak na karpintero bilang isang tao na isinugo mula sa Diyos! Ang lahat ng gayong mga katangian ay napakahalaga sa isang tao upang maging isang alagad ni Jesus.

Ang interes ni Nicodemo sa lalaking ito na taga-Nazaret ay waring hindi nabawasan. Pagkaraan ng dalawa’t kalahating taon, sa Kapistahan ng mga Kubol, si Nicodemo ay dumalo sa pagtitipon ng Sanedrin. Sa panahong ito, si Nicodemo ay nananatili pa ring “isa sa kanila.” Ang punong saserdote at ang mga Pariseo ay nagpadala ng mga opisyal upang arestuhin si Jesus. Ang mga opisyal ay bumalik at nag-ulat: “Walang sinumang tao ang nakapagsalita nang tulad nito.” Sinimulan silang hamakin ng mga Pariseo: “Hindi rin naman kayo nailigaw, hindi ba? Walang isa man sa mga tagapamahala o sa mga Pariseo ang nanampalataya sa kaniya, hindi ba? Ngunit ang pulutong na ito na hindi nakaaalam ng Kautusan ay mga taong isinumpa.” Si Nicodemo ay hindi na nakapagpigil sa pagsasalita. Siya’y nagsabi: “Hindi hinahatulan ng ating kautusan ang isang tao malibang marinig muna sa kaniya at malaman kung ano ang kaniyang ginagawa, hindi ba?” Siya ngayon ay naging tampulan ng kritisismo mula sa ibang mga Pariseo: “Hindi ka rin naman mula sa Galilea, hindi ba? Magsaliksik ka at tingnan mo na walang propetang ibabangon mula sa Galilea.”​—Juan 7:1, 10, 32, 45-52.

Pagkaraan ng mga anim na buwan, sa Araw ng Paskuwa ng 33 C.E., nasaksihan ni Nicodemo na ibinababa ang katawan ni Jesus mula sa pahirapang tulos. Siya’y tumulong kay Jose na taga-Arimatea, isa pang miyembro ng Sanedrin, sa paghahanda ng katawan ni Jesus para sa libing. Para sa layuning iyon, si Nicodemo ay nagdala ng “isang rolyo ng mira at mga aloe” na tumitimbang ng mga 100 libra ng Romano, na katumbas ng 72 libra ng Ingles. Ito’y lumalarawan sa ginastos na malaking halaga ng salapi. Kailangan din niya ng lakas ng loob upang maituring na kasama ng “impostor na iyon,” gaya ng pagtawag ng kapuwa niya mga Pariseo kay Jesus. Sa pamamagitan ng mabilis na paghahanda sa katawan ni Jesus para sa libing, inilagay ng dalawa si Jesus sa isang kalapit na bagong alaalang libingan. Gayunman, kahit na sa mga sandaling ito, si Nicodemo ay hindi pa rin nakikilala bilang isang alagad ni Jesus!​—Juan 19:38-42; Mateo 27:63; Marcos 15:43.

Kung Bakit Hindi Siya Kumilos

Hindi inihayag ni Juan sa kaniyang ulat kung bakit nag-atubili si Nicodemo na ‘dalhin ang kaniyang pahirapang tulos’ at sumunod kay Jesus. Gayunman, nag-iwan siya ng ilang palatandaan na maaaring makapagpaliwanag kung bakit hindi nakapagpasiya ang Pariseong ito.

Una sa lahat, binanggit ni Juan na ang tagapamahalang Judio ay ‘pumaroon kay [Jesus] nang gabi.’ (Juan 3:2) Isang iskolar ng Bibliya ang nagpaliwanag: “Si Nicodemo ay pumaroon nang gabi, hindi dahil sa takot, kundi upang iwasan ang maraming tao na makaaabala sa kaniyang pakikipanayam kay Jesus.” Gayunpaman, tinukoy ni Juan si Nicodemo bilang ‘ang taong pumaroon kay [Jesus] nang gabi noong unang pagkakataon’ sa konteksto ring iyon kung saan tinukoy niya si Jose na taga-Arimatea bilang “isang alagad ni Jesus ngunit palihim dahil sa takot niya sa mga Judio.” (Juan 19:38, 39) Kung gayon, malamang na ang pagbisita ni Nicodemo kay Jesus nang gabi “dahil sa takot niya sa mga Judio,” ay katulad din ng iba noong kaniyang kaarawan na takót na magkaroon ng anumang kaugnayan kay Jesus.​—Juan 7:13.

Ipinagpapaliban mo ba ang iyong desisyon na maging isang alagad ni Jesus dahil sa maaaring sabihin ng iyong mga kamag-anak, kaibigan, o mga kasamahan? “Ang panginginig sa harap ng mga tao ang siyang nag-uumang ng silo,” ang sabi ng isang kawikaan. Paano mo haharapin ang gayong pagkatakot? Ang kawikaan ay nagpapatuloy: “Ngunit siyang nagtitiwala kay Jehova ay ipagsasanggalang.” (Kawikaan 29:25) Upang patibayin ang pagtitiwalang iyon kay Jehova, kailangan mong personal na maranasan na ang Diyos ay aalalay sa iyo kapag ikaw ay nasa kagipitan. Manalangin ka kay Jehova, at hilingin mo sa kaniya na bigyan ka ng lakas ng loob na makagawa nang kahit maliliit na pagpapasiya may kaugnayan sa iyong pagsamba. Unti-unti, ang iyong pananampalataya at pagtitiwala kay Jehova ay lalago hanggang sa punto na makagawa ka ng mahalagang mga pagpapasiya na kasuwato ng kalooban ng Diyos.

Ang posisyon at katanyagan ni Nicodemo bilang isang miyembro ng mga taong namamahala ay maaaring nakahadlang din sa kaniya sa paggawa ng mahalagang hakbang ng pagtatatwa sa kaniyang sarili. Nang panahong iyon, maaaring mayroon pa rin siyang matinding pagmamahal sa kaniyang posisyon bilang isang miyembro ng Sanedrin. Ikaw ba’y nag-aatubiling kumilos upang maging alagad ni Kristo sapagkat maaaring maiwala mo ang isang tanyag na posisyon sa lipunan o nangangailangang isakripisyo ang ilang pagkakataon para sa pag-asenso? Wala sa mga bagay na ito ang maaaring ihambing sa karangalan na makapaglingkuran sa Kataas-taasan ng sansinukob, na handang tumugon sa ating mga kahilingan ayon sa kaniyang kalooban.​—Awit 10:17; 83:18; 145:18.

Ang isa pang posibleng dahilan ng pagpapaliban ni Nicodemo ay maaaring may kaugnayan sa kaniyang kayamanan. Bilang isang Pariseo, maaaring naimpluwensiyahan siya ng iba, “na mga maibigin sa salapi.” (Lucas 16:14) Ang katotohanan na siya’y nakapaglaan ng isang mamahaling rolyo ng mira at mga aloe ay nagpapatunay sa kaniyang yaman. Patuloy na ipinagpapaliban ng ilan sa ngayon ang kanilang desisyon na tanggapin ang mga pananagutan ng isang Kristiyano sapagkat sila’y nababahala tungkol sa kanilang materyal na mga pag-aari. Gayunman, si Jesus ay nagpayo sa kaniyang mga tagasunod: “Huwag na kayong mabalisa tungkol sa inyong mga kaluluwa kung ano ang inyong kakainin o kung ano ang inyong iinumin, o tungkol sa inyong mga katawan kung ano ang inyong isusuot. . . . Sapagkat nalalaman ng inyong makalangit na Ama na kailangan ninyo ang lahat ng mga bagay na ito. Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran, at ang lahat ng iba pang mga bagay na ito ay idaragdag sa inyo.”​—Mateo 6:25-33.

Malaki ang Nawala sa Kaniya

Kapansin-pansin, ang ulat tungkol kay Nicodemo, na makikita lamang sa Ebanghelyo ni Juan, ay walang sinasabi kung siya’y naging tagasunod ni Jesus o hindi. Ayon sa isang paniniwala, si Nicodemo ay nanindigan para kay Jesus, nabautismuhan, naging puntirya ng pag-uusig ng mga Judio, naalis mula sa kaniyang posisyon, at sa wakas ay pinalayas mula sa Jerusalem. Anuman ang kaso, isang bagay ang tiyak: Malaki ang nawala sa kaniya dahil sa pagpapaliban samantalang si Jesus ay narito pa sa lupa.

Kung nagpasimula si Nicodemo na sumunod kay Jesus sa panahon mismo ng kaniyang unang pakikipagtagpo sa Panginoon, malamang na siya’y naging isang matalik na alagad ni Jesus. Sa kaniyang taglay na kaalaman, kaunawaan, kapakumbabaan, at kabatiran sa espirituwal na mga pangangailangan, maaari sanang naging isang tanyag na alagad si Nicodemo. Oo, napakinggan sana niya ang kahanga-hangang mga pahayag ng Dakilang Guro, natuto ng mahahalagang aral mula sa mga ilustrasyon ni Jesus, nasaksihan ang kagila-gilalas na mga himala na isinagawa ni Jesus, at napatibay mula sa mga pangwakas na paalaala ni Jesus sa kaniyang mga apostol. Ngunit lahat nang ito’y pinalampas niya.

Ang hindi pagpapasiya ni Nicodemo ay nangahulugan ng malaking kawalan sa kaniya. Kasama rito ang magiliw na paanyaya ni Jesus: “Pumarito kayo sa akin, lahat kayo na nagpapagal at nabibigatan, at pagiginhawahin ko kayo. Pasanin ninyo ang aking pamatok at matuto kayo mula sa akin, sapagkat ako ay mahinahong-loob at mababa ang puso, at masusumpungan ninyo ang kaginhawahan ng inyong mga kaluluwa. Sapagkat ang aking pamatok ay may-kabaitan at ang aking pasan ay magaan.” (Mateo 11:28-30) Pinalampas ni Nicodemo ang pagkakataon na literal na maranasan ang kaginhawahang ito mula kay Jesus mismo!

Kumusta Ka Naman?

Sapol pa noong 1914, nasa langit na si Jesus-Kristo bilang Hari ng makalangit na Kaharian ng Diyos. Inihuhula kung ano ang magaganap sa panahon ng kaniyang pagkanaririto, sinabi niya bukod sa iba pang mga bagay: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.” (Mateo 24:14) Bago dumating ang wakas, kailangang maisakatuparan ang pangangaral na ito sa buong daigdig. Nalulugod si Jesu-Kristo na magkaroon ng bahagi ang di-sakdal na mga tao. Ikaw rin ay maaaring magkaroon ng bahagi sa gawaing ito.

Kinikilala ni Nicodemo na si Jesus ay nagmula sa Diyos. (Juan 3:2) Mula sa pag-aaral ng Bibliya, maaari ka ring magkaroon ng gayunding konklusyon. Maaaring may ginawa ka nang mga pagbabago sa iyong paraan ng pamumuhay upang iayon ito sa mga pamantayan ng Bibliya. Maaaring dumadalo ka pa nga sa mga pagpupulong ng mga Saksi ni Jehova upang kumuha pa ng karagdagang kaalaman sa Bibliya. Karapat-dapat kang papurihan para sa gayong mga pagsisikap. Gayunman, si Nicodemo ay nangangailangang gumawa ng higit pa kaysa sa pagpapakita lamang ng pagpapahalaga kay Jesus bilang ang isa na sinugo ng Diyos. Kailangan na “itatwa niya ang kaniyang sarili at buhatin ang kaniyang pahirapang tulos sa araw-araw at sundan [si Jesus] nang patuluyan.”​—Lucas 9:23.

Isapuso ang sinabi ni apostol Pablo sa atin. Sumulat siya: “Yamang gumagawang kasama niya, namamanhik din kami sa inyo na huwag tanggapin ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos at sumala sa layunin nito. Sapagkat sinasabi niya: ‘Sa isang kaayaayang panahon ay dininig kita, at sa isang araw ng kaligtasan ay tinulungan kita.’ Narito! Ngayon ang lalong kaayaayang panahon. Narito! Ngayon ang araw ng kaligtasan.”​—2 Corinto 6:1, 2.

Ngayon na ang panahon upang paunlarin ang pananampalataya na magpapakilos sa iyo. Upang maisakatuparan ito, bulay-bulayin ang mga bagay na iyong pinag-aaralan sa Bibliya. Manalangin kay Jehova, at hilingin ang kaniyang tulong upang maipakita ang gayong pananampalataya. Samantalang nararanasan mo ang kaniyang ibinibigay na tulong, ang iyong pasasalamat at pag-ibig sa kaniya ay magpapakilos sa iyo upang naisin mong ‘itatwa ang iyong sarili at buhatin ang iyong pahirapang tulos sa araw-araw at sumunod kay Jesu-Kristo nang patuluyan.’ Kikilos ka ba ngayon?

[Larawan sa pahina 9]

Sa pasimula, si Nicodemo ay buong-tapang na nanindigan para kay Jesus

[Larawan sa pahina 9]

Sa kabila ng pagsalansang, tumulong si Nicodemo sa paghahanda ng katawan ni Jesus para sa libing

[Larawan sa pahina 10]

Ang personal na pag-aaral at panalangin ay makapagpapalakas sa iyo upang kumilos

[Larawan sa pahina 10]

Tatanggapin mo ba ang pribilehiyong gumawa sa ilalim ng pangunguna ni Jesu-Kristo?