Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Humanda Ka at Baka Masakit Ito”

“Humanda Ka at Baka Masakit Ito”

“Humanda Ka at Baka Masakit Ito”

NARINIG mo na ba ang mga salitang iyon? Marahil ay isang doktor o nars ang nagsabi nito bago niya isinagawa ang isang iminungkahing paggamot.

Malamang na hindi mo tinanggihan ang panggagamot para maiwasan lamang ang inaasahang kirot. Sa halip, tiniis mo ang kirot upang sa hinaharap ay matamo mo ang mga kapakinabangan sa kalusugan. Sa sukdulang mga kalagayan, ang pagtanggap o pagtanggi sa masakit na panggagamot ay maaaring mangahulugan ng buhay at kamatayan.

Bagaman hindi naman natin kailangan na laging magpatingin sa doktor, tayong lahat na di-sakdal na mga tao ay nangangailangan ng disiplina, o pagtutuwid, na kung minsan ay maaaring masakit pa nga. (Jeremias 10:23) Bilang pagdiriin sa pangangailangang ito sa bahagi ng mga bata, sinasabi ng Bibliya: “Ang kamangmangan ay nakatali sa puso ng bata; ang pamalong pandisiplina ang maglalayo nito sa kaniya.”​—Kawikaan 22:15.

Sa kasong ito, ang pamalo ay isang sagisag ng awtoridad ng magulang. Totoo na iilang bata ang nagnanais ng disiplina. Kung nasasangkot dito ang isang uri ng parusa, maaaring ipagdamdam nila ito. Gayunman, ang matatalino at maiibiging magulang ay higit na nagtutuon ng pansin sa kapakanan ng bata sa dakong huli kaysa sa nasaktang damdamin nito. Alam ng Kristiyanong mga magulang na totoo ang sinasabi ng Salita ng Diyos: “Walang disiplina ang waring sa kasalukuyan ay nakagagalak, kundi nakapipighati; gayunman pagkatapos doon sa mga sinanay nito ay nagluluwal ito ng mapayapang bunga, samakatuwid nga, ng katuwiran.”​—Hebreo 12:11; Kawikaan 13:24.

Siyempre pa, hindi lamang mga bata ang nangangailangan ng disiplina. Kailangan din ito ng mga adulto. Pinatutungkulan ng Bibliya ang mga adulto nang sabihin nito: “Humawak ka sa disiplina; huwag mong bibitiwan. Ingatan mo ito, sapagkat ito mismo ang iyong buhay.” (Kawikaan 4:13) Oo, ang matatalinong tao​—bata at matanda​—ay malugod na tatanggap ng disiplina salig sa Salita ng Diyos, ang Bibliya, yamang ang paggawa nang gayon ay magliligtas ng kanilang buhay sa dakong huli.