Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Gusto Kong Maglingkod sa Diyos”

“Gusto Kong Maglingkod sa Diyos”

“Gusto Kong Maglingkod sa Diyos”

“LUMABAS kayo sa kaniya, bayan ko.” Iyan ang panawagan ng anghel na narinig ni apostol Juan noong unang siglo C.E. Sa ating panahon, milyun-milyong tapat-pusong mga tao ang tumutugon at tumatakas mula sa “Babilonyang Dakila,” ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. (Apocalipsis 18:1-4) Kabilang sa kanila si Wilner mula sa Haiti, na naglahad ng kaniyang karanasan.

“Isinilang ako noong 1956 sa isang pamilya na debotong Katoliko sa munting nayon ng St. Marc, Haiti. Gunigunihin ang kagalakan ng aking pamilya nang mapili ako, kasama ng dalawa pa sa aming bayan, na mag-aral sa isang seminaryo sa St. Michel de l’Atalaye, Haiti. Pagkatapos, noong 1980, ipinadala kami sa Stavelot, Belgium, para sa karagdagang pagsasanay. Doon ay nag-aral din kami sa isang pamantasang Katoliko.

“Sa simula ay sabik na sabik akong maging pari. Isang araw sa silid-kainan, hiniling ng paring nangangasiwa sa aming grupo na ako ay magpaiwan nang ilang minuto dahil mayroon siyang nais na sabihin sa akin. Gayon na lamang ang aking pagkabigla nang hayagan niyang sabihin sa akin na siya’y may seksuwal na pagnanasa sa akin! Tinanggihan ko ang kaniyang pang-aakit ngunit ako’y talagang nadismaya. Sumulat ako sa aking pamilya tungkol sa insidenteng iyon at pagkaraan ng ilang buwan ay nilisan ko ang seminaryo, sa kabila ng kanilang pagkalungkot. Nakasumpong ako ng matutuluyan sa nayon at kumuha ako ng ibang kurso.

“Nang bumalik ako sa St. Marc, wala na akong tiwala sa Simbahang Katoliko. Gayunpaman, gusto kong maglingkod sa Diyos, pero hindi ko alam kung ano ang aking gagawin. Pumunta ako sa simbahang Sabadista, simbahang Ebenezer, at sa simbahang Mormon. Walang direksiyon ang aking espirituwalidad.

“Nang magkagayo’y naalaala ko na noong ako’y nag-aaral sa seminaryo sa Belgium, binabasa ko ang Bibliyang salin ni Crampon. Doon ay natuklasan kong may pangalan ang Diyos. Kaya ginagamit ang kaniyang pangalan ay marubdob akong nanalangin sa Diyos na tulungan akong masumpungan ang tunay na relihiyon.

“Di-nagtagal pagkatapos nito, dalawang Saksi ni Jehova ang lumipat sa aming lugar. Sila ay tahimik, magagalang, at nagpapamalas ng dignidad. Humanga ako sa kanilang paraan ng pamumuhay. Isang araw, inanyayahan ako ng isa sa dalawang Saksi na dumalo sa taunang Memoryal ng kamatayan ni Kristo. Ako’y lubusang nasiyahan sa pulong at pumayag na regular na makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi. Sa loob ng mga anim na buwan, ako’y nakumbinsi na nasumpungan ko na ang tamang paraan upang paglingkuran ang Diyos. Inialay ko ang aking buhay kay Jehova at nabautismuhan noong Nobyembre 20, 1988.”

Nang maglaon, pumasok si Wilner sa buong-panahong paglilingkod. Sa ngayon, naglilingkod siya bilang isang matanda sa kongregasyon. Silang mag-asawa, kasama ng kanilang dalawang anak, ay maligayang naglilingkod sa kongregasyon.

[Larawan sa pahina 9]

Sa pagbabasa ng Bibliya, natuklasan ni Wilner na Jehova ang pangalan ng Diyos