Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Ilustrasyon—Paano Tayo Makikinabang sa mga Ito?

Mga Ilustrasyon—Paano Tayo Makikinabang sa mga Ito?

Mga Ilustrasyon​Paano Tayo Makikinabang sa mga Ito?

MALAWAK ang saklaw ng isang “ilustrasyon” na kinabibilangan ng “talinghaga” at, sa maraming kaso, ng “kawikaan.” Nakapaloob sa isang “kawikaan” ang katotohanan sa makahulugang pananalita, kadalasan ay sa paraang metapora, at ang isang “talinghaga” ay isang paghahambing o pagtutulad, isang maikli at karaniwang hindi totoong kuwento na pinagkukunan ng isang moral o espirituwal na katotohanan.

Makikita sa Mateo 13:34, 35 na ang Kasulatan ay gumagamit ng salitang pa·ra·bo·leʹ na may mas malawak na kahulugan kaysa sa Ingles na “parable,” kung saan binanggit ni Mateo na inihula hinggil kay Jesu-Kristo na siya ay magsasalita nang may “mga ilustrasyon” (Bagong Sanlibutang Salin), “mga talinghaga” (King James Version, Revised Standard Version). Ang Awit 78:2, na sinipi ni Mateo may kaugnayan dito, ay tumutukoy sa “isang kasabihan” (Hebreo, ma·shalʹ), at para sa salitang ito, ginamit ng manunulat ng Ebanghelyo ang salitang Griego na pa·ra·bo·leʹ. Gaya ng ipinahihiwatig ng literal na kahulugan ng salitang Griego, ang pa·ra·bo·leʹ ay isang paraan ng pagtuturo o paghahatid ng isang ideya, isang paraan ng pagpapaliwanag ng isang bagay sa pamamagitan ng ‘paglalagay rito sa tabi’ ng isang nakakahawig na bagay. (Ihambing ang Marcos 4:30.)

Halimbawa, nasusumpungan ng karamihan ng mga salin sa Hebreo 9:9 at 11:19 na kailangang gumamit ng ibang pananalita maliban sa “talinghaga.” Sa pasimula ng mga tekstong ito ang tabernakulo, o tolda, na ginamit ng Israel sa ilang, ay tinawag ni apostol Pablo na “isang ilustrasyon [pa·ra·bo·leʹ; “larawan,” King James Version; “pagtutulad,” The Emphasised Bible; “makasagisag,” The Bible​—An American Translation, Revised Standard Version] para sa takdang panahon.” Sa ikalawang teksto naman ay inilarawan ng apostol na tinanggap ni Abraham si Isaac mula sa mga patay “sa makatalinghagang paraan” (Bagong Sanlibutang Salin) (en pa·ra·bo·leiʹ; “sa makasagisag na pananalita,” The Jerusalem Bible, Revised Standard Version).

Pagiging Mabisa Nito

Ang mga ilustrasyon o mga talinghaga bilang mapuwersang mga kasangkapan sa pagtuturo ay mabisa sa di-kukulanging limang paraan: (1) Kinukuha at pinananatili nito ang atensiyon; iilang bagay ang nakapupukaw ng interes na gaya ng isang karanasan o isang kuwento. Sino ang hindi pamilyar sa mga ilustrasyon ng alibughang anak at ng isang nawawalang tupa? (2) Pinasisigla nito ang kakayahan na mag-isip; ang isa sa pinakamahusay na ehersisyo sa isip ay hanapin ang kahulugan ng isang paghahambing, kunin ang inihaharap na mga katotohanang mahirap unawain. (3) Pinasisigla nito ang damdamin at, sa pamamagitan ng karaniwan nang maliwanag at praktikal na pagkakapit ng mga katotohanan sa tagapakinig, naaantig nito ang budhi at ang puso. (4) Nakatutulong ito sa memorya; sa kalaunan ay muling mabubuo ng isa ang kuwento at maikakapit ito. (5) Iniingatan nito ang katotohanan, sapagkat ang mga ito’y laging kapit at nauunawaan sa anumang panahon at edad. Ito ay dahil sa ang mga ilustrasyon ay may kaugnayan sa buhay at sa likas na mga bagay, samantalang kung mga salita lamang ay maaaring mabago ang kahulugan. Ito ang isang dahilan kung bakit ang mga katotohanan sa Bibliya ay nananatiling lubos na malinaw sa ngayon, gaya noong ito ay sabihin o isulat.

Mga Layunin

Gaya ng ipinakita na, ang pangunahing layunin ng lahat ng mga ilustrasyon ay magturo. Subalit may iba pang layunin ang mga ilustrasyon sa Bibliya:

(1) Ang bagay na kung minsan ay kailangan pang magsaliksik ang isa upang makuha ang malalim at nakaaantig-pusong kahulugan nito ay waring nagpapangyari sa mga hindi umiibig sa Diyos na huwag nang unawain ito sapagkat ang gayong mga tao ay hindi gaanong interesado at samakatuwid ay hindi nagnanais ng katotohanan sa kanilang mga puso. (Mateo 13:13-15) Hindi tinitipon ng Diyos ang gayong mga tao. Pinakikilos ng mga ilustrasyon ang mga mapagpakumbaba na magtanong para sa higit pang paliwanag; hindi ito ginagawa ng mga mapagmapuri. Sinabi ni Jesus: “Siya na may tainga ay makinig,” at bagaman ang karamihan sa mga pulutong na nakapakinig kay Jesus ay umuwi, lumalapit at humihingi ng paliwanag ang mga alagad sa kaniya.​—Mateo 13:9, 36.

(2) Ikinukubli ng mga ilustrasyon ang mga katotohanan sa mga gumagamit nito nang hindi tama at sa mga nagnanais na siluin ang mga lingkod ng Diyos. Sinagot ni Jesus ang mapanghuling tanong ng mga Pariseo sa pamamagitan ng ilustrasyon tungkol sa barya ng buwis, na nagsasabi bilang konklusyon: “Kung gayon, ibayad ninyo kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar, ngunit sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.” Hinayaan niya ang kaniyang mga kaaway na gumawa ng pagkakapit nito sa ganang sarili nila; subalit lubusang naunawaan ng mga alagad ni Jesus ang simulain ng neutralidad na inilahad doon.​—Mateo 22:15-21.

(3) Sapagkat hinahayaan ang nakikinig na gumawa ng pagkakapit ng mga simulain ng ilustrasyon sa kaniyang sarili, naihahatid nito sa kaniya ang isang malinaw na mensahe ng babala at pagsaway, kasabay nito ay napahihinahon siya upang wala siyang dahilan na gumanti sa tagapagsalita. Sa ibang salita, kapag ang inilalarawan ng ilustrasyon ay kumakapit sa tagapakinig, maliwanag na siya ang tinutukoy nito. Nang pintasan ng mga Pariseo si Jesus dahil sa pagkain nito kasama ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan, sinabi ni Jesus: “Ang mga taong malusog ay hindi nangangailangan ng manggagamot, kundi ang mga may sakit. Humayo kayo, kung gayon, at alamin kung ano ang kahulugan nito, ‘Ang ibig ko ay awa, at hindi hain.’ Sapagkat ako ay pumarito upang tawagin, hindi ang mga taong matuwid, kundi ang mga makasalanan.”​—Mateo 9:11-13.

(4) Kahit na kapag ginagamit upang ituwid ang isang tao, magagamit ang mga ilustrasyon upang iwasan ang pagtatangi sa bahagi ng tagapakinig, anupat hindi hinahayaang palabuin ng gayong pagtatangi ang kaniyang isipan, at sa gayo’y higit pa ang magagawa kaysa sa pagsasabi lamang ng katotohanan. Gayon ang kalagayan nang si Natan ay pakinggan ni Haring David nang kaniya itong sawayin sa kasalanan nito may kaugnayan kay Bat-sheba at Uria. (2 Samuel 12:1-14) Ito rin ang kalagayan nang ginamit ang isang ilustrasyon upang ipaunawa sa balakyot na haring si Ahab, sa paraang hindi namamalayan nito, ang mga simulaing nasasangkot sa kaniya mismong masuwaying pagkilos dahil sa hindi niya pagpatay kay Haring Ben-hadad ng Sirya, isang kaaway ng Diyos, at upang bigkasin ang hatol laban sa kaniya.​—1 Hari 20:34, 38-43.

(5) Nagaganyak ng mga ilustrasyon ang mga tao na kumilos sa paanuman, upang ‘ipakita ang kanilang tunay na kulay,’ kung sila ba ay tunay o di-tunay na mga lingkod ng Diyos. Nang sabihin ni Jesus: “Siya na kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan,” “marami sa kaniyang mga alagad ang bumalik sa mga bagay na nasa likuran at hindi na lumakad na kasama niya.” Sa ganitong paraan ay ‘inalis’ ni Jesus yaong mga talagang hindi naniniwala mula sa puso.​—Juan 6:54, 60-66.

Wastong Pangmalas at Pamamaraan

Ang mga ilustrasyon sa Bibliya ay may iba pang aspekto. Inihaharap at ipinaliliwanag nito ang mga simulain, at kadalasang ang mga ito ay may makahulang kahulugan at pagkakapit. Bukod pa riyan, ang ilan ay may makahulang kahulugan noong panahong ito ay sinalita o sandaling panahon pagkatapos nito, at karagdagan pa, ang ilan ay magkakaroon ng katuparan sa malayong hinaharap.

May dalawang karaniwang maling palagay na maaaring makahadlang sa pag-unawa sa mga ilustrasyon sa Bibliya. Ang isa ay ang pag-unawa sa lahat ng ilustrasyon bilang magagandang kuwento, halimbawa, o mga aral lamang. Halimbawa, ang talinghaga ng alibughang anak ay itinuturing ng ilan na isang mahusay na panitikan lamang; ang ilustrasyon ng taong mayaman at si Lazaro, na isang halimbawa ng gantimpala at parusa pagkatapos ng kamatayan.

May kaugnayan dito, masasabi rin na ang mga ilustrasyon, bagaman hinalaw sa buhay at likas na mga bagay, ay hindi kailangang aktuwal na nangyari. Bagaman ang ilang ilustrasyon ay nagsisimula sa pananalitang gaya ng: “Noong unang panahon,” “Isang tao ang may,” “May isang taong,” o kahawig na mga pananalita, ginamit ito ng tagapagsalita sa ilalim ng impluwensiya ng espiritu ng Diyos at tinawag na gayon​—mga ilustrasyon, o mga talinghaga. (Hukom 9:8; Mateo 21:28, 33; Lucas 16:1, 19) Tungkol kay Jesu-Kristo ay ganito ang sinasabi: “Lahat ng mga bagay na ito ay sinalita ni Jesus sa mga pulutong sa pamamagitan ng mga ilustrasyon. Sa katunayan, kung walang ilustrasyon ay hindi siya nagsasalita sa kanila.”​—Mateo 13:34; Marcos 4:33, 34.

Ang ikalawang hadlang sa pag-unawa ay ang napakametikulosong pagkakapit ng ilustrasyon, anupat sinisikap na gawin ang bawat detalye ng salaysay ng literal na mga pangyayari na umangkop sa makasagisag na paraan sa pamamagitan ng pagkakapit o interpretasyon ayon lamang sa sariling kagustuhan.

Ang wastong pamamaraan ay ginagawa, una, sa pamamagitan ng pagbasa sa konteksto, pag-alam sa tagpo na doo’y binanggit ang ilustrasyon, na tinatanong, Ano ang mga kalagayan at mga pangyayari noon? Halimbawa, nang ang mga tagapamahala at ang bayan ng Israel ay tinawag bilang “mga diktador ng Sodoma” at “bayan ng Gomorra,” ipinaiisip sa atin nito ang hinggil sa isang bayan na talamak na mga makasalanan laban kay Jehova. (Isaias 1:10; Genesis 13:13; 19:13, 24) Nang manalangin ang salmista kay Jehova na gawin sa mga kaaway ng Diyos at ng Kaniyang bayan “ang gaya ng sa Midian,” ipinaaalaala nito ang lubusang paglupig sa mga maniniil ng bayan ng Diyos, anupat mahigit na 120,000 ang pinatay.​—Awit 83:2, 3, 9-11; Hukom 8:10-12.

Pagkatapos, kadalasang nakatutulong ang kaalaman tungkol sa Kautusan, sa mga kaugalian, at sa idyoma noong panahong iyon. Halimbawa, ang kaalaman tungkol sa Kautusan ay tumutulong sa atin na maunawaan ang ilustrasyon hinggil sa lambat na pangubkob. (Mateo 13:47-50) Ang bagay na ang mga punungkahoy na namumunga ay pinapatawan ng buwis sa Palestina noong panahong iyon at na pinuputol ang mga punungkahoy na hindi namumunga ay tumutulong sa atin na maunawaan kung bakit pinangyari ni Jesus na malanta ang isang puno ng igos na hindi namumunga upang gamitin ito bilang ilustrasyon.​—Mateo 21:18-22.

Sa katapusan, ang mga salik sa isang ilustrasyon ay hindi dapat bigyan ng kahulugan ayon lamang sa sariling kagustuhan, isa na mula sa sariling pangmalas o mula sa pilosopiya. Ang alituntunin ay iniharap para sa mga Kristiyano: “Walang sinumang nakaaalam ng mga bagay ng Diyos, maliban sa espiritu ng Diyos. Ngayon ay tinanggap natin, hindi ang espiritu ng sanlibutan, kundi ang espiritu na mula sa Diyos, upang malaman natin ang mga bagay na may-kabaitang ibinigay sa atin ng Diyos. Ang mga bagay na ito ay sinasalita rin natin, hindi sa pamamagitan ng mga salitang itinuro ng karunungan ng tao, kundi sa pamamagitan niyaong itinuro ng espiritu, habang pinagsasama natin ang espirituwal na mga bagay at espirituwal na mga salita.”​1 Corinto 2:11-13.