Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Hanapin ang Diyos sa Pamamagitan ng Iyong Puso at Isip

Hanapin ang Diyos sa Pamamagitan ng Iyong Puso at Isip

Hanapin ang Diyos sa Pamamagitan ng Iyong Puso at Isip

Ang tunay na Kristiyanismo ay nagpapasigla sa paggamit ng puso at isip upang malinang ang pananampalataya na nakalulugod sa Diyos.

SA KATUNAYAN, ang tagapagtatag ng Kristiyanismo, si Jesus Kristo, ay nagturo sa atin na ibigin ang Diyos nang “buong pag-iisip” o talino natin, bukod pa sa “buong puso” at “buong kaluluwa” natin. (Mateo 22:37) Oo, ang mga kakayahan ng ating isipan ay dapat gumanap ng isang mahalagang papel sa ating pagsamba.

Kapag inaanyayahan ang kaniyang mga tagapakinig na pag-isipan ang kaniyang turo, kadalasang sinasabi ni Jesus: “Ano sa palagay mo?” (Mateo 17:25; 18:12; 21:28; 22:42) Sa ganito ring paraan, si apostol Pedro ay sumulat sa mga kapananampalataya upang ‘gisingin ang kanilang malinaw na kakayahan ng pag-iisip.’ (2 Pedro 3:1) Ang unang misyonero na may pinakamalawak na nalakbay, si apostol Pablo, ay nagpayo sa mga Kristiyano na gamitin ang kanilang “kakayahan sa pangangatuwiran” at upang “mapatunayan [nila] sa [kanilang] sarili ang mabuti at kaayaaya at sakdal na kalooban ng Diyos.” (Roma 12:1, 2) Sa pamamagitan lamang ng gayong lubusan at maingat na pagsasaalang-alang ng kanilang mga paniniwala, malilinang ng mga Kristiyano ang pananampalataya na kalugud-lugod sa Diyos at nakatutulong upang mapagtagumpayan ang mga pagsubok na babangon sa buhay.​—Hebreo 11:1, 6.

Upang matulungan ang iba na malinang ang gayong pananampalataya, ang unang mga Kristiyanong ebanghelisador ay ‘nangatuwiran sa kanila mula sa Kasulatan, na ipinaliliwanag at pinatutunayan sa pamamagitan ng mga reperensiya’ ang mga bagay na itinuro. (Gawa 17:1-3) Ang gayong makatuwirang paglapit ay umaakay sa isang mainam na pagtugon mula sa tapat-pusong mga tao. Halimbawa, may ilang tao sa lunsod ng Berea sa Macedonia ang ‘tumanggap sa salita [ng Diyos] nang may buong pananabik ng kaisipan, na maingat na sinusuri ang Kasulatan sa araw-araw kung totoo nga ang mga bagay na [ipinaliwanag ni Pablo at ng kaniyang mga kasamahan].’ (Gawa 17:11) Dalawang bagay ang marapat pansinin dito. Una, ang mga taga-Berea ay may pananabik na nakinig sa Salita ng Diyos; ikalawa, hindi nila basta na lamang itinuring na tama ang kanilang napakinggan, kundi muli nilang sinuri ang Kasulatan. May paggalang na pinapurihan ng misyonerong Kristiyano na si Lucas ang mga taga-Berea dahil dito, anupat tinawag sila na “mararangal ang pag-iisip.” Ipinamamalas mo ba ang gayong marangal na pag-iisip sa iyong pagsasaalang-alang ng espirituwal na mga bagay?

Nagtutulungan ang Isip at Puso

Gaya ng nabanggit kanina, nasasangkot ang isip at puso sa tunay na pagsamba. (Marcos 12:30) Alalahanin ang ilustrasyon sa naunang artikulo hinggil sa isang upahang pintor na gumamit ng maling mga kulay sa pagpipinta ng isang bahay. Kung siya ay maingat na nakinig sa mga tagubilin ng umupa sa kaniya, maaaring buong puso at kaluluwa siyang nakapagtrabaho at nagkaroon ng pagtitiwala na ang kaniyang gawa ay maaaring sang-ayunan ng may-ari. Ito ay kumakapit din sa ating pagsamba.

“Sasambahin ng mga tunay na mananamba,” wika ni Jesus, “ang Ama sa espiritu at katotohanan.” (Juan 4:23) Kaya, sumulat si apostol Pablo: “Iyan din ang dahilan kung bakit kami . . . ay hindi tumitigil sa pananalangin para sa inyo at sa paghiling na mapuspos kayo ng tumpak na kaalaman sa kaniyang kalooban na may buong karunungan at espirituwal na pagkaunawa, sa layuning lumakad nang karapat-dapat kay Jehova upang palugdan siya nang lubos.” (Colosas 1:9, 10) Ang gayong “tumpak na kaalaman” ay nagpapangyari sa taimtim na mga indibiduwal na maging buong puso at kaluluwa sa kanilang pagsamba taglay ang lubos na pagtitiwala sapagkat sila ay ‘sumasamba sa kanilang nakikilala.’​—Juan 4:22.

Dahilan dito, hindi binabautismuhan ng mga Saksi ni Jehova ang mga sanggol o ang bagong interesadong mga tao na hindi pa maingat na nakapag-aaral sa Kasulatan. Inatasan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod: “Gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, . . . na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo.” (Mateo 28:19, 20) Pagkatapos lamang na magtamo ng tumpak na kaalaman sa kalooban ng Diyos, maaaring makagawa ng tumpak na pagpapasiya ang taimtim na mga estudyante sa Bibliya hinggil sa pagsamba. Ikaw ba ay nagsisikap na magtamo ng gayong tumpak na kaalaman?

Pag-unawa sa Panalangin ng Panginoon

Upang makita ang pagkakaiba ng pagkakaroon ng tumpak na kaalaman sa Bibliya at pagkakaroon ng limitadong kaalaman sa sinasabi nito, isaalang-alang natin ang karaniwang tinatawag na Ama Namin, o ang Panalangin ng Panginoon, na nakaulat sa Mateo 6:9-13.

Milyun-milyon ang regular na umuusal ng modelong panalangin ni Jesus sa simbahan. Subalit gaano karami ang naturuan hinggil sa kahulugan nito, lalo na sa unang bahagi ng panalangin na tumutukoy sa pangalan at Kaharian ng Diyos? Ang mga paksang ito ay napakahalaga anupat inuna ni Jesus ang mga ito sa panalangin.

Ito’y nagsisimula nang ganito: “Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang iyong pangalan,” na nangangahulugang sambahin, o gawing banal. Pansinin na sinabi ni Jesus na ipanalangin na pakabanalin ang pangalan ng Diyos. Para sa maraming tao, ito ay nagbabangon ng di-kukulangin sa dalawang tanong. Una, ano ang pangalan ng Diyos? At ikalawa, bakit kailangan itong pakabanalin?

Ang sagot sa unang tanong ay maaaring masumpungan sa mahigit na 7,000 lugar sa Bibliya sa orihinal na mga wika nito. Ang isa ay nasa Awit 83:18: “Upang malaman ng mga tao na ikaw, na ang pangalan ay Jehova, ikaw lamang ang Kataas-taasan sa buong lupa.” Hinggil sa banal na pangalang Jehova, ang Exodo 3:15 ay nagsasabi: “Ito ang aking pangalan hanggang sa panahong walang takda, at ito ang pinakaalaala sa akin sa sali’t salinlahi.” * Ngunit bakit ang pangalan ng Diyos na siya mismong pinakadiwa ng kadalisayan at kabanalan ay kailangang pakabanalin? Sapagkat ito ay inupasala at siniraang-puri buhat pa sa mismong pasimula ng kasaysayan ng tao.

Sa Eden, sinabi ng Diyos kina Adan at Eva na sila ay mamamatay kapag kinain nila ang ipinagbabawal na bunga. (Genesis 2:17) Buong-kapangahasang sinalungat ni Satanas ang Diyos, anupat sinabi niya kay Eva: “Tiyak na hindi kayo mamamatay.” Kaya, pinaratangan ni Satanas ang Diyos ng pagsisinungaling. Subalit hindi siya huminto roon. Higit pa niyang inupasala ang pangalan ng Diyos, na sinasabi kay Eva na ang Diyos diumano ay hindi makatuwirang nagkakait sa kaniya ng mahalagang kaalaman. “Sapagkat nalalaman ng Diyos na sa mismong araw na kumain kayo mula [sa punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama] ay madidilat nga ang inyong mga mata at kayo nga ay magiging tulad ng Diyos, na nakakakilala ng mabuti at masama.” Isa ngang paninirang-puri!​—Genesis 3:4, 5.

Sa pamamagitan ng pagkain sa ipinagbabawal na bunga, sina Adan at Eva ay nanindigan sa panig ni Satanas. Ang karamihan sa mga tao mula noon, nalalaman man nila o hindi, ay nakaragdag sa orihinal na pag-upasalang iyon sa pamamagitan ng pagtatakwil sa matutuwid na pamantayan ng Diyos. (1 Juan 5:19) Patuloy na sinisiraang-puri ng mga tao ang Diyos sa pamamagitan ng paninisi sa kaniya dahil sa kanilang pagdurusa​—bagaman maaaring ito ay dahil sa kanilang masasamang lakad. “Ang kamangmangan ng tao ang sumisira sa kaniyang buhay, at pagkatapos siya ay nagagalit laban sa Diyos,” wika ng Kawikaan 19:3. (The New English Bible) Nauunawaan ba ninyo kung bakit si Jesus, na tunay na umiibig sa kaniyang Ama, ay nanalangin na pakabanalin ang Kaniyang pangalan?

“Dumating Nawa ang Iyong Kaharian”

Pagkatapos ipanalangin na pakabanalin ang pangalan ng Diyos, sinabi ni Jesus: “Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.” (Mateo 6:10) Hinggil sa tekstong iyan, maaari nating itanong: ‘Ano ang Kaharian ng Diyos? At ano ang kaugnayan ng pagdating nito sa pagsasagawa ng kalooban ng Diyos sa lupa?’

Sa Bibliya, ang salitang “kaharian” ay karaniwang nangangahulugang “pamamahala ng isang hari.” Makatuwiran kung gayon na ang Kaharian ng Diyos ay tutukoy sa isang pamamahala, o gobyerno, ng Diyos, na may isang hari na pinili niya. Ang Haring ito ay walang iba kundi ang binuhay-muling si Jesu-Kristo​—ang “Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon.” (Apocalipsis 19:16; Daniel 7:13, 14) Hinggil sa Mesiyanikong Kaharian ng Diyos sa mga kamay ni Jesu-Kristo, ang propetang si Daniel ay sumulat: “Sa mga araw ng mga haring iyon [mga gobyerno ng tao na ngayo’y namamahala] ay magtatatag ang Diyos ng langit ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman. At ang kaharian ay hindi isasalin sa iba pang bayan. Dudurugin nito at wawakasan ang lahat ng mga kahariang ito, at iyon ay mananatili hanggang sa mga panahong walang takda,” na nangangahulugang magpakailanman.​—Daniel 2:44.

Oo, ang Kaharian ng Diyos ay magkakaroon ng lubusang kontrol sa lupa, na pinapawi ang lahat ng kabalakyutan at mamamahala “hanggang sa panahong walang takda,” na nangangahulugang, walang hanggan. Sa ganitong paraan, ang Kaharian ng Diyos ang siyang paraan upang pakabanalin ni Jehova ang kaniyang pangalan, na pinapawi ang bulaang pag-upasala ni Satanas at ng balakyot na mga tao.​—Ezekiel 36:23.

Tulad ng lahat ng pamahalaan, may mga sakop ang Kaharian ng Diyos. Sino ang mga ito? Ang Bibliya ay sumasagot: “Ang maaamo ang magmamay-ari ng lupa, at makasusumpong nga sila ng masidhing kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan.” (Awit 37:11) Gayundin naman, sinabi ni Jesus: “Maligaya ang mga mahinahong-loob, yamang mamanahin nila ang lupa.” Sabihin pa, taglay ng mga ito ang tumpak na kaalaman ng Diyos, na isang kahilingan ukol sa buhay.​—Mateo 5:5; Juan 17:3.

Maguguniguni mo ba na ang buong lupa ay punô ng maaamo, mahinahong-loob na mga tao na tunay na umiibig sa Diyos at umiibig sa isa’t isa? (1 Juan 4:7, 8) Ito ang ipinanalangin ni Jesus nang sabihin niya: “Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.” Nauunawaan mo ba kung bakit tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga alagad na manalangin sa gayong paraan? Higit na mahalaga, nakikita mo ba kung paano makaaapekto sa iyo nang personal ang katuparan ng panalanging iyan?

Milyun-milyon Na Ngayon ang Nangangatuwiran Salig sa Kasulatan

Inihula ni Jesus ang isang pangglobong kampanya ng espirituwal na edukasyon na maghahayag sa dumarating na Kaharian ng Diyos. Sinabi niya: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; kung magkagayon ay darating ang wakas [ng kasalukuyang sanlibutan, o sistema].”​—Mateo 24:14.

Sa palibot ng daigdig, ibinabahagi ng mga anim na milyong Saksi ni Jehova ang mabuting balitang iyan sa kanilang kapuwa. Ikaw ay inaanyayahan nila na matuto pa nang higit hinggil sa Diyos at sa kaniyang Kaharian sa pamamagitan ng ‘maingat na pagsusuri sa Kasulatan,’ na ginagamit ang iyong kakayahan sa pangangatuwiran. Ang paggawa nito ay magpapatibay sa iyong pananampalataya at magpapakislap sa iyong mga mata taglay ang pag-asang buhay sa isang paraisong lupa, na “mapupuno ng kaalaman kay Jehova gaya ng tubig na tumatakip sa dagat.”​—Isaias 11:6-9.

[Talababa]

^ par. 14 Mas gustong gamitin ng ilang iskolar ang saling “Yahweh” kaysa “Jehova.” Gayunman, inalis ng karamihang tagapagsalin ng Bibliya ang anumang anyo ng pangalan ng Diyos sa kanilang mga bersiyon, anupat pinalitan ito ng pangkalahatang titulo na “Panginoon” o “Diyos.” Para sa malalim na pagtalakay hinggil sa pangalan ng Diyos, pakisuyong tingnan ang brosyur na Ang Banal na Pangalan na Mananatili Magpakailanman, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Kahon/Larawan sa pahina 8]

TULARAN ANG DAKILANG GURO

Si Jesus ay kadalasang nagtuturo sa pamamagitan ng pagtutuon ng pansin sa espesipikong mga paksa sa Bibliya. Halimbawa, pagkatapos na siya’y mabuhay-muli, ipinaliwanag niya ang kaniyang papel sa layunin ng Diyos sa dalawang alagad niya na nagugulumihanan hinggil sa kaniyang kamatayan. Ang Lucas 24:27 ay nagsasabi: “Pasimula kay Moises at sa lahat ng mga Propeta ay binigyang-kahulugan niya sa kanila ang mga bagay na may kinalaman sa kaniyang sarili sa lahat ng Kasulatan.”

Pansinin na si Jesus ay pumili ng isang espesipikong paksa​—ang “kaniyang sarili,” ang Mesiyas​—​at na siya’y sumipi mula sa “lahat ng Kasulatan” sa kaniyang pagtalakay. Sa diwa, pinagsama-sama ni Jesus ang mahahalagang teksto tulad ng mga piraso ng isang palaisipan upang makita ng kaniyang mga alagad ang malinaw na parisan ng espirituwal na katotohanan. (2 Timoteo 1:13) Bilang resulta, hindi lamang sila naliwanagan kundi lubhang naantig. Ang ulat ay nagsasabi sa atin: “Sinabi nila sa isa’t isa: ‘Hindi ba nagniningas ang ating mga puso habang nagsasalita siya sa atin sa daan, habang lubusan niyang binubuksan ang Kasulatan sa atin?’”​—Lucas 24:32.

Pinagsisikapan ng mga Saksi ni Jehova na tularan ang mga paraan ni Jesus sa kanilang ministeryo. Ang kanilang pangunahing mga pantulong sa pag-aaral ay ang brosyur na Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin? at ang aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan. Dose-dosena ang tinatalakay nitong kapana-panabik na mga paksa sa Bibliya, tulad ng: “Sino ang Diyos?,” “Bakit Pinahihintulutan ng Diyos ang Pagdurusa?,” “Paano Mo Masusumpungan ang Tunay na Relihiyon?,” “Ito Na ang mga Huling Araw!,” at “Pagtatayo ng Isang Pamilya na Nagpaparangal sa Diyos.” Bawat aralin ay naglalaman ng maraming kasulatan.

Inaanyayahan kang makipag-ugnayan sa mga Saksi ni Jehova sa inyong komunidad o sumulat sa direksiyong nasa pahina 2 ng magasing ito para sa walang-bayad na pantahanang pag-aaral sa Bibliya tungkol sa mga ito at sa iba pang mga paksa.

[Larawan]

Abutin ang puso ng iyong estudyante sa pamamagitan ng pagtutuon ng pansin sa espesipikong mga paksa sa Bibliya

[Mga larawan sa pahina 7]

Nauunawaan mo ba ang kahulugan ng modelong panalangin ni Jesus?

“Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang iyong pangalan . . .”

“Dumating nawa ang iyong [Mesiyanikong] kaharian . . .”

“Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa”