Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagkadama ng Katiwasayan Ngayon—Pagiging Tiwasay Magpakailanman

Pagkadama ng Katiwasayan Ngayon—Pagiging Tiwasay Magpakailanman

Pagkadama ng Katiwasayan Ngayon​—Pagiging Tiwasay Magpakailanman

BAKIT kadalasan ay mailap ang katiwasayan at, kung masumpungan man, pansamantala lamang? Ito kaya’y dahil sa nakabatay sa guniguni ang ating pagkadama ng katiwasayan​—sa inaasam nating matamo sa halip na sa maaaring matamo? Ang gayong pangarap ay matatawag na pamumuhay sa daigdig ng panaginip.

Pinahihintulutan ng guniguni na iwaksi ng isipan ang realidad ng buhay kalakip na ang mga kawalang-katiyakan nito at pumasok sa isang maganda, tiwasay na kalagayan, anupat ipinagwawalang-bahala ang anumang bagay na maaaring makasira sa daigdig ng panaginip. Gayunman, kadalasan ang mga suliranin sa tunay na daigdig ay biglang nanghihimasok sa daigdig na ito ng panaginip at walang-awang binubura ang pagkadama ng katiwasayan, anupat ginigising ang nangangarap sa malungkot na realidad.

Isaalang-alang natin ang isang larangan kung saan naghahanap ng katiwasayan ang mga tao​—heograpikong lokasyon. Halimbawa, ang malaking lunsod ay maaaring magtinging punô ng pag-asa, na nagbibigay ng mga pangitain ng kaluguran, malalaking suweldo, at mga tirahang mataas ang kalidad. Oo, iyon ay waring makapagbibigay ng matagal nang hinahangad na katiwasayan. Ngunit makatotohanan ba ang pangitaing ito?

Lokasyon​—Malaking Lunsod ba o Matayog na Pangarap Lamang?

Sa papaunlad na mga bansa, ang pang-akit ng malaking lunsod ay itinataguyod ng pag-aanunsiyo na maaaring umakit sa sabik na mga imahinasyon. Ang mga organisasyon na nasa likod ng gayong pag-aanunsiyo ay hindi naman talaga interesado sa iyong katiwasayan kundi, sa halip, sa kanilang mabebenta. Itinatago nila ang mga suliranin ng tunay na daigdig sa pamamagitan ng mga eksena ng tagumpay na nagpapakita ng katiwasayan. Kaya naman, ang katiwasayan ay nagiging kaugnay ng kanilang iniaanunsiyong produkto at ng malaking lunsod.

Isaalang-alang ang sumusunod na halimbawa. Ang mga opisyal sa isang lunsod sa Kanlurang Aprika ay nagtayo ng mga karatula ng anunsiyo na maliwanag na naglalarawan na ang paninigarilyo sa katunayan ay walang ipinagkaiba sa pagsunog sa pinaghirapang salapi. Iyon ay bahagi ng isang kampanya upang babalaan ang mga mamamayan laban sa paninigarilyo. Sinagot naman ito ng mga gumagawa at nagbebenta ng sigarilyo sa pamamagitan ng paglalagay ng maingat ang pagkakadisenyo na mga karatula ng anunsiyo na ipinakikita ang mga maninigarilyo sa kaakit-akit na mga eksena na maligaya at matagumpay. Karagdagan pa, pinagsuot ng isang kompanya ng sigarilyo ang ilang empleado nito ng magarbong mga uniporme at magagarang gora upang ipamahagi ang mga sigarilyo sa mga kabataan sa lansangan, na hinihimok ang bawat isa na “subukin ito.” Marami sa mga kabataang ito ay nagmula sa mga nayon at, palibhasa’y walang muwang sa tusong mga pakana sa pag-aanunsiyo, nahulog sila sa paanyayang ito. Naging sugapa silang maninigarilyo. Ang mga kabataang taganayon ay nagtungo sa malaking lunsod para maghanap ng matiwasay na buhay upang masuportahan ang kanilang mga pamilya o umasenso sa pinansiyal na paraan. Sa halip, sinusunog nila ang karamihan sa salapi na magagamit sana nila sa mabubuting layunin.

Ang mga anunsiyo na naglalarawan sa isang matagumpay na buhay sa malaking lunsod ay hindi laging nagmumula sa mga mangangalakal. Maaaring magmula ang mga ito sa bibig ng mga taong lumipat sa malaking lunsod at nahihiyang bumalik sa kanilang sariling nayon. Palibhasa’y ayaw magtinging nabigo, kanilang ipinagyayabang ang diumano’y kayamanan at mga tagumpay na nasumpungan nila sa lunsod. Gayunman, ang masusing pagsusuri sa kanilang sinasabing katayuan ay nagsisiwalat na ang kasalukuyang istilo ng pamumuhay nila ay walang ipinagkaiba sa kanilang dating buhay sa nayon; sila ay nagpupunyagi sa pinansiyal na paraan tulad ng karamihan sa iba pang naninirahan sa lunsod.

Ang mga bagong dating na mga naghahanap ng katiwasayan ang nabibiktima ng mga walang-prinsipyong tao lalo na sa malalaking lunsod. Bakit? Sa pangkalahatan, wala silang pagkakataon na magkaroon ng malapit na mga kaibigan at malayo sila sa mga miyembro ng kanilang pamilya. Kaya walang makapagpayo sa kanila na makatutulong na maiwasan nila ang mga patibong ng materyalistikong pamumuhay sa lunsod.

Si Josué ay hindi nahulog sa silo ng paninigarilyo. Karagdagan pa, natanto niya na ang mga kahilingan ng buhay sa lunsod ay hindi niya kayang harapin nang matagumpay. Sa kaniyang kaso, kahit sa pinakamainam na kalagayan, ang tanging bagay na talagang maibibigay sa kaniya ng lunsod ay ang matayog at di-natupad na mga pangarap. Natanto niya na hindi siya nagkaroon ng tunay na katiwasayan sa lunsod; talaga lamang hindi siya para roon. Nadaig siya ng pagkadama ng kahungkagan, pagiging mababa, at kabiguan, at nilulon na lamang niya nang dakong huli ang kaniyang amor propyo at bumalik sa nayon.

Siya’y nangangambang tutuyain siya. Sa halip, malugod siyang tinanggap ng kaniyang pamilya at tunay na mga kaibigan. Dahil sa magiliw na pagtanggap ng kaniyang pamilya, sa pamilyar na kapaligiran sa nayon, at sa pag-ibig ng kaniyang mga kaibigan sa kongregasyong Kristiyano, di-nagtagal at nadama niya na mas tiwasay siya roon kaysa sa malaking lunsod, kung saan ang mga pangarap ng marami ay nauuwi sa mga bangungot. Laking gulat niya, ang pagpapagal sa bukid kasama ng kaniyang ama sa katunayan ay nagdulot sa kaniya at sa kaniyang pamilya ng mas malaking kita kaysa sa neto na matatanggap niya sa lunsod.

Salapi​—Ano ba Talaga ang Problema?

Maipadarama ba sa iyo ng salapi ang katiwasayan? Si Liz na taga-Canada ay nagsabi: “Bilang isang kabataan, naniniwala ako na ang salapi ay nagbibigay ng kalayaan mula sa pangamba.” Umibig siya sa isang lalaki na may-kaya sa buhay. Di-nagtagal at nagpakasal sila. Nakadama ba siya ng katiwasayan? Nagpatuloy si Liz: “Nang mag-asawa ako, nagkaroon kami ng isang magandang tahanan at dalawang kotse, at ang aming pinansiyal na kalagayan ay nagbigay sa amin ng kalayaan na tamasahin ang halos lahat ng bagay sa materyal na paraan, sa paglalakbay, at sa paglilibang. Nakapagtataka, nababahala pa rin ako tungkol sa salapi.” Ipinaliwanag niya kung bakit: “Napakalaki ng maaaring mawala sa amin. Waring mientras mas marami kang tinatangkilik, mas lalo kang hindi nakadarama ng katiwasayan. Ang salapi ay hindi nagdulot ng kalayaan mula sa pangamba o kabalisahan.”

Kung nadarama mo na wala kang sapat na salapi upang maging tiwasay, tanungin ang iyong sarili, ‘Ano ba talaga ang problema? Talaga bang ang kakulangan sa salapi, o ang kakulangan ng matalinong pangangasiwa sa salapi?’ Sa pagbubulay-bulay sa kaniyang nakalipas, ganito ang sabi ni Liz: “Natanto ko ngayon na ang pinagmumulan ng mga problema ng aking pamilya nang ako’y bata pa ay ang di-mabuting pangangasiwa sa salapi. Inuutang namin ang aming binibili, at sa gayon ay lagi kaming nababaon sa utang. Ito ay nagdulot ng kabalisahan.”

Gayunman, sa ngayon si Liz at ang kaniyang asawa ay nakadarama ng higit na katiwasayan, bagaman mas kakaunti ang kanilang salapi. Nang matutuhan nila ang katotohanan sa Salita ng Diyos, tumigil sila sa pakikinig sa mapang-akit na mga pag-aangkin tungkol sa salapi at nagsimulang makinig sa karunungan ng Diyos, lakip na ang mga pananalitang ito: “Kung tungkol sa sinumang nakikinig sa akin, tatahan siya nang tiwasay at hindi maliligalig ng panghihilakbot sa kapahamakan.” (Kawikaan 1:33) Nais nilang magkaroon ng higit na kahulugan ang kanilang buhay kaysa sa maibibigay ng malaking deposito sa bangko. Ngayon, bilang mga misyonero sa malayong lupain, si Liz at ang kaniyang asawa ay nagtuturo kapuwa sa mayayaman at mahihirap na tao na di-magtatagal at pasasapitin ng Diyos na Jehova ang tunay na katiwasayan sa buong lupa. Ang gawaing ito ay nagbibigay ng matinding kasiyahan at katatagan na nagmumula sa isang nakahihigit na layunin at nakatataas na mga pamantayan, hindi sa pinansiyal na pakinabang.

Tandaan ang saligang katotohanan na ito: Ang pagiging mayaman sa Diyos ay di-hamak na mas mahalaga kaysa sa pagkakaroon ng materyal na mga kayamanan. Sa buong Banal na Kasulatan, ang pagdiriin ay inilalagay, hindi sa pagkakamal ng materyal na mga kayamanan, kundi sa pagkakaroon ng mabuting katayuan kay Jehova, isa na maaari nating panatilihin sa pamamagitan ng patuloy na paggawa ng kalooban ng Diyos salig sa pananampalataya. Pinatitibay-loob tayo ni Kristo Jesus na maging “mayaman sa Diyos” at mag-impok ng “kayamanan sa langit.”​—Lucas 12:21, 33.

Kalagayan sa Buhay​—Saan Ka Patungo?

Kung parang nadarama mo na ang paghahangad ng mas mataas na kalagayan sa lipunan ang daan patungo sa katiwasayan, tanungin ang iyong sarili: ‘Sino sa mga taong may mataas na kalagayan sa buhay ang talagang nagtamo na ng tunay na katiwasayan? Gaano pa kataas na kalagayan sa buhay ang kailangan kong abutin upang matamo ang katiwasayan?’ Ang isang matagumpay na karera ay maaaring magbigay sa iyo ng maling pagkadama ng katiwasayan, na umaakay sa kabiguan o, mas masama pa, sa isang kapaha-pahamak na pagbagsak.

Ipinakikita ng aktuwal na mga karanasan na ang isang mabuting pangalan sa Diyos ay nagdudulot ng higit na katiwasayan kaysa sa pagkakaroon ng pangalan sa mga tao. Si Jehova lamang ang makapagbibigay sa mga tao ng kaloob na buhay na walang hanggan. Iyon ay nagsasangkot ng pagsulat sa ating pangalan, hindi sa isang talaan ng mga kilaláng tao sa lipunan, kundi sa aklat ng Diyos ukol sa buhay.​—Exodo 32:32; Apocalipsis 3:5.

Kung isasaisantabi mo ang pangangarap, paano mo tatayahin ang kasalukuyang kalagayan mo, at ano ang may-katapatang maaasahan mo sa hinaharap? Walang sinuman ang nagtataglay ng lahat ng bagay. Gaya ng sabi ng isang matalinong Kristiyano, “Kailangan kong matutuhan na ang buhay ay hindi kailanman ito AT iyon, kundi ito O iyon.” Huminto sandali at basahin ang kahon na “Isinalaysay sa Benin.”

Ngayon ay sagutin ang mga katanungang ito: Ano ba ang isang mahalagang destinasyon, o tunguhin, sa buhay ko? Ano ba ang pinakatuwirang daan patungo roon? Maaari kayang ako ay nasa isang mahaba at di-tiwasay na alternatibong daan anupat ang talagang gusto ko at ang talagang posible ay maaari namang matamo sa pamamagitan ng isang di-gaanong komplikadong daan?

Matapos magpayo tungkol sa relatibong kahalagahan ng materyal na mga bagay kung ihahambing sa kahalagahan ng espirituwal na mga bagay, sinabi ni Jesus na panatilihing “simple” ang mata, o “nakapokus.” (Mateo 6:22; talababa sa Ingles) Nilinaw niya na ang pangunahing mga bagay sa buhay ay espirituwal na mga pamantayan at mga tunguhin na nakasentro sa pangalan ng Diyos at sa kaniyang Kaharian. (Mateo 6:9, 10) Ang iba pang bagay ay hindi gaanong mahalaga o, wika nga, hindi siyang pinakasentrong bagay.

Maraming kamera sa ngayon ang awtomatikong nagpopokus kapuwa sa mga bagay na malayo at malapit. Nakahilig ka bang maging tulad nito? Halos lahat ba ng bagay na nasa sentro ng iyong ‘pokus’​—samakatuwid nga, mga bagay na mahalaga at kanais-nais na siyang pinapangarap mo ay talagang makakamit? Kahit na maging posible ang ilan dito, ang mahalagang tunguhin para sa mga Kristiyano, ang Kaharian, ay madaling mawawala sa gitna ng napakaraming iba pang larawan, na bawat isa’y umaagaw sa iyong atensiyon. Ang matinding paalaala ni Jesus ay: “Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran, at ang lahat ng iba pang mga bagay na ito ay idaragdag sa inyo.”​—Mateo 6:33.

Tiwasay Ngayon at Magpakailanman

Maaaring mangarap tayong lahat ng mas mabubuting bagay para sa ating sarili at sa ating mga minamahal. Gayunman, ang bagay na tayo ay di-sakdal, nabubuhay sa isang di-sakdal na sanlibutan, at may limitadong haba ng buhay ang pumipilit sa atin na limitahan ang mga bagay na maaari nating makatotohanang asahan na matatamo. Ganito ang paliwanag ng isang manunulat ng Bibliya libu-libong taon na ang nakalilipas: “Ako ay nagbalik upang makita sa ilalim ng araw na ang takbuhan ay hindi sa matutulin, ni ang pagbabaka ay sa mga makapangyarihan, ni ang pagkain man ay sa marurunong, ni ang kayamanan man ay sa mga may-unawa, ni ang lingap man ay sa mga may kaalaman; sapagkat ang panahon at ang di-inaasahang pangyayari ay sumasapit sa kanilang lahat.”​—Eclesiastes 9:11.

Kung minsan ay labis tayong nagiging okupado ng pang-araw-araw na nakahahapong rutin ng buhay anupat nalilimutan nating tumingin sa mas malaking larawan ng kung sino tayo at kung ano ang talagang kailangan natin upang makadama ng tunay na katiwasayan. Isaalang-alang ang sinaunang mga pananalitang ito ng karunungan: “Kung iniibig mo ang salapi, hindi ka kailanman masisiyahan; kung ninanais mong maging mayaman, hindi mo matatamo kailanman ang lahat ng gusto mo. Wala itong kabuluhan. Ang isang nagtatrabahong lalaki ay maaaring may sapat o walang sapat na makakain, ngunit makatutulog naman siya nang mahimbing sa gabi. Gayunman, ang isang mayamang lalaki ay nagtataglay ng labis-labis anupat hindi siya makatulog sa pag-aalala.” (Eclesiastes 5:10, 12, Today’s English Version) Oo, saan ba nakasalig ang iyong katiwasayan?

Kung ang iyong situwasyon ay waring katulad ng di-makatotohanang pangarap ni Josué, maaari mo bang baguhin ang iyong mga plano? Susuportahan ka ng mga talagang nagmamahal sa iyo, kung paanong sinuportahan si Josué ng kaniyang pamilya at mga kaibigan sa kongregasyong Kristiyano. Maaari kang makasumpong ng higit na katiwasayan sa hamak na mga kapaligiran kasama niyaong mga nagmamahal sa iyo kaysa sa lunsod kasama niyaong mga nagtatangkang magsamantala sa iyo.

Kung nakaririwasa ka na, gaya ni Liz at ng kaniyang asawa, maaari mo bang baguhin ang iyong istilo ng pamumuhay upang makapag-ukol ka ng higit na panahon at lakas sa pagtulong sa mga tao, mayaman man o mahirap, upang matuto tungkol sa Kaharian, ang paraan upang matamo ang tunay na katiwasayan?

Kung naghahangad ka ng mas mataas na posisyon sa lipunan o sa trabaho, baka nanaisin mo na bulay-bulayin nang may katapatan kung ano ang nag-uudyok sa iyo na gawin iyon. Sabihin pa, ang ilang personal na kaalwanan ay maaaring makadagdag ng kaligayahan sa buhay. Gayunman, nakapananatili ka bang nakapokus sa Kaharian​—ang tunay na paraan sa pagtatamo ng namamalaging katiwasayan? Alalahanin ang mga salita ni Jesus: “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.” (Gawa 20:35) Kung nakikibahagi ka sa iba’t ibang mga gawain sa kongregasyong Kristiyano, makararanas ka ng kasiya-siyang katiwasayan.

Yaong mga naglalagak ng lubusang tiwala kay Jehova at sa kaniyang Kaharian ay maligayang namumuhay sa nakapagpapasiglang katiwasayan ngayon at umaasa sa ganap na katiwasayan sa hinaharap. Ang salmista ay nagsabi: “Lagi kong inilalagay si Jehova sa harap ko. Sa dahilang siya ay nasa aking kanan, hindi ako makikilos. Kaya nagsasaya ang aking puso, at ang aking kaluwalhatian ay nagnanais na magalak. Gayundin, ang aking sariling laman ay tatahang tiwasay.”​—Awit 16:8, 9.

[Kahon/Larawan sa pahina 6]

Isinalaysay sa Benin

Ang kuwentong ito ay isinalaysay na nang libu-libong beses sa maraming iba’t ibang paraan. Kamakailan, isang nakatatandang taganayon sa Benin, Kanlurang Aprika, ang naglahad ng sumusunod na bersiyon sa ilang kabataan.

Ang mangingisda ay pauwi sa kaniyang bahay sakay ng kaniyang bangka at nakatagpo niya ang isang banyagang eksperto sa mga usapin sa negosyo na naglilingkod sa papaunlad na bansang iyon. Tinanong ng eksperto ang mangingisda kung bakit maaga siyang umuwi. Sumagot ito na maaari pa sana siyang magtagal ngunit nakahuli na siya ng sapat para paglaanan ang kaniyang pamilya.

“At ngayon, ano ba ang ginagawa mo sa lahat ng panahon mo?” ang tanong ng eksperto.

Sumagot ang mangingisda: “Buweno, nangingisda ako nang kaunti. Nakikipaglaro ako sa aking mga anak. Umiidlip kaming lahat kapag mainit na ang panahon. Sa gabi, nagsasalu-salo kami sa hapunan. Pagkatapos, nagsasama-sama kami ng aking mga kaibigan para makinig ng musika, at iba pa.”

Sumabad ang eksperto: “Alam mo, mayroon akong digri sa unibersidad at pinag-aralan ko ang mga bagay na ito. Gusto kitang tulungan. Dapat ay gumugol ka ng mas mahabang panahon sa pangingisda. Mas marami kang kikitain at di-magtatagal ay makabibili ka ng mas malaking bangka kaysa sa ginagamit mo. Kung mas malaki ang bangka mo, mas malaki pa ang kikitain mo at di-magtatagal ay magkakaroon ka ng isang plota ng mga bapor na pangisda.”

“At pagkatapos?” ang tanong ng mangingisda.

“Pagkatapos, sa halip na ipagbili mo ang isda sa pamamagitan ng isang ahente, maaari kang makipag-usap nang tuwiran sa pagawaan o makapagpasimula pa nga ng iyong sariling planta sa pagpoproseso ng isda. Maaari mo nang iwan ang iyong nayon at lumipat sa Cotonou, o Paris, o New York at pangasiwaan ang lahat ng iyong negosyo mula roon. Maaari mo pa ngang isaalang-alang ang pagkakaroon ng negosyo sa merkado at kumita ng milyun-milyon.”

“Gaano katagal ang kailangan upang maisagawa ang lahat ng iyon?” ang tanong ng mangingisda.

“Marahil ay 15 hanggang 20 taon,” ang sagot ng eksperto.

“At pagkatapos?” ang pagpapatuloy ng mangingisda.

“Iyon ang panahon na nagiging interesante ang buhay,” ang paliwanag ng eksperto. “Pagkatapos ay maaari ka nang magretiro. Maaari mo nang iwan ang abalang buhay sa lunsod at magtungo sa isang liblib na nayon.”

“At ano ang magiging resulta?” ang tanong ng mangingisda.

“Pagkatapos ay magkakaroon ka ng panahon na mangisda nang kaunti, makipaglaro sa iyong mga anak, umidlip kapag mainit na ang panahon, maghapunan kasama ang iyong pamilya, at makisama sa mga kaibigan para makinig ng musika.”

[Mga larawan sa pahina 7]

Ang pag-asenso ba ay nagdadala ng katiwasayan?

[Mga larawan sa pahina 8]

Ang iyong mga kapuwa Kristiyano ay talagang interesado sa iyong katiwasayan