Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang mga Kautusan ng Diyos ay Para sa Ating Kapakinabangan

Ang mga Kautusan ng Diyos ay Para sa Ating Kapakinabangan

Ang mga Kautusan ng Diyos ay Para sa Ating Kapakinabangan

“Gayon na lamang ang pag-ibig ko sa iyong kautusan!”​—AWIT 119:97.

1. Ano ang karaniwang saloobin sa pagsunod sa mga kautusan ng Diyos?

HINDI karaniwan sa ngayon ang pagsunod sa mga kautusan ng Diyos. Para sa marami, ang pagpapasakop sa isang di-nakikitang nakatataas na awtoridad ay waring walang kabuluhan. Nabubuhay tayo sa panahon ng may-pasubaling moral, ng malalabong hangganan sa pagitan ng tama at mali, at ng napakaraming di-malilinaw na bagay. (Kawikaan 17:15; Isaias 5:20) Isang surbey kamakailan ang nagsabi na “karamihan sa mga Amerikano ay nagnanais na magpasiya sa ganang sarili kung ano ang tama, mabuti at makabuluhan,” anupat ipinakikita ang paraan ng pag-iisip na karaniwan sa maraming makasekular na lipunan. Mas pinipili nila ang “hindi istriktong Diyos. Hindi mahihigpit na alituntunin. Hindi makapangyarihang mga superyor, na may paninindigan sa moral o sa iba pang bagay.” Sinabi ng isang tagapagsuri sa lipunan na sa ngayon, “ang mga indibiduwal ay inaasahang magpapasiya sa ganang sarili kung ano ang ibig sabihin ng mamuhay nang matuwid at may malinis na moral.” Sinabi pa niya: “Ang mga utos ng anumang uri ng nakatataas na awtoridad ay dapat na ibagay sa mga pangangailangan ng tunay na mga tao.”

2. Paanong ang unang pagbanggit sa kautusan sa Bibliya ay may malapit na kaugnayan sa pagpapala at pagsang-ayon ng Diyos?

2 Yamang marami ang pumupuna sa kahalagahan ng mga kautusan ni Jehova, kailangan nating patibayin ang ating pananalig na ang mga pamantayan ng Diyos ay para sa ating kapakinabangan. Nakapupukaw-interes na isaalang-alang ang ulat kung saan unang binanggit ang kautusan sa Bibliya. Sa Genesis 26:5, mababasa natin ang mga salita ng Diyos: ‘Patuloy na tinupad ni Abraham ang kaniyang mga katungkulan sa akin, ang aking mga utos, ang aking mga batas, at ang aking mga kautusan.’ Ang mga salitang iyon ay binigkas maraming siglo na ang nakalilipas bago ibinigay ni Jehova ang isang detalyadong kodigo ng kautusan sa mga inapo ni Abraham. Paano ginantimpalaan ng Diyos ang pagkamasunurin ni Abraham, pati na ang pagkamasunurin nito sa Kaniyang mga kautusan? Nangako ang Diyos na Jehova sa kaniya: “Sa pamamagitan ng iyong binhi ay tiyak na pagpapalain ng lahat ng bansa sa lupa ang kanilang sarili.” (Genesis 22:18) Kaya ang pagsunod sa mga kautusan ng Diyos ay may malapit na kaugnayan sa pagpapala at pagsang-ayon ng Diyos.

3. (a) Anong damdamin ang ipinahayag ng isang salmista hinggil sa kautusan ni Jehova? (b) Anong mga tanong ang nararapat nating bigyang-pansin?

3 Ang isa sa mga salmista​—malamang na isang prinsipe sa Juda at isa na magiging hari sa hinaharap​—ay nagpahayag ng damdamin na karaniwan nang hindi iniuugnay sa kautusan. Ibinulalas niya sa Diyos: “Gayon na lamang ang pag-ibig ko sa iyong kautusan!” (Awit 119:97) Hindi lamang ito basta pagbubulalas ng damdamin. Ito ay isang kapahayagan ng pag-ibig sa kalooban ng Diyos na nakasaad sa kaniyang kautusan. Gayundin ang nadarama ni Jesu-Kristo, ang sakdal na Anak ng Diyos. Si Jesus ay makahulang inilarawan na nagsasabi: “Ang gawin ang iyong kalooban, O Diyos ko, ay kinalulugdan ko, at ang iyong kautusan ay nasa aking mga panloob na bahagi.” (Awit 40:8; Hebreo 10:9) Kumusta naman tayo? Nalulugod ba tayo sa paggawa ng kalooban ng Diyos? Kumbinsido ba tayo na kapaki-pakinabang at may mabubuting naidudulot ang mga kautusan ni Jehova? Ano ang dako ng pagsunod sa mga kautusan ng Diyos sa ating pagsamba, sa ating araw-araw na pamumuhay, sa ating pagpapasiya, at sa ating pakikipag-ugnayan sa iba? Upang maibig ang kautusan ng Diyos, makabubuti na maunawaan natin kung bakit may karapatan ang Diyos na gumawa at magpatupad ng mga kautusan.

Si Jehova​—Ang Karapat-dapat na Tagapagbigay-Kautusan

4. Bakit si Jehova ang kataas-taasan at karapat-dapat na Tagapagbigay-kautusan?

4 Bilang Maylalang, si Jehova ang kataas-taasan at karapat-dapat na Tagapagbigay-kautusan sa sansinukob. (Apocalipsis 4:11) Sinabi ni propeta Isaias: “Si Jehova ang ating Tagapagbigay-batas.” (Isaias 33:22) Itinakda niya ang pisikal na mga batas na umuugit sa nabubuhay at di-nabubuhay na mga nilalang. (Job 38:4-38; 39:1-12; Awit 104:5-19) Bilang nilalang ng Diyos, ang tao ay nasa ilalim ng pisikal na mga batas ni Jehova. At bagaman ang tao ay may malayang kalooban at may kakayahang mangatuwiran sa ganang sarili, maligaya lamang siya kapag nagpapasakop siya sa mga kautusan ng Diyos hinggil sa moral at espirituwal.​—Roma 12:1; 1 Corinto 2:14-16.

5. Paano napatutunayang totoo ang simulain sa Galacia 6:7 kung tungkol sa mga kautusan ng Diyos?

5 Gaya ng alam natin, hindi maaaring sirain ang pisikal na mga batas ni Jehova. (Jeremias 33:20, 21) Kung sasalungat ang isang tao sa ilang pisikal na batas, tulad sa batas ng grabidad, mararanasan niya ang mga bunga nito. Gayundin naman, ang mga kautusan ng Diyos hinggil sa moral ay hindi nababago at hindi maaaring lusutan o labagin nang hindi napaparusahan. Ang mga ito ay tiyakang ipinatutupad na gaya ng kaniyang mga batas sa kalikasan, bagaman ang mga resulta nito ay hindi agad nakikita. “Ang Diyos ay hindi isa na malilibak. Sapagkat anuman ang inihahasik ng isang tao, ito rin ang kaniyang aanihin.”​—Galacia 6:7; 1 Timoteo 5:24.

Ang Saklaw ng Kautusan ni Jehova

6. Gaano kalawak ang saklaw ng mga kautusan ng Diyos?

6 Ang isang namumukod-tanging kapahayagan ng kautusan ng Diyos ay ang Kautusan ni Moises. (Roma 7:12) Nang maglaon, pinalitan ng Diyos na Jehova ang Kautusang Mosaiko ng “kautusan ng Kristo.” * (Galacia 6:2; 1 Corinto 9:21) Bilang mga Kristiyano na nasa ilalim ng “sakdal na kautusan na nauukol sa kalayaan,” nauunawaan natin na ang mga utos ng Diyos ay hindi lamang sumasaklaw sa ilang pitak ng ating buhay, gaya ng mga paniniwala sa doktrina o seremonyal na mga ritwal. Saklaw ng kaniyang mga pamantayan ang lahat ng pitak ng buhay, pati na ang mga gawain ng pamilya, mga gawain sa negosyo, pakikitungo sa mga di-kasekso, mga saloobin sa mga kapuwa Kristiyano, at pakikibahagi sa tunay na pagsamba.​—Santiago 1:25, 27.

7. Magbigay ng mga halimbawa ng mahahalagang kautusan ng Diyos.

7 Halimbawa, sinasabi ng Bibliya: “Hindi ang mga mapakiapid, ni ang mga mananamba sa idolo, ni ang mga mangangalunya, ni ang mga lalaking iniingatan ukol sa di-likas na mga layunin, ni ang mga lalaking sumisiping sa mga lalaki, ni ang mga magnanakaw, ni ang mga taong sakim, ni ang mga lasenggo, ni ang mga manlalait, ni ang mga mangingikil ang magmamana ng kaharian ng Diyos.” (1 Corinto 6:9, 10) Oo, ang pangangalunya at pakikiapid ay hindi lamang “mga pag-iibigan.” Ang homoseksuwal na mga gawain ay hindi lamang isang “mapagpipiliang istilo ng pamumuhay.” Ang mga ito ay mga paglabag sa kautusan ni Jehova. Gayundin ang mga bagay na tulad ng pagnanakaw, pagsisinungaling, at paninirang-puri. (Awit 101:5; Colosas 3:9; 1 Pedro 4:15) Hinatulan ni Santiago ang pagyayabang, samantalang pinayuhan naman tayo ni Pablo na iwasan ang mangmang na usapan at malaswang pagbibiro. (Efeso 5:4; Santiago 4:16) Para sa mga Kristiyano, ang lahat ng alituntuning ito sa paggawi ay bahagi ng sakdal na kautusan ng Diyos.​—Awit 19:7.

8. (a) Ano ang likas na katangian ng kautusan ni Jehova? (b) Ano ang saligang kahulugan ng salitang Hebreo para sa “kautusan”?

8 Isinisiwalat ng gayong mga saligang tuntunin sa Salita ni Jehova na ang kaniyang kautusan ay hindi lamang isang listahan ng mga batas na walang malasakit at labis na detalyado. Binubuo nito ang saligan para sa isang timbang at kapaki-pakinabang na buhay, anupat may mabuti itong epekto sa lahat ng aspekto ng paggawi. Ang kautusan ng Diyos ay nakapagpapatibay, naaayon sa etika, at nakapagtuturo. (Awit 119:72) Ang salitang “kautusan” gaya ng paggamit dito ng salmista ay isinalin mula sa salitang Hebreo na toh·rahʹ. Sinasabi ng isang iskolar sa Bibliya: “Ang salitang ito ay nabuo mula sa isang pandiwa na nangangahulugang umakay, gumabay, pumuntirya at tumudla. Kung gayon, ang . . . kahulugan nito ay isang alituntunin ng paggawi.” Para sa salmista, ang kautusan ay isang kaloob mula sa Diyos. Hindi ba dapat na gayundin ang pagpapahalaga natin dito, anupat hinahayaan itong makaimpluwensiya sa ating paraan ng pamumuhay?

9, 10. (a) Bakit tayo nangangailangan ng maaasahang tagubilin? (b) Paano lamang tayo magkakaroon ng kalugud-lugod at matagumpay na buhay?

9 Ang lahat ng nilalang ay nangangailangan ng maaasahang tagubilin at mapagkakatiwalaang patnubay. Totoo ito kay Jesus at sa iba pang mga anghel, na mas nakatataas kaysa sa tao. (Awit 8:5; Juan 5:30; 6:38; Hebreo 2:7; Apocalipsis 22:8, 9) Kung ang sakdal na mga nilalang na ito ay maaaring makinabang mula sa patnubay ng Diyos, lalo na ngang makikinabang dito ang di-sakdal na mga tao! Pinatutunayan ng kasaysayan ng tao at ng ating personal na karanasan ang katotohanan ng sinabi ng propetang si Jeremias: “Nalalaman kong lubos, O Jehova, na ang lakad ng makalupang tao ay hindi sa kaniyang sarili. Hindi sa taong lumalakad ang magtuwid man lamang ng kaniyang hakbang.”​—Jeremias 10:23.

10 Kung nais nating magkaroon ng isang kalugud-lugod at matagumpay na buhay, dapat tayong umasa sa patnubay ng Diyos. Kinilala ni Haring Solomon ang panganib ng pamumuhay ayon sa personal na mga pamantayan, anupat malaya mula sa patnubay ng Diyos: “May daan na matuwid sa harap ng isang tao, ngunit ang mga daan ng kamatayan ang huling wakas nito.”​—Kawikaan 14:12.

Mga Dahilan Upang Pakamahalin ang Kautusan ni Jehova

11. Bakit dapat nating hangarin na maunawaan ang kautusan ng Diyos?

11 Makabubuti na linangin natin ang masidhing hangarin na maunawaan ang kautusan ni Jehova. Ipinahayag ng salmista ang gayong mithiin nang sabihin niya: “Alisin mo ang takip sa aking mga mata, upang makita ko ang mga kamangha-manghang bagay mula sa iyong kautusan.” (Awit 119:18) Habang lalo nating nakikilala ang Diyos at ang kaniyang mga daan, lalo namang lumalalim ang ating unawa sa katotohanan ng mga salita ni Isaias: “Ako, si Jehova, ang iyong Diyos, ang Isa na nagtuturo sa iyo upang makinabang ka, ang Isa na pumapatnubay sa iyo sa daan na dapat mong lakaran. O kung magbibigay-pansin ka lamang sana sa aking mga utos!” (Isaias 48:17, 18) Taimtim na hangarin ni Jehova na maiwasan ng kaniyang bayan ang kapahamakan at masiyahan sa buhay sa pamamagitan ng pagbibigay-pansin sa kaniyang mga utos. Suriin natin ang ilang pangunahing dahilan kung bakit dapat nating pakamahalin ang kautusan ng Diyos.

12. Paanong ang kaalaman ni Jehova tungkol sa atin ay nagpapangyaring siya ang maging pinakamahusay na Tagapagbigay-kautusan?

12 Nanggagaling ang kautusan ng Diyos mula sa Isa na lubusang nakakakilala sa atin. Yamang si Jehova ang ating Maylalang, makatuwiran lamang na kilalang-kilala niya ang mga tao. (Awit 139:1, 2; Gawa 17:24-28) Gayon na lamang ang pagkakilala sa atin ni Jehova anupat hindi ito matutularan ng ating matalik na mga kaibigan, kamag-anak, maging ng ating mga magulang. Aba, mas kilala pa nga tayo ng Diyos kaysa sa pagkakilala natin sa ating sarili! Ang ating Maylikha ay nagtataglay ng walang-katulad na pagkaunawa hinggil sa ating espirituwal, emosyonal, mental, at pisikal na mga pangangailangan. Habang iniuukol niya ang kaniyang pansin sa atin, ipinakikita niya ang isang malalim na unawa sa ating kayarian, sa ating mga hangarin, at sa ating mga mithiin. Nauunawaan ni Jehova ang ating mga limitasyon, ngunit alam din niya ang ating potensiyal sa paggawa ng kabutihan. Ganito ang sabi ng salmista: “Nalalaman niyang lubos ang kaanyuan natin, na inaalaalang tayo ay alabok.” (Awit 103:14) Kaya naman, maaari tayong makadama ng espirituwal na katiwasayan habang tayo ay nagsisikap na lumakad ayon sa kaniyang kautusan at kusang nagpapasakop sa kaniyang patnubay.​—Kawikaan 3:19-26.

13. Bakit tayo makapagtitiwala na talagang interesado si Jehova sa kung ano ang pinakamabuti para sa atin?

13 Ang kautusan ng Diyos ay nanggagaling sa Isa na umiibig sa atin. Ang Diyos ay taimtim na nagmamalasakit sa ating walang-hanggang kapakanan. Hindi ba’t sa kabila ng kaniyang malaking pagsasakripisyo ay ibinigay niya ang kaniyang Anak bilang “pantubos na kapalit ng marami”? (Mateo 20:28) Hindi ba’t ipinangako ni Jehova na ‘hindi niya hahayaang tuksuhin tayo nang higit sa matitiis natin’? (1 Corinto 10:13) Hindi ba’t tinitiyak sa atin ng Bibliya na siya ay ‘nagmamalasakit sa atin’? (1 Pedro 5:7) Wala nang mas maibiging interesado sa paglalaan ng kapaki-pakinabang na mga tuntunin para sa mga nilalang na tao kaysa kay Jehova. Batid niya kung ano ang makabubuti sa atin at kung ano ang magdudulot sa atin ng kaligayahan at kalungkutan. Bagaman tayo ay di-sakdal at nagkakamali, kung itataguyod natin ang katuwiran, ipakikita niya ang kaniyang pag-ibig sa atin sa mga paraan na magbubunga ng buhay at mga pagpapala.​—Ezekiel 33:11.

14. Sa anong mahalagang paraan naiiba ang kautusan ng Diyos sa mga ideya ng tao?

14 Ang kautusan ng Diyos ay tiyak na hindi nagbabago. Sa maligalig na mga panahong kinabubuhayan natin, si Jehova ay isang bato ng katatagan, na umiiral mula pa nang walang hanggan hanggang sa walang hanggan. (Awit 90:2) Sinabi niya tungkol sa kaniyang sarili: “Ako ay si Jehova; hindi ako nagbabago.” (Malakias 3:6) Ang mga pamantayan ng Diyos, gaya ng nakaulat sa Bibliya, ay lubusang maaasahan​—di-tulad ng mga ideya ng tao na walang-tigil sa pagbabagu-bago. (Santiago 1:17) Halimbawa, sa loob ng maraming taon ay itinaguyod ng mga sikologo ang maluwag na pagpapalaki sa bata, ngunit nang maglaon ay nagbago ng isip ang ilan at inamin na mali ang kanilang ipinayo. Ang mga pamantayan at mga tuntunin ng sanlibutan hinggil sa bagay na ito ay pabagu-bago ng direksiyon na para bang hinahampas-hampas ng hangin. Gayunman, ang Salita ni Jehova ay hindi nagbabago. Sa loob ng maraming siglo, naglaan ng payo ang Bibliya kung paano palalakihin ang mga anak nang may pag-ibig. Sumulat si apostol Pablo: “Mga ama, huwag ninyong inisin ang inyong mga anak, kundi patuloy na palakihin sila sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova.” (Efeso 6:4) Tunay ngang nakapagpapatibay-loob na malaman na maaari tayong magtiwala sa mga pamantayan ni Jehova; ang mga ito ay hindi magbabago!

Mga Pagpapala Para sa mga Sumusunod sa mga Kautusan ng Diyos

15, 16. (a) Ano ang magiging resulta kung ikakapit natin ang mga pamantayan ni Jehova? (b) Paano mapatutunayan na isang mahusay na patnubay sa pag-aasawa ang mga kautusan ng Diyos?

15 Sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Isaias, sinabi ng Diyos: “Ang aking salita na lumalabas sa aking bibig . . . ay tiyak na magtatagumpay.” (Isaias 55:11) Tiyak din naman, kapag taimtim nating sinisikap na sundin ang mga pamantayang masusumpungan sa kaniyang Salita, magtatagumpay tayo, makagagawa tayo ng mabuti, at makasusumpong ng kaligayahan.

16 Isaalang-alang kung paanong ang mga kautusan ng Diyos ay mahusay na patnubay para sa matagumpay na pag-aasawa. “Maging marangal nawa ang pag-aasawa sa gitna ng lahat,” ang isinulat ni Pablo, “at maging walang dungis ang higaang pangmag-asawa, sapagkat hahatulan ng Diyos ang mga mapakiapid at mga mangangalunya.” (Hebreo 13:4) Ang mga mag-asawa ay dapat na gumalang at mag-ibigan sa isa’t isa: “Ibigin . . . ng bawat isa sa inyo ang kani-kaniyang asawang babae gaya ng ginagawa niya sa kaniyang sarili; sa kabilang dako naman, ang asawang babae ay dapat na magkaroon ng matinding paggalang sa kaniyang asawang lalaki.” (Efeso 5:33) Ang uri ng pag-ibig na kailangan ay inilalarawan sa 1 Corinto 13:4-8: “Ang pag-ibig ay may mahabang pagtitiis at mabait. Ang pag-ibig ay hindi mapanibughuin, ito ay hindi nagyayabang, hindi nagmamalaki, hindi gumagawi nang hindi disente, hindi naghahanap ng sarili nitong kapakanan, hindi napupukaw sa galit. Hindi ito nagbibilang ng pinsala. Hindi ito nagsasaya sa kalikuan, kundi nakikipagsaya sa katotohanan. Tinitiis nito ang lahat ng bagay, pinaniniwalaan ang lahat ng bagay, inaasahan ang lahat ng bagay, binabata ang lahat ng bagay. Ang pag-ibig ay hindi kailanman nabibigo.” Ang pag-aasawa na kakikitaan ng ganitong uri ng pag-ibig ay hindi mabibigo.

17. Anong mga kapakinabangan ang nagmumula sa pagkakapit sa mga pamantayan ni Jehova hinggil sa paggamit ng inuming de-alkohol?

17 Ang isa pang katibayan na kapaki-pakinabang ang mga pamantayan ni Jehova ay ang bagay na hinahatulan niya ang paglalasing. Hindi niya sinasang-ayunan maging ang ‘pagkahilig sa maraming alak.’ (1 Timoteo 3:3, 8; Roma 13:13) Marami sa mga nagwawalang-bahala sa mga pamantayan ng Diyos hinggil sa bagay na ito ang dumaranas ng mga sakit na sanhi o pinalalâ ng labis na pag-inom. Dahil sa pagwawalang-bahala sa payo ng Bibliya hinggil sa pagiging katamtaman, ang ilan ay nasanay na uminom nang marami upang “matulungan silang magrelaks.” Maraming problema ang naidudulot ng labis na pag-inom, kasali na rito ang pagkawala ng paggalang, maiigting na ugnayan sa pamilya o pagkawasak ng pamilya, nawaldas na kita, at pagkawala ng trabaho. (Kawikaan 23:19-21, 29-35) Hindi ba’t pananggalang ang mga pamantayan ni Jehova may kinalaman sa paggamit ng inuming de-alkohol?

18. Praktikal ba ang mga kautusan ng Diyos kung tungkol sa pananalapi? Ipaliwanag.

18 Napatunayan ding praktikal ang mga pamantayan ng Diyos may kinalaman sa pananalapi. Hinihimok ng Bibliya ang mga Kristiyano na maging matapat at masikap. (Lucas 16:10; Efeso 4:28; Colosas 3:23) Dahil sinusunod nila ang payong ito, maraming Kristiyano ang itinaas sa tungkulin o nanatili sa kanilang trabaho nang sesantehin ang iba. Nagbubunga rin ng mga pakinabang sa pananalapi kapag iniiwasan ng isang tao ang di-makakasulatang mga bisyo at pagkasugapa na gaya ng pagsusugal, paninigarilyo, at pag-abuso sa droga. Walang alinlangan na makaiisip ka pa ng ibang mga halimbawa ng pagiging praktikal ng mga pamantayan ng Diyos kung tungkol sa kabuhayan.

19, 20. Bakit landasin ng karunungan na tanggapin at panghawakan ang mga kautusan ng Diyos?

19 Madali para sa di-sakdal na mga tao na lumihis sa mga kautusan at pamantayan ng Diyos. Isaalang-alang ang mga Israelita sa Bundok Sinai. Sinabi ng Diyos sa kanila: “Kung mahigpit ninyong susundin ang aking tinig at iingatan nga ang aking tipan, kayo ay tiyak na magiging aking pantanging pag-aari mula sa lahat ng iba pang bayan.” Sumagot sila: “Ang lahat ng sinalita ni Jehova ay handa naming gawin.” Gayunman, ibang-iba ang landasin na pinili nilang sundin! (Exodo 19:5, 8; Awit 106:12-43) Kabaligtaran nito, tanggapin nawa natin at panghawakan ang mga pamantayan ng Diyos.

20 Landasin ng karunungan at kaligayahan ang manghawakang mahigpit sa walang-katulad na mga kautusan na inilalaan ni Jehova upang tumulong sa pagpatnubay sa ating buhay. (Awit 19:7-11) Upang matagumpay na magawa ito, kailangan din nating maunawaan at pakamahalin ang kahalagahan ng makadiyos na mga simulain. Ito ang paksa ng susunod na artikulo.

[Talababa]

^ par. 6 Para sa detalyadong pagtalakay sa “kautusan ng Kristo,” tingnan Ang Bantayan, Setyembre 1, 1996, pahina 14-24.

Naaalaala Mo Ba?

• Bakit tayo makapagtitiwala na ang mga kautusan ng Diyos ay para sa ating kapakinabangan?

• Sa anu-anong dahilan dapat nating pakamahalin ang kautusan ni Jehova?

• Sa anu-anong paraan kapaki-pakinabang ang mga kautusan ng Diyos?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 13]

Si Abraham ay saganang pinagpala dahil sa pagsunod sa kautusan ni Jehova

[Mga larawan sa pahina 15]

Inililihis ng mga kabalisahang dulot ng abalang buhay sa ngayon ang pansin ng marami mula sa kautusan ng Diyos

[Larawan sa pahina 17]

Gaya ng parola sa ibabaw ng isang batong-limpak, ang kautusan ng Diyos ay matatag at hindi nagbabago