Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tinuruan Kami ni Jehova na Magbata at Magtiyaga

Tinuruan Kami ni Jehova na Magbata at Magtiyaga

Tinuruan Kami ni Jehova na Magbata at Magtiyaga

AYON SA SALAYSAY NI ARISTOTELIS APOSTOLIDIS

Sa paanan ng mga burol sa hilagang Kabundukan ng Caucasus ay masusumpungan ang Pyatigorsk, isang lunsod sa Russia na kilalá sa likas na mga bukal at maaliwalas na klima nito. Dito ako isinilang ng mga nagsilikas na Griego noong 1929. Pagkaraan ng sampung taon, pagkatapos ng nakapanghihilakbot na maka-Stalin na paraan ng pagdadalisay, pananakot, at etnikong paglilinis, nagsilikas muli kami, anupat napilitan kaming lumipat sa Gresya.

PAGKATAPOS naming lumipat sa Piraiévs, Gresya, ang pananalitang “mga nagsilikas” ay lubusang nagkaroon ng bagong kahulugan para sa amin. Parang mga taga-ibang bayan talaga kami. Bagaman kami ni kuya ay nagtataglay ng mga pangalan ng dalawang tanyag na pilosopong Griego, sina Socrates at Aristotle, bihira naming marinig na ginagamit ang mga pangalang iyon. Tinatawag kami ng lahat na mga munting Ruso.

Di-nagtagal pagkatapos sumiklab ang Digmaang Pandaigdig II, namatay ang aking mahal na ina. Siya ang pinakamahalaga sa aming tahanan, at ang kaniyang pagkawala ay isang matinding dagok. Yamang naging masakitin siya ng ilang panahon, tinuruan niya akong gawin ang maraming gawain sa bahay. Ang pagsasanay na ito ay naging lubhang kapaki-pakinabang sa buhay ko nang maglaon.

Digmaan at Kalayaan

Waring ang bawat araw ay huling araw namin dahil sa digmaan, pananakop ng Nazi, at walang-tigil na pagbobomba ng mga puwersang Alyado. Napakaraming naghihirap, nagugutom, at namamatay. Sa edad na 11, kinailangan kong puspusang magpagal kasama ng aking ama upang masuportahan kaming tatlo. Naging sagabal sa aking sekular na edukasyon ang limitadong kabatiran sa wikang Griego, gayundin dahil sa digmaan at resulta nito.

Nagwakas ang pananakop ng Alemanya sa Gresya noong Oktubre 1944. Di-nagtagal pagkatapos nito, nakausap ko ang mga Saksi ni Jehova. Sa gitna ng kawalang-pag-asa at matinding kahirapan noong panahong iyon, ang pag-asa sa Bibliya hinggil sa isang magandang kinabukasan sa ilalim ng Kaharian ng Diyos ay nakaantig sa aking puso. (Awit 37:29) Ang pangako ng Diyos na walang-hanggang buhay sa ilalim ng mapayapang mga kalagayan dito sa lupa ay napatunayang isang tunay na balsamo para sa aking mga sugat. (Isaias 9:7) Noong 1946, nabautismuhan kaming mag-ama, bilang sagisag ng aming pag-aalay kay Jehova.

Nang sumunod na taon, nagalak akong tanggapin ang aking unang atas bilang isang advertising servant (nang maglaon ay tinawag na lingkod sa magasin) sa ikalawang kongregasyong inorganisa sa Piraiévs. Ang aming teritoryo ay mula sa Piraiévs hanggang sa Eleusis mismo, na ang layo ay mga 50 kilometro. Noong panahong iyon, maraming pinahiran-ng-espiritung Kristiyano ang naglilingkod sa kongregasyong iyon. Nagkapribilehiyo ako na gumawang kasama nila at matuto mula sa kanila. Nasiyahan ako sa pakikisama sa kanila dahil sa napakarami nilang karanasang nailalahad hinggil sa puspusang pagsisikap na kailangan upang maisagawa ang pangangaral. Buhat sa landas ng kanilang buhay, maliwanag na upang mapaglingkuran si Jehova nang may katapatan, kinakailangan ang maraming pagtitiis at pagtitiyaga. (Gawa 14:22) Anong ngang ligaya ko na may mahigit nang 50 kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa lugar na ito sa ngayon!

Isang Di-inaasahang Hamon

Makalipas ang ilang panahon, nakilala ko si Eleni, isang maganda at masigasig na kabataang Kristiyanong babae sa lunsod ng Patras. Naging magkatipan kami sa pagtatapos ng 1952. Gayunman, pagkalipas ng ilang buwan, nagkasakit nang malubha si Eleni. Natuklasan ng mga doktor na mayroon siyang tumor sa utak, at maselan ang kaniyang kalagayan. Kailangan siyang maoperahan agad. Pagkatapos ng puspusang pagsisikap, nakasumpong kami ng isang doktor sa Atenas na​—sa kabila ng kakulangan ng pamamaraan noong panahong iyon​—handang sundin ang aming mga relihiyosong paniniwala at gawin ang operasyon nang hindi gumagamit ng dugo. (Levitico 17:10-14; Gawa 15:28, 29) Pagkatapos ng operasyon, ang mga doktor ay ingat na ingat sa pagbibigay ng pag-asa hinggil sa magiging kalagayan ng aking katipan, na hindi inaalis ang posibilidad na bumalik ang sakit.

Ano ngayon ang dapat kong gawin sa situwasyong ito? Yamang nagbago ang mga kalagayan, dapat ko bang tapusin ang tipanan at maging malaya? Hindi! Nang ako’y makipagkasundong magpakasal, ako’y nangako, at nais kong ang aking oo ay mangahulugang oo. (Mateo 5:37) Hindi ko kailanman hinayaan ang aking sarili kahit na sa isang sandali na mag-isip ng iba. Sa ilalim ng pangangalaga ng kaniyang ate, medyo nanumbalik ang lakas ni Eleni, at nagpakasal kami noong Disyembre 1954.

Tatlong taon pagkatapos nito, bumalik ang sakit ni Eleni, at kinailangang operahan siyang muli ng doktor ding iyon. Sa pagkakataong ito, mas malalim ang operasyon niya sa utak upang lubos na maalis ang tumor. Bilang resulta, medyo naparalisa ang aking asawa, at ang kaniyang pagsasalita ay lubhang naapektuhan. Ngayon ay isang bagong kalipunan ng komplikadong mga problema ang bumangon para sa aming dalawa. Maging ang pinakasimpleng gawain ay naging isang malaking balakid para sa aking mahal na asawa. Kinailangan naming gumawa ng malalaking pagbabago sa aming pang-araw-araw na rutin dahil sa kaniyang lumulubhang kalagayan. Higit sa lahat, hinihiling nito ang ibayong pagbabata at pagtitiyaga.

Sa pagkakataong ito napatunayan na napakahalaga ng pagsasanay ng aking ina sa akin. Tuwing umaga, inihahanda ko ang lahat ng sangkap para sa mga pagkain, at si Eleni naman ang nagluluto. Napakadalas naming mag-anyaya ng mga panauhin, kasama ang buong-panahong mga ministro, mga taong inaaralan namin ng Bibliya, at ang nagdarahop na mga kapuwa Kristiyano sa kongregasyon. Lahat sila’y sumasang-ayon na ang mga pagkaing ito ay talaga ngang napakasarap! Nagtulungan din kami ni Eleni sa iba pang mga gawain sa bahay, upang ang aming tahanan ay maging malinis at masinop. Ang napakahirap na situwasyong ito ay nagpatuloy sa loob ng 30 taon.

Kasigasigan sa Kabila ng Kapansanan

Talagang nakaaantig para sa akin at sa iba na mapansin na walang anuman ang makapagpapahina sa pag-ibig ng aking asawa kay Jehova at sa kaniyang kasigasigan sa paglilingkod sa Kaniya. Nang maglaon, at kalakip ang walang-lubay na pagsisikap, nagawa ni Eleni na ipahayag ang kaniyang sarili taglay ang napakalimitadong bokabularyo. Gustung-gusto niyang lapitan ang mga tao sa kalye taglay ang mabuting balita mula sa Bibliya. Kapag naglalakbay ako dahil sa negosyo, isinasama ko siya at ipinaparada ang kotse malapit sa isang mataong bangketa. Binubuksan niya ang bintana ng kotse at inaanyayahan ang mga dumaraan na kumuha ng mga kopya ng Ang Bantayan at Gumising! Sa isang pagkakataon, nakapagpasakamay siya ng 80 kopya sa loob ng dalawang oras. Napakadalas na maubos niya ang lahat ng lumang magasin na makukuha sa kongregasyon. Si Eleni ay regular din sa iba pang uri ng pangangaral.

Sa lahat ng taon na may kapansanan ang aking asawa, palagi ko siyang kasama sa mga pulong. Hindi siya kailanman lumiban ng isang kombensiyon o asamblea, kahit na kinailangan naming maglakbay sa ibang bansa dahil sa pag-uusig sa mga Saksi ni Jehova sa Gresya. Sa kabila ng kaniyang mga limitasyon, maligaya niyang dinaluhan ang mga kombensiyon sa Austria, Alemanya, Ciprus, at iba pang mga bansa. Hindi kailanman nagreklamo si Eleni o naging mapaghanap, kahit na noong dumami ang aking mga pananagutan sa paglilingkod kay Jehova anupat paminsan-minsan ay hindi naging maalwan sa kaniya ang mga bagay-bagay.

Para sa akin, ang situwasyong ito ay nagbigay ng pangmatagalang edukasyon sa pagbabata at pagtitiyaga. Naranasan ko ang tulong ni Jehova nang maraming beses. Ang mga kapatid ay gumawa ng tunay na mga pagsasakripisyo upang matulungan kami sa anumang posibleng paraan, at may-kabaitang sinuportahan kami ng mga doktor. Sa loob ng mahihirap na taóng iyon, hindi kami kailanman nagkulang sa mga pangangailangan sa buhay, kahit na ang aming mahirap na kalagayan ang dahilan kung bakit imposible para sa akin na magtrabaho nang buong-panahon. Ang mga kapakanan ni Jehova at ang paglilingkod sa kaniya ang lagi naming ginagawang pinakapangunahin sa aming buhay.​—Mateo 6:33.

Marami ang nagtatanong kung ano ang umalalay sa amin sa mahihirap na panahong iyon. Ngayong ginugunita ko ang nakaraan, natatanto ko na ang personal na pag-aaral ng Bibliya, taos-pusong pananalangin sa Diyos, regular na pagdalo sa mga pulong Kristiyano, at masigasig na pakikibahagi sa gawaing pangangaral ang nagpatibay sa aming pagbabata at pagtitiyaga. Palagi kaming pinaalalahanan ng nakapagpapasiglang mga pananalita ng Awit 37:3-5: “Magtiwala ka kay Jehova at gumawa ka ng mabuti; . . . Magkaroon ka rin ng masidhing kaluguran kay Jehova . . . Igulong mo kay Jehova ang iyong lakad, at manalig ka sa kaniya, at siya mismo ang kikilos.” Ang isa pang talata na napatunayang mahalaga sa amin ay ang Awit 55:22: “Ihagis mo ang iyong pasanin kay Jehova, at siya ang aalalay sa iyo.” Tulad ng isang bata na may lubos na pagtitiwala sa kaniyang ama, hindi lamang namin inihagis ang aming mga pasanin kay Jehova kundi iniwan din namin ang mga ito sa kaniya.​—Santiago 1:6.

Noong Abril 12, 1987, habang nangangaral ang aking asawa sa harapan ng aming bahay, isang mabigat na pintuang bakal ang sumara sa likuran niya, anupat tumilapon siya sa bangketa, na lubhang puminsala sa kaniya. Bunga nito, hindi na siya nagkamalay nang sumunod na tatlong taon. Namatay siya noong mga unang buwan ng 1990.

Paglilingkod kay Jehova sa Abot ng Aking Makakaya

Noong 1960, inatasan ako na maglingkod bilang isang lingkod ng kongregasyon sa Nikaia, Piraiévs. Mula noon, nagkapribilehiyo ako na maglingkod sa maraming iba pang kongregasyon sa Piraiévs. Bagaman hindi ako kailanman nagkaanak, natamo ko ang kagalakan ng pagtulong sa maraming espirituwal na anak na maging matatag sa katotohanan. Ang ilan sa kanila ngayon ay naglilingkod bilang matatanda sa kongregasyon, mga ministeryal na lingkod, ministrong payunir, at miyembro ng pamilyang Bethel.

Pagkatapos maibalik ang demokrasya sa Gresya noong 1975, malaya nang naidaraos ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang mga kombensiyon, na hindi nangangailangang magtago pa sa kakahuyan. Ang karanasan na nakamit ng ilan sa amin habang nag-oorganisa ng kombensiyon sa ibang bansa ay napatunayang napakahalaga sa ngayon. Kaya, nagkaroon ako ng kagalakan at pribilehiyo na maglingkod sa iba’t ibang komite ng kombensiyon sa loob ng maraming taon.

Pagkatapos, noong 1979, ginawa ang mga plano upang itayo ang unang Assembly Hall sa Gresya, sa labas ng Atenas. Inatasan akong tumulong sa pag-oorganisa at pagsasakatuparan ng malaking proyektong ito ng pagtatayo. Ang trabahong ito ay humihiling din ng maraming pagbabata at pagtitiyaga. Ang pagtatrabaho nang tatlong taon kasama ng daan-daang kapatid na lalaki’t babaing nagsakripisyo ng kanilang sarili ay lumikha ng isang matibay na bigkis ng pag-ibig at pagkakaisa sa gitna namin. Ang mga alaala mula sa proyektong ito ay mananatiling nakaukit sa aking puso.

Sinasapatan ang Espirituwal na mga Pangangailangan ng mga Bilanggo

Pagkalipas ng ilang taon, nabuksan ang isang bagong pagkakataon. Malapit sa teritoryo ng aming kongregasyon, sa Korydallos, ang isa sa pinakamalalaking bilangguan sa Gresya. Mula noong Abril 1991, naatasan akong dumalaw sa bilangguang ito linggu-linggo bilang isang ministro ng mga Saksi ni Jehova. Doon ay pinahihintulutan akong magdaos ng mga pag-aaral sa Bibliya at mga pulong Kristiyano kasama ng mga interesadong preso. Marami sa kanila ang gumawa ng malalaking pagbabago, na nagpapatunay sa malakas na kapangyarihan ng Salita ng Diyos. (Hebreo 4:12) Napahanga nito ang mga tauhan ng bilangguan at ang iba pang mga preso. Ang ilan sa mga bilanggo na inaralan ko ng Bibliya ay pinalaya na at ngayon ay mga mamamahayag na ng mabuting balita.

Sa loob ng ilang panahon ay nakipag-aral ako sa tatlong kilaláng mangangalakal ng droga. Habang sumusulong sila sa espirituwal, pumupunta na sila sa kanilang pag-aaral ng Bibliya na nakapag-ahit, maayos na nakasuklay ang buhok, at nakasuot ng kamisadentro at kurbata sa kalagitnaan ng Agosto​—isa sa pinakamaiinit na buwan sa Gresya! Ang direktor ng bilangguan, ang punong warden, at ang ilang empleado ay sumugod mula sa kanilang mga opisina upang makita ang di-pangkaraniwang bagay na ito. Hindi sila makapaniwala sa kanilang nakita!

Naganap ang isa pang nakapagpapasiglang karanasan sa bloke ng mga babaing bilanggo. Napasimulan ang isang pag-aaral ng Bibliya sa isang babaing sinentensiyahan ng habang-buhay dahil sa pagpaslang. Kilalá siya sa kaniyang rebelyosong paggawi. Gayunman, di-nagtagal at ang katotohanan sa Bibliya na kaniyang natututuhan ay nakapagdulot ng kapansin-pansing mga pagbabago anupat marami ang nagkomento na siya ay katulad ng isang leon na nagiging isang kordero! (Isaias 11:6, 7) Mabilis niyang natamo ang paggalang at pagtitiwala ng direktor ng bilangguan. Natutuwa akong makita siya na sumusulong sa espirituwal at umabot sa punto ng pag-aalay ng kaniyang sarili kay Jehova.

Tinutulungan ang mga May-Kapansanan at mga May-Edad

Ang pagkakita sa matagal na pakikipagbaka ng aking asawa sa sakit ay nagpangyari sa akin na maging higit na palaisip sa mga pangangailangan ng mga maysakit at mga may-edad na kasama namin. Tuwing itatampok ng ating mga publikasyon ang mga artikulo na nagpapasigla sa atin na abutin at bigyan ng maibiging tulong ang gayong mga indibiduwal, naaantig ang aking interes. Pinahahalagahan at iniipon ko ang gayong mga artikulo. Pagkalipas ng ilang taon, nakapag-ipon ako sa isang folder na may mahigit sa isang daang pahina​—na nagsisimula sa artikulong “Konsiderasyon Para sa mga May-Edad at sa Napipighati,” sa Hulyo 15, 1962, isyu ng The Watchtower. Ipinakita ng marami sa mga artikulong ito na kapaki-pakinabang para sa bawat kongregasyon na maglaan ng organisadong tulong sa mga maysakit at may-edad.​—1 Juan 3:17, 18.

Bumuo ang matatanda ng isang grupo ng mga kapatid na lalaki at babae na naglaan ng kanilang panahon upang asikasuhin ang pangangailangan ng mga maysakit at may-edad sa aming kongregasyon. Inorganisa namin sa iba’t ibang pangkat ang mga boluntaryo​—tulad niyaong makatutulong sa araw, iba na makatutulong sa gabi, yaong mga makapaglalaan ng transportasyon, at yaong mga libre sa loob ng 24 na oras. Itong mga huling nabanggit ang bumubuo sa grupo na handang tumulong kahit na anong oras.

Ang mga resulta ng gayong mga pagsisikap ay nakapagpapatibay. Halimbawa, isang may-sakit na sister na nag-iisa ang nasumpungang walang malay sa sahig noong isa sa mga pang-araw-araw na pagdalaw sa kaniya. Ipinagbigay-alam namin ito sa isang sister na nakatira sa malapit at may kotse. Kagyat niyang nadala ang may-sakit na sister sa pinakamalapit na ospital​—sa loob lamang ng sampung minuto! Sinabi ng mga doktor na ito ang nagligtas sa kaniyang buhay.

Ang pagtanaw ng utang na loob ng mga may-kapansanan at mga may-edad sa mga miyembro ng grupo ay lubhang kasiya-siya. Ang pagkakaroon ng pag-asa na mamuhay kasama ng mga kapatid na lalaki at babaing ito sa bagong sistema ng Diyos sa naiibang mga kalagayan ay nakapagpapasigla. At ang pagkaalam na sila ay natulungang magbata dahil sa suporta na kanilang natanggap sa panahon ng kanilang mga pagdurusa ay isa pang gantimpala.

Nagdudulot ng mga Gantimpala ang Pagtitiyaga

Naglilingkod ako ngayon bilang isang matanda sa isa sa mga kongregasyon sa Piraiévs. Sa kabila ng katandaan at mga suliranin sa kalusugan, natutuwa ako na aktibo pa rin akong nakikibahagi sa mga gawain ng kongregasyon.

Sa loob ng maraming taon, ang mahihirap na kalagayan, mabibigat na hamon, at di-inaasahang pangyayari ang humihiling ng di-pangkaraniwang antas ng katatagan at pagtitiyaga. Gayunman, lagi akong binibigyan ni Jehova ng kinakailangang lakas upang madaig ang mga problemang ito. Paulit-ulit kong naranasan ang katotohanan ng mga salita ng salmista: “Nang sabihin ko: ‘Ang aking paa ay tiyak na susuray-suray,’ ang iyong maibiging-kabaitan, O Jehova, ay patuloy na umalalay sa akin. Nang ang aking mga nakababalisang kaisipan ay dumami sa loob ko, ang iyong mga pang-aaliw ay nagsimulang humaplos sa aking kaluluwa.”​—Awit 94:18, 19.

[Larawan sa pahina 25]

Kasama ng aking asawa, si Eleni, pagkatapos ng kaniyang ikalawang operasyon, noong 1957

[Larawan sa pahina 26]

Sa isang kombensiyon sa Nuremberg, Alemanya, noong 1969

[Larawan sa pahina 28]

Ang grupo ng mga kapatid na lalaki at babae na tumulong sa mga maysakit at may-edad