Isang Buong Sanlibutan ang Pinuksa!
Isang Buong Sanlibutan ang Pinuksa!
Pagmasdan mo ang daigdig sa palibot mo, lakip na ang mga lunsod nito, ang kultura nito, ang mga pambihirang nagawa nito sa siyensiya at ang bilyun-bilyong populasyon nito. Madaling humanga sa waring katatagan nito, hindi ba? Sa palagay mo ba ay maaaring lubusang maglaho ang sanlibutang ito balang araw? Waring mahirap na ilarawan iyan. Gayunman, alam mo ba na ayon sa isang lubhang mapagkakatiwalaang pinagmumulan ng impormasyon, isang sanlibutan na umiral bago ang kasalukuyang sanlibutang ito ang lubusang napuksa?
HINDI natin pinag-uusapan ang isang sanlibutan ng sinaunang mga tribo. Ang sanlibutang iyon na naglaho ay sibilisado, may mga lunsod, mga pambihirang gawa ng sining, kaalaman sa siyensiya. Gayunman, sinasabi sa atin ng ulat ng Bibliya na biglang-bigla, noong ika-17 araw ng ika-2 buwan, 352 taon bago isilang ang patriyarkang si Abraham, nagsimula ang isang delubyo na tumangay sa isang buong sanlibutan. *
Tama ba ang ulat na iyon? May naganap ba talagang gayon? Talaga bang may isang sinaunang sanlibutan na umunlad noon bago ang kasalukuyang sanlibutan at pagkatapos ay napuksa? Kung oo, bakit ito nagwakas? Ano ang naging problema? At may anumang aral ba tayong matututuhan mula sa pagkapuksa nito?
Talaga Bang Napuksa ang Isang Sinaunang Sanlibutan?
Ang gayong kasindak-sindak na malaking kapahamakan, kung talagang nangyari ito, ay hinding-hindi malilimutan kailanman. Kaya naman, sa maraming bansa ay may mga nagpapaalaala sa pagkapuksang iyon. Halimbawa, isaalang-alang ang eksaktong petsa na nakaulat sa Kasulatan. Ang ikalawang buwan ng sinaunang kalendaryo ay sumasaklaw sa tinatawag natin ngayon na kalagitnaan ng Oktubre hanggang sa kalagitnaan ng Nobyembre. Kaya ang ika-17 araw ay tumutugma humigit-kumulang sa unang araw ng Nobyembre. Kung gayon, maaaring hindi nagkataon lamang na sa maraming lupain, ang kapistahan para sa mga patay ay ipinagdiriwang sa panahong iyan ng taon.
Ang ibang mga patotoo ng Delubyo ay nananatili sa mga tradisyon ng sangkatauhan. Halos lahat ng sinaunang sibilisasyon ay may isang alamat na ang kanilang mga ninuno ay nakaligtas sa isang pangglobong baha. Ang mga Pygmy sa Aprika, mga Celt sa Europa at mga Inca sa Timog Amerika—lahat ay may magkakatulad na mga alamat, tulad din ng mga tao sa Alaska, Australia, mga bahagi ng Hilagang Amerika, India, Lithuania, Mexico, Micronesia, New Zealand, at Tsina, bilang pagbanggit lamang sa ilan.
Sabihin pa, sa paglipas ng panahon ang mga alamat ay pinaganda, ngunit ang lahat ay naglalakip ng ilang detalye na nagpapakita ng iisang pinagmulan ng salaysay: Ang Diyos ay nagalit dahil sa kabalakyutan ng sangkatauhan. Nagpasapit siya ng isang malaking baha. Ang sangkatauhan bilang kabuuan ay napuksa. Gayunman, may ilang matuwid na tao na iniligtas. Ang mga ito ay gumawa ng isang sasakyan kung saan ang mga tao at mga hayop ay nakaligtas. Nang maglaon, ang mga ibon ay isinugo upang maghanap ng tuyong lupa. Sa wakas, ang sasakyan ay sumadsad sa isang bundok. Paglabas nila, ang mga nakaligtas ay naghandog ng isang hain.
Ano ang pinatutunayan nito? Ang mga pagkakatulad ay hindi maaaring nagkataon lamang. Ang pinagsamang patotoo ng mga alamat na ito ay tumutugma sa sinaunang testimonyo ng Bibliya na lahat ng tao ay nagmula sa mga nakaligtas sa isang baha na pumuksa sa isang sanlibutan ng sangkatauhan. Kaya, hindi natin kailangang umasa sa mga alamat upang malaman kung ano ang nangyari. Taglay natin ang naingatang mabuti na ulat sa Hebreong Kasulatan ng Bibliya.—Genesis, kabanata 6-8.
Ang Bibliya ay naglalaman ng kinasihang ulat ng kasaysayan na sumasaklaw sa pasimula ng buhay. Gayunman, pinatutunayan ng ebidensiya na hindi
lamang ito basta kasaysayan. Ipinakikita ng di-nabibigong hula nito at ng malalim na karunungan na totoo talaga ang sinasabi nito—na ito ang paraan ng pakikipagtalastasan ng Diyos sa sangkatauhan. Di-tulad ng mga alamat, inilalakip ng Bibliya sa mga ulat nito hinggil sa kasaysayan ang mga pangalan at mga petsa gayundin ang mga detalye hinggil sa talaangkanan at heograpiya. Nagbibigay ito sa atin ng paglalarawan hinggil sa uri ng buhay bago ang Baha at isinisiwalat nito kung bakit sumapit sa kagyat na kawakasan ang isang buong sanlibutan.Ano ang naging problema sa lipunang iyon bago ang baha? Isinasaalang-alang ng sumusunod na artikulo ang tanong na iyan. Ito ay isang mahalagang tanong para sa mga maaaring nag-iisip kung gaano talaga katatag ang kinabukasan ng ating kasalukuyang sibilisasyon.
[Talababa]
[Chart sa pahina 4]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Mga Alamat ng Baha sa Buong Daigdig
Bansa Pagkakatulad 1 2 3 4 5 6 7 8 9 10
Gresya 7 ◆ ◆ ◆ ◆ ◆ ◆ ◆
Roma 6 ◆ ◆ ◆ ◆ ◆ ◆
Lithuania 6 ◆ ◆ ◆ ◆ ◆ ◆
Asirya 9 ◆ ◆ ◆ ◆ ◆ ◆ ◆ ◆ ◆
Tanzania 7 ◆ ◆ ◆ ◆ ◆ ◆ ◆
India - Hindu 6 ◆ ◆ ◆ ◆ ◆ ◆
New Zealand - Maori 5 ◆ ◆ ◆ ◆ ◆
Micronesia 7 ◆ ◆ ◆ ◆ ◆ ◆ ◆
Washington E.U.A. - Yakima 7 ◆ ◆ ◆ ◆ ◆ ◆ ◆
Mississippi E.U.A. - Choctaw 7 ◆ ◆ ◆ ◆ ◆ ◆ ◆
Mexico - Michoacan 5 ◆ ◆ ◆ ◆ ◆
Timog America - Quechua 4 ◆ ◆ ◆ ◆
Bolivia - Chiriguano 5 ◆ ◆ ◆ ◆ ◆
Guyana - Arawak 6 ◆ ◆ ◆ ◆ ◆ ◆
1: Nagalit ang Diyos sa kabalakyutan
2: Pagkapuksa sa pamamagitan ng Baha
3: Iniutos ng Diyos
4: Nagbigay ng babala ang Diyos
5: Iilan sa sangkatauhan ang nakaligtas
6: Naligtas sa isang sasakyan
7: Naligtas ang mga hayop
8: Nagsugo ng ibon o ibang nilalang
9: Sa wakas ay sumadsad sa ibabaw ng isang bundok
10: Naghandog ng hain paglabas