Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kung Paano Tinulungan ng Anak ang Kaniyang Ama

Kung Paano Tinulungan ng Anak ang Kaniyang Ama

Kung Paano Tinulungan ng Anak ang Kaniyang Ama

SI James, mula sa Inglatera, na 32 taóng gulang, ay may malubhang kapansanan sa isip at di-gaanong malubhang autismo. Gayunman, sa loob ng maraming taon siya ay dumadalo sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova kasama ng kaniyang ina at ate. Subalit, ang kaniyang ama ay hindi gaanong nagpakita kailanman ng interes sa kanilang mga paniniwala. Isang gabi pagkatapos ng pulong kung saan itinampok ang isang pagtatanghal na nagpapakita kung paano aanyayahan ang isang kakilala sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo, mabilis na pumasok si James sa kaniyang silid. Nababalisang sinundan siya ng kaniyang ina at nakita siya na natataranta sa paghahalungkat ng mga lumang isyu ng mga magasing Bantayan at Gumising! Pinili niya ang isa na may larawan ng paanyaya sa Memoryal sa likod ng magasin at dali-daling nagtungo sa kaniyang ama. Itinuro muna niya ang larawan at ang kaniyang ama pagkatapos at saka nagsabing “Ikaw!” May-pagkamanghang nagtinginan ang kaniyang ama at ina sa pagkatanto na inaanyayahan ni James ang kaniyang ama sa Memoryal. Nagsabi ang ama na baka dumalo siya.

Noong gabi ng Memoryal, pumunta si James sa aparador ng kaniyang ama, pumili ng isang pantalon, dinala ito sa kaniyang ama, at sumenyas na kailangan na niyang isuot iyon. Sumagot ang kaniyang ama na hindi siya dadalo sa pulong. Kaya, si James at ang kaniyang ina na lamang ang nagpunta sa Kingdom Hall.

Gayunman, paglipas ng ilang panahon, unti-unting naging mahirap sa ina na ihanda si James na dumalo sa mga pulong ng kongregasyon, at mas pinipili pa nitong manatili na lamang sa bahay kasama ng kaniyang ama. Pagkatapos, isang Linggo ng umaga, muling tumanggi si James na dumalo sa pulong nang inihahanda siya ng kaniyang ina. Laking pagkagulat ng ina, ang ama ay bumaling kay James at nagsabi, “James, kung dadalo ako sa pulong ngayon, sasama ka rin ba?” Sumaya ang mukha ni James. Niyakap niya ang kaniyang ama at nagsabing “Oo!” at dumalo silang tatlo sa Kingdom Hall.

Mula nang araw na iyon, patuloy na dumalo ang ama ni James sa lahat ng pulong tuwing Linggo at nang maglaon ay nagsabi na upang sumulong siya, dapat din siyang dumalo sa iba pang mga pulong. (Hebreo 10:24, 25) Ganito nga ang ginawa niya, at pagkalipas ng dalawang buwan, nagpasimula na siyang mag-aral ng Bibliya nang regular. Mabilis siyang sumulong, anupat gumagawa kaagad ng kinakailangang pagbabago sa kaniyang buhay, at di-nagtagal ay nagpasimula na siyang makibahagi sa gawaing pangangaral ng Kaharian. Isang taon pagkatapos niyang mag-aral ng Bibliya, inialay niya ang kaniyang buhay kay Jehova at sinagisagan ito ng bautismo sa tubig. Kasalukuyan siyang naglilingkod bilang isang ministeryal na lingkod sa kanilang kongregasyon. Ngayon ang buong pamilya ay naglilingkod kay Jehova nang may pagkakaisa.