Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Manatiling Gising, at Sumulong Nang May Lakas-Loob!

Manatiling Gising, at Sumulong Nang May Lakas-Loob!

Manatiling Gising, at Sumulong Nang May Lakas-Loob!

Ulat sa Pantanging mga Pagpupulong

SINO ang tuwirang makapagkakaila na nabubuhay tayo sa “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan”? Bilang mga Saksi ni Jehova, hindi tayo ligtas sa mga panggigipit ng pamumuhay sa “huling mga araw.” (2 Timoteo 3:1-5) Ngunit kinikilala natin na kailangan ng mga tao ang tulong. Hindi nila nauunawaan ang kahulugan ng mga pangyayari sa daigdig. Kailangan nila ang kaaliwan at pag-asa. Pangunahin na, ano ang papel natin sa pagtulong sa ating kapuwa-tao?

Mayroon tayong bigay-Diyos na atas na ibahagi ang mabuting balita ng itinatag na Kaharian ng Diyos. (Mateo 24:14) Kailangang malaman ng mga tao na ang makalangit na Kahariang ito ang tanging pag-asa para sa sangkatauhan. Gayunman, ang ating mensahe ay hindi laging tinatanggap nang may pagsang-ayon. Sa ilang lugar, ang ating gawain ay ipinagbabawal at ang ating mga kapatid ay pinag-uusig. Gayunman, hindi tayo sumusuko. Taglay ang lubos na tiwala kay Jehova, determinado tayo na manatiling gising at patuloy na sumulong nang may lakas-loob, na ipinahahayag ang mabuting balita nang walang humpay.​—Gawa 5:42.

Ang matatag na determinasyong iyan ay nakita sa pantanging mga pagpupulong na ginanap noong Oktubre 2001. Noong Sabado, Oktubre 6, ang taunang pulong ng Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania ay ginanap sa Jersey City, New Jersey, Assembly Hall ng mga Saksi ni Jehova sa Estados Unidos. * Nang sumunod na araw, idinaos ang karagdagang mga pagpupulong sa apat na lugar, tatlo sa Estados Unidos at isa sa Canada. *

Sa kaniyang pambukas na pananalita sa taunang pagpupulong, tinukoy ng tsirman, si Samuel F. Herd, isang miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, ang Awit 92:1, 4 at pagkatapos ay sinabi: “Nais nating ipakita na tayo ay mapagpasalamat.” Oo, ang mga dahilan upang magpasalamat ay ibinigay sa limang ulat mula sa palibot ng daigdig.

Mga Ulat Mula sa Lahat ng Dako

Nag-ulat si Brother Alfred Kwakye sa pagsulong ng gawaing pangangaral sa Ghana, na dating kilalá bilang ang Gold Coast. Ang ating gawain sa lupaing iyon ay ipinagbawal sa loob ng maraming taon. Magtatanong ang mga tao: “Bakit ipinagbawal? Ano ba ang nagawa ninyo?” Ito ay nagbukas ng mga pagkakataon upang magpatotoo, ang paliwanag ni Brother Kwakye. Noong 1991 nang alisin ang pagbabawal, may 34,421 Saksi ni Jehova sa Ghana. Noong Agosto 2001, ang kabuuang bilang ay 68,152​—na 98-porsiyentong pagsulong. Kasalukuyang isinasaplano ang pagtatayo ng isang Assembly Hall na may 10,000 upuan. Maliwanag, sinasamantala ng ating espirituwal na mga kapatid sa Ghana ang kanilang kalayaan sa relihiyon.

Sa kabila ng kaguluhan sa pulitika, ang ating mga kapatid sa Ireland ay aktibong nakikibahagi sa ministeryo, at sila ay iginagalang dahil sa kanilang neutral na paninindigan. Ang Ireland ay may 115 kongregasyon sa 6 na sirkito, ang sabi ng tagapag-ugnay ng Komite sa Sangay na si Peter Andrews. Inilahad ni Brother Andrews ang karanasan ni Liam, isang sampung-taóng-gulang na batang lalaki na walang takot sa pagpapatotoo sa paaralan. Naipasakamay ni Liam Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova, sa 25 sa kaniyang mga kaklase gayundin sa kaniyang guro. Nais ni Liam na magpabautismo, ngunit may nagtanong sa kaniya na baka napakabata pa niya. Sumagot si Liam: “Hindi po ang aking edad kundi ang aking pag-ibig kay Jehova ang dapat na maging saligan. Ang aking bautismo ay magpapakita kung gaano ko siya kamahal.” Ang tunguhin ni Liam ay maging isang misyonero.

Noong 1968 ay may 5,400 mamamahayag ng mabuting balita sa Venezuela. Ngunit ngayon ay mayroon nang mahigit sa 88,000, ang sabi ni Stefan Johansson, ang tagapag-ugnay ng Komite sa Sangay. At may potensiyal para sa karagdagang pagsulong sapagkat mahigit na 296,000 ang dumalo sa Memoryal noong 2001. Noong Disyembre 1999, ang humuhugos na ulan ay nagpaguho ng putik na pumatay sa tinatayang 50,000 katao, kabilang na ang ilang Saksi. Isang Kingdom Hall ang napuno ng putik nang halos hanggang kisame. Nang may magmungkahi na kanilang iwan na ang gusali, sumagot ang mga kapatid: “Hinding-hindi! Ito ang aming Kingdom Hall, at hindi namin ito iiwan ngayon.” Nagsimula silang magtrabaho sa pag-aalis ng tone-toneladang putik, bato, at iba pang mga labí. Ang gusali ay muling ginawa, at sinabi ng mga kapatid na mas maganda ito ngayon kaysa noong bago maganap ang kasakunaan!

Mayroong 87 wika at mga diyalekto na sinasalita sa Pilipinas, ang sabi ni Brother Denton Hopkinson, tagapag-ugnay ng Komite sa Sangay. Noong nakalipas na taon ng paglilingkod, ang kumpletong Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan ay inilabas sa tatlong pangunahing wika ng bansa​—Cebuano, Iloko, at Tagalog. Inilahad ni Brother Hopkinson ang karanasan ng isang siyam-na-taóng-gulang na bata na nakabasa sa aklat na Good News​—To Make You Happy, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova. Nakakuha siya ng iba pang mga publikasyon mula sa sangay, na binasa rin niya, ngunit sinalansang siya ng kaniyang pamilya. Pagkalipas ng maraming taon nang siya ay nag-aaral ng medisina, nakipag-ugnayan siya sa sangay at humiling ng isang pag-aaral sa Bibliya. Siya ay nabautismuhan noong 1996 at di-nagtagal ay pumasok sa buong-panahong ministeryo. Siya ngayon ay naglilingkod kasama ng kaniyang asawa sa tanggapang pansangay.

‘Ang Puerto Rico ay “nagluluwas ng maraming Saksi,” ’ ang paliwanag ng tagapag-ugnay ng Komite sa Sangay na si Ronald Parkin. May halos 25,000 mamamahayag sa isla, at ang bilang ay hindi nagbago sa paglipas ng maraming taon. Bakit? Buweno, tinatayang ang Puerto Rico ay “nagluluwas” ng mga 1,000 mamamahayag bawat taon sa Estados Unidos, anupat marami sa kanila ay lumilipat dahil sa kabuhayan. Ikinuwento ni Brother Parkin ang isang mahalagang pasiya ng korte may kaugnayan kay Luis, isang 17-taóng-gulang na Saksi na may lukemya. Dahil sa tumutol si Luis sa pagsasalin ng dugo, ang kaniyang kaso ay dinala sa korte. Nais ng hukom na makausap siya nang personal, kaya dinalaw nito si Luis sa ospital. Tinanong siya ni Luis: “Bakit po kapag nakagawa ako ng isang malubhang krimen, hahatulan ninyo ako na gaya ng isang adulto, ngunit kapag nais kong sundin ang Diyos, pinakikitunguhan ninyo ako na gaya ng isang menor-de-edad?” Nakumbinsi ang hukom na siya ay isang may-gulang na menor-de-edad at kaya niyang magpasiya para sa kaniyang sarili.

Pagkatapos ng ulat mula sa malalayong lupain, pinangunahan ni Harold Corkern, ng Komite sa Sangay ng Estados Unidos, ang pakikipanayam sa apat na matagal nang lingkod ni Jehova. Si Arthur Bonno ay gumugol ng 51 taon sa buong-panahong paglilingkod at naglilingkod ngayon sa Komite sa Sangay ng Ecuador. Si Angelo Catanzaro ay gumugol ng 59 na taon sa buong-panahong paglilingkod, na kalakhan nito ay bilang isang naglalakbay na tagapangasiwa. Si Richard Abrahamson ay nagtapos sa Paaralang Gilead noong 1953, at siya ay nagkapribilehiyo na pangasiwaan ang gawain sa Denmark sa loob ng 26 na taon bago bumalik sa Brooklyn Bethel. Panghuli, ang lahat ay nasiyahan na makapakinig mula sa 96-na-taóng-gulang na si Carey W. Barber. Nabautismuhan noong 1921, si Brother Barber ay gumugol ng 78 taon sa buong-panahong ministeryo at miyembro na ng Lupong Tagapamahala mula pa noong 1978.

Nakapagpapasiglang mga Pahayag

Kalakip sa taunang pulong ang isang serye ng nakapupukaw-kaisipang mga pahayag. Nagsalita si Brother Robert W. Wallen sa paksang “Isang Bayan Ukol sa Kaniyang Pangalan.” Tayo ay isang bayan ukol sa pangalan ng Diyos, at matatagpuan tayo sa mahigit na 230 lupain. Pinagkalooban tayo ni Jehova ng “kinabukasan at pag-asa.” (Jeremias 29:11) Kailangang patuloy nating ipakilala ang Kaharian ng Diyos, anupat ibinabahagi ang kamangha-manghang mensahe ng kaaliwan at kaginhawahan. (Isaias 61:1) “Nawa sa araw-araw,” ang pagtatapos ni Brother Wallen, “ay patuloy tayong mamuhay ayon sa pangalan na itinatawag sa atin, mga Saksi ni Jehova.”​—Isaias 43:10.

Ang huling bahagi ng programa ay isang simposyum ng tatlong miyembro ng Lupong Tagapamahala. Ito ay pinamagatang “Ngayon Na ang Panahon Upang Manatiling Gising, Tumayong Matatag, at Magpakalakas.”​—1 Corinto 16:13.

Una, nagsalita si Brother Stephen Lett sa paksang “Manatiling Gising sa mga Huling Sandaling Ito.” Ang pisikal na pagtulog ay isang kaloob, ang paliwanag ni Brother Lett. Muli tayong binibigyang-lakas nito. Gayunman, ang espirituwal na pagtulog ay hindi kailanman kapaki-pakinabang. (1 Tesalonica 5:6) Kung gayon, paano tayo makapananatiling gising sa espirituwal? Binuod ni Brother Lett ang tatlong espirituwal na “mga pildoras”: (1) Magkaroon ng maraming ginagawa sa gawain ng Panginoon. (1 Corinto 15:58) (2) Maging palaisip sa iyong pangangailangan sa espirituwal. (Mateo 5:3) (3) Tumugon sa salig-Bibliyang payo upang makakilos nang may karunungan.​—Kawikaan 13:20.

Binigkas ni Brother Theodore Jaracz ang nakapagpapasiglang pahayag na pinamagatang “Tumayong Matatag sa Ilalim ng Pagsubok.” Sa pagtukoy sa Apocalipsis 3:10, nagtanong si Brother Jaracz: “Ano ang ‘oras ng pagsubok’?” Ang pagsubok na iyon ay darating “sa araw ng Panginoon,” ang panahong ating kinabubuhayan. (Apocalipsis 1:10) Ang pagsubok ay nakasentro sa pangunahing isyu​—tayo ba ay para sa naitatag na Kaharian ng Diyos o para sa balakyot na sistema ng mga bagay ni Satanas? Hanggang sa magwakas ang oras ng pagsubok na iyon, tayo ay tiyak na mapapaharap sa mga pagsubok o mga kahirapan. Tayo ba ay mananatiling matapat kay Jehova at sa kaniyang organisasyon? ‘Kailangan nating ipamalas ang gayong katapatan bilang mga indibiduwal,’ ang sabi ni Brother Jaracz.

Bilang pangwakas, nagsalita si Brother John E. Barr sa temang “Magpakalakas Bilang Espirituwal na Tao.” Sa pagtukoy sa Lucas 13:23-25, binanggit niya na dapat tayong magpunyagi “upang makapasok sa makipot na pinto.” Marami ang nabibigo dahil hindi sila masyadong masikap sa pagpapalakas. Upang maging mga Kristiyano na husto ang gulang, kailangang matutuhan natin na magkapit ng mga simulain sa Bibliya sa lahat ng aspekto ng buhay. Ganito ang paghimok ni Brother Barr: “Nakatitiyak akong sasang-ayon kayo na ngayon na ang panahon upang (1) unahin si Jehova; (2) magpakalakas; at (3) magpunyagi sa paggawa ng kalooban ni Jehova. Sa ganitong paraan makapapasok tayo sa makipot na pinto na umaakay sa kahanga-hangang buhay na walang hanggan.”

Sa pagtatapos ng taunang pulong, may isang katanungan na hindi nasagot: Ano ang taunang teksto para sa 2002 taon ng paglilingkod? Ang tanong na iyan ay sinagot nang sumunod na araw.

Karagdagang Pagpupulong

Malaki ang inaasam noong Linggo ng umaga sa pagpapasimula ng programa para sa karagdagang pagpupulong. Nagsimula ito sa pamamagitan ng sumaryo ng aralin sa Bantayan para sa linggong iyon, na sinundan ng isang maikling paghaharap ng ilang tampok na bahagi ng taunang pagpupulong. Pagkatapos, ang lahat ay nasiyahan sa isang pahayag may kaugnayan sa taunang teksto para sa 2002: “Pumarito kayo sa akin, . . . at pagiginhawahin ko kayo.” (Mateo 11:28) Ang pahayag ay salig sa mga araling artikulo na inilathala nang dakong huli sa Disyembre 15, 2001, na isyu ng Ang Bantayan.

Pagkatapos nito, ibinahagi ng ilan na naging delegado sa “Mga Guro ng Salita ng Diyos” na pantanging mga kombensiyon sa Pransiya at Italya noong Agosto 2001 ang kanilang mga impresyon. * Sa wakas, bilang tampok na bahagi ng programa sa araw na iyon, dalawang panghuling pahayag ang binigkas ng dumadalaw na mga tagapagsalita mula sa Brooklyn Bethel.

Ang una ay pinamagatang “May Lakas-Loob na Nagtitiwala kay Jehova sa Mapanganib na mga Panahong Ito.” Binuo ng tagapagsalita ang sumusunod na pangunahing mga punto: (1) Ang pagtitiwala kay Jehova nang may lakas-loob ay malaon nang mahalaga sa bayan ng Diyos. Ang Bibliya ay naglalaman ng maraming halimbawa niyaong nagpakita ng lakas-loob at pananampalataya sa harap ng pagsalansang. (Hebreo 11:1–​12:3) (2) Si Jehova ay naglalaan ng mainam na saligan upang magtiwala tayo nang lubusan sa kaniya. Ang kaniyang mga gawa at ang kaniyang Salita ay gumagarantiya na nagmamalasakit siya sa kaniyang mga lingkod at na hindi niya sila kailanman kalilimutan. (Hebreo 6:10) (3) Ang lakas-loob at pagtitiwala ay lalo nang kailangan sa ngayon. Tayo ay “mga tudlaan ng pagkapoot,” gaya ng inihula ni Jesus. (Mateo 24:9) Upang makapagbata, kailangan natin ang pananalig sa Salita ng Diyos, kumpiyansa na ang kaniyang espiritu ay sasaatin, at lakas-loob upang patuloy na ipahayag ang mabuting balita. (4) Ipinakikita ng mga halimbawa na napapaharap tayo sa pagsalansang ngayon. Ang lahat ay lubhang naantig habang inilalahad ng tagapagsalita kung ano ang binata ng ating mga kapatid sa Armenia, Georgia, Kazakhstan, Pransiya, Russia, at Turkmenistan. Tunay nga, ngayon na ang panahon upang ipakita ang lakas-loob at pagtitiwala kay Jehova!

Binuo ng pangwakas na tagapagsalita ang temang “Nagkakaisang Sumusulong Kasama ng Organisasyon ni Jehova.” Sinaklaw ng pahayag ang ilang napapanahong punto. (1) Ang pagsulong ng bayan ni Jehova ay napapansin ng marami. Ang ating gawaing pangangaral at ang ating mga kombensiyon ay nakatatawag-pansin sa madla. (2) Si Jehova ay nagtatag ng isang organisasyon na nagkakaisa. Noong 29 C.E., si Jesus ay pinahiran ng banal na espiritu sa layuning tipunin niya “ang lahat ng mga bagay”​—yaong may makalangit na pag-asa gayundin yaong may makalupang pag-asa​—sa nagkakaisang pamilya ng Diyos. (Efeso 1:8-10) (3) Ang mga kombensiyon ay pambihirang kapahayagan ng internasyonal na pagkakaisa. Ito ay maliwanag na nakita sa pantanging mga kombensiyon na ginanap sa Pransiya at Italya noong nakaraang Agosto. (4) Isang nakapupukaw na resolusyon ang pinagtibay sa Pransiya at Italya. Ibinahagi ng tagapagsalita ang ilang halaw mula sa nakapagpapasiglang resolusyon. Ang buong teksto ng resolusyon ay makikita sa ibaba.

Sa pagtatapos ng pangwakas na pahayag, binasa ng dumadalaw na tagapagsalita ang isang nakaaantig na patalastas na inihanda ng Lupong Tagapamahala. Ganito ang sabi nito sa bahagi: “Ngayon na ang panahon upang manatiling gising at patuloy na magbantay, anupat inuunawa kung paano nagaganap ang mga bagay-bagay sa daigdig. . . . Nais naming ipaabot sa inyo at sa buong bayan ng Diyos ang maibiging pagmamalasakit ng Lupong Tagapamahala. Nawa’y sagana niya kayong pagpalain sa paggawa ninyo ng kaniyang kalooban nang buong kaluluwa.” Ang bayan ni Jehova sa lahat ng dako ay determinadong manatiling gising sa mapanganib na mga panahong ito at patuloy na sumulong nang may lakas-loob kasama ng nagkakaisang organisasyon ni Jehova.

[Mga talababa]

^ par. 5 Ang programa sa taunang pagpupulong ay nakakonekta sa paraang elektroniko sa ilang lokasyon, anupat umabot ang bilang ng dumalo sa 13,757.

^ par. 5 Ang karagdagang mga pagpupulong ay ginanap sa Long Beach, California; Pontiac, Michigan; Uniondale, New York; at Hamilton, Ontario. Ang kabuuang bilang ng dumalo, lakip na yaong nakakonekta sa paraang elektroniko sa iba pang lokasyon, ay 117,885.

^ par. 23 Tatlong pantanging kombensiyon ang ginanap sa Pransiya​—sa Paris, Bordeaux, at Lyons. Sa Italya, ang mga delegado mula sa Estados Unidos ay inatasan na dumalo sa Roma at Milan, bagaman may kabuuang siyam na kombensiyon ang ginanap nang magkakasabay.

[Karon/Mga Larawan sa pahina 29-31]

Resolusyon

Noong Agosto 2001, ginanap ang “Mga Guro ng Salita ng Diyos” na pantanging mga kombensiyon sa Pransiya at Italya. Sa mga kombensiyong iyon ay iniharap ang isang nakapupukaw na resolusyon. Narito ang nilalaman ng resolusyong iyon.

“BILANG MGA SAKSI NI JEHOVA, tayong lahat na nagkatipon sa ‘Mga Guro ng Salita ng Diyos’ na Kombensiyong ito ay naturuan ng lubhang kapaki-pakinabang na pagtuturo. Ang pinagmumulan ng pagtuturong ito ay maliwanag na natukoy. Ang pagtuturo ay hindi nagmumula sa tao. Ito ay nagmumula sa Isa na inilarawan ng sinaunang propeta na si Isaias bilang ang ating ‘Dakilang Tagapagturo.’ (Isaias 30:20) Pansinin ang paalaala ni Jehova gaya ng binabanggit sa Isaias 48:17: ‘Ako, si Jehova, ang iyong Diyos, ang Isa na nagtuturo sa iyo upang makinabang ka, ang Isa na pumapatnubay sa iyo sa daan na dapat mong lakaran.’ Paano niya isinasakatuparan ito? Ang pangunahing paraan ay sa pamamagitan ng pinakamalawak na naisalin at naipamahaging aklat sa daigdig, ang Bibliya, kung saan sinasabi sa atin sa maliwanag na paraan: ‘Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang.’​—2 Timoteo 3:16.

“Sa ngayon, ang sangkatauhan ay lubhang nangangailangan ng gayong kapaki-pakinabang na pagtuturo. Bakit masasabi ito? Sa pagsasaalang-alang sa pabagu-bago at nakalilitong tanawin ng daigdig na ito, ano ang kinikilala ng palaisip na mga tao? Ito lamang: Bagaman milyun-milyon ang naturuan ng mga sistema ng edukasyon sa daigdig, may kaaba-abang kawalan ng tunay na pamantayan at kabiguang kilalanin ang tama at mali. (Isaias 5:20, 21) Palasak ang kawalang-alam sa Bibliya. Bagaman naglalaan ang teknolohiya ng labis-labis na dami ng impormasyon sa pamamagitan ng mga computer, nasaan ang mga kasagutan sa mahahalagang tanong na gaya ng, Ano ang layunin ng buhay? Paano natin uunawain ang mga pangyayari sa ating panahon? Mayroon bang matibay na pag-asa para sa hinaharap? Magkakatotoo pa kaya ang kapayapaan at katiwasayan? Karagdagan pa, masusumpungan sa mga salansanan ng aklatan ang milyun-milyong reperensiyang akda na sumasaklaw sa halos lahat ng larangan ng pagsisikap ng tao. Gayunman, inuulit ng sangkatauhan ang mga pagkakamali noong nakalipas. Tumataas ang krimen. Bumabalik ang mga sakit na inakala noon na nasugpo na, samantalang ang iba, gaya ng AIDS, ay nakababahala ang paglaganap. Nagkakawatak-watak ang buhay pampamilya nang napakabilis. Sinisira ng polusyon ang kapaligiran. Pinagbabantaan ng terorismo at mga sandatang pumapatay ng marami ang kapayapaan at katiwasayan. Patuloy na dumarami ang mga problema na walang solusyon. Ano ang angkop na papel natin sa pagtulong sa ating mga kapuwa-tao sa mapanganib na mga panahong ito? Mayroon bang turo na nagpapaliwanag sa sanhi ng kalagayan ng sangkatauhan at nagpapakita hindi lamang ng daan patungo sa mas mabuting buhay ngayon kundi nagbibigay rin ng maganda at tiyak na pag-asa para sa hinaharap?

“Ang ating maka-Kasulatang atas ay ‘humayo kayo at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos ni Kristo.’ (Mateo 28:19, 20) Ang atas na ito ay ibinigay ni Jesu-Kristo pagkatapos ng kaniyang kamatayan at pagkabuhay-muli, nang tanggapin niya ang lahat ng awtoridad sa langit at sa lupa. Nahihigitan nito ang lahat ng gawain na itinataguyod ng mga tao. Mula sa pangmalas ng Diyos, ang ating atas, na nagtutuon ng pansin sa espirituwal na pangangailangan niyaong mga nagugutom sa katuwiran, ang dapat na mauna. Mayroon tayong mabubuting dahilan mula sa Kasulatan kung bakit dapat nating seryosohin ang atas na iyan.

“Ito ay humihiling na panatilihin nating pangunahin ang gayong gawain sa ating buhay. Sa pamamagitan ng pagpapala at tulong ng Diyos, maisasagawa ang gawaing ito, sa kabila ng napakaraming nakagagambalang impluwensiya, hadlang, at nagkakasalungatang puwersa mula sa relihiyoso at pulitikal na mga elemento, na dinisenyo upang pabagalin ang pagsulong ng pangglobong gawaing pagtuturo na ito. Tayo ay nagtitiwala at may pananampalataya na ang gawaing ito ay patuloy na susulong at sasapit sa dakilang katuparan nito. Bakit tayo lubos na nakatitiyak? Sapagkat nangako ang Panginoong Jesu-Kristo na siya ay sasaatin sa ating bigay-Diyos na ministeryo hanggang sa katapusan ng sistemang ito ng mga bagay.

“Malapit na ang kawakasan ng napipighating sangkatauhan. Ang ating kasalukuyang atas ay dapat na matupad bago dumating ang ganap na kawakasan. Sa gayon, tayo, bilang mga Saksi ni Jehova, ay nagpasiya na:

“Una: Bilang mga nakaalay na mga ministro, tayo ay determinado na unahin ang mga kapakanan ng Kaharian sa ating buhay at patuloy na sumulong sa espirituwal. Upang makamit ang layuning iyan, ang ating panalangin ay kasuwato ng mga salita ng Awit 143:10: ‘Turuan mo akong gawin ang iyong kalooban, sapagkat ikaw ang aking Diyos.’ Humihiling ito na maging masisipag tayong estudyante, na sinisikap na basahin ang Bibliya araw-araw, magkaroon ng personal na pag-aaral at pagsasaliksik. Upang mahayag ang ating pagsulong sa lahat ng tao, gagawin natin ang lahat ng posibleng pagsisikap upang maghanda at makinabang nang lubusan mula sa teokratikong edukasyon na inilalaan sa mga pulong sa kongregasyon, sa pansirkitong mga asamblea, at sa pandistrito, pambansa, at pang-internasyonal na mga kombensiyon.​—1 Timoteo 4:15; Hebreo 10:23-25.

“Ikalawa: Upang maturuan ng Diyos, kakain lamang tayo sa kaniyang mesa at maingat na diringgin ang babala ng Bibliya tungkol sa nakaliligaw na mga turo ng mga demonyo. (1 Corinto 10:21; 1 Timoteo 4:1) Pantangi tayong mag-iingat upang maiwasan ang nakapipinsalang mga salik, kabilang na ang relihiyosong mga kasinungalingan, walang-saysay na mga pangangatuwiran, kahiya-hiyang mga pilipit na kaugalian sa sekso, ang salot ng pornograpya, nakasasamang libangan, at lahat ng bagay na hindi ‘kaayon ng nakapagpapalusog na turo.’ (Roma 1:26, 27; 1 Corinto 3:20; 1 Timoteo 6:3; 2 Timoteo 1:13) Bilang paggalang sa ‘mga kaloob na mga tao,’ na kuwalipikado upang magturo nang mabuti, taimtim nating igagalang ang kanilang mga pagsisikap at buong-pusong makikipagtulungan sa kanila sa pagtataguyod ng malinis at matuwid na moral at espirituwal na mga pamantayan sa Salita ng Diyos.​—Efeso 4:7, 8, 11, 12; 1 Tesalonica 5:12, 13; Tito 1:9.

“Ikatlo: Bilang Kristiyanong mga magulang, ang ating buong-pusong pagsisikap ay ang turuan ang mga anak natin hindi lamang sa salita kundi gayundin sa gawa. Ang ating pangunahing alalahanin ay ang tulungan sila mula sa kanilang pagkasanggol na ‘matutuhan ang banal na mga kasulatan upang maging marunong ukol sa kaligtasan.’ (2 Timoteo 3:15) Isasaisip natin na ang pagpapalaki natin sa kanila sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova ay maglalaan sa kanila ng pinakamainam na pagkakataon upang maranasan ang pangako ng Diyos na ‘mapapabuti sila at mamamalagi nang mahabang panahon sa lupa.’​—Efeso 6:1-4.

“Ikaapat: Kapag napapaharap sa malulubha at seryosong mga problema, una sa lahat, ‘ipaaalam natin ang ating pakiusap sa Diyos,’ taglay ang katiyakan na ‘ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan’ ay magbabantay sa atin. (Filipos 4:6, 7) Palibhasa’y sumailalim tayo sa pamatok ni Kristo, makasusumpong tayo ng kaginhawahan. Sa pagkaalam na nagmamalasakit sa atin ang Diyos, hindi tayo mag-aatubiling ihagis sa kaniya ang ating mga kabalisahan.​—Mateo 11:28-30; 1 Pedro 5:6, 7.

“Ikalima: Bilang kapahayagan ng pasasalamat kay Jehova dahil sa pribilehiyong maging mga guro ng kaniyang Salita, pag-iibayuhin natin ang ating mga pagsisikap na ‘gamitin nang wasto ang kaniyang salita ng katotohanan’ at ‘lubusang ganapin ang ating ministeryo.’ (2 Timoteo 2:15; 4:5) Dahil sa lubusan nating nababatid kung ano ang nasasangkot, ang ating buong-pusong pagnanais ay hanapin ang mga karapat-dapat at linangin ang binhi na naihasik. Bukod diyan, pagbubutihin natin ang ating pagtuturo sa pamamagitan ng epektibong pagdaraos ng mas marami pang pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Ito ang tutulong sa atin na maging lalong kaayon ng kalooban ng Diyos na ‘lahat ng uri ng mga tao ay maligtas at sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.’​—1 Timoteo 2:3, 4.

“Ikaanim: Sa nakalipas na siglo at sa kasalukuyan, ang mga Saksi ni Jehova sa maraming lupain ay dumanas ng iba’t ibang anyo ng pagsalansang at pag-uusig. Ngunit si Jehova ay sumasaatin. (Roma 8:31) Ang kaniyang di-nagkakamaling Salita ay tumitiyak sa atin na ‘walang sandata na inanyuan laban sa atin’ upang hadlangan, pabagalin, o pahintuin ang ating gawaing pangangaral at pagtuturo ng Kaharian ang magtatagumpay. (Isaias 54:17) Maging sa kaayaaya o sa maligalig na kapanahunan, hindi tayo maaaring tumigil sa pagsasalita ng katotohanan. Ang ating determinasyon ay tuparin ang ating atas na mangaral at magturo nang may pagkaapurahan. (2 Timoteo 4:1, 2) Ang ating tunguhin ay ibahagi nang lubusan hangga’t maaari ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa mga tao ng lahat ng bansa. Sa gayon, patuloy silang magkakaroon ng pagkakataon na matuto tungkol sa paglalaan ukol sa pagtatamo ng buhay na walang hanggan sa isang matuwid na bagong sanlibutan. Bilang isang nagkakaisang pulutong ng mga guro ng Salita ng Diyos, ang ating determinasyon ay patuloy na sundin ang halimbawa ng Dakilang Guro, si Jesu-Kristo, at ipakita ang kaniyang makadiyos na mga katangian. Lahat ng ito ay ating gagawin upang parangalan at purihin ang ating Dakilang Tagapagturo at Tagapagbigay-Buhay, ang Diyos na Jehova.

“Lahat ng dumalo sa kombensiyong ito na sumasang-ayon na pagtibayin ang resolusyong ito, pakisuyong sumagot ng OO!”

Nang ang pangwakas na katanungan ng resolusyon ay ibangon sa 160,000 nagkatipon sa tatlong kombensiyon sa Pransiya at sa 289,000 nasa siyam na lokasyon sa Italya, isang dumadagundong na “Oo” ang isinigaw sa maraming wika na kinakatawan ng mga delegado.