Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Saan Nakasalig ang Iyong Katiwasayan?

Saan Nakasalig ang Iyong Katiwasayan?

Saan Nakasalig ang Iyong Katiwasayan?

Sa isang maliit na nayon sa Kanlurang Aprika, kumaway ang kabataang si Josué bilang pamamaalam sa kaniyang pamilya at mga kaibigan. * Pagkatapos ay nagtungo siya sa malaking lunsod upang maghanap ng pinansiyal na katiwasayan. Gayunman, di-nagtagal pagdating niya roon ay lumabo ang kaniyang pag-asa nang matanto niya na hindi pala madaling yumaman sa lunsod.

SA PAGPUPUNYAGING makaagapay sa buhay sa lunsod, si Josué ay lubhang nasiphayo. Ang malaking lunsod ay malayung-malayo sa naguguniguni niya noon na kalagayan nito. Samantala, sa kaibuturan ng puso ni Josué ay nasasabik siyang bumalik sa kaniyang pamilya at mga kaibigan sa hamak na nayong iyon na nilisan niya. Ngunit siya’y nangangambang tutuyain siya ng ilang taganayon. ‘Sasabihin nilang bigo ako,’ ang inaalala niya, ‘dahil hindi ako nagtagumpay sa lunsod.’

Ang lalo pang nakapagpapabigat sa kaniya ay ang kabiguan na maaaring madama ng kaniyang mga magulang. Umaasa sila sa kaniya para sa pinansiyal na tulong. Habang sinisikap niyang makayanan ang mabigat na damdaming ito, namasukan si Josué nang mahahabang oras sa isang hamak na trabaho, at kumita lamang nang katiting mula sa kaniyang pinapangarap na suweldo. Hapung-hapo siya sa labis na pagtatrabaho. At ang panahong nalalabi para sa Kristiyanong mga gawain, na lubha niyang pinahahalagahan, ay umunti nang umunti sa paglipas ng bawat linggo. Palibhasa’y napalayo sa magiliw na pakikipagsamahan ng kaniyang pamilya at mga dating kaibigan, nakadarama siya ng kalungkutan at pag-iisa. Nasumpungan niya na hindi naibigay sa kaniya ng lunsod ang katiwasayan na labis niyang hinahangad.

Bagaman iba-iba ang mga pangalan at mga lugar, ang malungkot na kuwento ni Josué ay isang kuwento na paulit-ulit na nangyayari. Hindi naman ito dahil sa nagiging mapag-imbot si Josué sa kaniyang paghahangad na lumipat​—naghahanap lamang siya ng katiwasayan. Taimtim siyang naniwala na mas maganda ang mga oportunidad niya sa lunsod kaysa sa kaniyang munting nayon. Sabihin pa, kung minsan ay maaaring mapabuti ng isang tao sa materyal na paraan ang kaniyang katayuan, ngunit hindi iyan nangangahulugan ng tunay na katiwasayan. Tiyak na hindi ito nagkatotoo kay Josué, ni magkakatotoo man ito sa karamihan ng iba pa na sumusubok sa gayunding bagay. Dahil dito ay nais nating magtanong, ‘Ano ba ang katiwasayan?’

Iba-iba ang pang-unawa ng iba’t ibang tao sa katiwasayan. Sinasabi ng isang diksyunaryo na ang katiwasayan ay “kalayaan mula sa panganib” o “kalayaan mula sa takot o kabalisahan.” Natatanto ng karamihan sa mga tao na ang ganap na “katiwasayan mula sa panganib” ay hindi umiiral sa ngayon. Nasisiyahan sila hangga’t nadarama nilang sila’y ligtas, sa kabila ng nagbabantang mga kalagayan na maaaring nasa palibot nila.

Kumusta ka naman? Saan ka naghahanap ng katiwasayan? Mas masusumpungan ba ito sa lunsod kaysa sa nayon, gaya ng palagay ni Josué? O ito ba’y sa salapi, saan o paano mo man ito natamo? Ito ba marahil ay masusumpungan sa paghahangad ng mas mataas na posisyon sa lipunan? Saanman nakasalig ang iyong katiwasayan ayon sa pinaniniwalaan mo, hanggang kailan kaya tatagal ang katiwasayang iyan kapuwa para sa iyo at sa iyong pamilya?

Isaalang-alang natin ang tatlong paraan kung paano naghahanap ng katiwasayan ang mga indibiduwal​—heograpikong lokasyon; salapi; posisyon, o katayuan. Pagkatapos ay susuriin natin kung saan nakasalig ang tunay at namamalaging katiwasayan.

[Talababa]

^ par. 2 Binago ang pangalan.