Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Sila ay May Sariling Karunungan

Sila ay May Sariling Karunungan

Sila ay May Sariling Karunungan

“ANG mga adulto ay nagtataglay ng karunungan, subalit ang mga bata naman ay may sariling karunungan,” sabi ng isang kawikaan sa Nigeria. Nasumpungan ni Edwin, isang Kristiyanong matanda sa Nigeria, na ito’y totoo.

Isang araw, nasumpungan ni Edwin ang isang metal na kahon sa ilalim ng kaniyang mesa sa bahay.

“Kanino ito?” ang tanong ni Edwin sa kaniyang tatlong anak.

“Sa akin po,” ang sagot ng walong-taóng-gulang na si Emmanuel. Dali-dali niyang idinagdag na ang kalawangin at 12-sentimetrong bakal na kahong ito na may pahabang butas sa itaas ay para sa mga kontribusyon sa pambuong-daigdig na gawain ng mga Saksi ni Jehova. “Yamang hindi po ako nagpupunta sa Kingdom Hall araw-araw,” ang paliwanag niya, “naipasiya ko pong gumawa ng isang kahon upang kailanma’t hindi ko po nagagastos ang aking baon, mailalagay ko po ito sa kahon.”

Ang tatay ni Emmanuel ay may isang kahon sa bahay para sa pag-iimpok ng salapi upang makadalo sa taunang pandistritong kombensiyon. Subalit dahil sa kagipitan ng pamilya, nagamit nila ang salaping ito. Upang matiyak na ang kaniyang salapi para sa kontribusyon ay hindi magamit sa ibang layunin, dinala ni Emmanuel ang isang lumang lata sa isang tagahinang upang isara ito. Nang malaman ng tagahinang ang layunin ng lata, ginawan niya ng isang kahon si Emmanuel mula sa pinagtabasang metal. Si Michael, ang limang-taóng-gulang na kapatid ni Emmanuel, ay humingi rin ng isang kahon.

Palibhasa’y namangha sa ginawa ng mga bata, tinanong sila ni Edwin kung bakit sila nagpagawa ng mga kahon. Sumagot si Michael: “Gusto ko pong mag-abuloy!”

Lingid sa kaalaman ng kanilang mga magulang, sina Emmanuel, Michael, at Uchei, ang kanilang siyam-na-taóng-gulang na kapatid na babae, ay nag-iimpok ng bahagi ng kanilang baon at inilalagay ito sa mga kahon. Saan nila nakuha ang ideya? Nang ang mga bata ay nakahahawak na ng pera sa kanilang mga kamay, tinuruan sila ng kanilang mga magulang na maghulog ng pera sa kahon ng kontribusyon sa Kingdom Hall. Maliwanag na talagang ikinapit ng mga bata ang kanilang natutuhan.

Nang mapunô ang mga kahon, ang mga ito’y binuksan. Ang kabuuang naimpok ay $3.13 (U.S.)​—isang malaki-laking halaga ng salapi sa isang bansa kung saan ang katamtamang taunang suweldo ay ilang daang dolyar lamang. Sinusuportahan ng gayong boluntaryong mga donasyon ang gawaing pangangaral ng mga Saksi ni Jehova na isinasagawa ngayon sa 235 lupain sa buong daigdig.