Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Alin sa mga pagbabawal sa pag-aasawa sa pagitan ng magkakamag-anak na nasa Kautusang Mosaiko ang kapit sa mga Kristiyano sa ngayon?

Ang Kautusang ibinigay ni Jehova sa bansang Israel ay walang gaanong sinasabi tungkol sa mga seremonya at mga pamamaraan hinggil sa kasal. Subalit, naglalaman ito ng mga pagbabawal may kinalaman sa ilang kaugnayan sa pag-aasawa. Halimbawa, sa Levitico 18:6-20, masusumpungan natin ang listahan ng ipinagbabawal na mga kaugnayan na nagsasangkot sa isang ‘malapit na kamag-anak sa laman.’ Detalyadong binalangkas ng mga talatang iyon kung sinong magkakamag-anak ang hindi dapat magkaroon ng seksuwal na kaugnayan sa isa’t isa. Sabihin pa, ang mga Kristiyano ay wala sa ilalim ng Kautusang Mosaiko o natatalian man ng mga dekreto nito. (Efeso 2:15; Colosas 2:14) Magkagayon man, hindi ito nangangahulugan na maaari nang ipagwalang-bahala ng mga Kristiyano ang bagay na ito kapag pumipili ng mapapangasawa. Maraming dahilan kung bakit ganito ang kalagayan.

Una, may mga sekular na batas na nagbabawal sa pag-aasawa sa pagitan ng malapit na magkakamag-anak, at ang mga Kristiyano ay obligadong sumunod sa mga batas ng bansa na kanilang tinitirhan. (Mateo 22:21; Roma 13:1) Mangyari pa, ang gayong mga batas ay iba-iba sa bawat lugar. Karamihan sa makabagong mga batas hinggil dito ay pangunahin nang nakasalalay sa henetikong kadahilanan. Isang tinatanggap na katotohanan na ang pag-aasawa sa pagitan ng malapit na magkakamag-anak ay malamang na maghantad sa kanilang supling sa henetikong mga depekto at mga sakit. Sa kadahilanang ito at dahil sa kanilang ‘pagpapasakop sa nakatataas na mga awtoridad,’ sinusunod ng mga Kristiyanong nagpapakasal ang lokal na mga batas sa pag-aasawa.

Nariyan din ang bagay tungkol sa kung ano ang katanggap-tanggap at kung ano ang hindi katanggap-tanggap sa pamayanan na tinitirhan ng isa. Halos lahat ng kultura ay may mga alituntunin at mga kaugalian na nagbabawal sa pag-aasawa sa pagitan ng mga taong malapit na magkakamag-anak, anupat kadalasang minamalas ang gayong mga pagsasama bilang insesto at sa gayo’y ipinagbabawal. Kahit na kung ang ipinagbabawal na espesipikong mga kaugnayan ay maaaring lubhang magkakaiba sa iba’t ibang kultura, “sa pangkalahatan, habang mas malapit ang henetikong kaugnayan sa pagitan ng dalawang tao, lalong matindi ang pagbabawal o paghadlang sa seksuwal na mga kaugnayan sa pagitan nila,” ang sabi ng The Encyclopædia Britannica. Kaya, kahit na walang insestong kaugnayan ang nasasangkot, isinasaalang-alang ng mga Kristiyano ang tatag na mga kaugalian o lehitimong damdamin ng pamayanan, upang huwag magdulot ng kadustaan sa kongregasyong Kristiyano o sa pangalan ng Diyos.​—2 Corinto 6:3.

Hindi rin dapat ipagwalang-bahala ang ating bigay-Diyos na budhi. Ang lahat ng tao ay isinilang na may pagkadama ng tama at mali, mabuti at masama. (Roma 2:15) Ang kanilang budhi ay nagsasabi sa kanila kung ano ang normal at angkop at kung ano ang di-normal at nakagagalit, malibang ito’y pinilipit o ginawang manhid ng lisyang mga gawain. Tinukoy ni Jehova ang bagay na ito nang ibigay niya sa mga Israelita ang kaniyang kautusan laban sa pag-aasawa sa pagitan ng malapit na magkakamag-anak. Ating mababasa: “Ang gaya ng ginagawa sa lupain ng Ehipto, na inyong tinahanan, ay huwag ninyong gagawin; at ang gaya ng ginagawa sa lupain ng Canaan, na pagdadalhan ko sa inyo, ay huwag ninyong gagawin; at sa kanilang mga batas ay huwag kayong lalakad.” (Levitico 18:3) Pinahahalagahan ng mga Kristiyano ang kanilang salig-Bibliyang budhi at hindi nila pinahihintulutang mapasamâ ito ng pilipit na pagkadama ng tama at mali ng mga bansa.​—Efeso 4:17-19.

Kung gayon, ano ang mahihinuha natin? Bagaman ang mga Kristiyano ay wala sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, ang kanilang budhi ay maliwanag na nagsasabi sa kanila na ang pag-aasawa sa pagitan ng malapit na magkakamag-anak​—gaya ng ama at anak na dalaga, ina at anak na lalaki, magkapatid na lalaki at babae​—ay mahigpit na ipinagbabawal sa pamayanang Kristiyano. * Habang lumalawak ang pagkakamag-anak, kinikilala ng mga Kristiyano na may mga kautusan at mga batas na sumasaklaw sa legal na pag-aasawa at may mga pamantayan na katanggap-tanggap sa lipunan at sa kultura. Ang mga ito ay dapat na maingat na isaalang-alang upang makasunod tayo sa utos ng Kasulatan na: “Maging marangal nawa ang pag-aasawa sa gitna ng lahat.”​—Hebreo 13:4.

[Talababa]

^ par. 7 Para sa detalyadong pagtalakay ng paksang ito, pakisuyong tingnan ang artikulong “Incestuous Marriages​—How Should Christians View Them?” sa The Watchtower, Marso 15, 1978, pahina 25-6.