Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Pulong na Nag-uudyok ng Pag-ibig at Maiinam na Gawa

Mga Pulong na Nag-uudyok ng Pag-ibig at Maiinam na Gawa

Mga Pulong na Nag-uudyok ng Pag-ibig at Maiinam na Gawa

MULA sa Toronto hanggang sa Tokyo, mula sa Moscow hanggang sa Montevideo​—ilang beses sa isang linggo, milyun-milyong Saksi ni Jehova at mga kaibigan nila ang humuhugos sa kanilang mga lugar ng pagsamba. Kabilang sa mga indibiduwal na ito ang masisikap na lalaking may pamilya, na pagod na pagod pagkatapos ng maghapong pagtatrabaho; masisipag na asawang babae at mga ina na akay-akay ang kanilang maliliit na anak; malalakas na kabataang maghapon sa paaralan; mahihinang may-edad na mabagal maglakad dahil sa mga sakit at kirot; mga babaing balo at mga ulila na malalakas ang loob; at mga nanlulumong kaluluwa na nangangailangan ng kaaliwan.

Ginagamit ng mga Saksing ito ni Jehova ang maraming uri ng transportasyon​—mula sa napakabibilis na bullet train hanggang sa mga asno, mula sa siksikang mga bagon ng subway hanggang sa mga trak. Kinakailangan pang tawirin ng iba ang mga ilog na maraming buwaya, habang kinakailangan namang batahin ng iba ang nakaiigting na trapiko sa malalaking lunsod. Bakit lubos na nagsisikap ang lahat ng mga taong ito na makadalo?

Dahil ang pagdalo at pakikibahagi sa mga pulong Kristiyano ay pangunahin nang isang mahalagang paraan upang mag-ukol ng pagsamba sa Diyos na Jehova. (Hebreo 13:15) Tinukoy ni apostol Pablo ang isa pang karagdagang dahilan nang isulat niya: “Isaalang-alang natin ang isa’t isa upang mag-udyukan sa pag-ibig at sa maiinam na gawa, na hindi pinababayaan ang ating pagtitipon, . . . kundi nagpapatibayang-loob sa isa’t isa, at lalung-lalo na samantalang inyong nakikita na papalapit na ang araw.” (Hebreo 10:24, 25) Muling ipinahayag dito ni Pablo ang damdamin ng salmistang si David, na umawit: “Ako ay nagsaya nang sabihin nila sa akin: ‘Pumaroon tayo sa bahay ni Jehova.’ ”​—Awit 122:1.

Bakit nagsasaya ang mga Kristiyano sa pagdalo sa kanilang mga pulong? Dahil yaong mga nagsisidalo ay hindi lamang mga tagapagmasid. Sa halip, ang mga pulong ay nagbibigay sa kanila ng mga pagkakataong makilala ang isa’t isa. Ang mga pagtitipong ito ay lalo nang naglalaan ng mga pagkakataon upang magbigay, hindi lamang tumanggap, at upang mag-udyukan sa isa’t isa na magpakita ng pag-ibig at makibahagi sa maiinam na gawa. Tumutulong ito na maging nakapagpapatibay na mga okasyon ang mga pulong. Karagdagan pa, ang mga pulong Kristiyano ay isa sa mga paraan ng pagtupad ni Jesus sa kaniyang pangako: “Pumarito kayo sa akin, . . . at pagiginhawahin ko kayo.”​—Mateo 11:28.

Isang Bukal ng Kaaliwan at Pagmamalasakit

May mabubuting dahilan ang mga Saksi ni Jehova upang malasin ang kanilang mga pulong bilang nakagiginhawa. Una, isinisilbi ng “tapat at maingat na alipin” sa mga pulong ang espirituwal na pagkain sa tamang panahon. (Mateo 24:45) May mahalagang papel ding ginagampanan ang mga pulong upang maging mahuhusay at masisigasig na guro ng Salita ng Diyos ang mga lingkod ni Jehova. Karagdagan pa, sa Kingdom Hall, masusumpungan ng isang indibiduwal ang isang grupo ng maibigin, maalalahanin, at nagmamalasakit na mga kaibigan na handa at nagnanais na tumulong at umaliw sa iba sa panahon ng kabagabagan.​—2 Corinto 7:5-7.

Ito ang karanasan ni Phillis, isang babaing nabalo noong ang kaniyang mga anak ay lima at walong taóng gulang pa lamang. Bilang paglalarawan sa nakagiginhawang epekto ng mga pulong Kristiyano sa kaniya at sa kaniyang mga anak, sinabi niya: “Nakaaaliw na pumunta sa Kingdom Hall dahil ang mga kapananampalataya ay laging nagpapakita ng kanilang pag-ibig at pagmamalasakit sa pamamagitan ng isang yakap, isang maka-Kasulatang kaisipan, o isang mahigpit na paghawak sa kamay. Ito ang lugar na palagi kong nais puntahan.”​—1 Tesalonica 5:14.

Pagkatapos mapasailalim si Marie sa isang maselan na operasyon, sinabi ng kaniyang doktor na mangangailangan ng di-kukulangin sa anim na linggo upang gumaling siya. Sa unang mga linggo ng kaniyang pagpapagaling, hindi makadalo si Marie sa mga pulong. Napansin ng kaniyang doktor na hindi na siya masayahin na gaya nang dati. Nang matanto niya na hindi nakadadalo si Marie sa mga pulong, pinasigla niya itong dumalo. Tumugon si Marie sa pagsasabing hindi siya papayagan ng kaniyang asawa, na hindi niya kapananampalataya, na dumalo sa mga pulong dahil sa pagmamalasakit nito sa kaniyang kalusugan. Kaya sumulat ang doktor ng isang opisyal na reseta na “nag-uutos” kay Marie na pumunta sa Kingdom Hall para sa pampatibay-loob at nakapagpapasiglang pakikipagsamahan. Ganito ang naging konklusyon ni Marie: “Pagkatapos kong madaluhan ang isang pulong, talagang gumanda ang pakiramdam ko. Nagsimula akong kumain, magdamag akong nakatulog nang mahimbing, hindi ko na kinailangang uminom pa ng gamot laban sa kirot nang gayon kadalas, at ako’y ngumingiting muli!”​—Kawikaan 16:24.

Ang pag-iibigan sa mga pulong Kristiyano ay napapansin ng mga tagalabas. Ipinasiya ng isang estudyante sa kolehiyo na magmasid sa mga Saksi ni Jehova upang sumulat ng isang akda para sa kaniyang klase sa etnolohiya. Isinulat niya sa kaniyang akda ang hinggil sa espiritung namamayani sa mga pulong: “Ang magiliw na pagtanggap na naranasan ko . . . [ay] lubhang kahanga-hanga. . . . Ang pagiging palakaibigan ng mga Saksi ni Jehova ay isang katangian na kitang-kita at, sa palagay ko, iyon ang pinakamahalagang bahagi sa napagmasdan ko.”​—1 Corinto 14:25.

Sa maligalig na sanlibutang ito, ang kongregasyong Kristiyano ay isang espirituwal na bukal. Ito’y isang lugar ng kapayapaan at pag-ibig. Sa pamamagitan ng pagdalo sa mga pulong, mararanasan mo mismo ang katotohanan ng mga pananalita ng salmista: “Narito! Anong buti at anong kaiga-igaya na ang magkakapatid ay manahanang magkakasama sa pagkakaisa!”​—Awit 133:1.

[Kahon/Larawan sa pahina 25]

SINASAPATAN ANG ISANG PANTANGING PANGANGAILANGAN

Paano makikinabang ang mga bingi sa mga pulong Kristiyano? Sa buong daigdig, bumubuo ang mga Saksi ni Jehova ng mga kongregasyong sign language. Noong nakalipas na 13 taon, 27 kongregasyong sign language at 43 grupong sign language ang binuo na sa Estados Unidos. Sa di-kukulangin na 40 iba pang bansa, mayroon na ngayong mga 140 kongregasyong sign language. Ang mga publikasyong Kristiyano ay inihanda sa video sa 13 sign language.

Nagbibigay ang kongregasyong Kristiyano ng pagkakataon sa mga bingi na purihin si Jehova. Si Odile, isang dating Katoliko sa Pransiya na dumanas ng malubhang panlulumo at nag-isip nang magpatiwakal, ay lubhang nagpapasalamat sa edukasyon sa Bibliya na kaniyang tinanggap sa mga pulong Kristiyano. “Nanumbalik ang aking kalusugan at kagalakan sa buhay,” ang sabi niya. “Ngunit higit sa lahat, nasumpungan ko ang katotohanan. May layunin na ngayon ang buhay para sa akin.”