Ang Bautismo ni Clovis—1,500 Taon ng Katolisismo sa Pransiya
Ang Bautismo ni Clovis—1,500 Taon ng Katolisismo sa Pransiya
“SA NGALAN ng Papa, boom,” ang mababasa sa mensaheng kasama ng isang gawa-gawang bomba na natuklasan sa loob ng isang simbahan sa Pransiya na dadalawin sana ni Pope John Paul II noong Setyembre 1996. Ito ay isang sukdulang halimbawa na lumalarawan sa pagsalansang sa kaniyang ikalimang pagdalaw sa lupain ng Pransiya. Gayunpaman, mga 200,000 katao ang nagtungo sa lunsod ng Reims sa Pransiya nang taóng iyon upang gunitain kasama ng papa ang ika-1,500 anibersaryo ng pagkakumberte sa Katolisismo ng Francong hari na si Clovis. Sino ang haring ito na ang bautismo ay tinawag na bautismo ng Pransiya? At bakit lumikha ng gayong kontrobersiya ang paggunita nito?
Ang Humihinang Imperyo
Si Clovis ay isinilang humigit-kumulang noong 466 C.E., ang anak ni Childeric I, hari ng mga Francong Salian. Pagkatapos ng pananakop sa kanila ng mga Romano noong 358 C.E., ang tribong Aleman na ito ay pinayagang manirahan sa tinatawag ngayong Belgium sa kondisyon na ipagtatanggol nila ang hangganan at magpapadala sila ng mga sundalo para sa hukbong Romano. Ang sumunod na malapít na pakikisalamuha sa lokal na mamamayang Gallo-Romano ay nagbunga ng unti-unting pagiging Romano ng mga Francong ito. Si Childeric I ay kakampi ng mga Romano, na nakikipagbaka laban sa mga pagsalakay ng ibang tribong Aleman, gaya ng mga Visigoth at mga Saxon. Ito ang dahilan kung kaya’t natamo niya ang utang na loob ng mamamayang Gallo-Romano.
Ang Romanong lalawigan ng Gaul ay mula sa Ilog Rhine, sa hilaga, hanggang sa Pyrenees, sa timog. Gayunman, pagkamatay ni Heneral Aetius ng Roma noong 454 C.E., walang namunong awtoridad sa lupain. Karagdagan pa, ang pagbagsak ni Romulus Augustulus, ang huling emperador sa Roma, noong 476 C.E. at ang wakas ng kanlurang bahagi ng Imperyong Romano ay nagdulot ng matinding kaguluhan sa pulitika sa rehiyon. Dahil dito, ang Gaul ay parang isang hinog na prutas na naghihintay na pitasin ng isa sa mga tribong nanirahan sa loob ng mga hangganan nito. Hindi kataka-taka na pagkatapos humalili sa kaniyang ama, pinalawak ni Clovis ang mga hangganan ng kaniyang kaharian. Noong 486 C.E., tinalo niya ang huling kinatawan ng Roma sa Gaul sa isang digmaan na malapit sa lunsod ng Soissons. Ang tagumpay na ito ay nagbigay sa kaniya ng kontrol sa lahat ng teritoryo sa pagitan ng ilog ng Somme, sa hilaga, at ng ilog ng Loire, sa gitna at kanlurang Gaul.
Ang Lalaki na Magiging Hari
Hindi tulad ng ibang tribong Aleman, ang mga Franco ay nanatiling mga pagano. Gayunman, ang pagpapakasal ni Clovis sa isang prinsesang
taga-Burgundy, si Clotilda, ay nagkaroon ng malaking impluwensiya sa kaniyang buhay. Yamang isang debotong Katoliko, walang-sawang sinikap ni Clotilda na makumberte ang kaniyang asawa. Ayon sa kasaysayan na iniulat ni Gregory ng Tours noong ikaanim na siglo C.E., nangako si Clovis noong 496 C.E., sa digmaan ng Tolbiac (Zülpich, Alemanya) laban sa tribo ng Alemanni, na kaniyang itatakwil ang paganismo kung ipagkakaloob sa kaniya ng Diyos ni Clotilda ang tagumpay. Bagaman ang mga tropa ni Clovis ay malapit nang matalo, ang hari ng Alemanni ay napatay at sumuko ang kaniyang hukbo. Sa palagay ni Clovis, ang Diyos ni Clotilda ang nagbigay sa kaniya ng tagumpay. Ayon sa tradisyon, si Clovis ay binautismuhan ni “San” Remigio sa katedral ng Reims, noong Disyembre 25, 496 C.E. Subalit, ang ilan ay naniniwala na malamang na ito ay noong dakong huli pa, 498/9 C.E.Ang mga pagsisikap ni Clovis na agawin ang kaharian ng Burgundy sa timog-silangan ay nabigo. Subalit ang kaniyang kampanya laban sa mga Visigoth ay ginantimpalaan ng tagumpay nang matalo niya ang mga ito noong 507 C.E. sa Vouillé, malapit sa Poitiers, isang tagumpay upang mapamunuan niya ang kalakhan ng timog-kanluran ng Gaul. Bilang pagkilala sa kaniyang tagumpay, si Clovis ay ginawang isang konsul na pandangal ng emperador ng Silangang Imperyong Romano na si Anastasius. Kaya nagkaroon siya ng katayuan na higit sa lahat ng iba pang mga hari sa kanluran, at ang kaniyang pamamahala ay legal sa paningin ng mga mamamayan ng Gallo-Romano.
Yamang nasa ilalim ng kaniyang pamumuno ang teritoryo ng mga Francong lupain na nasa tabi ng Ilog Rhine sa silangan, ginawa ni Clovis ang Paris na kaniyang kabisera. Noong mga huling taon ng kaniyang buhay, pinalakas niya ang kaniyang kaharian sa pamamagitan ng pagbibigay rito ng isang nasusulat na legal na kodigo, ang Lex Salica, at sa pamamagitan ng pagbuo ng isang konseho ng simbahan sa Orléans upang liwanagin ang kaugnayan sa pagitan ng Simbahan at ng Estado. Nang siya’y mamatay, malamang noong Nobyembre 27, 511 C.E., siya ang nag-iisang tagapamahala ng tatlong-kapat ng Gaul.
Tinatawag ng The New Encyclopædia Britannica ang pagkakumberte ni Clovis sa pananampalatayang Katoliko na “isang mahalagang sandali sa kasaysayan ng kanlurang Europa.” Bakit napakahalaga ng pagkakumberte ng paganong hari na ito? Ang kahalagahan ay salig sa bagay na pinili ni Clovis ang Katolisismo sa halip na Arianismo.
Ang Kontrobersiyang Arian
Noong mga 320 C.E., sinimulan ni Arius, isang pari sa Alexandria, Ehipto, na ipalaganap ang mga ideyang lubos na salungat sa Trinidad. Pinabulaanan ni Arius na iisa ang kakanyahan, o persona, ng Anak at ng Ama. Ang Anak ay hindi maaaring ang Diyos o kapantay ng Ama, yamang mayroong Colosas 1:15) Kung tungkol naman sa banal na espiritu, naniniwala si Arius na ito ay isang persona subalit ito ay nakabababa kapuwa sa Ama at sa Anak. Ang turong ito, na naging popular, ay pumukaw ng matinding pagsalansang sa loob ng simbahan. Noong 325 C.E., sa Konseho ng Nicea, si Arius ay ipinatapon at ang kaniyang mga turo ay kinondena. *
pasimula ang Anak. (Gayunman, hindi rito natapos ang kontrobersiya. Ang debate hinggil sa doktrina ay nagpatuloy sa loob ng mga 60 taon, habang ang sunud-sunod na emperador ay kumakampi sa isa o sa kabilang panig. Sa wakas, noong 392 C.E., ginawa ni Emperador Theodosius I ang ortodoksong Katolisismo na relihiyon ng Estado ng Imperyong Romano, kalakip ang doktrina nito ng Trinidad. Samantala, nakumberte ni Ulfilas, isang obispong Aleman, ang mga Goth tungo sa Arianismo. Agad na tinanggap ng iba pang tribong Aleman ang anyong ito ng “Kristiyanismo.” *
Noong panahon ni Clovis, ang Simbahang Katoliko sa Gaul ay nasa krisis. Sinisikap ng mga Visigoth na Arian na sugpuin ang Katolisismo sa pamamagitan ng hindi pagpapahintulot na halinhan ang mga namatay na obispo. Karagdagan pa, ang simbahan ay nakikipagpunyagi sa pagkakabahagi ng dalawang papa, kung saan ang mga pari mula sa magkalabang pangkat ay nagpapatayan sa isa’t isa sa Roma. Bukod pa sa kalituhang ito, iniharap ng ilang manunulat na Katoliko ang ideya na ang taóng 500 C.E. ang magiging tanda ng katapusan ng mundo. Kaya ang pagkakumberte ng manlulupig na Franco sa Katolisismo ay nakita bilang isang kaayaayang pangyayari, anupat ibinabalita “ang bagong milenyo ng mga santo.”
Ano ba ang mga motibo ni Clovis? Bagaman hindi maaalis ang relihiyosong mga motibo, tiyak na nasa isipan niya ang pulitikal na mga tunguhin. Sa pagpili sa Katolisismo, natamo ni Clovis ang pagsang-ayon pangunahin na ng Katolikong Gallo-Romanong mamamayan at ang suporta ng maimpluwensiyang herarkiya ng simbahan. Ito ay nagbigay sa kaniya ng tiyak na kalamangan sa kaniyang mga karibal sa pulitika. Binabanggit ng The New Encyclopædia Britannica na ang “kaniyang pananakop sa Gaul ay naging isang digmaan ng pagpapalaya mula sa pamatok ng kinapopootang mga erehe na Arian.”
Ano ba ang Tunay na Pagkatao ni Clovis?
Sa panimula ng paggunita noong 1996, inilarawan ng arsobispo ng Reims, na si Gérard Defois, si Clovis bilang “ang sagisag ng isang maingat na pinag-isipan at responsableng pagkakumberte.” Gayunman, ang Pranses na istoryador na si Ernest Lavisse ay nagkomento: “Tiyak na hindi binago ng pagkakumberte ni Clovis ang kaniyang ugali; ang
mabait at mapayapang magandang asal ng Ebanghelyo ay hindi nakaantig sa kaniyang puso.” Isa pang istoryador ang nagsabi: “Sa halip na tumawag kay Odin [isang diyos ng mga Norwego], tumawag siya kay Kristo at nanatili na gaya ng dati.” Katulad ng paggawi ni Constantino pagkatapos ng di-umano’y pagkakumberte niya sa Kristiyanismo, sinimulang pag-isahin ni Clovis ang kaniyang pamamahala sa pamamagitan ng sistematikong pagpatay sa lahat ng mga karibal sa trono. Nilipol niya ang “lahat ng kaniyang mga kamag-anak kahit na ang malalayong kamag-anak.”Pagkamatay ni Clovis, nagsimula ang proseso ng pagkatha ng alamat na magtataas sa kaniya mula sa isang malupit na mandirigma tungo sa isang kinikilalang santo. Ang ulat ni Gregory ng Tours, na isinulat pagkalipas halos ng isang siglo, ay minamalas bilang isang sinadyang pagsisikap na iugnay si Clovis kay Constantino, ang unang Romanong emperador na tumanggap sa “Kristiyanismo.” At sa pagsasabing si Clovis ay 30 taóng gulang noong kaniyang bautismo, waring sinisikap ni Gregory na ihambing ito kay Kristo.—Lucas 3:23.
Ang prosesong ito ay ipinagpatuloy noong ikasiyam na siglo ni Hincmar, ang obispo ng Reims. Noong panahong nagpapaligsahan ang mga katedral para sa mga peregrino, ang talambuhay na isinulat niya tungkol sa nauna sa kaniya, si “San” Remigio, ay malamang na nilayon upang lalo pang mapabantog ang kaniyang simbahan at upang madagdagan ang kayamanan nito. Sa kaniyang ulat, isang puting kalapati ang nagdala ng isang maliit na sisidlan ng langis upang pahiran si Clovis sa kaniyang bautismo—maliwanag na isang pagtukoy sa pagpahid ng banal na espiritu kay Jesus. (Mateo 3:16) Sa gayon ay itinatag ni Hincmar ang kaugnayan sa pagitan ni Clovis, ng Reims, at ng monarkiya at pinatotohanan ang ideya na si Clovis ang pinahiran ng Panginoon. *
Isang Kontrobersiyal na Paggunita
Ang dating pangulo ng Pransiya na si Charles de Gaulle ay nagsabi minsan: “Sa palagay ko, ang kasaysayan ng Pransiya ay nagsimula kay Clovis, na pinili bilang ang hari ng Pransiya ng tribo ng mga Franco, na nagbigay ng kanilang pangalan sa Pransiya.” Gayunman, hindi ganiyan ang pangmalas ng lahat. Ang paggunita sa ika-1,500 anibersaryo ng bautismo ni Clovis ay kontrobersiyal. Sa isang bansa kung saan ang Simbahan at ang Estado ay opisyal na magkahiwalay mula pa noong 1905, binabatikos ng marami ang pakikibahagi ng Estado sa ipinalalagay nilang isang relihiyosong paggunita. Nang ipahayag ng konseho ng lunsod ng Reims ang mga planong bayaran ang podiyum na gagamitin sa pagdalaw ng papa, pinawalang-bisa ng isang samahan ang desisyon sa hukuman at itinuring iyon na hindi ayon sa konstitusyon. Inakala naman ng iba na sinisikap ng simbahan na muling igiit ang moral at sekular na awtoridad nito sa Pransiya. Lalo pang nagpasalimuot sa paggunita ang pagtatalaga kay Clovis bilang sagisag ng lubhang-makakanang pangkat ng National Front at ng pundamentalistang mga pangkat ng Katoliko.
Binatikos naman ng iba ang paggunita mula sa makasaysayang punto de vista. Sabi nila, hindi nakumberte ng bautismo ni Clovis ang Pransiya tungo sa Katolisismo, yamang ang relihiyong ito ay matibay nang naikintal sa mga mamamayang Gallo-Romano. At sabi nila, ang kaniyang bautismo ay hindi palatandaan ng pagsilang ng Pransiya bilang isang bansa. Itinuring nila na ang pagsilang ng Pransiya ay mas angkop na ilagay sa pagkakahati ng kaharian ni Carlomagno noong 843 C.E., na nagpapangyaring si Charles the Bald, at hindi si Clovis, ang unang hari ng Pransiya.
1,500 Taon ng Katolisismo
Pagkatapos ng mahigit na 1,500 taon, kumusta na ngayon ang Katolisismo sa Pransiya bilang ang “panganay na anak na babae ng Simbahan”? Ang Pransiya ang may pinakamaraming bilang ng bautisadong mga Katoliko hanggang noong 1938. Ngayon, ito ay nasa ikaanim na posisyon, kasunod ng mga bansang gaya ng Pilipinas at Estados Unidos. At bagaman may 45 milyong Katoliko sa Pransiya, 6 na milyon lamang ang regular na dumadalo sa Misa. Isinisiwalat ng isang surbey kamakailan sa mga Katolikong Pranses na 65 porsiyento ang “nagwawalang-bahala sa turo ng Simbahan tungkol sa seksuwal na mga bagay,” at “walang halaga” si Jesus sa 5 porsiyento sa kanila. Ang gayong negatibong kalakaran ang siyang nag-udyok sa papa na magtanong nang panahon ng pagdalaw niya sa Pransiya noong 1980: “Pransiya, ano na ang ginawa mo sa mga pangako ng iyong bautismo?”
[Mga talababa]
^ par. 12 Tingnan ang The Watchtower, Agosto 1, 1984, pahina 24.
^ par. 13 Tingnan Ang Bantayan, Mayo 15, 1994, pahina 8-9.
^ par. 19 Ang pangalang Louis ay galing sa Clovis, na ipinangalan sa 19 na haring Pranses (kasali sina Louis XVII at Louis-Philippe).
[Mapa sa pahina 27]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
MGA SAXON
Ilog Rhine
Ilog Somme
Soissons
Reims
Paris
GAUL
Ilog Loire
Vouillé
Poitiers
PYRENEES
MGA VISIGOTH
Roma
[Larawan sa pahina 26]
Ang bautismo ni Clovis na inilarawan sa isang manuskrito noong ika-14 na siglo
[Credit Line]
© Cliché Bibliothèque nationale de France, Paris
[Larawan sa pahina 28]
Eskultura ng bautismo ni Clovis (gitnang larawan) sa labas ng Katedral ng Reims, Pransiya
[Larawan sa pahina 29]
Ang pagdalaw ni John Paul II sa Pransiya upang gunitain ang bautismo ni Clovis ay lumikha ng kontrobersiya