Natatandaan Mo Ba?
Natatandaan Mo Ba?
Pinahalagahan mo ba ang pagbabasa sa katatapos na mga isyu ng Ang Bantayan? Kung gayon, tingnan kung masasagot mo ang sumusunod na mga tanong:
• Anong personal na programa may kaugnayan sa Sermon sa Bundok ang maaari mong magamit upang maibsan ang iyong kaigtingan?
Araw-araw, maaari kang bumasa ng isa sa mga pangunahing turo ni Jesus na nasa sermong iyon o nasa iba pang dako ng mga Ebanghelyo. Sa pamamagitan ng pagbubulay-bulay sa turong iyon at sa pagsisikap na maikapit ito sa sarili, malamang na makasusumpong ka ng higit na kaligayahan at mababawasan ang iyong kaigtingan.—12/15, pahina 12-14.
• Anong tatlong maiinam na dahilan upang sanayin ng matatanda sa kongregasyon ang mga ministeryal na lingkod na pangasiwaan ang karagdagang mga pananagutan?
Dahil sa dumarami ang mga Saksi ni Jehova, kinakailangan ang karagdagang responsableng mga lalaki upang tulungang sumulong ang mga bagong bautisado. Nalilimitahan na ngayon ng edad o mga problema sa kalusugan ang nagagawa ng ilang matagal nang matatanda. At ang ilang may kakayahang matatanda ay bumabalikat ng mga pananagutang bukod pa yaong sa lokal na kongregasyon, anupat maaaring hindi na nila nagagawa ang gaya nang dati sa kanilang kongregasyon.—1/1, pahina 29.
• Paano nagtitiwala ang mga tao sa mga diyos na hindi totoo?
Sinasamba ng marami ang mga diyos ng kanilang relihiyon, subalit ang mga ito ay maaaring basta walang-buhay na mga diyos na hindi makapagliligtas na gaya ni Baal noong kaarawan ni Elias. (1 Hari 18:26, 29; Awit 135:15-17) Sinasamba naman ng iba ang mga artista o mga sikat na mga manlalaro, na hindi makapagbibigay ng anumang tunay na pag-asa sa hinaharap. Sa kabaligtaran, si Jehova ay talagang umiiral at tinutupad niya ang kaniyang mga layunin.—1/15, pahina 3-5.
• Ano ang matututuhan natin mula sa reaksiyon ni Cain sa babala ng Diyos?
Binigyan tayo ng Diyos ng kalayaang magpasiya, at maaari nating piliin na gumawa ng tama sa halip na tumalikod sa paggawa ng mabuti, na siyang naging reaksiyon ni Cain. Ipinakikita rin ng ulat ng Bibliya na inilalapat ni Jehova ang kaniyang mga kahatulan sa mga hindi nagsisisi.—1/15, pahina 22-3.
• Bakit lalo nang mahalaga ang kalinisan sa ngayon?
Dahil sa nagbabagong mga istilo ng pamumuhay, marami ang gumugugol ng kaunting panahon sa paglilinis ng kanilang tahanan di-gaya noon. Ang pagwawalang-bahala sa kalinisan kung tungkol sa pagkain at tubig ay maaaring magsapanganib sa kalusugan. Bukod pa sa pisikal na kalinisan, itinatampok ng Bibliya ang pagbibigay pansin sa espirituwal, moral, at mental na kalinisan.—2/1, pahina 3-6.
• May kinalaman sa mga saksi bago ang panahong Kristiyano, sinabi ni Pablo na sila ay ‘hindi mapasasakdal nang bukod sa atin.’ Paanong nagkagayon? (Hebreo 11:40)
Sa darating na Milenyo, ipatutupad ni Kristo at ng kaniyang pinahirang mga kapatid sa langit, na naglilingkod bilang mga hari at mga saserdote, ang mga pakinabang ng pantubos sa mga bubuhaying-muli. Ang mga tapat na iyon na binabanggit sa Hebreo kabanata 11 ay ‘mapasasakdal.’—2/1, pahina 23.
• Ano ang ibig tukuyin ni Pablo nang sabihin niya sa mga Hebreo: “Hindi pa kayo kailanman nakipaglaban hanggang sa dugo”? (Hebreo 12:4)
Ang ibig niyang sabihin ay ang paglaban hanggang kamatayan. May mga makasaysayang halimbawa ng mga nanatiling tapat hanggang kamatayan. Bagaman ang mga Hebreo na sinulatan ni Pablo ay hindi pa nasusubok hanggang kamatayan, kailangan nilang sumulong tungo sa pagkamaygulang, na pinalalakas ang kanilang pananampalataya upang mabata ang anumang maaaring mangyari.—2/15, pahina 29.
• Bakit makabubuting iwasang sabihin na binabantuan ng awa ni Jehova ang kaniyang katarungan?
Sa ilang wika, ang “bantuan” ay maaaring mangahulugang pinagagaan o pinipigil. Si Jehova ay kapuwa isang Diyos ng katarungan at awa, at sa kaniyang pagpapakita ng mga katangiang ito, kumikilos ang dalawang ito nang may pagkakasuwato. (Exodo 34:6, 7; Deuteronomio 32:4; Awit 116:5; 145:9) Ang katarungan ni Jehova ay hindi kailangang pagaanin o bantuan ng awa.—3/1, pahina 30.
• Wasto ba para sa isang Kristiyano na ipaembalsamo ang katawan ng isang minamahal na namatay?
Ang pag-eembalsamo ay isang paraan upang mapreserba ang isang bangkay. Sinusunod ng ilang sinaunang tao ang gawaing ito sa relihiyosong kadahilanan. Hindi ganiyan sa mga tunay na mananamba. (Eclesiastes 9:5; Gawa 24:15) Inaantala lamang ng pag-eembalsamo ang hindi maiiwasan, ang pagbalik ng katawan sa alabok. (Genesis 3:19) Subalit hindi kailangang mabahala kung hinihiling ng batas ang pag-eembalsamo, kung ninanais ito ng ilang kapamilya, o kung kinakailangan ito dahil sa ang ilan ay dapat maglakbay nang malayo patungo sa libing.—3/15, pahina 29-31.
• Anong mga halimbawa sa Bibliya ang nagtuturo sa atin na malugod na tinatanggap ng Diyos ang mga tao ng lahat ng mga bansa?
Isinugo ni Jehova ang propetang si Jonas upang babalaan ang mga Ninevita, at hinimok ng Diyos si Jonas na tanggapin ang kanilang pagsisisi. Sa pamamagitan ng salita at halimbawa, pinasigla ni Jesus ang pagpapamalas ng pag-ibig sa mga Samaritano. Kapuwa si apostol Pedro at si apostol Pablo ay nagkaroon ng bahagi sa pagdadala ng mabuting balita sa mga di-Judio. Mula sa mga halimbawang iyon, nakikita natin ang pangangailangan na sikaping tulungan ang mga tao na may iba’t ibang pinagmulan.—4/1, pahina 21-4.