Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kung Paano Magwawakas ang mga Kapansanan

Kung Paano Magwawakas ang mga Kapansanan

Kung Paano Magwawakas ang mga Kapansanan

GUNIGUNIHING nakakakita ang mga mata ng bulag, nakaririnig ng bawat tunog ang mga tainga ng bingi, umaawit nang may kagalakan ang dila ng pipi, at ang mga paa ng pilay ay tumatatag at nakalalakad sa palibot! Ang pinag-uusapan natin ay hindi mga pagsulong sa siyensiya ng medisina, kundi mga bunga ng pagkilos ng Diyos alang-alang sa sangkatauhan. Inihuhula ng Bibliya: “Sa panahong iyon ay madidilat ang mga mata ng mga bulag, at ang mga tainga ng mga bingi ay mabubuksan. Sa panahong iyon ay aakyat ang pilay na gaya ng lalaking usa, at ang dila ng pipi ay hihiyaw sa katuwaan.” (Isaias 35:5, 6) Ngunit paano tayo makatitiyak na ang talagang kagila-gilalas na hulang ito ay matutupad?

Unang-una, nang si Jesus ay nasa lupa, aktuwal na pinagaling niya ang lahat ng uri ng sakit at kapansanan. Karagdagan pa, karamihan sa kaniyang mga himala ay nakita ng maraming saksi​—maging ng kaniyang mga kaaway. Sa katunayan, sa isang pagkakataon, lubusang siniyasat ng nag-aalinlangang mga mananalansang ang pagpapagaling ni Jesus upang siraan siya. Subalit laking kabiguan nila, sapagkat ang tanging nagawa nila ay ang patunayan ang kaniyang himala. (Juan 9:1, 5-34) Pagkatapos na magsagawa si Jesus ng isa pang di-maikakailang himala, may-pagkasiphayong sinabi nila: “Ano ang ating gagawin, sapagkat ang taong ito ay gumagawa ng maraming tanda?” (Juan 11:47) Subalit ang pangkaraniwang mga tao ay hindi mapagwalang-bahalang katulad nila, sapagkat marami ang nanampalataya kay Jesus.​—Juan 2:23; 10:41, 42; 12:9-11.

Mga Himala ni Jesus​—Patiunang Pagpapamalas ng Pandaigdig na Pagpapagaling

Ang mga himala ni Jesus ay hindi lamang nagpatunay na si Jesus ang Mesiyas at ang Anak ng Diyos. Naglaan ang mga ito ng saligan upang manampalataya sa mga pangako ng Bibliya na ang masunuring sangkatauhan ay pagagalingin sa hinaharap. Kalakip sa mga pangakong ito ang hula sa Isaias kabanata 35, na binanggit sa unang parapo. Ganito ang sinasabi ng Isaias 33:24 hinggil sa kalusugan sa hinaharap ng mga taong may takot sa Diyos: “At walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may sakit.’ ” Sa katulad na paraan, ipinangangako ng Apocalipsis 21:4: “Papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay [mga pagsubok at pagdurusa ngayon] ay lumipas na.”

Palaging idinadalangin ng mga tao ang katuparan ng mga hulang ito kapag inuulit nila ang modelong panalangin ni Jesus, na sa isang bahagi ay nagsasabi: “Dumating nawa ang kaharian mo. Gawin nawa ang kalooban mo sa lupa, gaya ng sa langit.” (Mateo 6:10, King James Version) Oo, kalakip sa kalooban ng Diyos ang lupa at ang sangkatauhan. Ang mga sakit at kapansanan, bagaman pinahintulutan sa isang kadahilanan, ay hindi na iiral pa; hindi sisirain ng mga ito ang “tuntungan” ng Diyos magpakailanman.​—Isaias 66:1. *

Pinagaling Nang Walang Kirot o Bayad

Anuman ang karamdamang dinaranas ng mga tao, pinagaling sila ni Jesus nang walang kirot, walang pagkabalam, at walang bayad. Walang pagsala, ang balitang ito ay kumalat nang napakabilis, at di-nagtagal ay “lumapit sa kaniya ang malalaking pulutong, na kasama nila ang mga taong pilay, baldado, bulag, pipi, at marami pang iba, at halos ipaghagisan nila sila sa kaniyang paanan, at pinagaling niya sila.” Paano tumugon ang mga tao? Ang salaysay ng saksing si Mateo ay nagpapatuloy: “Ang pulutong ay namangha habang nakikita nilang nagsasalita ang pipi at naglalakad ang pilay at nakakakita ang bulag, at niluwalhati nila ang Diyos ng Israel.”​—Mateo 15:30, 31.

Pansinin na yaong mga pinagaling ni Jesus ay hindi maingat na pinili mula sa pulutong​—isang panlilinlang na ginagamit ng mga impostor. Sa halip, ang maraming kamag-anak at kaibigan ng mga maysakit ay ‘halos ipaghagisan sila sa paanan [ni Jesus], at pinagaling niya sila.’ Repasuhin natin ngayon ang ilang espesipikong halimbawa ng kakayahan ni Jesus na magpagaling.

Pagkabulag: Samantalang nasa Jerusalem, binigyan ni Jesus ng paningin ang isang lalaking “bulag mula pa nang kapanganakan nito.” Kilaláng-kilalá sa lunsod ang lalaking ito bilang bulag na pulubi. Kaya maguguniguni mo ang pagkagulat at pagkakagulo ng mga tao nang makita siyang lumalakad na nakakakita! Gayunman, hindi lahat ay nagalak. Palibhasa’y nasaktan dahil sa naunang paglalantad ni Jesus ng kanilang kabalakyutan, ang ilang miyembro ng prominente at maimpluwensiyang sekta ng mga Judio na tinatawag na mga Pariseo ay desperadong humanap ng katibayan ng pandaraya ni Jesus. (Juan 8:13, 42-44; 9:1, 6-31) Kaya, pinagtatanong nila ang lalaking pinagaling, at saka ang kaniyang mga magulang, at pagkatapos ay ang lalaki muli. Subalit ang pagtatanong ng mga Pariseo ay nagpatunay lamang na totoo ang himala ni Jesus, na ikinagalit nila. Litó dahil sa kasamaan ng mga relihiyosong mapagpaimbabaw na ito, sinabi mismo ng lalaking pinagaling: “Mula noong sinauna ay hindi pa narinig kailanman na may sinumang nagdilat ng mga mata ng isang ipinanganak na bulag. Kung ang taong ito ay hindi mula sa Diyos, wala siyang magagawang anuman.” (Juan 9:32, 33) Dahil sa gayong tahasan at matalinong kapahayagan ng pananampalataya, ‘pinalayas siya’ ng mga Pariseo, na nangangahulugang itiniwalag nila ang dating bulag na lalaki mula sa sinagoga.​—Juan 9:22, 34.

Pagkabingi: Samantalang si Jesus ay nasa Decapolis, isang rehiyon sa silangan ng Ilog Jordan, “dinala [ng mga tao] sa kaniya ang isang lalaking bingi at may kapansanan sa pagsasalita.” (Marcos 7:31, 32) Hindi lamang pinagaling ni Jesus ang taong ito kundi ipinakita rin niya ang kaniyang malalim na unawa sa damdamin ng bingi, na maaaring nahihiya sa gitna ng pulutong. Sinasabi sa atin ng Bibliya na “inilayo [ni Jesus ang lalaking bingi] nang sarilinan mula sa pulutong” at pinagaling siya. Muli, ang mga saksing nakakita ay ‘lubhang namangha nang labis-labis,’ na nagsasabi: “Ginawa niyang mahusay ang lahat ng mga bagay. Pinangyayari pa man din niyang makarinig ang bingi at makapagsalita ang pipi.”​—Marcos 7:33-37.

Paralisis: Samantalang si Jesus ay nasa Capernaum, lumapit sa kaniya ang mga tao na may kasamang isang taong paralisado na nakahiga sa higaan. (Mateo 9:2) Inilalarawan ng talata 6 hanggang 8 kung ano ang nangyari. “Sinabi [ni Jesus] sa paralitiko: ‘Bumangon ka, buhatin mo ang iyong higaan, at umuwi ka sa iyong tahanan.’ At siya ay bumangon at umuwi sa kaniyang tahanan. Sa pagkakita nito ang mga pulutong ay dinatnan ng takot, at niluwalhati nila ang Diyos, na nagbigay ng gayong awtoridad sa mga tao.” Ang himalang ito ay isinagawa rin kapuwa sa harap ng mga alagad ni Jesus at ng kaniyang mga kaaway. Pansinin na ang mga alagad ni Jesus, na hindi binulag ng pagkapoot at pagtatangi, ay ‘lumuwalhati sa Diyos’ dahil sa kanilang nasaksihan.

Sakit: “May lumapit din [kay Jesus] na isang ketongin, na nakaluhod pa man ding namamanhik sa kaniya, na sinasabi sa kaniya: ‘Kung ibig mo lamang, mapalilinis mo ako.’ Sa gayon ay nahabag siya, at iniunat niya ang kaniyang kamay at hinipo siya, at sinabi sa kaniya: ‘Ibig ko. Luminis ka.’ At kaagad na naglaho sa kaniya ang ketong.” (Marcos 1:40-42) Pansinin na pinagaling ni Jesus ang tao nang hindi napipilitan kundi udyok ng tunay na pagkamahabagin. Gunigunihin mo na ikaw ay isang ketongin. Ano ang madarama mo kung ikaw ay kagyat na pinagaling nang walang kirot mula sa isang kinatatakutang karamdaman na unti-unting sumira sa anyo ng iyong katawan at nagpangyaring itakwil ka ng lipunan? Walang alinlangan na mauunawaan mo kung bakit ang isa pang ketongin na makahimalang pinagaling ay ‘nagsubsob ng kaniyang mukha sa paanan ni Jesus, na pinasasalamatan siya.’​—Lucas 17:12-16.

Kapinsalaan: Ang huling himala ni Jesus bago siya dakpin at ibayubay ay isang anyo ng pagpapagaling. Sa isang mapusok na pagkilos laban sa mga aaresto kay Jesus, si apostol Pedro, ‘yamang siya ay may tabak, ay naghugot niyaon at tinaga ang alipin ng mataas na saserdote at pinutol ang kanang tainga nito.’ (Juan 18:3-5, 10) Ang katulad na ulat sa Lucas ay nagsasabi sa atin na “hinipo [ni Jesus] ang tainga at pinagaling siya.” (Lucas 22:50, 51) Muli, ang mahabaging pagkilos na ito ay isinagawa sa harap ng mga kaibigan at mga kaaway ni Jesus​—sa pagkakataong ito, sa harap ng mga bibihag sa kaniya.

Oo, habang higit nating sinusuri ang mga himala ni Jesus, lalo nating napag-uunawa ang pagkakakilanlang mga tanda ng pagiging totoo ng mga ito. (2 Timoteo 3:16) At gaya ng binanggit sa pasimula, ang gayong pag-aaral ay dapat na magpatibay sa ating pananampalataya sa pangako ng Diyos na pagagalingin ang masunuring mga tao. Binibigyang-katuturan ng Bibliya ang pananampalatayang Kristiyano na “mapananaligang paghihintay sa mga bagay na inaasahan, ang malinaw na pagtatanghal ng mga katunayan bagaman hindi nakikita.” (Hebreo 11:1) Maliwanag, hinihimok ng Diyos, hindi ang basta paniniwala o pangangarap lamang, kundi ang matibay na pananampalatayang salig sa katibayan. (1 Juan 4:1) Habang natatamo natin ang gayong pananampalataya, tayo ay nagiging mas malakas, mas malusog, at mas maligaya sa espirituwal na paraan.​—Mateo 5:3; Roma 10:17.

Dapat Munang Unahin ang Espirituwal na Pagpapagaling!

Maraming tao na malusog sa pisikal ang hindi maligaya. Tinatangka pa nga ng ilan na magpakamatay sapagkat wala silang pag-asa sa hinaharap o dahil sa nadaraig sila ng mga suliranin. Sa diwa, sila ay may kapansanan sa espirituwal na paraan​—isang mas maselan na kalagayan sa harap ng Diyos kaysa sa isang pisikal na kapansanan. (Juan 9:41) Sa kabilang dako, marami na may pisikal na kapansanan, gaya nina Christian at Junior na binanggit sa naunang artikulo, ang namumuhay nang maligaya at matagumpay. Bakit? Sapagkat sila ay malulusog sa espirituwal na paraan at pinalakas ng isang tiyak na pag-asang salig sa Bibliya.

Sa pagtukoy sa ating natatanging pangangailangan bilang mga tao, sinabi ni Jesus: “Ang tao ay mabubuhay, hindi sa tinapay lamang, kundi sa bawat pananalitang lumalabas sa bibig ni Jehova.” (Mateo 4:4) Oo, hindi gaya ng mga nilalang na hayop, ang mga tao ay nangangailangan ng higit pa sa materyal na pagkain. Yamang nilalang sa “larawan” ng Diyos, kailangan natin ang espirituwal na pagkain​—ang kaalaman sa Diyos at kung paano tayo umaagapay sa kaniyang layunin pati na sa paggawa ng kaniyang kalooban. (Genesis 1:27; Juan 4:34) Ang kaalaman ng Diyos ang pumupuspos sa ating mga buhay ng layunin at espirituwal na lakas. Naglalaan din ito ng saligan para sa walang-hanggang buhay sa paraisong lupa. “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang hanggan,” ang sabi ni Jesus, “ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.”​—Juan 17:3.

Kapansin-pansin na hindi siya tinawag ng kaniyang mga kapanahon na “Tagapagpagaling” kundi “Guro.” (Lucas 3:12; 7:40) Bakit? Sapagkat itinuro ni Jesus sa mga tao ang permanenteng solusyon sa lahat ng suliranin ng sangkatauhan​—ang Kaharian ng Diyos. (Lucas 4:43; Juan 6:26, 27) Ang makalangit na pamahalaang ito sa kamay ni Jesu-Kristo ay mamamahala sa buong lupa at tutupad sa lahat ng mga pangako ng Bibliya may kinalaman sa lubos at namamalaging pagpapagaling sa mga taong matuwid at pagsasauli sa kanilang makalupang tahanan. (Apocalipsis 11:15) Iyan ang dahilan kung kaya sa kaniyang modelong panalangin, iniugnay ni Jesus ang pagdating ng Kaharian sa pagsasagawa ng kalooban ng Diyos sa lupa.​—Mateo 6:10.

Para sa maraming indibiduwal na may kapansanan, ang pagkaalam sa nakapagpapasiglang pangakong ito ay nagpangyari upang mapalitan ang kanilang mga luha ng kalungkutan ng mga luha ng kagalakan. (Lucas 6:21) Sa katunayan, higit pa ang gagawin ng Diyos kaysa sa pag-aalis lamang ng sakit at kapansanan; papawiin niya ang pinakaugat ng pagdurusa ng tao​—ang kasalanan mismo. Oo, iniuugnay ng Isaias 33:24 at Mateo 9:2-7, na sinipi kanina, ang sakit sa ating makasalanang kalagayan. (Roma 5:12) Kaya, kapag nalupig na ang kasalanan, ang sangkatauhan ay magtatamasa na sa wakas ng “maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos,” isang kalayaang nalalakipan ng kasakdalan ng isip at katawan.​—Roma 8:21.

Maaaring hindi mabigyang-pansin niyaong mga nagtataglay ng mabuti-buting kalusugan ang kahalagahan nito. Ngunit hindi gayon para sa mga dumaranas ng mapapait na karanasang dulot ng mga kapansanan. Alam na alam nila kung gaano kahalaga ang kalusugan at buhay at kung paano maaaring magbago ang mga bagay-bagay nang biglaan at di-inaasahan. (Eclesiastes 9:11) Kaya, inaasahan namin na ang mga may kapansanan sa aming mga mambabasa ay magbibigay ng pantanging pansin sa kamangha-manghang mga pangako ng Diyos na nakaulat sa Bibliya. Ibinigay ni Jesus ang kaniyang buhay upang tiyakin ang katuparan ng mga ito. May mas bubuti pa bang garantiya kaysa rito?​—Mateo 8:16, 17; Juan 3:16.

[Talababa]

^ par. 6 Para sa detalyadong pagtalakay kung bakit pinahihintulutan ng Diyos ang pagdurusa, tingnan ang brosyur na Talaga Bang Minamahal Tayo ng Diyos?, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.