Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Natanggap Mo ba “ang Espiritu ng Katotohanan”?

Natanggap Mo ba “ang Espiritu ng Katotohanan”?

Natanggap Mo ba “ang Espiritu ng Katotohanan”?

‘Ang Ama ay magbibigay sa inyo ng ibang katulong upang makasama ninyo magpakailanman, ang espiritu ng katotohanan.’​—JUAN 14:16, 17.

1. Anong mahalagang impormasyon ang ibinigay ni Jesus sa kaniyang mga alagad noong mga huling oras na kasama niya sila sa silid sa itaas?

“PANGINOON, saan ka paroroon?” Iyan ang isa sa mga itinanong ng mga apostol ni Jesus sa kaniya noong mga huling oras na ginugol niya kasama nila sa isang silid sa itaas sa Jerusalem. (Juan 13:36) Habang nagpapatuloy ang pagpupulong, sinabi ni Jesus sa kanila noon na panahon na para iwan niya sila upang bumalik sa kaniyang Ama. (Juan 14:28; 16:28) Hindi na nila siya makakasama nang personal upang turuan sila at sagutin ang kanilang mga tanong. Gayunman, pinatibay-loob niya sila, na sinasabi: “Ako ay hihiling sa Ama at bibigyan niya kayo ng ibang katulong [o, mang-aaliw] upang makasama ninyo magpakailanman.”​—Juan 14:16, talababa sa Ingles.

2. Ano ang ipinangako ni Jesus na ipadadala niya sa mga alagad pagkatapos ng kaniyang pag-alis?

2 Ipinakilala ni Jesus ang katulong na iyon at ipinaliwanag kung paano ito tutulong sa kaniyang mga alagad. Sinabi niya sa kanila: “Gayunman, ang mga bagay na ito ay hindi ko sinabi sa inyo noong una, sapagkat ako ay kasama ninyo noon. Ngunit ngayon ay paroroon ako sa kaniya na nagsugo sa akin . . . Para sa inyong kapakinabangan ang pag-alis ko. Sapagkat kung hindi ako aalis, ang katulong ay hindi sa anumang paraan darating sa inyo; ngunit kung paroroon ako, ipadadala ko siya sa inyo. . . . Kapag dumating ang isang iyon, ang espiritu ng katotohanan, aakayin niya kayo sa lahat ng katotohanan.”​—Juan 16:4, 5, 7, 13.

3. (a) Kailan ipinadala sa unang mga Kristiyano “ang espiritu ng katotohanan”? (b) Ano ang isang mahalagang paraan na ang espiritu ay naging “katulong” para sa kanila?

3 Natupad ang pangakong ito noong Pentecostes 33 C.E., gaya ng pinatotohanan ni apostol Pedro: “Ang Jesus na ito ay binuhay na muli ng Diyos, na sa bagay na ito ay mga saksi kaming lahat. Kaya sa dahilang siya ay itinaas sa kanan ng Diyos at tumanggap ng ipinangakong banal na espiritu mula sa Ama, ibinuhos niya ito na inyong nakikita at naririnig.” (Gawa 2:32, 33) Gaya ng makikita natin mamaya, ang banal na espiritu na ibinuhos noong Pentecostes ay nakagawa ng maraming bagay para sa unang mga Kristiyano. Ngunit ipinangako ni Jesus na “ang espiritu ng katotohanan” ang ‘magbabalik sa kanilang mga pag-iisip ng lahat ng bagay na sinabi niya sa kanila.’ (Juan 14:26) Pangyayarihin nito na maalaala nila ang ministeryo at mga turo ni Jesus, maging ang kaniyang mga sinabi mismo, at maisulat ang mga ito. Ito ay lalo nang nakatulong sa matanda nang si apostol Juan noong katapusan ng unang siglo C.E. nang simulan niyang isulat ang kaniyang Ebanghelyo. Kasali sa ulat na iyan ang napakahalagang payo na ibinigay ni Jesus nang pasimulan niya ang Memoryal ng kaniyang kamatayan.​—Juan, kabanata 13-17.

4. Paano tumulong “ang espiritu ng katotohanan” sa unang mga pinahirang Kristiyano?

4 Ipinangako rin ni Jesus sa unang mga alagad na iyon na ang espiritu ang ‘magtuturo sa kanila ng lahat ng bagay’ at ‘aakay sa kanila sa lahat ng katotohanan.’ Tutulungan sila ng espiritu na maunawaan ang mas malalalim na bagay ng Kasulatan at maingatan ang pagkakaisa ng kanilang kaisipan, unawa, at layunin. (1 Corinto 2:10; Efeso 4:3) Sa gayon ay binigyang-kapangyarihan ng banal na espiritu ang unang mga Kristiyanong iyon upang kumilos bilang isang “tapat at maingat na alipin” sa kabuuan, sa layuning magbigay ng espirituwal na “pagkain sa tamang panahon” sa indibiduwal na mga pinahirang Kristiyano.​—Mateo 24:45.

Ang Espiritu ang Nagpapatotoo

5. (a) Anong bagong pag-asa ang isiniwalat ni Jesus sa kaniyang mga alagad noong gabi ng Nisan 14, 33 C.E.? (b) Anong papel ang gagampanan ng banal na espiritu sa pagtupad sa pangako ni Jesus?

5 Noong gabi ng Nisan 14, 33 C.E., ipinahiwatig ni Jesus sa kaniyang mga alagad na sa dakong huli ay tatanggapin niya sila at maninirahang kasama niya at ng kaniyang Ama sa langit. Sinabi niya sa kanila: “Sa bahay ng aking Ama ay maraming tirahan. Kung hindi ay sinabi ko sana sa inyo, sapagkat paroroon ako upang maghanda ng dako para sa inyo. Gayundin, kung ako ay pumaroon at makapaghanda ng dako para sa inyo, ako ay muling darating at tatanggapin ko kayo sa aking sarili, upang kung nasaan ako ay dumoon din kayo.” (Juan 13:36; 14:2, 3) Maghahari silang kasama niya sa kaniyang Kaharian. (Lucas 22:28-30) Upang makamtan nila ang makalangit na pag-asang ito, sila ay kailangang ‘ipanganak mula sa espiritu’ bilang espirituwal na mga anak ng Diyos at pahiran upang maglingkod bilang mga hari at mga saserdote na kasama ni Kristo sa langit.​—Juan 3:5-8; 2 Corinto 1:21, 22; Tito 3:5-7; 1 Pedro 1:3, 4; Apocalipsis 20:6.

6. (a) Kailan nagsimula ang makalangit na pagtawag, at ilan ang tumanggap sa pagtawag na ito? (b) Yaong mga tinawag ay binautismuhan sa ano?

6 Nagsimula ang “makalangit na pagtawag” na ito noong Pentecostes 33 C.E. at, sa pangkalahatan, lumilitaw na natapos noong kalagitnaan ng dekada ng 1930. (Hebreo 3:1) Ang bilang ng mga tinatakan ng banal na espiritu upang maging bahagi ng espirituwal na Israel ay 144,000, na mga “binili mula sa sangkatauhan.” (Apocalipsis 7:4; 14:1-4) Ang mga ito ay binautismuhan sa espirituwal na katawan ng Kristo, sa kaniyang kongregasyon, at sa kaniyang kamatayan. (Roma 6:3; 1 Corinto 12:12, 13, 27; Efeso 1:22, 23) Pagkatapos na sila’y bautismuhan sa tubig at pahiran ng banal na espiritu, sinimulan nila ang isang mapagsakripisyong landasin, isang may-katapatang pamumuhay hanggang sa kanilang kamatayan.​—Roma 6:4, 5.

7. Bakit tanging ang mga pinahirang Kristiyano ang nararapat na makibahagi sa mga emblema sa Memoryal?

7 Bilang espirituwal na mga Israelita, ang mga pinahirang Kristiyanong ito ay kalakip sa bagong tipan na pinagkasunduan ni Jehova at ng “Israel ng Diyos.” (Galacia 6:16; Jeremias 31:31-34) Ang bagong tipan ay pinagtibay ng itinigis na dugo ni Kristo. Binanggit ito ni Jesus nang pasimulan niya ang Memoryal ng kaniyang kamatayan. Ganito ang ulat ni Lucas: “Kumuha siya ng tinapay, nagpasalamat, pinagputul-putol ito, at ibinigay sa kanila, na sinasabi: ‘Ito ay nangangahulugan ng aking katawan na siyang ibibigay alang-alang sa inyo. Patuloy ninyong gawin ito bilang pag-alaala sa akin.’ Gayundin, ang kopa sa katulad na paraan pagkatapos nilang makapaghapunan, na sinasabi niya: ‘Ang kopang ito ay nangangahulugan ng bagong tipan sa bisa ng aking dugo, na siyang ibubuhos alang-alang sa inyo.’ ” (Lucas 22:19, 20) Ang mga nalabi, o natitirang miyembro ng 144,000 na narito pa sa lupa, ang nararapat na makibahagi sa emblemang tinapay at alak sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo.

8. Paano nalalaman ng mga pinahiran na nakatanggap sila ng makalangit na pagtawag?

8 Paano nalalaman ng mga pinahiran na natanggap nila ang makalangit na pagtawag? Natatanggap nila nang walang pag-aalinlangan ang patotoo ng banal na espiritu. Sumulat si apostol Pablo sa gayong mga indibiduwal: “Ang lahat ng inaakay ng espiritu ng Diyos, ito ang mga anak ng Diyos. . . . Ang espiritu mismo ang nagpapatotoo kasama ng ating espiritu na tayo ay mga anak ng Diyos. Kaya nga, kung tayo ay mga anak, tayo ay mga tagapagmana rin: mga tagapagmana nga ng Diyos, ngunit mga kasamang tagapagmana ni Kristo, kung magdurusa tayong magkakasama upang luwalhatiin din tayong magkakasama.” (Roma 8:14-17) Ang patotoong ito ng espiritu ay napakalakas anupat yaong mga may katiting na pag-aalinlangan kung sila ba’y nakatanggap ng makalangit na pagtawag ay makatuwirang makapagsasabi na hindi sila nakatanggap, at kung gayon ay hindi sila makikibahagi sa mga emblema sa Memoryal.

Ang Espiritu at ang Ibang mga Tupa

9. Anong dalawang magkaibang grupo ang binanggit sa mga Ebanghelyo at sa aklat ng Apocalipsis?

9 Palibhasa’y nasa isipan ang limitadong bilang ng mga Kristiyanong tinawag upang bumuo sa espirituwal na Israel, tinukoy sila ni Jesus bilang “munting kawan.” Sila ay tinanggap sa ‘kulungan’ ng bagong tipan, kung ihahambing sa di-mabilang na “ibang mga tupa,” na sinabi ni Jesus na dapat din niyang tipunin. (Lucas 12:32; Juan 10:16) Yaong kabilang sa ibang mga tupa na tinipon sa panahon ng kawakasan ang siyang bubuo sa “malaking pulutong” na nakatalagang makaligtas sa “malaking kapighatian,” taglay ang pag-asang mabuhay magpakailanman sa isang paraisong lupa. Kapansin-pansin, ipinakikita ng pangitaing natanggap ni Juan noong katapusan ng unang siglo C.E. ang pagkakaiba ng malaking pulutong na ito at ng 144,000 miyembro ng espirituwal na Israel. (Apocalipsis 7:4, 9, 14) Nakatatanggap din ba ng banal na espiritu ang ibang mga tupa, at kung oo, paano nito naaapektuhan ang kanilang buhay?

10. Paano binabautismuhan ang ibang mga tupa “sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu”?

10 Ang banal na espiritu ay talagang gumaganap ng mahalagang bahagi sa buhay ng ibang mga tupa. Sinasagisagan nila ang kanilang pag-aalay kay Jehova sa pamamagitan ng pagpapabautismo “sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu.” (Mateo 28:19) Kinikilala nila ang pagkasoberano ni Jehova, nagpapasakop kay Kristo bilang kanilang Hari at Tagatubos, at nagpapaakay sa pagkilos ng espiritu, o aktibong puwersa, ng Diyos sa kanilang buhay. Sa araw-araw, sinisikap nilang linangin sa kanilang buhay “ang mga bunga ng espiritu,” samakatuwid nga ay ang “pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, mahabang pagtitiis, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, pagpipigil sa sarili.”​—Galacia 5:22, 23.

11, 12. (a) Paano pinababanal ang mga pinahiran sa isang lubhang natatanging paraan? (b) Sa anong paraan pinababanal ang ibang mga tupa?

11 Dapat ding hayaan ng ibang mga tupa na sila ay dalisayin, o pabanalin, ng Salita ng Diyos at ng kaniyang banal na espiritu. Ang mga pinahiran ay pinabanal na sa isang lubhang natatanging paraan, yamang ipinahayag na matuwid at banal bilang kasintahang babae ni Kristo. (Juan 17:17; 1 Corinto 6:11; Efeso 5:23-27) Tinutukoy sila ni propeta Daniel bilang “mga banal ng Kadaki-dakilaan,” na tumatanggap ng Kaharian sa ilalim ng “anak ng tao,” si Kristo Jesus. (Daniel 7:13, 14, 18, 27) Noon, sa pamamagitan nina Moises at Aaron, ipinahayag ni Jehova sa bansang Israel: “Ako ay si Jehova na inyong Diyos; at pabanalin ninyo ang inyong sarili at magpakabanal kayo, sapagkat ako ay banal.”​—Levitico 11:44.

12 Ang salitang “pagpapabanal” ay pangunahin nang nangangahulugang “ang ginagawa o pamamaraan para maging banal, paghihiwalay, o pagbubukod ukol sa paglilingkod o pagpapagamit sa Diyos na Jehova; ang kalagayan ng pagiging banal, pinabanal, o dinalisay.” Kasing-aga ng 1938, sinabi ng The Watchtower na ang mga uring Jonadab, o ibang mga tupa, ay “dapat makaalam na ang pagtatalaga [pag-aalay] at pagpapabanal ay kahilingan sa bawat isa na magiging bahagi ng lubhang karamihan at mabubuhay sa lupa.” Sa pangitain hinggil sa malaking pulutong, na nakaulat sa aklat ng Apocalipsis, binabanggit na “nilabhan nila ang kanilang mahahabang damit at pinaputi ang mga iyon sa dugo ng Kordero” at nag-uukol sila kay Jehova ng “sagradong paglilingkod araw at gabi sa kaniyang templo.” (Apocalipsis 7:9, 14, 15) Sa tulong ng banal na espiritu, ginagawa ng ibang mga tupa ang kanilang buong makakaya upang maabot ang mga kahilingan ni Jehova hinggil sa kabanalan.​—2 Corinto 7:1.

Paggawa ng Mabuti sa mga Kapatid ni Kristo

13, 14. (a) Ayon sa talinghaga ni Jesus tungkol sa mga tupa at mga kambing, sa ano nakadepende ang kaligtasan ng mga tupa? (b) Sa panahong ito ng kawakasan, paano nakagawa ng mabuti ang ibang mga tupa sa mga kapatid ni Kristo?

13 Itinampok ni Jesus ang matalik na ugnayan sa pagitan ng ibang mga tupa at ng munting kawan sa kaniyang talinghaga tungkol sa mga tupa at mga kambing, na kasali sa kaniyang hula tungkol sa “katapusan ng sistema ng mga bagay.” Sa talinghagang iyon, maliwanag na ipinakita ni Kristo na ang kaligtasan ng ibang mga tupa ay may malapit na kaugnayan sa kanilang pakikitungo sa mga pinahiran, na tinawag niyang “aking mga kapatid.” Sinabi niya: “Sasabihin ng hari doon sa mga nasa kaniyang kanan, ‘Halikayo, kayo na mga pinagpala ng aking Ama, manahin ninyo ang kahariang inihanda para sa inyo mula sa pagkakatatag ng sanlibutan. . . . Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Kung paanong ginawa ninyo iyon sa isa sa pinakamababa sa mga ito na aking mga kapatid, ginawa ninyo iyon sa akin.’ ”​—Mateo 24:3; 25:31-34, 40.

14 Ang pananalitang “kung paanong ginawa ninyo iyon” ay tumutukoy sa mga gawa ng maibiging pagsuporta sa inianak-sa-espiritung mga kapatid ni Kristo, na pinakitunguhan ng sanlibutan ni Satanas bilang mga estranghero, anupat itinapon pa nga sa bilangguan ang ilan sa kanila. Sila ay nangangailangan ng pagkain, sapat na pananamit, at pangangalaga sa kalusugan. (Mateo 25:35, 36, talababa sa Ingles) Sa panahong ito ng kawakasan, mula noong 1914, nasumpungan ng marami sa mga pinahiran ang kanilang sarili sa gayong mga situwasyon. Pinatutunayan ng makabagong kasaysayan ng mga Saksi ni Jehova na sila ay sinuportahan ng kanilang matapat na mga kasamahan, ang ibang mga tupa, yamang ang mga ito ay pinakilos ng espiritu.

15, 16. (a) Sa anong gawain pantangi nang tinulungan ng ibang mga tupa ang mga pinahirang kapatid ni Kristo sa lupa? (b) Paano ipinahayag ng mga pinahiran ang kanilang pasasalamat sa ibang mga tupa?

15 Ang mga pinahirang kapatid ni Kristo sa lupa sa panahong ito ng kawakasan ay pantangi nang nakatanggap ng aktibong suporta ng ibang mga tupa sa pagsasakatuparan sa bigay-Diyos na atas na ‘ipangaral ang mabuting balitang ito ng kaharian sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa.’ (Mateo 24:14; Juan 14:12) Bagaman ang bilang ng mga pinahiran sa lupa ay umuunti na sa nakalipas na mga taon, ang bilang naman ng ibang mga tupa ay dumarami anupat literal na umabot sa milyun-milyon. Libu-libo sa mga ito ang naglilingkod bilang buong-panahong mga ebanghelisador​—mga payunir at misyonero​—​na nagpapalaganap ng mabuting balita ng Kaharian sa “pinakamalayong bahagi ng lupa.” (Gawa 1:8) Ang iba naman ay nakikibahagi sa gawaing pagpapatotoo sa abot ng kanilang makakaya at may-kagalakang sumusuporta sa mahalagang gawaing ito sa pinansiyal na paraan.

16 Kaylaki nga ng pagpapahalaga ng mga pinahirang kapatid ni Kristo sa matapat na pagsuportang ito ng kanilang mga kasamahan na ibang mga tupa! Ang kanilang damdamin ay mainam na ipinahayag sa aklat na Worldwide Security Under the “Prince of Peace,” na inilaan ng uring alipin noong 1986. Sinasabi nito: “Mula noong Digmaang Pandaigdig II, ang katuparan ng hula ni Jesus tungkol sa ‘katapusan ng sistema ng mga bagay’ ay pangunahin nang resulta ng ginampanang papel ng ‘malaking pulutong’ ng ‘ibang mga tupa.’ . . . Kaya naman, maraming-maraming salamat sa internasyonal na ‘malaking pulutong’ na may iba’t ibang wika sa kanilang napakalaking bahaging ginampanan sa pagsasakatuparan sa hula [ni Jesus] sa Mateo 24:14!”

‘Hindi Napasakdal Nang Bukod sa Atin’

17. Sa anong paraan ‘hindi mapasasakdal nang bukod’ sa mga pinahiran ang mga tapat noong una na bubuhaying muli sa lupa?

17 Nagsasalita bilang isa sa mga pinahiran at tinutukoy ang tapat na mga lalaki at babae na nabuhay bago si Kristo, ganito ang isinulat ni apostol Pablo: “Ang lahat ng mga ito, bagaman pinatotohanan sila dahil sa kanilang pananampalataya, ay hindi nagkamit ng katuparan ng pangako, yamang patiunang nakita ng Diyos ang isang bagay na mas mabuti para sa atin [ang mga pinahiran], upang hindi sila mapasakdal nang bukod sa atin.” (Hebreo 11:35, 39, 40) Sa panahon ng Milenyo, si Kristo at ang kaniyang 144,000 pinahirang kapatid sa langit ay kikilos bilang mga hari at mga saserdote at ipamamahagi ang mga kapakinabangan ng haing pantubos ni Kristo sa lupa. Kung magkagayon, ang ibang mga tupa ay “magiging sakdal” sa katawan at isipan.​—Apocalipsis 22:1, 2.

18. (a) Ang salig-Bibliyang mga katotohanan ay dapat tumulong sa ibang mga tupa na maunawaan ang ano? (b) Anong pag-asa ang hinihintay ng ibang mga tupa sa “pagsisiwalat sa mga anak ng Diyos”?

18 Dapat na ikintal ng lahat ng ito sa isipan ng ibang mga tupa kung bakit labis na nagtutuon ng pansin ang Kristiyanong Griegong Kasulatan kay Kristo at sa kaniyang mga pinahirang kapatid at sa kanilang napakahalagang papel sa pagsasakatuparan ng mga layunin ni Jehova. Kaya naman itinuturing ng ibang mga tupa na isang pribilehiyo na suportahan sa lahat ng posibleng paraan ang pinahirang uring alipin samantalang hinihintay ang “pagsisiwalat sa mga anak ng Diyos” sa Armagedon at sa panahon ng Milenyo. Makaaasa sila na sila’y “palalayain sa pagkaalipin sa kasiraan at magtatamo ng maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.”​—Roma 8:19-21.

Nagkakaisa sa Espiritu sa Memoryal

19. Ano ang nagawa ng “espiritu ng katotohanan” para sa mga pinahiran at sa kanilang mga kasamahan, at paano sila magkakaisa sa pantanging paraan sa gabi ng Marso 28?

19 Sa kaniyang pansarang panalangin noong gabi ng Nisan 14, 33 C.E., sinabi ni Jesus: “Humihiling ako . . . upang silang lahat ay maging isa, kung paanong ikaw, Ama, ay kaisa ko at ako ay kaisa mo, upang sila rin ay maging kaisa natin, upang ang sanlibutan ay maniwala na isinugo mo ako.” (Juan 17:20, 21) Udyok ng pag-ibig, isinugo ng Diyos ang kaniyang Anak upang ibigay ang kaniyang buhay para sa kaligtasan ng mga pinahiran at ng sanlibutan ng masunuring sangkatauhan. (1 Juan 2:2) Pinagkaisa ng “espiritu ng katotohanan” ang mga kapatid ni Kristo at ang kanilang mga kasamahan. Sa gabi ng Marso 28, paglubog ng araw, ang dalawang uring ito ay magtitipon upang alalahanin ang kamatayan ni Kristo at gunitain ang lahat ng ginawa ni Jehova para sa kanila sa pamamagitan ng hain ng kaniyang minamahal na Anak, si Kristo Jesus. Ang kanilang pagkanaroroon sa mahalagang okasyong iyon ay magpatibay nawa sa kanilang pagkakaisa at magpanibago sa kanilang determinasyon na patuloy na gawin ang kalooban Diyos, sa gayon ay pinatutunayan na sila ay nagagalak na mapabilang sa mga iniibig ni Jehova.

Bilang Repaso

• Kailan ipinadala “ang espiritu ng katotohanan” sa unang mga Kristiyano, at paano ito napatunayang isang “katulong”?

• Paano nalalaman ng mga pinahiran na sila ay nakatanggap ng makalangit na pagtawag?

• Sa anu-anong paraan kumikilos ang espiritu ng Diyos sa ibang mga tupa?

• Paano nakagawa ng mabuti ang ibang mga tupa sa mga kapatid ni Kristo, at bakit hindi sila ‘mapasasakdal nang nakabukod’ sa mga pinahiran?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 21]

“Ang espiritu ng katotohanan” ay ibinuhos sa mga alagad noong Pentecostes 33 C.E.

[Mga larawan sa pahina 23]

Ang ibang mga tupa ay gumawa ng mabuti sa mga kapatid ni Kristo sa pamamagitan ng pagsuporta sa kanila sa pagsasakatuparan sa bigay-Diyos na atas na mangaral