Dapat Bang Nakasalig sa Makatuwirang Pag-iisip ang Pananampalataya?
Dapat Bang Nakasalig sa Makatuwirang Pag-iisip ang Pananampalataya?
“Napakaraming ‘debotong’ tao ang naging relihiyoso upang makaiwas lamang na mag-isíp,” ang isinulat ng dekano ng isang seminaryo sa teolohiya sa Estados Unidos. “Basta ang gusto lamang nila ay tanggapin ang lahat ng bagay ‘nang hindi na nangangailangan ng patotoo,’” ang dagdag pa niya.
IPINAHIHIWATIG nito na ang karamihan sa mga tao na nag-aangking may relihiyosong paniniwala ay hindi gaanong nag-iisip kung bakit nila pinaniniwalaan ang kanilang sinasampalatayanan o kung may makatuwirang saligan ang kanilang pananampalataya. Hindi kataka-taka na ang relihiyon ay naging isang paksa na atubiling pag-usapan ng marami.
Nakalulungkot, ang mga gawaing gaya ng paggamit ng relihiyosong mga imahen at pag-ulit ng sauladong mga panalangin ay nakahahadlang din sa makatuwirang paggamit ng isip. Ang mga gawaing ito, lakip na ang maringal na arkitektura, masalimuot na de-kolór na mga bintanang salamin, at nakaaantig na musika, ang siyang halos bumubuo sa relihiyon ng milyun-milyong tao. Bagaman ang ilang relihiyon ay nag-aangkin na ang kanilang pananampalataya ay salig sa Bibliya, ang kanilang mensahe na ‘manampalataya ka lamang kay Jesus at ikaw ay maliligtas’ ay humahadlang sa seryosong pag-aaral sa Bibliya. Ang iba ay bumabaling sa pangangaral ng isang panlipunan o pampulitikang ebanghelyo. Ano ang naging resulta ng lahat ng ito?
Hinggil sa kalagayan sa Hilagang Amerika, isang manunulat hinggil sa relihiyon ang nagsabi: “Ang Kristiyanismo . . . ay nagiging panlabas na anyo lamang, [at] ang mga tagasunod nito ay halos hindi naturuan hinggil sa pananampalataya.” Inilarawan pa nga ng isang nagsusurbey ang Estados Unidos bilang “isang bansa ng mga mangmang sa bibliya.” Upang maging patas, ang mga komentong ito ay kumakapit din sa ibang mga bansa kung saan namamayani ang tinatawag na Kristiyanismo. Maraming di-Kristiyanong relihiyon ang humahadlang din sa pangangatuwiran at sa halip ay nagdiriin sa mga awit, ritwalistikong mga panalangin, at iba’t ibang anyo ng pagbubulay-bulay na may kaakibat na mistisismo, sa halip na lohikal, at positibong pag-iisip.
Subalit, sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay, ang gayunding mga tao na hindi masyadong nag-iisip hinggil sa katumpakan o pagiging totoo ng kanilang relihiyosong mga paniniwala ay kadalasang nag-iisip naman nang buong ingat hinggil sa ibang mga bagay. Hindi mo ba ituturing na kakatwa na ang isang tao na gumagawa ng puspusang pagsasaliksik upang bumili lamang ng isang kotse—na sa isang araw ay hahantong sa bunton ng basura—ay magsasabi hinggil sa kaniyang relihiyon, ‘Kung ito ay kasiya-siya sa aking mga magulang, kasiya-siya na rin ito sa akin’?
Kung talagang interesado tayong mapaluguran ang Diyos, hindi ba dapat nating taimtim na isaalang-alang ang katumpakan ng ating pinaniniwalaan tungkol sa kaniya? Si apostol Pablo ay bumanggit hinggil sa ilang taong relihiyoso noong kaniyang kapanahunan “na may sigasig sila sa Diyos; ngunit hindi ayon sa tumpak na kaalaman.” (Roma 10:2) Ang mga ito ay maihahalintulad sa isang upahang pintor na nagpapagal upang pintahan ang isang bahay subalit gumagamit naman ng maling mga kulay dahil sa hindi niya pinakinggan ang mga tagubilin ng may-ari. Maaaring masiyahan ang pintor sa kaniyang trabaho, subalit iyon ba ay kaayaaya sa may-ari?
Ano ba ang kaayaaya sa Diyos may kinalaman sa tunay na pagsamba? Ang Bibliya ay sumasagot: “Ito ay mainam at kaayaaya sa paningin ng ating Tagapagligtas, ang Diyos, na ang kalooban ay na ang lahat ng uri ng mga tao ay maligtas at sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.” (1 Timoteo 2:3, 4) Maaaring madama ng ilan na imposible na makasumpong ng gayong kaalaman sa gitna ng maraming relihiyon sa ngayon. Subalit isipin—kung kalooban ng Diyos na ang mga tao ay sumapit sa tumpak na kaalaman ng katotohanan, di-makatuwiran ba niyang itatago iyon sa kanila? Hindi kung ibabatay sa Bibliya, na nagsasabi: “Kung hahanapin mo [ang Diyos], hahayaan niyang masumpungan mo siya.”—1 Cronica 28:9.
Paano ipinakikilala ng Diyos ang kaniyang sarili sa lahat ng taimtim na humahanap sa kaniya? Ang susunod na artikulo ay maglalaan ng kasagutan.