Bakit Naglaho ang Sinaunang Sanlibutang Iyon?
Bakit Naglaho ang Sinaunang Sanlibutang Iyon?
ANG pangglobong Baha ay hindi isang likas na kasakunaan. Iyon ay paghatol mula sa Diyos. May ibinigay na babala, ngunit ito ay ipinagwalang-bahala sa kalakhang bahagi. Bakit? Nagpaliwanag si Jesus: “Noong mga araw na iyon bago ang baha, [ang mga tao ay] kumakain at umiinom, ang mga lalaki ay nag-aasawa at ang mga babae ay ibinibigay sa pag-aasawa, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa arka; at hindi sila nagbigay-pansin hanggang sa dumating ang baha at tinangay silang lahat.”—Mateo 24:38, 39.
Isang Maunlad na Sibilisasyon
Sa ilang bahagi, ang sibilisasyon bago ang Baha ay nagtamasa ng mga bentaha na wala tayo sa ngayon. Halimbawa, ang buong sangkatauhan ay nagsasalita ng iisang wika. (Genesis 11:1) Ito ay pabor noon sa mga pambihirang maisasagawa sa sining at siyensiya na nangangailangan ng pinagsamang pagsisikap ng maraming tao na may iba’t ibang mga kadalubhasaan. Gayundin, ang mahabang buhay na tinatamasa noon ng karamihan sa mga tao ay nangangahulugan na patuloy nilang madaragdagan ang kanilang natutuhan na sa loob ng maraming siglo.
Inaangkin ng ilan na ang haba ng buhay ng tao noon ay hindi naman talaga napakahaba at na ang mga taon na binanggit sa ulat ng Bibliya ay sa katunayan mga buwan lamang. Totoo ba iyon? Buweno, isaalang-alang ang kaso ni Mahalalel. Sinasabi ng Bibliya: “Si Mahalalel ay nabuhay nang animnapu’t limang taon. Pagkatapos ay naging anak niya si Jared. . . . Ang lahat ng mga araw ni Mahalalel ay umabot ng walong daan at siyamnapu’t limang taon at siya ay namatay.” (Genesis 5:15-17) Kung ang isang taon ay katumbas ng isang buwan, nagkaroon ng anak si Mahalalel noong siya ay limang taóng gulang lamang! Hindi gayon, ang mga tao noon ay mas malapit sa sakdal na kalakasan ng unang taong si Adan. Sila ay talagang nabuhay ng maraming siglo. Ano ang kanilang pambihirang naisagawa?
Maraming siglo bago ang Baha, ang populasyon ng lupa ay lumaki nang gayon na lamang anupat nakapagtayo ang anak ni Adan na si Cain ng isang lunsod, na tinawag niyang Enoc. (Genesis 4:17) Noong panahon bago ang Baha, nagkaroon ng iba’t ibang industriya. May mga pandayan para sa “bawat uri ng kasangkapang tanso at bakal.” (Genesis 4:22) Walang alinlangan na ang mga kasangkapang ito ay ginamit sa konstruksiyon, karpinterya, pananahi, at agrikultura. Ang lahat ng mga hanapbuhay na ito ay binanggit sa mga ulat ng mga unang taong naging mamamayan sa lupa.
Ang natipong kaalaman ay maaaring nagpangyari upang mapasulong ng sunud-sunod na salinlahi ang mga kadalubhasaan na gaya ng metallurgy, agronomiya, pag-aalaga ng mga tupa at baka, pagsusulat, at belles artes (fine arts). Halimbawa, si Jubal ang “nagpasimula [ng] lahat niyaong humahawak ng alpa at ng pipa.” (Genesis 4:21) Ang sibilisasyon ay lubhang sumulong. Gayunman, ang lahat ay sumapit sa isang kagyat na kawakasan. Ano ba ang nangyari?
Ano ba ang Naging Problema?
Taglay ang lahat ng mga bentaha nito, ang lipunan bago ang Baha ay nagkaroon ng masamang pasimula. Ang tagapagpasimula nito, si Adan, ay naghimagsik laban sa Diyos. Pinatay ni Cain, ang tagapagtayo ng kauna-unahang naiulat na lunsod, ang kaniyang sariling kapatid. Hindi nga kataka-taka na mabilis na lumaganap ang kabalakyutan! Ang mga resulta ng depektibong pamana na iniwan ni Adan sa kaniyang mga supling ay lumalâ nang lumalâ.—Roma 5:12.
Ang mga bagay-bagay ay maliwanag na palapit na sa kasukdulan nito nang ipasiya ni Jehova na 120 taon na lamang ang ipahihintulot niya para magpatuloy ang kalagayang iyon. (Genesis 6:3) Sinasabi ng Bibliya: “Ang kasamaan ng tao ay laganap sa lupa at ang bawat hilig ng mga kaisipan ng kaniyang puso ay masama na lamang sa lahat ng panahon. . . . Ang lupa ay napuno ng karahasan.”—Genesis 6:5, 11.
Nang maglaon, espesipikong sinabi kay Noe na pupuksain ng Diyos ang lahat ng laman sa isang delubyo. (Genesis 6:13, 17) Bagaman si Noe ay naging “isang mangangaral ng katuwiran,” maliwanag na hindi makapaniwala ang mga tao na lahat ng bagay sa palibot nila ay magwawakas. (2 Pedro 2:5) Walong tao lamang ang nakinig sa babala at naligtas. (1 Pedro 3:20) Bakit mahalaga ito para sa atin sa ngayon?
Ano ang Kahalagahan Nito sa Atin?
Nabubuhay tayo sa mga panahong katulad niyaong kay Noe. Palagi tayong nakababalita ng tungkol sa kahindik-hindik na mga gawa ng terorismo, mga kampanya ukol sa paglipol ng lahi, lansakang mga pagpatay sa pamamagitan ng mga armadong lalaki na di-tiyak ang motibo, at nakapangingilabot na karahasan sa loob ng pamilya. Ang lupa ay muling napuno ng karahasan, at gaya noon, ang sanlibutan ay binabalaan hinggil sa isang darating na paghatol. Sinabi mismo ni Jesus na siya ay darating bilang hinirang na Hukom ng Diyos at pagbubukud-bukurin niya ang mga tao kung paanong pinagbubukud-bukod ng pastol ang mga tupa at mga kambing. Yaong mga masusumpungang hindi karapat-dapat, ang sabi ni Jesus, “ay magtutungo sa walang-hanggang pagkalipol.” (Mateo 25:31-33, 46) Gayunman, sinasabi ng Bibliya na sa pagkakataong ito ay may milyun-milyong makaliligtas—isang malaking pulutong na sumasamba sa tanging tunay na Diyos. Sa darating na sanlibutan, tatamasahin ng mga ito ang buhay sa namamalaging kapayapaan at katiwasayan na hindi pa nangyayari kailanman.—Mikas 4:3, 4; Apocalipsis 7:9-17.
Marami ang nanunuya sa gayong mga pananalita sa Bibliya at sa mga babala hinggil sa gawa ng paghatol na siyang magpapatunay na totoo nga ang gayong mga pananalita. Ngunit ipinaliwanag ni apostol Pedro na ipinagwawalang-bahala ng gayong mga mapag-alinlangan ang katotohanan. Sumulat siya: “Sa mga huling araw ay darating ang mga manunuya . . . [na] nagsasabi: ‘Nasaan itong ipinangakong pagkanaririto niya?’ . . . Sapagkat, ayon sa kanilang naisin, ang bagay na ito ay nakalalampas sa kanilang pansin, na may mga langit mula noong sinauna at isang lupa na nakatayong matatag mula sa tubig at sa gitna ng tubig sa pamamagitan ng salita ng Diyos; at sa pamamagitan ng mga iyon ang sanlibutan ng panahong iyon ay dumanas ng pagkapuksa nang apawan ito ng tubig. Ngunit sa pamamagitan ng gayunding salita ang mga langit at ang lupa sa ngayon ay nakalaan sa apoy at itinataan sa araw ng paghuhukom at ng 2 Pedro 3:3-7.
pagkapuksa ng mga taong di-makadiyos.”—Isang pambuong-daigdig na babala hinggil sa nalalapit na araw na ito ng paghuhukom at isang mensahe ng mabuting balita tungkol sa kapayapaan na susunod na magaganap ang masigasig na ipinangangaral sa ngayon bilang pagsunod sa makahulang utos ni Jesus. (Mateo 24:14) Ang babalang ito ay hindi dapat ipagwalang-bahala. Tinutupad ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat ang kaniyang salita.
Ang Sanlibutan na Darating
Ano ang kinabukasan ng sangkatauhan, yamang parating na ang isang malaking pagbabago? Sa pasimula ng kaniyang tanyag na Sermon sa Bundok, nangako si Jesus: “Maligaya ang mga mahinahong-loob, yamang mamanahin nila ang lupa.” Pagkatapos ay tinuruan niya ang kaniyang mga alagad na manalangin sa Diyos: “Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.” (Mateo 5:5; 6:10) Oo, itinuro mismo ni Jesus na isang kamangha-manghang kinabukasan ang naghihintay para sa tapat na sangkatauhan dito mismo sa lupa. Tinukoy niya ito bilang ang “muling-paglalang.”—Mateo 19:28.
Kaya habang dinidili-dili mo ang kinabukasan, huwag mong hayaan na mag-alinlangan ka sa babala ng Diyos dahil sa mga manunuya. Totoo, ang ating kapaligiran ay waring matatag at ang kasalukuyang sanlibutan ay matagal nang umiiral. Gayunman, hindi natin dapat ilagak ang ating tiwala rito. Ang sanlibutan ng sangkatauhan ay nahatulan na. Kaya, mapasigla ka nawa ng konklusyon ng liham ni apostol Pedro:
“Yamang ang lahat ng mga bagay na ito ay mapupugnaw nang gayon, ano ngang uri ng pagkatao ang nararapat sa inyo sa banal na mga paggawi at mga gawa ng makadiyos na debosyon, na hinihintay at iniingatang malapit sa isipan ang pagkanaririto ng araw ni Jehova . . . Yamang hinihintay ninyo ang mga bagay na ito, gawin ninyo ang inyong buong makakaya upang sa wakas ay masumpungan niya kayong walang batik at walang dungis at nasa kapayapaan. . . . Patuloy kayong lumago sa di-sana-nararapat na kabaitan at kaalaman sa ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Kristo.” (2 Pedro 3:11, 12, 14, 18) Kaya, matuto sa nangyari noong kaarawan ni Noe. Maging malapít sa Diyos. Sumulong sa kaalaman hinggil kay Jesu-Kristo. Linangin ang makadiyos na debosyon, at mapabilang sa milyun-milyon na pumiling makaligtas sa kawakasan ng sanlibutang ito tungo sa mapayapang sanlibutan na darating.
[Larawan sa pahina 5]
Ang paggamit ng metal ay kilalá na bago ang Baha
[Larawan sa pahina 7]
Isang kamangha-manghang kinabukasan ang naghihintay