‘Sumidhi ang Aming Pag-ibig’
‘Sumidhi ang Aming Pag-ibig’
NOONG Biyernes, Marso 31, 2000, sumabog ang Bundok Usu sa Hokkaido, Hapon, pagkatapos manatiling natutulog sa loob ng 23 taon. Libu-libong residente ang napilitang lumikas mula sa lugar ng panganib. Marami ang nawalan ng tahanan at hanapbuhay, ngunit mabuti na lamang at walang namatay. Kabilang sa mga taong kinailangang lumikas ay ang 46 na Saksi ni Jehova, ngunit hindi sila pinabayaan.
Noon mismong araw ng pagsabog, sa tulong ng isang naglalakbay na ministrong Kristiyano na naglilingkod sa lugar na iyon, isinagawa ang mga kaayusan para sa mga gawain ukol sa pagtulong. Di-nagtagal, dumating ang mga panustos mula sa mga kalapit na kongregasyon. Sa ilalim ng pangangasiwa ng sangay sa Hapon, mabilis na binuo ang isang komite sa pagtulong, at dumagsa ang mga donasyon para sa pondo ukol sa pagtulong mula sa mga Saksi ni Jehova sa buong bansa ng Hapon. Upang masuportahan ang mga espirituwal na gawain, ipinadala ang mga buong-panahong ministro ng mga Saksi ni Jehova sa pinakaapektadong kongregasyon, at paulit-ulit na dinalaw ng tagapangasiwa ng sirkito ang lugar upang maglaan ng emosyonal at espirituwal na suporta.
Patuloy na idinaos ng mga Saksi sa apektadong lugar ang kanilang mga pulong Kristiyano sa mahirap na panahong iyon sa pamamagitan ng paggamit ng mga pribadong tahanan na nasa mas ligtas na lugar. Nang pinawalang-bisa na ang utos na lumikas sa kinaroroonan ng Kingdom Hall, bumalik ang mga kapatid doon at nasumpungan ang isang nakatagilid, bitak-bitak, at nasirang gusali. Malapit sa Kingdom Hall, ang bagong nabuong bunganga ng bulkan ay bumubuga pa rin ng makapal na usok. Nag-isip ang mga Saksi, ‘Matalino pa kayang idaos ang mga pulong sa lokasyong ito? Makukumpuni pa ba ang Kingdom Hall?’
Napagpasiyahan na itayo ang isang bagong Kingdom Hall sa isang malapit at mas ligtas na lokasyon. Nagbigay ng kinakailangang tulong ang Regional Building Committee. Ang salaping iniabuloy ng mga Saksi mula sa buong bansa ang ginamit para sa pagtatayong ito. Mabilis na nakabili ng lupa, at dahil sa tulong ng daan-daang boluntaryo, isang bagong Kingdom Hall ang natapos sa sandaling panahon. Noong Linggo, Hulyo 23, 2000, dumalo ang 75 katao sa unang pulong na idinaos sa bagong itinayong Kingdom Hall na ito. Marami sa dumalo ang napaluha sa tuwa. Nang ialay ang Kingdom Hall noong Oktubre nang taon ding iyon, isa sa matatanda sa lokal na kongregasyon ang napakilos na sabihin: “Nagdulot ng kahirapan at pagdurusa ang pagsabog. Gayunman, dahil sa pagtatayong ito, nahalinhan ng kagalakan ang aming takot. Sumidhi ang aming pag-ibig para kay Jehova at sa ating minamahal na mga kapatid na Kristiyano!”
[Picture Credit Line sa pahina 19]
Pagsabog ng Bundok Usu: AP Photo/Koji Sasahara