Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Dalawang Pastor na May Mataas na Pagtingin sa mga Isinulat ni Russell

Dalawang Pastor na May Mataas na Pagtingin sa mga Isinulat ni Russell

Dalawang Pastor na May Mataas na Pagtingin sa mga Isinulat ni Russell

NOONG 1891, si Charles Taze Russell, na nagsagawa ng namumukod-tanging gawain sa gitna ng tunay na mga Kristiyanong mananamba ni Jehova, ay dumalaw sa Europa sa unang pagkakataon. Ayon sa ilang ulat, sa isang paghinto sa Pinerolo, Italya, nakausap ni Russell si Propesor Daniele Rivoire, isang dating pastor ng isang relihiyosong grupo na tinatawag na mga Waldenses. * Bagaman nanatiling malapit ang kaugnayan ni Rivoire sa mga Waldenses matapos iwan niya ang ministeryo, nanatiling bukas ang kaniyang isip at binasa ang maraming publikasyong isinulat ni C. T. Russell.

Noong 1903, isinalin ni Rivoire ang aklat ni Russell na The Divine Plan of the Ages sa wikang Italyano at inilimbag ito sa sarili niyang gastos. Ito ay lubhang nauna bago nailathala ang opisyal na edisyong Italyano. Sa paunang salita ng aklat, si Rivoire ay sumulat: “Inilalagay namin ang unang edisyong ito sa Italyano sa ilalim ng pangangalaga ng Panginoon. Pagpalain nawa niya ito upang sa kabila ng di-kasakdalan nito, makatulong nawa ito sa pagdakila sa kaniyang kabanal-banalang pangalan at mapasigla ang kaniyang mga anak na nagsasalita ng wikang Italyano sa higit na debosyon. Sa pamamagitan ng pagbabasa ng aklat na ito, ang mga puso nawa ng lahat ng nagpapahalaga sa lalim ng kayamanan, karunungan, at kaalaman ng plano at pag-ibig ng Diyos, ay magpasalamat mismo sa Diyos, na sa pamamagitan ng kaniyang pagsang-ayon, ang paglalathala ng akdang ito ay naging posible.”

Sinimulan ding isalin ni Rivoire ang Zion’s Watchtower and Herald of Christ’s Presence sa Italyano. Ang magasing ito, isang panimulang anyo ng The Watchtower, ay isang edisyon na lumitaw tuwing ikaapat na buwan noong 1903. Bagaman si Propesor Rivoire ay hindi kailanman naging isang Estudyante ng Bibliya, gaya ng tawag sa mga Saksi ni Jehova noon, siya’y nagpakita ng malaking interes sa pagpapalaganap ng mensahe ng Bibliya gaya ng pagpapaliwanag sa mga publikasyon ng mga Estudyante ng Bibliya.

“Para Bang May Nalaglag na mga Kaliskis Mula sa Aking mga Mata”

Ang isa pang pastor ng mga Waldensian na may mataas na pagtingin sa mga publikasyon ni Russell ay si Giuseppe Banchetti. Ang ama ni Giuseppe, na nakumberte mula sa Katolisismo, ay nagbigay sa kaniya ng edukasyong Waldensian. Noong 1894, si Giuseppe ay naging isang pastor at naglingkod sa iba’t ibang komunidad ng mga Waldensian sa Apulia at Abruzzi at sa mga isla ng Elba at Sicily.

Ang awtorisadong edisyong Italyano ng Divine Plan of the Ages ni Russell ay inilathala noong 1905. Isinulat ni Banchetti ang isang masiglang konklusyon hinggil sa aklat. Ito ay lumitaw sa Protestanteng pahayagan na La Rivista Cristiana. “Para sa amin,” wika ni Banchetti, ang aklat ni Russell “ang pinakamaliwanag at tiyak na patnubay na maaaring masumpungan ng sinumang Kristiyano upang makapagsagawa ng isang kapaki-pakinabang at pinagpalang pag-aaral ng Banal na Kasulatan . . . Pagkatapos kong mabasa ito, para bang may nalaglag na mga kaliskis mula sa aking mga mata, anupat ang daan tungo sa Diyos ay naging mas matuwid at mas madali. Maging ang tila mga pagkakasalungatan sa kalakhang bahagi ay nawala. Ang mga doktrina na dating mahirap maunawaan ay lumitaw na simple at lubhang katanggap-tanggap. Ang mga bagay na di-maintindihan noon ay naging malinaw. Ang kahanga-hangang plano ng kaligtasan ng sanlibutan kay Kristo ay lumitaw sa akin nang gayon na lamang kasimple anupat nag-udyok sa akin na bumulalas kasama ng Apostol: O ang lalim ng kayamanan kapuwa ng karunungan at kaalaman ng Diyos!”​—Roma 11:33.

Gaya ng binanggit ni Remigio Cuminetti noong 1925, nagpakita si Banchetti ng “lubos na pagsang-ayon” sa akda ng mga Estudyante ng Bibliya at “lubos na kumbinsido” sa mga doktrinang ipinaliwanag nila. Sa sarili niyang paraan, nagsikap si Banchetti na ipahayag ang gayong mga doktrina.

Maliwanag mula sa mga isinulat ni Banchetti na, tulad ng mga Saksi ni Jehova, siya ay naniniwala na magkakaroon ng makalupang pagkabuhay-muli, gaya ng itinuro sa Kasulatan. Sinang-ayunan din niya ang mga Estudyante ng Bibliya nang kaniyang ipaliwanag na ang taon ng kamatayan ni Jesus ay itinakda at isiniwalat ng Diyos sa hula ni Daniel sa 70 sanlinggo. (Daniel 9:24-27) Higit pa sa isang ulit, at sa hayagang pagsalungat sa mga turo ng kaniyang simbahan, siya ay naniwala na ang Memoryal ng kamatayan ni Jesu-Kristo ay dapat alalahanin nang minsan lamang bawat taon, “sa eksaktong araw na pinapatakan ng anibersaryo.” (Lucas 22:19, 20) Tinanggihan niya ang teoriya ni Darwin hinggil sa ebolusyon, at kaniyang pinagtibay na ang mga Kristiyano ay hindi dapat sumali sa sekular na digmaan.​—Isaias 2:4.

Sa isang pagkakataon, tinalakay ni Banchetti ang mga isinulat ni Russell sa isang lalaking nagngangalang J. Campbell Wall. Bilang sagot sa pamumuna ni Wall, sinabi ni Banchetti: “Natitiyak ko na kung babasahin mo ang anim na tomo ni Russell, mararanasan mo ang isang masigla at matinding kagalakan, at pasasalamatan mo ako sa madamdaming paraan. Hindi ko ipinagpaparangya ang doktrina; subalit binasa ko ang mga aklat na iyon labing-isang taon na ang nakalilipas, at ako ay nagpapasalamat sa Diyos araw-araw sa paglalagay sa harapan ko ng gayong liwanag at ng gayong kaaliwan sa pamamagitan ng isang akda na lubusan at matatag na nakasalig sa Banal na Kasulatan.”

“Makinig, Makinig, Makinig”

Mahalaga na ang dalawang pastor na ito ng mga Waldensian​—sina Daniele Rivoire at Giuseppe Banchetti​—ay nagpahayag ng pagsang-ayon at pasasalamat sa paraan ng pagpapaliwanag ni Russell sa Bibliya. Si Banchetti ay sumulat: “Sinasabi ko na walang sinuman sa atin na mga Ebangheliko, kahit na ang ating mga pastor o mga propesor sa teolohiya, walang sinuman ang nakaaalam ng lahat ng bagay. Hindi lamang iyon, maraming-maraming iba pang bagay ang matututuhan natin. . . . [Dapat tayong] . . . manatili at makinig, na hindi iniisip na alam na natin ang lahat, at hindi tinatanggihan ang iniaalok para sa ating pagsusuri. Sa halip, makinig, makinig, makinig.”

Taun-taon, libu-libo ang nakikinig sa mensahe ng Kaharian na dinadala sa kanilang mga tahanan ng mga Saksi ni Jehova. Ang bukas-isip na mga tao sa lahat ng dako na nauuhaw sa mga katotohanan ng Bibliya ay tumutugon sa paanyaya ni Jesus: “Halika maging tagasunod kita.”​—Marcos 10:17-21; Apocalipsis 22:17.

[Talababa]

^ par. 2 Ipinangalan mula kay Pierre Vaudès, o Peter Waldo, isang mangangalakal ng Lyons, Pransiya noong ika-12 siglo. Si Waldo ay itiniwalag sa Simbahang Katoliko dahil sa kaniyang mga paniniwala. Ukol sa karagdagang impormasyon sa mga Waldenses, tingnan ang artikulong “Ang mga Waldenses​—Mula sa Erehiya Tungo sa Protestantismo” sa Ang Bantayan ng Marso 15, 2002.

[Larawan sa pahina 28]

Si Propesor Daniele Rivoire

[Larawan sa pahina 29]

Si Giuseppe Banchetti

[Credit Line]

Banchetti: La Luce, April 14, 1926