Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Naglilingkod Taglay ang Espiritu ng Pagsasakripisyo sa Sarili

Naglilingkod Taglay ang Espiritu ng Pagsasakripisyo sa Sarili

Naglilingkod Taglay ang Espiritu ng Pagsasakripisyo sa Sarili

AYON SA SALAYSAY NI DON RENDELL

Namatay ang nanay ko noong 1927 nang ako’y limang taóng gulang lamang. Gayunman, lubhang naimpluwensiyahan ng kaniyang pananampalataya ang aking buhay. Paano nangyari iyon?

ANG nanay ko ay isang debotong miyembro ng Simbahan ng Inglatera nang mapangasawa niya ang tatay ko, isang propesyonal na sundalo. Iyan ay bago ang Digmaang Pandaigdig I. Sumiklab ang Digmaang Pandaigdig I noong 1914, at tutol si Inay sa kaniyang bikaryo sa paggamit ng pulpito nito bilang plataporma sa pangangalap ng mga sundalo para sa hukbo. Ang tugon ng klerigo? “Umuwi ka na, at huwag kang mabahala tungkol sa gayong mga isyu!” Hindi iyan nakasiya sa kaniya.

Noong 1917, sa kasagsagan ng digmaan, pinanood ni Inay ang “Photo-Drama of Creation.” Palibhasa’y kumbinsido na nasumpungan na niya ang katotohanan, agad niyang iniwan ang kaniyang simbahan upang makisama sa mga Estudyante ng Bibliya, gaya ng pagkakilala noon sa mga Saksi ni Jehova. Dumalo siya sa mga pulong sa isang kongregasyon sa Yeovil, ang pinakamalapit na bayan sa aming nayon ng West Coker, sa lalawigan ng Somerset sa Inglatera.

Agad na ibinahagi ni Inay ang kaniyang bagong nasumpungang pananampalataya sa kaniyang tatlong kapatid na babae. Inilarawan sa akin ng matatandang miyembro sa kongregasyon ng Yeovil kung paanong ang nanay ko at ang kaniyang kapatid na si Millie ay masigasig na nagbibisikleta sa aming malawak na teritoryo sa lalawigan, na namamahagi ng mga pantulong sa pag-aaral ng Bibliya na Studies in the Scriptures. Subalit nakalulungkot, sa huling 18 buwan ng kaniyang buhay, si Inay ay naratay sa banig ng karamdaman dahil sa tuberkulosis, na noong panahong iyon ay walang lunas.

Pagpapamalas ng Pagsasakripisyo sa Sarili

Si Tiya Millie, na nakatira sa amin noong panahong iyon, ang nag-alaga kay Inay nang ito ay magkasakit at nag-aruga sa amin ng aking pitong-taóng-gulang na ate, si Joan. Nang mamatay si Inay, agad na nag-alok si Tiya Millie na siya ang mag-aalaga sa amin na mga bata. Palibhasa’y natutuwa na maalis sa kaniya ang pananagutang ito, agad na sumang-ayon si Itay na permanenteng pumisan sa amin si Tiya Millie.

Minahal namin ang aming tiya at maligaya kami na siya ay mananatiling kasama namin. Subalit bakit niya ginawa ang gayong pasiya? Pagkalipas ng maraming taon, sinabi sa amin ni Tiya Millie na alam niyang may obligasyon siyang magtayo sa pundasyong inilagay ni Inay​—ang turuan kami ni Joan ng katotohanan sa Bibliya​—isang bagay na batid niyang hindi kailanman gagawin ng aming ama, yamang wala itong interes sa relihiyon.

Pagkatapos, nalaman din namin na si Tiya Millie ay gumawa ng isa pang napakapersonal na pasiya. Upang maalagaan niya kami nang husto, hindi siya mag-aasawa. Kaylaking pagsasakripisyo sa sarili! Taglay namin ni Joan ang lahat ng dahilan upang lubhang tumanaw ng utang na loob sa kaniya. Lahat ng itinuro sa amin ni Tiya Millie at ang mahusay na halimbawang ipinakita niya ay tumimo sa amin.

Isang Panahon ng Pagpapasiya

Pumasok kami ni Joan sa paaralan ng Simbahan ng Inglatera sa nayon kung saan nanindigan si Tiya Millie sa punong-guro may kinalaman sa aming relihiyosong edukasyon. Kapag ang ibang mga bata ay nagtutungo sa simbahan, kami ay umuuwi, at kapag dumarating ang bikaryo sa paaralan upang magturo ng relihiyon, nauupo kaming hiwalay sa ibang mga bata at kami’y binibigyan ng mga teksto sa Kasulatan upang isaulo. Nakatulong ito sa akin lalo na noong dakong huli, yamang ang mga talatang ito ay malinaw na naikintal sa aking isipan.

Huminto ako sa pag-aaral sa edad na 14 upang mag-aprentis ng apat na taon sa isang pagawaan ng keso sa aming lugar. Nag-aral din akong tumugtog ng piyano, at naging libangan ko ang musika at ballroom dancing. Kailangan pa akong pakilusin ng katotohanan sa Bibliya, bagaman nag-ugat na ito sa aking puso. Pagkatapos, isang araw noong Marso 1940, inanyayahan ako ng isang may-edad nang Saksi na samahan siya sa isang asamblea sa Swindon, mga 110 kilometro ang layo. Si Albert D. Schroeder, punong ministro ng mga Saksi ni Jehova sa Britanya, ang nagbigay ng pahayag pangmadla. Ang asambleang iyon ay nagdulot ng malaking pagbabago sa akin.

Nagngangalit ang Digmaang Pandaigdig II. Ano ba ang ginagawa ko sa aking buhay? Nagpasiya akong bumalik sa Yeovil Kingdom Hall. Sa unang pulong na dinaluhan ko, sinimulang iharap doon ang pagpapatotoo sa lansangan. Sa kabila ng aking limitadong kaalaman, nagboluntaryo akong makibahagi sa gawaing ito, na labis namang ipinagtaka ng maraming di-umano’y mga kaibigan na lumilibak sa akin habang sila’y nagdaraan!

Noong Hunyo 1940, ako’y nabautismuhan sa lunsod ng Bristol. Sa loob ng isang buwan, nagpatala ako bilang isang regular pioneer​—isang buong-panahong ebanghelisador. Anong ligaya ko noon nang di-nagtagal, sinagisagan din ng aking ate ang kaniyang pag-aalay sa pamamagitan ng bautismo sa tubig!

Pagpapayunir Noong Panahon ng Digmaan

Isang taon pagkatapos magsimula ang digmaan, tumanggap ako ng mga papeles na kumakalap sa akin sa pagsusundalo. Yamang nagparehistro ako sa Yeovil bilang isa na tumatangging magsundalo dahil sa budhi, kailangan kong humarap sa isang tribunal sa Bristol. Sumama ako kay John Wynn upang magpayunir sa Cinderford, Gloucestershire, at pagkatapos sa Haverfordwest at Carmarthen, Wales. * Nang maglaon, sa isang pagdinig sa hukuman sa Carmarthen, ako’y nasentensiyahan ng tatlong buwan na pagkabilanggo sa piitan ng Swansea, na may karagdagang multa na £25​—isang malaking halaga ng salapi noong mga panahong iyon. Pagkatapos, tumanggap ako ng ikalawang sentensiya na tatlong-buwang pagkabilanggo dahil sa hindi pagbabayad ng multang iyon.

Sa ikatlong pagdinig, ako’y tinanong: “Hindi mo ba alam na sinasabi ng Bibliya na, ‘Ibigay ninyo kay Cesar ang kay Cesar’?” “Opo,” ang sagot ko, “alam ko po iyan, ngunit gusto ko pong tapusin ang talatang iyan: ‘at sa Diyos ang sa Diyos.’ Iyan po ang ginagawa ko.” (Mateo 22:21, King James Version) Paglipas ng ilang linggo, tumanggap ako ng isang liham na nagsasabi sa akin na hindi ko na kailangang maglingkod sa militar.

Noong unang mga buwan ng 1945, ako’y inanyayahang sumama sa pamilyang Bethel sa London. Nang sumunod na taglamig, si Nathan H. Knorr, na nanguna sa pag-oorganisa ng pambuong-daigdig na gawaing pangangaral, at ang kaniyang kalihim, si Milton G. Henschel, ay dumalaw sa London. Walong kabataang kapatid na lalaki mula sa Britanya ang ipinatala sa ikawalong klase ng Watchtower Bible School of Gilead para sa pagsasanay bilang misyonero, at isa ako sa kanila.

Mga Atas Bilang Misyonero

Noong Mayo 23, 1946, naglayag kami mula sa maliit na daungan ng Fowey sa Cornwall sakay ng isang barkong Liberty noong panahon ng digmaan. Ang opisyal sa daungan, si Kapitan Collins, ay isa sa mga Saksi ni Jehova, at nang papaalis na kami sa pantalan, pinatunog niya ang isang sirena. Likas lamang na magkahalong tuwa at lungkot ang nadama naming lahat habang naglalaho sa aming paningin ang baybayin ng Inglatera. Ang pagtawid na iyon sa Atlantiko ay lubhang maalon, subalit paglipas ng 13 araw ay nakarating kami nang ligtas sa Estados Unidos.

Isang di-malilimot na karanasan ang dumalo sa walong-araw na pang-internasyonal na Maliligayang Bansa na Teokratikong Asamblea sa Cleveland, Ohio, mula Agosto 4 hanggang 11, 1946. Walumpung libong delegado ang naroroon, kabilang ang 302 mula sa 32 ibang bansa. Sa kombensiyong iyon ay inilabas sa nananabik na pulutong ang magasing Gumising! * at ang pantulong sa pag-aaral ng Bibliya na “Hayaang ang Diyos ang Maging Tapat” sa wikang Ingles.

Nagtapos kami sa Gilead noong 1947, at kami ni Bill Copson ay naatasan sa Ehipto. Subalit bago kami umalis, nakinabang ako sa mabuting pagsasanay sa tanggapan mula kay Richard Abrahamson sa Brooklyn Bethel. Kami’y bumaba sa Alexandria, at di-nagtagal ay nasanay na rin ako sa istilo ng buhay sa Gitnang Silangan. Gayunman, ang pag-aaral ng wikang Arabe ay isang hamon at kinailangan kong gumamit ng mga testimony card sa apat na wika.

Si Bill Copson ay nanatili sa loob ng pitong taon, subalit hindi ako nabigyan ng panibagong visa pagkaraan ng unang taon, kaya kailangan kong umalis ng bansa. Ginugunita ko ang taon na iyon ng paglilingkod bilang misyonero na siyang pinakamabungang yugto sa aking buhay. Nagkapribilehiyo ako na magdaos ng mahigit na 20 pantahanang pag-aaral sa Bibliya bawat linggo, at ang ilan sa mga natuto ng katotohanan noon ay aktibo pa ring pumupuri kay Jehova. Mula sa Ehipto, ako’y inatasang magtungo sa Ciprus.

Ciprus at Israel

Nagsimula akong mag-aral ng isang bagong wika, ang Griego, at maging pamilyar sa lokal na diyalekto. Di-nagtagal, nang si Anthony Sideris ay hinilingang lumipat sa Gresya, ako’y inatasang mangasiwa sa gawain sa Ciprus. Nang panahong iyon ang tanggapang pansangay sa Ciprus ay siya ring nangangalaga sa Israel, at kasama ng iba pang mga kapatid na lalaki, nagkapribilehiyo akong dumalaw sa iilang Saksi roon sa pana-panahon.

Sa unang biyahe ko patungong Israel, idinaos namin ang isang maliit na asamblea sa isang restawran sa Haifa, na dinaluhan ng 50 o 60 katao. Sa pamamagitan ng pagbubukod sa mga grupo ayon sa kanilang bansa, naiharap namin ang programa ng asamblea sa anim na iba’t ibang wika! Sa isa pang okasyon, naipalabas ko sa Jerusalem ang pelikula na ginawa ng mga Saksi ni Jehova, at nagbigay ako ng isang pahayag pangmadla na may pagpapahalagang iniulat ng pahayagang gumagamit ng wikang Ingles.

May mga 100 Saksi sa Ciprus noong panahong iyon, at kailangan nilang puspusang makipaglaban ukol sa kanilang pananampalataya. Ginambala ng mga mang-uumog na pinangungunahan ng mga pari ng Simbahang Griego Ortodokso ang aming mga asamblea, at isang bagong karanasan para sa akin na batuhin habang nagpapatotoo sa mga lalawigan. Kailangan kong matutuhang umalis nang mabilis! Sa gitna ng gayong marahas na pagsalansang, nakapagpapatibay ng pananampalataya na magkaroon ng higit pang mga misyonerong inatasan sa isla. Sina Dennis at Mavis Matthews kasama sina Joan Hulley at Beryl Heywood ang sumama sa akin sa Famagusta, samantalang sina Tom at Mary Goulden at Nina Constanti, isang taga-Ciprus na isinilang sa London, ay nagtungo sa Limassol. Kasabay nito, si Bill Copson ay inilipat din sa Ciprus, at nang dakong huli ay nakasama nina Bert at Beryl Vaisey.

Pakikibagay sa Nagbabagong mga Kalagayan

Sa pagtatapos ng 1957, nagkasakit ako at hindi na makapagpatuloy sa aking atas bilang misyonero. May-kalungkutan na nagpasiya ako na upang manumbalik ang aking kalusugan, dapat akong bumalik sa Inglatera, kung saan nagpatuloy akong nagpayunir hanggang 1960. May-kabaitang pinatuloy ako ng aking ate at ng kaniyang asawa sa kanilang bahay, subalit nagbago ang mga kalagayan. Naging mas mahirap para kay Joan ang mga bagay-bagay. Bukod sa pag-aasikaso sa kaniyang asawa at kabataang anak na babae, sa loob ng 17 taon na wala ako, maibiging inalagaan niya ang aming tatay at si Tiya Millie, na sa panahong ito ay mga may-edad na at hindi mabuti ang kalusugan. Naging maliwanag ang pangangailangan na tularan ang halimbawa ng aking tiya sa pagsasakripisyo sa sarili, kaya pumisan ako sa aking ate hanggang mamatay kapuwa ang aking tiya at ang aking tatay.

Napakadali sanang manirahan sa Inglatera, subalit pagkatapos ng maikling pamamahinga, nakadama ako ng obligasyong bumalik sa aking atas. Tutal, hindi ba gumugol ng maraming salapi ang organisasyon ni Jehova sa pagsasanay sa akin? Kaya noong 1972, ako ang nagbayad ng aking pamasahe pabalik sa Ciprus upang muling magpayunir doon.

Dumating si Nathan H. Knorr upang magsaayos ng isang kombensiyon na idaraos sa susunod na taon. Nang malaman niya na ako’y nagbalik, inirekomenda niyang atasan ako bilang tagapangasiwa ng sirkito sa buong isla, isang pribilehiyo na ginampanan ko sa loob ng apat na taon. Subalit, isa itong atas na nakapanghihina ng loob, yamang nangangahulugan ito ng pagsasalita ng Griego nang halos palagian.

Isang Panahon ng Kaguluhan

Nakipisan ako sa isang bahay sa nayon ng Karakoumi, sa silangan lamang ng Kyrenia sa hilagang baybayin, kasama ni Paul Andreou, isang Saksing taga-Ciprus na nagsasalita ng Griego. Ang tanggapang pansangay sa Ciprus ay nasa Nicosia, sa timog ng Kabundukan ng Kyrenia. Noong unang bahagi ng Hulyo 1974, nasa Nicosia ako nang maganap ang isang kudeta upang alisin sa puwesto si Presidente Makarios, at nakita kong nasunog ang kaniyang palasyo. Noong ligtas nang magbiyahe, dali-dali akong bumalik sa Kyrenia kung saan naghahanda kami para sa isang pansirkitong asamblea. Pagkaraan ng dalawang araw ay narinig ko ang unang pagbagsak ng bomba sa daungan, at nakita ko ang himpapawid na punô ng mga helikopter na may dalang sumasalakay na mga tropa mula sa Turkey.

Yamang ako’y isang mamamayan ng Britanya, dinala ako ng mga sundalong Turko sa labas ng Nicosia, kung saan ako’y pinagtatanong ng tauhan ng United Nations na nakipag-ugnayan sa tanggapang pansangay. Pagkatapos ay nakaharap ko ang nakatatakot na atas na paglakad sa sala-salabid na mga kable ng telepono at kuryente sa mga bahay na walang tao sa kabilang panig ng abandonadong lupain. Anong laking katuwaan ko na ang aking linya ng pakikipagtalastasan sa Diyos na Jehova ay hindi maaaring putulin! Pinalakas ako ng aking mga panalangin nang pagdaanan ko ang isa sa lubhang nakatatakot na mga karanasan ng aking buhay.

Nawala ang lahat ng aking mga pag-aari, subalit natutuwa ako sa katiwasayang taglay ko sa tanggapang pansangay. Subalit ang kalagayang ito ay panandalian lamang. Pagkaraan ng ilang araw, nasakop ng sumasalakay na puwersa ang ikatlong bahagi ng isla sa hilaga. Kailangang lisanin ang Bethel, at kami’y lumipat sa Limassol. Natutuwa akong makapagtrabaho roon na kasama ng isang komite na binuo upang pangalagaan ang 300 kapatid na naapektuhan ng kaguluhan, na ang marami sa kanila ay nawalan ng kani-kanilang tahanan.

Marami Pang Pagbabago ng Atas

Noong Enero 1981, hinilingan ako ng Lupong Tagapamahala na lumipat sa Gresya upang sumama sa pamilyang Bethel sa Atenas, subalit sa pagtatapos ng taóng iyon, nagbalik ako sa Ciprus at naatasan bilang tagapag-ugnay ng Komite sa Sangay. Si Andreas Kontoyiorgis at ang kaniyang maybahay, si Maro, mga taga-Ciprus na ipinadala mula sa London, ay naging “tulong na nagpapalakas” sa akin.​—Colosas 4:11.

Sa pagtatapos ng dalaw ng sona ni Theodore Jaracz noong 1984, tumanggap ako ng isang liham buhat sa Lupong Tagapamahala na ganito lamang ang sinasabi: “Pagkatapos ng dalaw, nais naming samahan mo si Brother Jaracz sa Gresya.” Walang ibinigay na dahilan, subalit pagdating namin sa Gresya, isa pang sulat buhat sa Lupong Tagapamahala ang binasa sa Komite ng Sangay, na nag-aatas sa akin bilang tagapag-ugnay sa Komite ng Sangay sa bansang iyon.

Nang panahong iyon, napapaharap kami sa mabilis na paglaganap ng apostasya. Marami ring akusasyon tungkol sa ilegal na proselitismo. Araw-araw, ang bayan ni Jehova ay inaaresto at dinadala sa mga hukuman. Kaylaking pribilehiyo na makilala ang mga kapatid na nagbata at nanatiling tapat sa ilalim ng pagsubok! Pagkatapos, ang ilan sa kanilang kaso ay dininig sa European Court of Human Rights, na may kamangha-manghang mga resulta na nagkaroon ng mabuting epekto sa gawaing pangangaral sa Gresya. *

Habang naglilingkod sa Gresya, nakadalo rin ako sa di-malilimutang mga kombensiyon sa Atenas, Tesalonica, at sa mga isla ng Rhodes at Creta. Ang mga ito ay apat na maliligaya at mabubungang taon, subalit may isa pang pagbabago na paparating​—ang pagbabalik sa Ciprus noong 1988.

Sa Ciprus at Balik sa Gresya

Noong panahong wala ako sa Ciprus, ang mga kapatid ay nagkaroon ng mga bagong pasilidad sa Nissou, mga ilang kilometro mula sa Nicosia, at si Carey Barber, mula sa punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, ang nagbigay ng pahayag sa pag-aalay. Mas maayos na ang mga bagay-bagay sa isla ngayon, at maligaya ako na makabalik​—subalit ang mga kalagayan ay malapit na namang magbago.

Sinang-ayunan ng Lupong Tagapamahala ang mga planong magtayo ng isang bagong tahanang Bethel sa Gresya, mga ilang kilometro sa hilaga ng Atenas. Yamang nakapagsasalita ako kapuwa ng Ingles at Griego, ako’y inanyayahang magtrabahong muli sa lugar na pagtatayuan ng bagong gusali noong 1990 bilang isang tagapagsalin para sa pamilya ng mga international servant na nagtatrabaho roon. Naaalaala ko pa ang kagalakan ng pagiging naroroon sa lugar ng proyekto tuwing alas-sais ng umaga nang panahon ng tag-araw, na malugod na tinatanggap ang daan-daang kapatid na Griego na nagboluntaryong magtrabahong kasama ng pamilya sa konstruksiyon! Ang mga alaala ng kanilang kaligayahan at kasigasigan ay laging mananatili sa akin.

Sinikap ng mga paring Griego Ortodokso at ng kanilang mga tagapagtaguyod na pumasok sa lugar ng proyekto at gambalain ang aming trabaho, subalit dininig ni Jehova ang aming mga panalangin, at kami’y iningatan. Nanatili ako sa lugar ng proyekto upang makita ang pag-aalay ng bagong tahanang Bethel noong Abril 13, 1991.

Pagsuporta sa Aking Mahal na Ate

Nang sumunod na taon, bumalik ako sa Inglatera upang magbakasyon at tumuloy ako sa bahay ng aking ate at ng kaniyang asawa. Nakalulungkot, habang naroroon ako, dalawang beses na inatake sa puso ang aking bayaw at namatay ito. Lubusan akong sinuportahan ni Joan noong panahon ng aking paglilingkod bilang misyonero. Hindi lumilipas ang isang linggo na hindi siya sumusulat sa akin ng isang liham ng pampatibay-loob. Kaylaking pagpapala ng gayong komunikasyon para sa sinumang misyonero! Ngayon ay biyuda na siya, nanghihina ang katawan at nangangailangan ng suporta. Ano ang dapat kong gawin?

Ang anak ni Joan, si Thelma, at ang asawa nito ay nag-aalaga na sa isa pang tapat na biyuda sa kanilang kongregasyon, isa sa mga pinsan namin na may malubhang karamdaman. Kaya pagkatapos ng maraming panalangin, nagpasiya akong manatili upang tumulong sa pangangalaga kay Joan. Ang pagbabago ay hindi madali, subalit ako’y nagkapribilehiyong maglingkod bilang isang matanda sa Pen Mill, isa sa dalawang kongregasyon sa Yeovil.

Ang mga kapatid na nakasama ko sa paglilingkuran sa ibang bansa ay patuloy na nakikipag-ugnayan sa akin sa pamamagitan ng telepono at sulat, at iyan ay labis kong pinasasalamatan. Kung sasabihin ko lamang na gusto kong bumalik sa Gresya o sa Ciprus, alam kong agad na ipadadala ng mga kapatid ang aking tiket. Subalit ako ngayon ay 80 taóng gulang na, at ang aking paningin at kalusugan ay hindi na gaya noon. Nakasisiphayo na hindi na ako kasing-aktibo ng dati, subalit ang aking mga taon ng paglilingkod sa Bethel ay tumulong sa akin na magkaroon ng maraming kaugalian na kapaki-pakinabang sa akin sa ngayon. Halimbawa, lagi akong nagbabasa ng pang-araw-araw na teksto bago mag-almusal. Natutuhan ko ring makibagay sa mga tao at ibigin sila​—ang susi sa matagumpay na paglilingkod bilang misyonero.

Habang ginugunita ko ang mga 60 kamangha-manghang mga taon na ginugol ko sa pagpuri kay Jehova, alam ko na ang buong-panahong ministeryo ang pinakamahalagang proteksiyon at naglalaan ng pinakamainam na edukasyon. Masasabi ko nang buong puso ang pananalita ni David kay Jehova: “Ikaw ay naging isang matibay na kaitaasan para sa akin at isang dakong matatakbuhan sa araw ng aking kabagabagan.”​—Awit 59:16.

[Mga talababa]

^ par. 18 Ang talambuhay ni John Wynn, “Nag-uumapaw ang Aking Puso sa Pasasalamat,” ay lumitaw sa Ang Bantayan, Setyembre 1, 1997, pahina 25-8.

^ par. 23 Dating Consolation.

^ par. 41 Tingnan Ang Bantayan, Disyembre 1, 1998, pahina 20-1, at Setyembre 1, 1993, pahina 27-31; Gumising!, Enero 8, 1998, pahina 21-2, at Marso 22, 1997, pahina 14-15.

[Mga mapa sa pahina 24]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

GRESYA

Atenas

CIPRUS

Nicosia

Kyrenia

Famagusta

Limassol

[Larawan sa pahina 21]

Si Inay noong 1915

[Larawan sa pahina 22]

Sa bubong ng Brooklyn Bethel noong 1946, ako (ikaapat mula sa kaliwa) at ang ibang mga kapatid mula sa ikawalong klase ng Gilead

[Larawan sa pahina 23]

Kasama si Tiya Millie pagkatapos ng aking unang pagbabalik sa Inglatera