Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagluwalhati sa Diyos sa Kabundukan ng Pilipinas

Pagluwalhati sa Diyos sa Kabundukan ng Pilipinas

Pagluwalhati sa Diyos sa Kabundukan ng Pilipinas

Kung inaakala mo na isang islang bansa ang Pilipinas, tama ka. Ngunit isa rin itong bansa na may kamangha-manghang kabundukan. Para sa mga Saksi ni Jehova, ang pangangaral sa mga lunsod at mga lugar sa kapatagan ay masasabing madali at mabisa. Subalit ibang usapan ang pangangaral sa mga rehiyon ng kabundukan.

ANG maringal na kabundukan sa bansa ay lubhang naiiba sa mga mabuhanging dalampasigan, mga bahura ng korales, mga pangisdaang nayon, at sa abalang mga bayan sa kapatagan ng isla. Isa ring mahirap na balakid ang kabundukan sa pangangaral ng ‘mabuting balita’ ng Kaharian ng Diyos.​—Mateo 24:14.

Matatagpuan ang Kapuluan ng Pilipinas sa lugar kung saan nagsasalubong ang dalawang platong tektoniko. Ang pag-umbok ng lupain sa lugar na ito ay lumikha ng matatarik na tagaytay ng bundok sa mas malalaking pulo. Ang mahigit na 7,100 pulo na siyang bumubuo sa Pilipinas ay nasa kanluraning kurba ng Pacific Ring of Fire (lugar ng mga bulkang nasa gilid ng Dagat Pasipiko). Kaya nagkalat ang mga bulkan sa mga isla, na siya ring dahilan ng pagkakabuo ng bulubunduking tanawin. Ang gayong baku-bakong kalupaan ang nagbukod sa mga tagabundok. Mahirap silang mapuntahan yamang kakaunti lamang ang mga daan na maaaring marating ng mga sasakyang de-motor.

Sa kabila ng mga balakid na ito, natatanto ng mga Saksi ni Jehova ang pangangailangang abutin ang “lahat ng uri ng mga tao.” (1 Timoteo 2:4) Kaya ang mga Saksi sa Pilipinas ay gumagawa kasuwato ng diwa ng Isaias 42:11, 12: “Humiyaw sa kagalakan ang mga tumatahan sa malaking bato. Mula sa taluktok ng mga bundok ay sumigaw nang malakas ang mga tao. Mag-ukol sila ng kaluwalhatian kay Jehova, at sa mga pulo ay ihayag nila ang kaniyang kapurihan.”

Ang puspusang pagpapagal upang makapagpatotoo sa mga tagabundok ay nagsimula mahigit na 50 taon na ang nakalipas. Pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II, tumulong ang mga misyonero na pasiglahin ang gawain. Maraming katutubo ang tumanggap sa katotohanan ng Bibliya at sila naman ay tumulong sa pagpapalaganap ng katotohanan sa mga nayon sa kaitaasan ng kabundukan. Nagdulot ito ng maiinam na resulta. Halimbawa, sa kabundukan ng Gitnang Cordillera sa hilagang bahagi ng Luzon, mahigit na 6,000 mamamahayag ng mabuting balita ang naroroon. Karamihan sa kanila ay mga katutubo, kalakip dito ang mga Ibaloi, Ifugao, at Kalinga.

Gayunman, may mga lugar pa rin na mahirap puntahan sa kaitaasan ng kabundukan. Ang mga taong naninirahan doon ay hindi nakakaligtaan. Paano naaabot ang ilan sa kanila, at ano ang naging tugon nila?

Hinalinhan ng Tunay na Pananampalataya ang Tradisyon

Sa hilagang isla ng Luzon, ang mga bulubunduking lugar sa lalawigan ng Abra ay tinitirhan ng mga Tinggian. Ang pangalang ito ay maaaring nagmula sa sinaunang salitang Malay na tinggi, na nangangahulugang “bundok.” Angkop na angkop nga ito! Tinatawag din ng mga tao ang kanilang sarili at ang kanilang wika bilang Itneg. Naniniwala sila sa isang diyos na tinatawag na Kabunian, at ang araw-araw na buhay nila ay lubhang naiimpluwensiyahan ng mga pamahiin. Halimbawa, kapag ang isang tao na nagpaplanong pumunta sa isang lugar ay bumahin, ito ay isang masamang tanda. Kailangan muna siyang maghintay nang ilang oras upang mawala ang masamang epekto nito.

Noong 1572, dinala ng mga Kastila ang Katolisismo, ngunit nabigo silang ituro ang tunay na Kristiyanismo sa mga Tinggian. Yaong mga naging Katoliko ay nanghawakan sa kanilang paniniwala kay Kabunian at sinunod ang katutubong mga kaugalian. Unang nakarating sa mga taong ito ang tumpak na kaalaman hinggil sa Bibliya noong dekada ng 1930 nang sinimulang palaganapin ng mga Saksi ni Jehova ang mensahe ng Kaharian sa kabundukang iyon. Mula noon, maraming taimtim na Tinggian ang nagsimulang lumuwalhati kay Jehova “mula sa taluktok ng mga bundok.”

Halimbawa, si Lingbaoan ay isang dating iginagalang na pinuno ng tribo sa lugar na iyon. Talagang nakikibahagi siya sa kulturang Tinggian. “May-katapatan kong sinusunod noon ang mga tradisyong Tinggian. Kapag napatay ang isang tao, sumasayaw kami pagkatapos ng libing, at tinutugtog namin ang mga gong. Naghahandog din kami ng mga hayop. Naniniwala kami kay Kabunian, at hindi ko kilala ang Diyos ng Bibliya.” Ito ay sa kabila ng katotohanan na siya’y naturingang Katoliko.

Dumating ang mga ministro ng mga Saksi ni Jehova upang mangaral sa lugar na iyon. Nakausap nila si Lingbaoan at pinasigla siyang magbasa ng Bibliya. Nagugunita niya: “Ang Bibliya ang siyang nakakumbinsi sa akin na si Jehova ang tunay na Diyos.” Pagkatapos ay isang Saksi ang nakipag-aral sa kaniya ng Bibliya, at nagpasiya si Lingbaoan na maglingkod sa tunay na Diyos. Iniwan niya ang kaniyang dating mga paggawi, lakip na ang kaniyang posisyon bilang pinuno ng tribo, isang hakbang na ikinagalit ng lokal na pari at ng mga dating kasamahan ni Lingbaoan. Subalit determinado si Lingbaoan na sundin ang mga katotohanang kaniyang natuklasan sa Bibliya. Naglilingkod siya ngayon bilang isang matanda sa kongregasyon.

Pitong Araw at Anim na Gabi

Bagaman ang ilang bahagi ng Abra ay lubhang regular na ngayong nakaririnig ng mabuting balita, ang ilang lugar ay mahirap marating at paminsan-minsan lamang nabibigyan ng patotoo. Noong nakalipas na panahon, pinagsikapang maabot ang isa sa mga lugar na ito. Isang grupo ng 35 Saksi ang naglakbay upang mangaral sa teritoryong hindi pa naiaatas na gawin sa Tineg, Abra, isang lugar na hindi naabot sa loob ng 27 taon.

Ang ekspedisyong ito para mangaral ay isinagawa sa pamamagitan ng paglalakad, sa loob ng pitong araw. Gunigunihin ang pagdaan sa mga tulay na sinusuportahan lamang ng mga lubid at pagtawid sa malalalim na ilog at paglalakad sa loob ng maraming oras sa mga tagaytay ng bundok habang dala-dala ang iyong panustos​—lahat ng ito upang maipangaral ang mabuting balita sa mga bihirang makarinig nito! Sa anim na gabing paglalakbay, apat ang ginugol sa pagtulog sa kabundukan nang walang tinutuluyan.

Bagaman ang matatapang na Saksi na bumubuo sa ekspedisyon ay nagdala ng pagkain, hindi nila kayang magdala ng sapat na pagkain para sa buong paglalakbay. Gayunman, hindi ito problema dahil lubhang nalulugod ang mga tao na ipagpalit ang kanilang pagkain sa mga publikasyong salig sa Bibliya. Maraming gulay, isda, at karne ng usa ang natanggap ng mga Saksi. Bagaman may ilang di-kaalwanan, sinabi ng grupo: “Ang mga sakripisyong ito ay nasuklian naman ng umaapaw na kagalakan na aming naranasan.”

Sa loob ng pitong araw, nakapagpatotoo ang mga ministrong ito sa sampung nayon at nakapagpasakamay ng 60 aklat, 186 na magasin, 50 brosyur, at maraming tract. Itinanghal nila sa 74 na grupo ng mga tao ang mga pag-aaral sa Bibliya. Sa bayan ng Tineg, hiniling ng mga lokal na opisyal at ng ilang prominenteng mamamayan na idaos ang isang pulong ng kongregasyon, na dinaluhan naman ng 78. Karamihan sa mga dumalo ay mga guro at mga pulis. Inaasahan na marami pang Tinggian ang makikibahagi sa mga ‘humihiyaw’ at pumupuri kay Jehova mula sa taluktok ng mga bundok.

Isang Bagay na Mas Mainam Kaysa sa Ginto

Matatagpuan sa bandang timog ng Pilipinas ang ilang pulo kung saan nakasumpong ng ginto ang mga Kastila. Dito nanggaling ang pangalang Mindoro, ang pinaikling salitang Kastila na mina de oro, o “minahan ng ginto.” Gayunman, isang bagay na mas mainam kaysa sa ginto ang nasusumpungan ngayon sa mga pulông iyon​—mga tao na nagnanais na maglingkod sa tunay na Diyos na si Jehova.

Mga 125,000 katutubo na tinatawag na mga Mangyan ang naninirahan sa liblib na looban ng kagubatan ng Mindoro. Simple lamang ang buhay nila, hindi sila gaanong nakikipag-ugnayan sa mga tagalabas, at may sarili silang wika. Karamihan sa kanila ay mga animista at mga politeista, at naniniwala sila sa iba’t ibang espiritu sa kalikasan.

Paminsan-minsan, kapag kinukulang sila ng pagkain at iba pang panustos, ang indibiduwal na mga Mangyan ay bumababa sa mga lugar ng baybayin upang maghanap ng trabaho. Ito ang nangyari kay Pailing, na nagmula sa isang mas maliit na grupo ng mga Mangyan na tinatawag na Batangan. Lumaki siya kasama ng kaniyang mga katribo sa kagubatan ng bundok, at itinataguyod niya ang mga paniniwala at gawain ng Batangan. Ang karaniwang pananamit nila ay isang simpleng bahag. Upang matiyak na maganda ang ani, hinihiling ng tradisyon ng Batangan sa mga mananamba nito na pumatay ng isang manok, anupat pinatutulo ang dugo sa tubig habang nananalangin sila.

Hindi na sinusunod ni Pailing ang mga tradisyong iyon. Bakit? Nang pumunta siya sa kapatagan, nakahanap siya ng trabaho sa mga pamilya ng mga Saksi ni Jehova. Sinamantala ng isa sa mga pamilyang ito ang situwasyon na ito at iniharap ang katotohanan ng Bibliya kay Pailing. Mahusay ang kaniyang pagtugon at tunay na pinahalagahan niya ang malaman ang layunin ni Jehova para sa tao at sa lupa. Isinaayos ng pamilya na papag-aralin siya sa paaralang elementarya, at makapag-aral din ng Bibliya. Si Pailing ay nabautismuhan bilang isa sa mga Saksi ni Jehova sa edad na 24. Sa edad na 30, siya ay nasa kaniyang ikalawang taon sa haiskul, at ginawa niyang kaniyang teritoryo sa pangangaral ang paaralan. Ngayon ay tinatawag na nila siyang Rolando (isang pangalan sa kapatagan).

Kung makakatagpo mo si Rolando, makikita mo ang isang nakangiting ministro na maganda ang bihis at naglilingkod bilang isang buong-panahong mángangaral at isang ministeryal na lingkod sa isa sa mga kongregasyon sa Mindoro. Kamakailan ay bumalik si Rolando sa kabundukan, hindi upang sumama sa mga Batangan sa pagsasagawa ng kanilang mga tradisyon, kundi upang ibahagi sa kanila ang mga katotohanang nagbibigay-buhay mula sa Bibliya.

Sabik na Magkaroon ng Isang Kingdom Hall

Ang lalawigan ng Bukidnon​—na nangangahulugang “Mga Tagabundok” sa wikang Cebuano​—ay masusumpungan sa timugang isla ng Mindanao. Ito ay isang lugar ng kabundukan, mga bangin, mga libis na may ilog, at mga talampas. Tumutubo sa matabang lupang ito ang mga pananim na pinya, mais, kape, palay, at saging. Ang mga tribong Talaandig at Higaonon na pawang mga tagabundok ay naninirahan doon. Kailangan ding matuto ang mga taong ito hinggil kay Jehova. Kamakailan, malapit sa bayan ng Talakag, nabuksan ang pagkakataong ito sa isang lubhang kapansin-pansing paraan.

Nasumpungan ng mga Saksi na nagtutungo sa bulubunduking mga lugar ang malamig na klima ngunit mainit na pagtanggap. Naniniwala ang mga tagaroon sa Diyos na makapangyarihan-sa-lahat, sa Ama, ngunit hindi nila alam ang kaniyang pangalan. Yamang ginugugol nila ang kalakhang bahagi ng kanilang panahon sa gubat, ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakausap nila ang mga Saksi ni Jehova. Ipinakilala sa kanila ang pangalan ng Diyos, gayundin ang kaniyang kamangha-manghang layunin may kinalaman sa Kaharian. Nalugod ang mga tao, kaya napagpasiyahan na gumawa ng karagdagang mga pagdalaw sa kanilang nayon.

Sumunod ang ilang pagdalaw. Bunga nito, inialok ng mga tagaroon ang isang lugar upang ito ang maging “bahay” ng mga Saksi ni Jehova. Malugod na tinanggap ng mga Saksi ang alok. Ang lugar ay nasa taluktok ng pinakamataas na burol sa lugar na iyon, anupat makikita rito ang daan sa ibaba. Ang gusali ay gawa sa kahoy, kawayan, at mga dahon ng nipa. Natapos ang proyekto sa loob ng tatlong buwan at sampung araw. Kitang-kita ang karatulang “Kingdom Hall of Jehovah’s Witnesses” sa harap ng gusali. Isip-isipin ito, isang Kingdom Hall ang itinayo bago pa man mabuo ang isang kongregasyon!

Mula noon, lumipat doon ang isang matanda sa kongregasyon na buong-panahong ministro, gayundin ang isang ministeryal na lingkod. Sila, kasama ng mga Saksi sa katabing mga lugar, ay nagsikap na maabot ang tunguhin na makabuo ng isang kongregasyon. Natupad ito noong Agosto 1998. Isang maliit na kongregasyon ang lubusang gumagamit ngayon sa Kingdom Hall na ito, na tumutulong sa mga tagabundok na matutuhan ang mga katotohanan sa Bibliya.

Tunay na lubusang ginagamit ni Jehova ang kaniyang nagkukusang mga lingkod sa Pilipinas upang palaganapin ang katotohanan ng Kaharian maging sa mga bundok na mahirap marating. Naaalaala natin ang Isaias 52:7, na nagsasabi: “Pagkaganda-ganda sa ibabaw ng mga bundok ng mga paa niyaong nagdadala ng mabuting balita.”

[Mga mapa sa pahina 11]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

ABRA

MINDORO

BUKIDNON

[Credit Line]

Globo: Mountain High Maps® Copyright © 1997 Digital Wisdom, Inc.

[Mga larawan sa pahina 10]

Ang pangangaral sa kabundukan ay nangangahulugan ng paglalakad sa loob ng maraming oras sa baku-bakong kalupaan

[Larawan sa pahina 10]

Bautismo sa isang batis sa bundok