Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Pagsunod sa mga Kahilingan ng Diyos ay Dumadakila kay Jehova

Ang Pagsunod sa mga Kahilingan ng Diyos ay Dumadakila kay Jehova

Ang Pagsunod sa mga Kahilingan ng Diyos ay Dumadakila kay Jehova

“Dadakilain ko siya sa pamamagitan ng pasasalamat.”​—AWIT 69:30.

1. (a) Bakit karapat-dapat dakilain si Jehova? (b) Paano natin siya dinadakila sa pamamagitan ng pasasalamat?

SI Jehova ang Diyos na makapangyarihan-sa-lahat, ang Pansansinukob na Soberano, ang Maylalang. Dahil dito, ang kaniyang pangalan at mga layunin ay karapat-dapat dakilain. Ang pagdakila kay Jehova ay nangangahulugan ng pag-uukol sa kaniya ng sukdulang paggalang, ng pagpuri at lubhang pagpaparangal sa kaniya sa salita at sa gawa. Upang magawa ito “sa pamamagitan ng pasasalamat,” kailangang lagi tayong nagpapasalamat sa kaniyang ginagawa para sa atin ngayon at sa kaniyang gagawin pa sa hinaharap. Ang saloobin na kailangan nating taglayin ay ipinakikita sa Apocalipsis 4:11, na doo’y ipinahahayag ng tapat na mga espiritung nilalang sa langit: “Ikaw ang karapat-dapat, Jehova, na Diyos nga namin, na tumanggap ng kaluwalhatian at ng karangalan at ng kapangyarihan, sapagkat nilalang mo ang lahat ng bagay, at dahil sa iyong kalooban ay umiral sila at nalalang.” Paano natin dinadakila si Jehova? Sa pamamagitan ng pagkilala sa kaniya at pagkatapos ay paggawa sa mga hinihiling niya sa atin. Dapat nating madama ang nadama ng salmista nang sabihin niya: “Turuan mo akong gawin ang iyong kalooban, sapagkat ikaw ang aking Diyos.”​—Awit 143:10.

2. Paano nakikitungo si Jehova sa mga dumadakila sa kaniya at sa mga hindi dumadakila sa kaniya?

2 Pinahahalagahan ni Jehova ang mga dumadakila sa kaniya. Kaya naman siya ‘ang tagapagbigay-gantimpala doon sa mga may-pananabik na humahanap sa kaniya.’ (Hebreo 11:6) Ano ang gantimpala? Sinabi ni Jesus sa pananalangin sa kaniyang makalangit na Ama: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.” (Juan 17:3) Oo, yaong mga ‘dumadakila kay Jehova sa pamamagitan ng pasasalamat’ ang “magmamay-ari ng lupa, at tatahan sila roon magpakailanman.” (Awit 37:29) Sa kabilang panig naman, “walang kinabukasan para sa sinumang masama.” (Kawikaan 24:20) At sa mga huling araw na ito, apurahan ang pangangailangang dakilain si Jehova dahil hindi na magtatagal at pupuksain niya ang balakyot at ililigtas ang matuwid. “Ang sanlibutan ay lumilipas at gayundin ang pagnanasa nito, ngunit siya na gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.”​—1 Juan 2:17; Kawikaan 2:21, 22.

3. Bakit dapat tayong magbigay-pansin sa aklat ni Malakias?

3 Ang kalooban ni Jehova ay masusumpungan sa Bibliya, sapagkat “ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos.” (2 Timoteo 3:16) Ang Salitang iyan ng Diyos ay naglalaman ng maraming ulat kung paano pinagpapala ni Jehova ang mga dumadakila sa kaniya at kung ano ang nangyayari sa mga hindi dumadakila sa kaniya. Ang isa sa mga ulat na iyon ay tungkol sa naganap sa Israel noong panahon ni propeta Malakias. Noong mga taóng 443 B.C.E., sa panahon ng pamamahala ni Nehemias bilang gobernador ng Juda, isinulat ni Malakias ang aklat na nagtataglay ng kaniyang pangalan. Ang mapuwersa at kapana-panabik na aklat na ito ay naglalaman ng impormasyon at mga hula na ‘isinulat bilang babala sa atin na dinatnan ng mga wakas ng mga sistema ng mga bagay.’ (1 Corinto 10:11) Ang pagbibigay-pansin sa mga salita ni Malakias ay makatutulong sa atin na maging handa para sa “dakila at kakila-kilabot na araw ni Jehova,” kapag pinuksa Niya ang balakyot na sistemang ito.​—Malakias 4:5.

4. Anong anim na punto ang itinatawag-pansin sa atin sa Malakias kabanata 1?

4 Paanong ang aklat ni Malakias, na isinulat mahigit na 2,400 taon na ang nakalipas, ay tumutulong sa atin sa ika-21 siglong ito upang maging handa para sa dakila at kakila-kilabot na araw ni Jehova? Ang unang kabanata ay pumupukaw ng ating pansin sa di-kukulangin sa anim na punto na mahalaga sa ating pagdakila kay Jehova sa pamamagitan ng pasasalamat upang matamo ang kaniyang pagsang-ayon at ang buhay na walang hanggan: (1) Iniibig ni Jehova ang kaniyang bayan. (2) Dapat tayong magpamalas ng pagpapahalaga sa mga bagay na sagrado. (3) Inaasahan ni Jehova na ibibigay natin sa kaniya ang ating pinakamainam. (4) Ang tunay na pagsamba ay udyok ng pag-ibig na di-makasarili, hindi ng kasakiman. (5) Ang kaayaayang paglilingkod sa Diyos ay hindi isang nakapagpapabigat na pormalidad. (6) Ang bawat isa sa atin ay tiyak na magsusulit sa Diyos. Kung gayon, dito sa una sa tatlong artikulo hinggil sa aklat ni Malakias, isaalang-alang natin ang bawat isa sa mga puntong iyan habang sinusuri natin ang Malakias kabanata 1.

Iniibig ni Jehova ang Kaniyang Bayan

5, 6. (a) Bakit inibig ni Jehova si Jacob? (b) Kung tutularan natin ang katapatan ni Jacob, ano ang maaasahan natin?

5 Ang pag-ibig ni Jehova ay niliwanag sa unang mga talata ng Malakias. Ang aklat ay may pambungad na pananalitang: “Isang kapahayagan: Ang salita ni Jehova may kinalaman sa Israel.” Karagdagan pa, sinabi ng Diyos: “Inibig ko kayo.” Bilang halimbawa, sa talata ring iyon, sinabi ni Jehova: “Inibig ko si Jacob.” Si Jacob ay isang lalaking nanampalataya kay Jehova. Nang maglaon, binago ni Jehova ang pangalan ni Jacob at ginawang Israel, at siya ay naging ninuno ng bansang Israel. Si Jacob ay isang lalaking may pananampalataya kung kaya inibig siya ni Jehova. Yaong kabilang sa bayan na nagpamalas ng saloobin ni Jacob kay Jehova ay inibig din Niya.​—Malakias 1:1, 2.

6 Kung iniibig natin si Jehova at matapat na mananatiling kasama ng kaniyang bayan, makapagtatamo tayo ng kaaliwan mula sa pananalita sa 1 Samuel 12:22: “Hindi pababayaan ni Jehova ang kaniyang bayan alang-alang sa kaniyang dakilang pangalan.” Iniibig ni Jehova ang kaniyang bayan at ginagantimpalaan sila, lalung-lalo na ng buhay na walang hanggan. Kaya mababasa natin: “Magtiwala ka kay Jehova at gumawa ka ng mabuti; tumahan ka sa lupa, at makitungo ka nang may katapatan. Magkaroon ka rin ng masidhing kaluguran kay Jehova, at ibibigay niya sa iyo ang mga kahilingan ng iyong puso.” (Awit 37:3, 4) Ang pag-ibig natin kay Jehova ay nagsasangkot sa ikalawang punto na itinatawag-pansin sa atin sa Malakias kabanata 1.

Magpamalas ng Pagpapahalaga sa mga Bagay na Sagrado

7. Bakit kinapootan ni Jehova si Esau?

7 Habang binabasa natin ang Malakias 1:2, 3, matapos sabihin ni Jehova, “Inibig ko si Jacob,” sinabi niya, “Si Esau ay kinapootan ko.” Bakit may pagkakaiba? Dinakila ni Jacob si Jehova, ngunit hindi gayon ang ginawa ng kaniyang kakambal na si Esau. Si Esau ay tinawag ding Edom. Sa Malakias 1:4, ang lupain ng Edom ay tinatawag na teritoryo ng kabalakyutan, at ang mga tumatahan doon ay tinuligsa. Ang pangalang Edom (na nangangahulugang “Pula”) ay itinawag kay Esau pagkatapos niyang ipagbili kay Jacob ang kaniyang napakahalagang karapatan bilang panganay kapalit ng mapulang nilaga. “Hinamak ni Esau ang pagkapanganay,” ang sabi sa Genesis 25:34. Hinimok ni apostol Pablo ang mga kapananampalataya na mag-ingat na “huwag magkaroon ng sinumang mapakiapid o ng sinumang hindi nagpapahalaga sa mga bagay na sagrado, tulad ni Esau, na kapalit ng isang pagkain ay ipinamigay ang kaniyang mga karapatan bilang panganay.”​—Hebreo 12:14-16.

8. Ano ang nagtulak kay Pablo upang ihalintulad si Esau sa isang mapakiapid?

8 Bakit iniugnay ni Pablo ang ikinilos ni Esau sa pakikiapid? Sapagkat ang pagtataglay ng mentalidad ni Esau ay maaaring umakay sa isang tao na hindi magpahalaga sa mga bagay na sagrado. Ito naman ay maaaring magbunga ng malulubhang kasalanan, tulad ng pakikiapid. Kaya, maaaring itanong ng bawat isa sa atin: ‘Kung minsan ba’y natutukso akong ipagpalit ang aking pamanang Kristiyano​—ang buhay na walang hanggan​—sa isang bagay na pansamantala gaya ng isang mangkok ng nilagang lentehas? Marahil, nang hindi namamalayan, hinahamak ko ba ang mga bagay na sagrado?’ Si Esau ay may mainiping pagnanasa na palugdan ang kaniyang pisikal na hangarin. Sinabi niya kay Jacob: “Dalian mo, pakisuyo, bigyan mo ako ng isang subo ng mapula.” (Genesis 25:30) Nakalulungkot, ang ilan sa mga lingkod ng Diyos, sa diwa, ay nagsabi: “Dali! Bakit pa maghihintay sa isang marangal na pag-aasawa?” Ang pagnanasa para sa kasiyahan sa sekso, anuman ang maging kapalit nito, ay naging tulad ng mangkok ng nilagang lentehas sa kanila.

9. Paano natin mapananatili ang mapitagang pagkatakot kay Jehova?

9 Huwag nawa nating hamakin ang mga bagay na sagrado sa pamamagitan ng pagwawalang-bahala sa kalinisan, katapatan, at sa ating espirituwal na pamana. Sa halip na maging katulad ni Esau, tularan natin ang tapat na si Jacob at panatilihin ang mapitagang pagkatakot sa Diyos sa pamamagitan ng pagpapamalas ng matinding pagpapahalaga sa mga bagay na sagrado. Paano natin ito magagawa? Sa pamamagitan ng maingat na pagsunod sa mga kahilingan ni Jehova. Ito ay makatuwirang umaakay sa atin sa ikatlong punto na pinalilitaw sa Malakias kabanata 1. Ano iyon?

Ibinibigay kay Jehova ang Ating Pinakamainam

10. Sa anong paraan hinamak ng mga saserdote ang mesa ni Jehova?

10 Ang mga saserdote sa Juda na naglilingkod sa templo sa Jerusalem noong panahon ni Malakias ay hindi naghahandog kay Jehova ng pinakamaiinam na mga hain. Sinasabi ng Malakias 1:6-8: “ ‘Ang anak, sa ganang kaniya, ay nagpaparangal sa ama; at ang lingkod, sa kaniyang dakilang panginoon. Kaya kung ako ay ama, nasaan ang karangalang ukol sa akin? At kung ako ay dakilang panginoon, nasaan ang pagkatakot sa akin?’ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo sa inyo, O mga saserdote na humahamak sa aking pangalan.” “Sa anong paraan namin hinamak ang iyong pangalan?” ang tanong ng mga saserdote. “Sa pamamagitan ng paghahandog ng narumhang tinapay sa ibabaw ng aking altar,” ang tugon ni Jehova. “Sa anong paraan ka namin pinarumi?” ang tanong ng mga saserdote. Kaya sinabi sa kanila ni Jehova: “Sa pagsasabi ninyo: ‘Ang mesa ni Jehova ay marapat hamakin.’ ” Ipinakita ng mga saserdoteng iyon na hinahamak nila ang mesa ni Jehova sa tuwing naghahandog sila ng hain na may depekto, na sinasabi: “Hindi iyon masama.”

11. (a) Ano ang sinabi ni Jehova tungkol sa di-kaayaayang mga hain? (b) Sa anong paraan nagkasala ang bayan sa pangkalahatan?

11 Pagkatapos ay nangatuwiran si Jehova hinggil sa gayong di-kaayaayang mga hain: “Ilapit mo iyon sa iyong gobernador, pakisuyo. Makasusumpong kaya siya ng kaluguran sa iyo, o tatanggapin ka kaya niya nang may kabaitan?” Hindi, ang kanilang gobernador ay hindi malulugod sa gayong uri ng kaloob. Lalo nang hindi tatanggapin ng Pansansinukob na Soberano ang mga handog na may depekto! At hindi lamang ang mga saserdote ang dapat sisihin. Totoo, hinahamak nila si Jehova sa pagsasagawa sa aktuwal na paghahain. Ngunit ang bayan ba sa pangkalahatan ay walang kasalanan? Tiyak na mayroon! Sila ang pumili sa bulag, pilay, at may-sakit na mga hayop na iyon at nagdala sa mga ito sa mga saserdote upang ihain. Kaylaking pagkakasala nga!

12. Paano tayo natutulungan upang maibigay kay Jehova ang ating pinakamainam?

12 Ang pagbibigay kay Jehova ng ating pinakamainam ang siyang paraan upang ipakita na talagang iniibig natin siya. (Mateo 22:37, 38) Di-tulad ng suwail na mga saserdote noong panahon ni Malakias, ibinabahagi ng organisasyon ni Jehova sa ngayon ang maraming mainam na maka-Kasulatang tagubilin na tumutulong sa atin na dakilain si Jehova nang may pasasalamat sa pamamagitan ng pagsunod sa mga kahilingan ng Diyos. Kaugnay rito ang ikaapat na mahalagang punto na makukuha sa Malakias kabanata 1.

Ang Tunay na Pagsamba ay Udyok ng Pag-ibig, Hindi ng Kasakiman

13. Ano ang ginawa ng mga saserdote na nagpapakitang naudyukan sila ng kasakiman?

13 Ang mga saserdote noong panahon ni Malakias ay makasarili, di-maibigin, at sakim sa salapi. Paano natin ito nalalaman? Ang Malakias 1:10 ay nagsasabi: “ ‘Sino rin ba sa inyo ang magsasara ng mga pinto? At hindi ninyo sisindihan ang aking altar​—kung walang kapalit. Wala akong kaluguran sa inyo,’ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘at ang handog na kaloob mula sa inyong kamay ay hindi ko kinalulugdan.’ ” Oo, ang mga sakim na saserdoteng iyon ay humihingi pa nga ng bayad para sa pinakasimpleng paglilingkod sa templo, anupat humihingi ng kabayaran para sa pagsasara ng pinto at pagsisindi ng apoy sa altar! Hindi nga kataka-taka na hindi nalugod si Jehova sa mga handog na mula sa kanilang mga kamay!

14. Bakit natin masasabi na ang mga Saksi ni Jehova ay nauudyukan ng pag-ibig?

14 Ang kasakiman at pagkamakasarili ng makasalanang mga saserdote sa sinaunang Jerusalem ay malinaw na nagpapaalaala sa atin na, ayon sa Salita ng Diyos, ang mga sakim na indibiduwal ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos. (1 Corinto 6:9, 10) Ang pagbubulay-bulay sa makasariling mga landasin ng mga saserdoteng iyon ay nagpapatindi sa ating pagpapahalaga sa pambuong-daigdig na gawaing pangangaral na isinasakatuparan ng mga Saksi ni Jehova. Ito ay boluntaryo; hindi tayo kailanman naniningil para sa anumang bahagi ng ating ministeryo. Hindi, ‘tayo ay hindi mga tagapaglako ng salita ng Diyos.’ (2 Corinto 2:17) Tulad ni Pablo, makatotohanang masasabi ng bawat isa sa atin: “Malugod kong ipinahayag sa inyo nang walang bayad ang mabuting balita ng Diyos.” (2 Corinto 11:7) Pansinin na ‘malugod na ipinahayag ni Pablo ang mabuting balita.’ Ipinahihiwatig nito ang ikalimang punto na itinawag-pansin sa atin ng Malakias kabanata 1.

Hindi Isang Nakapagpapabigat na Pormalidad ang Paglilingkod sa Diyos

15, 16. (a) Ano ang saloobin ng mga saserdote hinggil sa paghahandog ng mga hain? (b) Paano inihahandog ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang mga hain?

15 Minalas ng mga walang-pananampalatayang saserdote sa sinaunang Jerusalem ang paghahandog ng mga hain bilang nakababagot na pormalidad. Isang pabigat iyon para sa kanila. Gaya ng nakaulat sa Malakias 1:13, sinabi sa kanila ng Diyos: “Sinabi ninyo, ‘Narito! Anong kapaguran!’ at sininghalan ninyo iyon.” Sininghalan, o hinamak, ng mga saserdoteng iyon ang mga bagay na sagrado ng Diyos. Idalangin natin na huwag sana tayong maging katulad nila kailanman. Sa halip, lagi nawa nating ipamalas ang espiritu na kapansin-pansin sa mga salita sa 1 Juan 5:3: “Ito ang kahulugan ng pag-ibig sa Diyos, na tuparin natin ang kaniyang mga utos; gayunma’y ang kaniyang mga utos ay hindi pabigat.”

16 Malugod tayo sa paghahandog ng espirituwal na mga hain sa Diyos, na hindi kailanman itinuturing ito na isang nakababagot na pabigat. Bigyang-pansin nawa natin ang makahulang mga salita: “Sabihin ninyong lahat [kay Jehova], ‘Pagpaumanhinan mo nawa ang kamalian; at tanggapin mo ang mabuti, at ihahandog namin bilang ganti ang mga guyang toro ng aming mga labi.’ ” (Oseas 14:2) Ang pananalitang “mga guyang toro ng aming mga labi” ay nangangahulugan ng espirituwal na mga hain, ang mga salitang sinasambit natin sa pagpuri kay Jehova at sa kaniyang mga layunin. Sinasabi ng Hebreo 13:15: “Sa pamamagitan [ni Jesu-Kristo] ay lagi tayong maghandog sa Diyos ng hain ng papuri, samakatuwid nga, ang bunga ng mga labi na gumagawa ng pangmadlang pagpapahayag ukol sa kaniyang pangalan.” Kaylaki nga ng ating kagalakan na ang ating espirituwal na mga hain ay hindi lamang mga pormalidad, kundi buong-pusong mga kapahayagan ng ating pag-ibig sa Diyos! Ito ay umaakay sa ikaanim na punto na makukuha sa Malakias kabanata 1.

Ang Bawat Isa ay Tiyak na Magsusulit

17, 18. (a) Bakit isinumpa ni Jehova ‘ang isa na kumikilos nang may katusuhan’? (b) Ano ang hindi isinaalang-alang ng mga kumilos nang may katusuhan?

17 Ang mga indibiduwal na nabubuhay noong panahon ni Malakias ay may personal na pananagutan sa kanilang mga gawa, at gayundin tayo. (Roma 14:12; Galacia 6:5) Kasuwato nito, sinasabi ng Malakias 1:14: “Sumpain siya na kumikilos nang may katusuhan kapag may [walang-kapintasang] hayop na lalaki sa kaniyang kawan, at siya ay nananata at naghahain kay Jehova ng isang may pinsala.” Ang taong may kawan ay hindi nagmamay-ari ng iisang hayop​—halimbawa, ng isang tupa lamang​—anupat wala na siyang mapagpipilian. Sa pagpili ng hayop na ihahain, hindi siya dapat pumili ng isa na bulag, pilay, o may sakit. Kung sadyang pinili niya ang gayong hayop na may depekto, ipakikita nito na hinamak niya ang kaayusan ni Jehova ukol sa paghahain, sapagkat ang taong may kawan ng mga hayop ay tiyak na makasusumpong ng isa na walang gayong depekto!

18 Kung gayon, may makatuwirang dahilan na isinumpa ni Jehova ang isa na kumikilos nang may katusuhan, ang isa na may naaangkop na lalaking hayop ngunit ang dinala​—marahil ay kinailangang kaladkarin pa​—ay isang bulag, pilay, o may-sakit na hayop upang ihain ng saserdote. Gayunman, wala man lamang kahit isang pahiwatig na may saserdoteng sumipi sa kautusan ng Diyos upang ipaliwanag na hindi kaayaaya ang mga hayop na may depekto. (Levitico 22:17-20) Batid ng makatuwirang mga indibiduwal na sila ay mapapasamâ kung tinangka nilang palusutin ang gayong uri ng kaloob sa kanilang gobernador. Subalit ang totoo, nakikitungo sila sa Pansansinukob na Soberano, si Jehova, na makapupong higit na dakila kaysa sa sinumang taong gobernador! Ganito ang pagkakasabi ng Malakias 1:14 hinggil dito: “ ‘Ako ay dakilang Hari,’ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘at ang aking pangalan ay magiging kakila-kilabot sa gitna ng mga bansa.’ ”

19. Ano ang ating minimithi, at ano ang dapat nating gawin?

19 Bilang matapat na mga lingkod ng Diyos, minimithi natin ang araw kapag ang Dakilang Hari, si Jehova, ay pagpipitaganan ng buong sangkatauhan. Sa panahong iyon, “ang lupa ay tiyak na mapupuno ng kaalaman kay Jehova gaya ng tubig na tumatakip sa dagat.” (Isaias 11:9) Samantala, sikapin nating abutin ang mga kahilingan ni Jehova sa pamamagitan ng pagtulad sa salmista na nagsabi: “Dadakilain ko siya sa pamamagitan ng pasasalamat.” (Awit 69:30) Upang magawa iyan, si Malakias ay may karagdagan pang payo na lubhang magiging kapaki-pakinabang. Kung gayon, sa dalawang susunod na artikulo, maingat nating isaalang-alang ang iba pang bahagi ng aklat ni Malakias.

Natatandaan Mo Ba?

• Bakit dapat nating dakilain si Jehova?

• Bakit ang mga hain ng mga saserdote noong panahon ni Malakias ay hindi kaayaaya kay Jehova?

• Paano tayo naghahandog kay Jehova ng hain ng papuri?

• Ano ang dapat na nag-uudyok sa tunay na pagsamba?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 9]

Ang hula ni Malakias ay patiunang tumukoy sa ating panahon

[Larawan sa pahina 10]

Hindi pinahalagahan ni Esau ang mga bagay na sagrado

[Larawan sa pahina 11]

Ang mga saserdote at ang bayan ay naghandog ng di-kaayaayang mga hain

[Larawan sa pahina 12]

Sa buong daigdig, ang mga Saksi ni Jehova ay naghahandog ng mga hain ng papuri nang walang bayad