Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Patuloy na Maglingkod kay Jehova Nang May Matatag na Puso

Patuloy na Maglingkod kay Jehova Nang May Matatag na Puso

Patuloy na Maglingkod kay Jehova Nang May Matatag na Puso

“Ang aking puso ay matatag, O Diyos, ang aking puso ay matatag.”​—AWIT 57:7.

1. Bakit maaari tayong magkaroon ng pananalig na gaya niyaong kay David?

MAAARING pangyarihin ni Jehova na maging matatag tayo sa pananampalatayang Kristiyano, upang makapanghawakan tayong mahigpit sa tunay na Kristiyanismo bilang kaniyang nakaalay na mga lingkod. (Roma 14:4) Kaya naman, maaari tayong magkaroon ng pananalig na gaya niyaong sa salmistang si David, na naudyukang umawit: “Ang aking puso ay matatag, O Diyos.” (Awit 108:1) Kung matatag ang ating puso, mauudyukan tayong tuparin ang ating pag-aalay sa Diyos. At kapag tayo’y umasa sa kaniya ukol sa patnubay at lakas, maaari tayong maging di-natitinag, may matatag na determinasyon at paniniwala bilang mga tagapag-ingat ng katapatan, “na laging maraming ginagawa sa gawain ng Panginoon.”​—1 Corinto 15:58.

2, 3. Ano ang kahalagahan ng mga payo ni Pablo na nakaulat sa 1 Corinto 16:13?

2 Sa mga payong iniukol sa mga tagasunod ni Jesus sa sinaunang Corinto ngunit tiyak namang kumakapit sa mga Kristiyano sa ngayon, sinabi ni apostol Pablo: “Manatili kayong gising, tumayo kayong matatag sa pananampalataya, magpakalalaki kayo, magpakalakas kayo.” (1 Corinto 16:13) Sa Griego, bawat isa sa mga utos na ito ay nasa panahunang pangkasalukuyan, sa gayon ay humihimok ng patuluyang pagkilos. Ano ang kahalagahan ng payong ito?

3 Maaari tayong ‘manatiling gising’ sa espirituwal na paraan sa pamamagitan ng pagsalansang sa Diyablo at pananatiling malapit sa Diyos. (Santiago 4:7, 8) Pinangyayari ng pananalig kay Jehova na manatili tayong nagkakaisa at ‘manindigang matatag sa pananampalatayang Kristiyano.’ Tayo​—kasali na ang maraming kababaihan sa gitna natin​—ay ‘nagpapakalalaki’ sa pamamagitan ng paglilingkod sa Diyos nang may lakas ng loob bilang mga tagapaghayag ng Kaharian. (Awit 68:11) ‘Nagpapakalakas’ tayo sa pamamagitan ng patuloy na pag-asa sa ating makalangit na Ama ukol sa lakas upang magawa ang kaniyang kalooban.​—Filipos 4:13.

4. Ano ang umakay sa ating pagpapabautismo bilang mga Kristiyano?

4 Nanindigan tayo sa tunay na pananampalataya nang tayo’y nag-alay nang walang-pasubali kay Jehova at sinagisagan ito sa pamamagitan ng pagpapalubog sa tubig. Ngunit ano ang umakay sa ating pagpapabautismo? Una, kumuha tayo ng tumpak na kaalaman sa Salita ng Diyos. (Juan 17:3) Nagbunga ito ng pananampalataya at nagpakilos sa atin na magsisi, anupat ipinamamalas ang tunay na kalungkutan sa nagawa nating pagkakamali. (Gawa 3:19; Hebreo 11:6) Pagkatapos ay nakumberte tayo, sapagkat tinalikuran natin ang maling mga gawain upang itaguyod ang isang buhay na kasuwato ng kalooban ng Diyos. (Roma 12:2; Efeso 4:23, 24) Sinundan naman ito ng buong-pusong pag-aalay kay Jehova sa panalangin. (Mateo 16:24; 1 Pedro 2:21) Humiling tayo sa Diyos ng isang mabuting budhi at nagpabautismo bilang sagisag ng ating pag-aalay sa kaniya. (1 Pedro 3:21) Ang pag-alaala sa mga hakbanging ito ay tutulong sa atin na manatiling nagtutuon ng pansin sa pangangailangan na laging magsikap upang matupad ang ating pag-aalay at patuloy na maglingkod kay Jehova nang may matatag na puso.

Ipagpatuloy ang Iyong Paghahanap ng Tumpak na Kaalaman

5. Bakit dapat tayong patuloy na kumuha ng kaalaman na salig sa Kasulatan?

5 Upang matupad ang ating pag-aalay sa Diyos, kailangang patuloy tayong magtamo ng nagpapatibay-pananampalatayang kaalaman na salig sa Kasulatan. Tunay ngang naging kalugud-lugod ang pagkuha ng espirituwal na pagkain nang una nating malaman ang katotohanan ng Diyos! (Mateo 24:45-47) Napakasarap ng “mga pagkaing” iyon​—at lubos tayong pinalusog ng mga ito sa espirituwal na paraan. Mahalaga ngayon na patuloy na kumuha ng masustansiyang espirituwal na pagkain upang mapanatili natin ang isang matatag na puso bilang mga nakaalay na lingkod ni Jehova.

6. Paano ka maaaring natulungan na magkaroon ng taos-pusong pagpapahalaga sa katotohanan sa Bibliya?

6 Kailangan ang pagsisikap upang matamo ang higit pang kaalaman sa Kasulatan. Katulad ito ng paghahanap ng nakatagong mga kayamanan​—isang bagay na nangangailangan ng pagsisikap. Subalit tunay na kapaki-pakinabang na masumpungan “ang mismong kaalaman sa Diyos”! (Kawikaan 2:1-6) Nang unang makipag-aral ng Bibliya sa iyo ang isang mamamahayag ng Kaharian, marahil ay ginamit niya ang aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan. Maaaring malaki-laking panahon ang ginugol upang matalakay ang bawat kabanata, marahil ay higit pa sa isang sesyon. Nakinabang ka nang basahin at talakayin ang binanggit na mga kasulatan. Kapag ang isang punto ay mahirap unawain, ipinaliliwanag ito. Ang nagdaraos sa iyo ng pag-aaral sa Bibliya ay naghandang mabuti, nanalangin ukol sa espiritu ng Diyos, at tumulong sa iyo na magkaroon ng taos-pusong pagpapahalaga sa katotohanan.

7. Ano ang nagpapangyari na maging kuwalipikado ang isang tao na magturo ng katotohanan ng Diyos sa iba?

7 Angkop ang pagsisikap na ito, sapagkat sumulat si Pablo: “Ang sinumang bibigang tinuturuan ng salita ay magbahagi ng lahat ng mabubuting bagay sa isa na nagbibigay ng gayong bibigang pagtuturo.” (Galacia 6:6) Ipinahihiwatig dito ng tekstong Griego na ang mga turo ng Salita ng Diyos ay ikinintal sa isip at puso ng isa na “bibigang tinuturuan.” Ang gayong paraan ng pagtuturo sa iyo ay nagpapangyari na maging kuwalipikado ka bilang guro ng iba pa. (Gawa 18:25) Upang maging tapat sa iyong pag-aalay, dapat mong ingatan ang iyong espirituwal na kalusugan at katatagan sa pamamagitan ng patuloy na pag-aaral ng Salita ng Diyos.​—1 Timoteo 4:13; Tito 1:13; 2:2.

Alalahanin ang Iyong Pagsisisi at Pagkakumberte

8. Paano posible na mapanatili ang makadiyos na paggawi?

8 Nagugunita mo ba ang kaginhawahang nadama mo nang malaman mo ang katotohanan, nagsisi ka, at pagkatapos ay nakadama ng kapatawaran ng Diyos salig sa pananampalataya sa haing pantubos ni Jesus? (Awit 32:1-5; Roma 5:8; 1 Pedro 3:18) Tiyak na hindi mo nais na magbalik sa makasalanang pamumuhay. (2 Pedro 2:20-22) Bukod sa iba pang mga bagay, ang regular na pananalangin kay Jehova ay tutulong sa iyo na mapanatili ang makadiyos na paggawi, matupad ang iyong pag-aalay, at patuloy na mapaglingkuran si Jehova nang may katapatan.​—2 Pedro 3:11, 12.

9. Yamang tumalikod na tayo sa makasalanang mga gawain, anong landasin ang dapat nating itaguyod?

9 Yamang nakumberte sa pamamagitan ng pagtalikod sa makasalanang mga gawain, patuloy na hilingin ang tulong ng Diyos upang manatiling matatag ang iyong puso. Sa diwa, tinatahak mo ang maling haywey subalit sumangguni ka sa isang maaasahang mapa at nagsimulang maglakbay sa tamang daan. Huwag mo nang hayaang maligaw ka. Patuloy kang umasa sa patnubay ng Diyos, at maging determinado na manatili sa daan ng buhay.​—Isaias 30:20, 21; Mateo 7:13, 14.

Huwag Mong Kalimutan Kailanman ang Iyong Pag-aalay at Bautismo

10. Anong mga punto ang dapat nating tandaan may kaugnayan sa ating pag-aalay sa Diyos?

10 Tandaan na nag-alay ka kay Jehova sa panalangin, taglay ang pangmalas na may-katapatan kang maglilingkod nang walang hanggan. (Judas 20, 21) Ang pag-aalay ay nangangahulugan ng pagbubukod, o paghihiwalay, para sa isang sagradong layunin. (Levitico 15:31; 22:2) Ang iyong pag-aalay ay hindi isang pansamantalang kasunduan ni isang pangako sa mga tao. Ito ay isang permanenteng pag-aalay sa Pansansinukob na Soberano, at ang pagtupad dito ay nangangahulugan ng pagiging matapat sa Diyos habang buhay. Oo, ‘mabuhay man tayo o mamatay, tayo ay kay Jehova.’ (Roma 14:7, 8) Nakasalalay ang ating kaligayahan sa pagpapasakop natin sa kaniyang kalooban at sa ating patuloy na paglilingkod sa kaniya nang may matatag na puso.

11. Bakit dapat mong alalahanin ang iyong bautismo at ang kahulugan nito?

11 Laging alalahanin ang iyong bautismo bilang sagisag ng iyong buong-pusong pag-aalay sa Diyos. Hindi iyon sapilitang pagpapabautismo, sapagkat ikaw mismo ang nagpasiya.Determinado ka ba ngayon na gamitin ang iyong kakayahang magpasiya kasuwato ng kalooban ng Diyos habang ikaw ay nabubuhay? Humiling ka sa Diyos ng mabuting budhi at binautismuhan ka bilang sagisag ng iyong pag-aalay sa kaniya. Ingatan ang mabuting budhing iyon sa pamamagitan ng pagtupad sa iyong pag-aalay, at ang mayamang pagpapala ni Jehova ay mapapasaiyo.​—Kawikaan 10:22.

May Ginagampanang Papel ang Iyong Kakayahang Magpasiya

12, 13. Paano nauugnay ang ating sariling kakayahang magpasiya sa pag-aalay at bautismo?

12 Tunay na ang pag-aalay at bautismo ay nagdulot ng malalaking pagpapala sa milyun-milyong tao sa buong lupa. Nang sagisagan natin ang ating pag-aalay sa Diyos sa pamamagitan ng bautismo sa tubig, namatay tayo kung tungkol sa dati nating landasin sa buhay subalit hindi namatay ang ating sariling kakayahang magpasiya. Bilang mga mananampalataya na wastong naturuan, ang totoo ay ginamit natin ang ating sariling kakayahang magpasiya nang mag-alay tayo sa Diyos sa panalangin at magpabautismo. Hinihiling sa landasin ng pag-aalay at bautismo na tiyakin natin kung ano ang kalooban ng Diyos at pagkatapos ay kusang magpasiya na gawin ito. (Efeso 5:17) Sa gayon ay tinutularan natin si Jesus, na gumamit ng kaniyang kakayahang magpasiya nang iwan niya ang kaniyang gawaing pagkakarpintero, nagpabautismo, at lubusang nag-alay ng kaniyang sarili upang gawin ang kalooban ng kaniyang makalangit na Ama.​—Awit 40:7, 8; Juan 6:38-40.

13 Nilayon ng Diyos na Jehova na ang kaniyang Anak ay ‘mapasakdal sa pamamagitan ng pagdurusa.’ Kaya naman kinailangang gamitin ni Jesus ang kaniyang kakayahang magpasiya upang mabata ang gayong mga pagdurusa nang may katapatan. Dahil diyan, naghandog siya ng “mga pagsusumamo at ng mga pakiusap din . . . na may malalakas na paghiyaw at mga luha, at malugod siyang pinakinggan dahil sa kaniyang makadiyos na takot.” (Hebreo 2:10, 18; 5:7, 8) Kung magpapamalas tayo ng gayunding mapitagang pagkatakot sa Diyos, tayo rin ay tiyak na ‘malugod na pakikinggan,’ at makapagtitiwala tayo na patatatagin tayo ni Jehova bilang kaniyang nakaalay na mga Saksi.​—Isaias 43:10.

Mapananatili Mo ang Isang Matatag na Puso

14. Bakit dapat nating basahin ang Bibliya araw-araw?

14 Ano ang tutulong sa iyo upang mapanatili ang isang matatag na puso at sa gayon ay matupad ang iyong pag-aalay sa Diyos? Taglay ang layuning kumuha ng pasulong na kaalaman sa Salita ng Diyos, basahin ang Bibliya araw-araw. Palagi tayong hinihimok ng “tapat at maingat na alipin” na gawin ang bagay na ito. Ibinibigay ang gayong payo dahil kahilingan sa pagtupad sa ating pag-aalay ang pananatiling lumalakad sa katotohanan ng Diyos. Kung ang organisasyon ni Jehova ay sadyang nagrerekomenda ng huwad na mga turo, kailanman ay hindi papayuhang magbasa ng Bibliya ang mga Saksi ni Jehova at ang mga pinangangaralan nila.

15. (a) Ano ang dapat na isaalang-alang kapag gumagawa ng mga pasiya? (b) Bakit masasabi na ang sekular na trabaho ay pangalawahing gawain lamang ng isang Kristiyano?

15 Kapag gumagawa ng mga pasiya, laging isaalang-alang kung paano makaaapekto ang mga ito sa pagtupad ng iyong pag-aalay kay Jehova. Maaaring may kaugnayan ito sa iyong sekular na trabaho. Sinisikap mo bang gamitin ito upang tulungan ka na mapasulong ang tunay na pagsamba? Bagaman natutuklasan ng karamihan sa mga nagpapatrabaho na maaasahan at mahuhusay ang nakaalay na mga Kristiyano, napapansin din nila na ang mga Saksi ni Jehova ay hindi pinangingibabawan ng ambisyon na maging pangunahin sa sanlibutan at hindi sila nakikipagpaligsahan sa iba ukol sa napakatataas na posisyon. Ito ay sa dahilang ang tunguhin ng mga Saksi ni Jehova ay hindi ang pagtatamo ng kayamanan, katanyagan, prestihiyo, o kapangyarihan. Para sa mga tumutupad sa kanilang pag-aalay sa Diyos, ang pinakamahalaga ay ang paggawa ng kalooban ng Diyos. Ang sekular na trabaho na nagpapangyaring matamo nila ang mga pangangailangan sa buhay ay hindi siyang pangunahin sa kanila, isa lamang itong trabaho na may pangalawahing halaga. Gaya ni apostol Pablo, ang kanilang pangunahing gawain ay ang ministeryong Kristiyano. (Gawa 18:3, 4; 2 Tesalonica 3:7, 8; 1 Timoteo 5:8) Lagi mo bang inuuna ang mga kapakanan ng Kaharian sa iyong buhay?​—Mateo 6:25-33.

16. Ano ang maaari nating gawin kapag nagiging mahirap tuparin ang ating pag-aalay sa Diyos dahil sa labis na kabalisahan?

16 Ang ilan ay baka halos madaig ng iba’t ibang kabalisahan bago nila nalaman ang katotohanan. Subalit tunay na umapaw sa kanilang puso ang kagalakan, pagpapahalaga, at pag-ibig sa Diyos nang yakapin nila ang pag-asa ng Kaharian! Ang pagmumuni-muni sa mga pagpapala na tinatamasa nila mula noon ay maaaring lubhang makatulong sa kanila na matupad ang kanilang pag-aalay kay Jehova. Sa kabilang panig, paano kung ang labis na kabalisahan sa mga problemang karaniwan sa buhay sa sistemang ito ngayon ay nagbabantang sumakal sa “salita ng Diyos,” gaya ng mga tinik na maaaring humadlang sa paglaki at pagiging mabunga ng mga binhi? (Lucas 8:7, 11, 14; Mateo 13:22; Marcos 4:18, 19) Kung mapansin mo na nagsisimula nang mangyari ito sa iyo o sa iyong pamilya, ipaubaya mo ang iyong kabalisahan kay Jehova at manalangin na tulungan ka niyang lumago sa pag-ibig at pagpapahalaga. Kung ihahagis mo ang iyong pasanin sa kaniya, aalalayan ka niya at bibigyan ka ng lakas upang patuloy na maligayang makapaglingkod sa kaniya nang may matatag na puso.​—Awit 55:22; Filipos 4:6, 7; Apocalipsis 2:4.

17. Paano posibleng makayanan ang matitinding pagsubok?

17 Patuloy na manalangin nang regular sa Diyos na Jehova, gaya ng pananalangin mo nang mag-alay ka sa kaniya. (Awit 65:2) Kapag natutuksong gumawa ng mali o kapag napapaharap sa isang matinding pagsubok, hilingin ang patnubay ng Diyos at ang kaniyang tulong upang masunod ang gayong patnubay. Tandaan na kailangan ang pananampalataya, sapagkat sumulat ang alagad na si Santiago: “Kung ang sinuman sa inyo ay nagkukulang ng karunungan [upang makayanan ang isang pagsubok], patuloy siyang humingi sa Diyos, sapagkat siya ay saganang nagbibigay sa lahat at hindi nandurusta; at ibibigay ito sa kaniya. Ngunit patuloy siyang humingi nang may pananampalataya, na walang anumang pag-aalinlangan, sapagkat siya na nag-aalinlangan ay tulad ng alon sa dagat na itinutulak ng hangin at ipinapadpad kung saan-saan. Sa katunayan, huwag ipalagay ng taong iyon na siya ay tatanggap ng anuman mula kay Jehova; siya ay isang taong di-makapagpasiya, di-matatag sa lahat ng kaniyang mga daan.” (Santiago 1:5-8) Kung waring napakatindi ng isang pagsubok, makatitiyak tayo sa bagay na ito: “Walang tuksong dumating sa inyo maliban doon sa karaniwan sa mga tao. Ngunit ang Diyos ay tapat, at hindi niya hahayaang tuksuhin kayo nang higit sa matitiis ninyo, kundi kalakip ng tukso ay gagawa rin siya ng daang malalabasan upang mabata ninyo iyon.”​—1 Corinto 10:13.

18. Ano ang magagawa natin kung pinahihina ng isang malubhang lihim na pagkakasala ang ating kapasiyahang tuparin ang pag-aalay natin kay Jehova?

18 Kumusta naman kung ang iyong budhi ay binabagabag ng isang malubhang lihim na pagkakasala at pinahihina nito ang iyong kapasiyahang tuparin ang iyong pag-aalay sa Diyos? Kung nagsisisi ka, maaaliw ka na malaman na ‘hindi hahamakin ni Jehova ang isang pusong wasak at durog.’ (Awit 51:17) Humingi ng tulong sa maibiging Kristiyanong matatanda, yamang nalalaman na sila​—bilang pagtulad kay Jehova​—ay hindi magwawalang-bahala sa iyong hangarin na maibalik ang isang mabuting kaugnayan sa iyong makalangit na Ama. (Awit 103:10-14; Santiago 5:13-15) Pagkatapos, taglay ang panibagong espirituwal na kalakasan at isang matatag na puso, maitutuwid mo na ang mga landas ng iyong mga paa at masusumpungan mong posible nang tuparin ang iyong pag-aalay sa Diyos.​—Hebreo 12:12, 13.

Patuloy na Maglingkod Nang May Matatag na Puso

19, 20. Bakit mahalaga na patuloy nating tuparin ang ating pag-aalay?

19 Sa mga panahong ito na mapanganib, kailangang magsikap tayo na tuparin ang ating pag-aalay at manatiling naglilingkod sa Diyos nang may matatag na puso. Sinabi ni Jesus: “Siya na nakapagbata hanggang sa wakas ang siyang maliligtas.” (Mateo 24:13) Yamang nabubuhay tayo sa “mga huling araw,” anumang oras ay maaaring sumapit ang wakas. (2 Timoteo 3:1) Bukod dito, isa man sa atin ay hindi makatitiyak na buháy pa tayo bukas. (Santiago 4:13, 14) Kaya mahalaga na patuloy nating tuparin ang ating pag-aalay ngayon!

20 Idiniin ito ni apostol Pedro sa kaniyang ikalawang liham. Ipinakita niya na kung paanong napuksa ang mga di-makadiyos noong Baha, gayundin naman ang simbolikong lupa, o balakyot na lipunan ng tao, ay pupuksain sa “araw ni Jehova.” Kaya naman naibulalas ni Pedro: “Ano ngang uri ng pagkatao ang nararapat sa inyo sa banal na mga paggawi at mga gawa ng makadiyos na debosyon”! Hinimok din niya sila: “Mga minamahal, yamang taglay ninyo ang patiunang kaalamang ito, maging mapagbantay upang hindi kayo mailayo [ng bulaang mga guro at di-makadiyos na mga tao] at mahulog mula sa inyong sariling katatagan.” (2 Pedro 3:5-17) Kalunus-lunos nga kung ang isang bautisadong tao ay mailigaw at magwakas ang kaniyang buhay bilang isa na hindi nakapagpanatili ng isang matatag na puso!

21, 22. Paano napatunayang totoo kay David at sa tunay na mga Kristiyano ang mga salita ng Awit 57:7?

21 Ang determinasyon mo na tuparin ang iyong pag-aalay sa Diyos ay malamang na mapatitibay kung lagi mong isasaisip ang maligayang araw ng iyong bautismo at hihilingin ang tulong ng Diyos upang ang iyong mga salita at mga gawa ay makapagpagalak sa kaniyang puso. (Kawikaan 27:11) Hindi kailanman binibigo ni Jehova ang kaniyang bayan, at tiyak na dapat tayong maging tapat sa kaniya. (Awit 94:14) Nagpakita siya ng awa at habag sa pagbigo sa mga plano ng mga kaaway at sa pagliligtas kay David. Dahil sa pagpapahalaga rito, ipinahayag ni David ang katatagan, ang pagka-di-natitinag, ng kaniyang pag-ibig sa kaniyang Tagapagligtas. Taglay ang masidhing damdamin, umawit siya: “Ang aking puso ay matatag, O Diyos, ang aking puso ay matatag. Ako ay aawit at aawit ng papuri.”​—Awit 57:7.

22 Gaya ni David, hindi nagmamaliw ang debosyon ng tunay na mga Kristiyano sa Diyos. Taglay ang matatag na puso, kinikilala nila na ang kanilang katubusan at kaligtasan ay galing kay Jehova, na may-kagalakan nilang inaawitan ng mga papuri. Kung matatag ang iyong puso, mananalig ito sa Diyos, at sa tulong niya ay matutupad mo ang iyong pag-aalay. Oo, maaari kang maging kagaya ng “matuwid” na tungkol sa kaniya ay umawit ang salmista: “Hindi siya matatakot kahit sa masamang balita. Ang kaniyang puso ay matatag, na nananalig kay Jehova.” (Awit 112:6, 7) Taglay ang pananampalataya sa Diyos at lubos na pananalig sa kaniya, matutupad mo ang iyong pag-aalay at patuloy na mapaglilingkuran si Jehova nang may matatag na puso.

Naalaala Mo Ba?

• Bakit dapat tayong patuloy na kumuha ng tumpak na kaalaman sa Bibliya?

• Bakit dapat nating laging isaisip ang ating pagsisisi at pagkakumberte?

• Paano tayo nakikinabang sa pag-alaala sa ating pag-aalay at bautismo?

• Ano ang tutulong sa atin upang patuloy na makapaglingkod kay Jehova nang may matatag na puso?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Mga larawan sa pahina 18]

Ang pagturing sa ministeryong Kristiyano bilang pangunahing gawain natin ay tumutulong sa atin na patuloy na maglingkod kay Jehova nang may matatag na puso

[Larawan sa pahina 18]

Pinananatili mo ba ang iyong espirituwal na kalusugan sa pamamagitan ng araw-araw na pagbabasa ng Salita ng Diyos?