Ano ang Halagang Ibabayad Mo Para Mapanatili ang Isang Malinis na Budhi?
Ano ang Halagang Ibabayad Mo Para Mapanatili ang Isang Malinis na Budhi?
“ANG Pamahalaan ay Pinag-utusang Tanggapin ang R$20,000.” Lumitaw ang pambihirang ulong-balita na ito kamakailan sa pahayagang Correio do Povo ng Brazil. Isinalaysay ng artikulo ang kuwento ni Luiz Alvo de Araújo, isang kartero roon, na nagbenta ng isang pirasong lupa sa pamahalaan ng estado. Pagkatapos mailipat ang pagmamay-ari ng kaniyang lupa sa pamahalaan ng estado, nagulat si Luiz na matuklasang sobra ng R$20,000 (humigit-kumulang $8,000) sa napagkasunduang halaga ang ibinayad sa kaniya!
Ang pagsasauli ng labis na kabayaran ay mas madaling sabihin kaysa gawin. Pagkaraan ng ilang di-matagumpay na mga pagdalaw sa mga kagawaran ng pamahalaan, si Luiz ay pinayuhan na kumuha ng isang abogado at lutasin ang problema sa korte. “Maliwanag na may nagkamali, at dahil sa red tape (napakasalimuot na opisyal na mga pamamaraan), walang nakaaalam kung paano lulutasin ang situwasyon,” ang komento ng huwes na nagsentensiya sa pamahalaan na tanggapin ang salapi at bayaran ang mga ginastos sa kaso. “Ito ang kauna-unahang pagkakataong nakahawak ako ng ganitong kaso.”
Ganito ang paliwanag ni Luiz, isa sa mga Saksi ni Jehova: “Hindi maatim ng aking budhing sinanay sa Bibliya na kunin ang hindi sa akin. Kailangan kong pagsikapan na ibalik ang pera.”
Masusumpungan ng marami na ang gayong saloobin ay talagang kakatwa o mahirap pa ngang maunawaan. Subalit ipinakikita ng Salita ng Diyos na ang mga tunay na Kristiyano ay lubhang nagpapahalaga sa pagpapanatili ng isang malinis na budhi sa kanilang mga pakikitungo sa sekular na mga awtoridad. (Roma 13:5) Determinadong mapanatili ng mga Saksi ni Jehova ang isang ‘matapat na budhi at gumawi nang matapat sa lahat ng bagay.’—Hebreo 13:18.