Paano Ka Makaliligtas sa Katapusan ng Sanlibutang Ito?
Paano Ka Makaliligtas sa Katapusan ng Sanlibutang Ito?
INILALARAWAN ng Bibliya ang katapusan ng kasalukuyang sistemang ito ng mga bagay bilang “araw ng poot, araw ng kabagabagan at ng panggigipuspos, araw ng bagyo at ng pagkatiwangwang, araw ng kadiliman at ng karimlan, araw ng mga ulap at ng makapal na karimlan.” (Zefanias 1:15) Tiyak na hindi ganito ang araw na karaniwan nang inaasam mo! Gayunman, pinayuhan ni apostol Pedro ang kaniyang mga kapuwa Kristiyano na ‘hintayin at ingatang malapit sa isipan ang pagkanaririto ng araw ni Jehova, na sa pamamagitan nito ang mga langit na nasusunog ay mapupugnaw at ang mga elemento na nag-iinit nang matindi ay matutunaw! Ngunit may mga bagong langit at isang bagong lupa na ating hinihintay ayon sa kaniyang pangako, at sa mga ito ay tatahan ang katuwiran.’—2 Pedro 3:12, 13.
Hindi tinutukoy rito ni Pedro ang hinggil sa pagkawasak ng literal na mga langit at lupa. Ang ‘mga langit’ at ang “lupa” na tinukoy ni Pedro sa kontekstong ito ay sumasagisag sa tiwaling mga pamahalaan ng tao sa kasalukuyan at sa di-makadiyos na lipunan ng tao. Hindi wawasakin ng “araw ni Jehova” ang mismong lupa kundi ‘lilipulin nito mula roon ang mga makasalanan sa lupain.’ (Isaias 13:9) Para sa mga “nagbubuntunghininga at dumaraing dahil sa lahat ng karima-rimarim na bagay” na ginagawa sa balakyot na lipunan ng tao sa ngayon, ang araw ni Jehova kung gayon ay magiging isang araw ng kaligtasan.—Ezekiel 9:4.
Kaya paano makaliligtas ang sinuman sa “dakila at kakila-kilabot na araw ni Jehova”? Naglalaan ng sagot sa katanungang iyan “ang salita ni Jehova” na isiniwalat sa isa sa kaniyang mga propeta: “Mangyayari nga na ang bawat isa na tumatawag sa pangalan ni Jehova ay makaliligtas.” (Joel 1:1; 2:31, 32) Malulugod ang mga Saksi ni Jehova na tulungan kang matuto kung ano ang ibig sabihin ng pagtawag sa pangalan ni Jehova.