Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Paglilinang ng Pag-ibig kay Jehova sa Puso ng Aming mga Anak

Paglilinang ng Pag-ibig kay Jehova sa Puso ng Aming mga Anak

Paglilinang ng Pag-ibig kay Jehova sa Puso ng Aming mga Anak

AYON SA SALAYSAY NI WERNER MATZEN

Ilang taon na ang nakalilipas, binigyan ako ng Bibliya ng aking panganay na anak na si Hans Werner. Ganito ang isinulat niya sa loob ng pabalat: “Mahal kong Itay, Patuloy nawa tayong akayin ng Salita ni Jehova bilang isang pamilya sa daan ng buhay. Nagpapasalamat, ang iyong panganay na anak.” Mauunawaan ng mga magulang kung paanong napuspos ng mga salitang iyan ang aking puso ng pasasalamat at kagalakan. Hindi ko natatalos noon kung anong uri ng mga hamon ang kailangan pa naming harapin bilang isang pamilya.

IPINANGANAK ako noong 1924 sa Halstenbek, mga 20 kilometro mula sa Alemang daungan ng Hamburg, at ako ay pinalaki ng aking ina at lolo. Palibhasa’y nagtrabaho ako bilang isang katulong na manggagawa ng kasangkapan, ako ay tinawag sa paglilingkod sa Wehrmacht, ang hukbong sandatahan, noong 1942. Ang naranasan ko noong Digmaang Pandaigdig II habang nakikipaglaban sa tropa ng mga Ruso ay lubhang nakapanghihilakbot para ilarawan sa pamamagitan ng mga salita. Ako’y nagkatipos subalit pinabalik ako sa labanan matapos gamutin. Noong Enero 1945, naroon ako sa Lodz, Poland, kung saan ako ay malubhang napinsala at ipinasok sa ospital ng militar. Naroroon pa ako noong matapos ang digmaan. Doon sa ospital at pagkatapos ay sa kampong piitan sa Neuengamme, nagkaroon ako ng panahong bulay-bulayin ang mga bagay-bagay. Ako’y nagulumihanan sa mga tanong na ito, Talaga bang may Diyos? Kung gayon, bakit niya pinahihintulutan ang sobrang kalupitan?

Di-natagalan matapos palayain mula sa kampong piitan, noong Setyembre 1947, pinakasalan ko si Karla. Kapuwa kami lumaki sa iisang bayan, subalit bagaman si Karla ay isang Katoliko, ang relihiyon ay hindi naman naging bahagi ng aking paglaki. Ang paring nagkasal sa amin ay nagmungkahi na sambitin man lamang naming magkasama ang Panalangin ng Panginoon gabi-gabi. Ginawa namin ang kaniyang sinabi, nang hindi talagang nalalaman kung ano ang idinadalangin namin.

Pagkalipas ng isang taon si Hans Werner ay ipinanganak. Sa panahon ding iyon, ipinakilala ako ni Wilhelm Ahrens, isang kasamahan sa trabaho, sa mga Saksi ni Jehova. Ipinakita niya sa akin mula sa Bibliya na ang mga digmaan ay titigil balang araw. (Awit 46:9) Noong taglagas ng 1950, inialay ko ang aking buhay kay Jehova at nabautismuhan. Ano ngang laking kagalakan ang aking nadama nang makalipas ang isang taon, ang aking mahal na asawa ay nabautismuhan din!

Pagpapalaki sa mga Anak sa mga Daan ni Jehova

Nabasa ko sa Bibliya na ang pag-aasawa ay nagmula kay Jehova. (Genesis 1:26-28; 2:22-24) Dahil sa pagiging naroroon sa kapanganakan ng aming mga anak​—sina Hans Werner, Karl-Heinz, Michael, Gabriele, at Thomas​—pinatibay nito ang aking pangako na maging isang mabuting asawa at ama. Pinanabikan namin ni Karla ang pagsilang ng bawat isa sa aming mga anak.

Ang kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova noong 1953 sa Nuremberg ay isang napakahalagang okasyon para sa aming pamilya. Noong Biyernes ng hapon, sa pahayag na “Pagpapalaki sa mga Anak sa Bagong Sanlibutang Lipunan,” sinabi ng tagapagsalita ang isang bagay na hindi namin kailanman nalimutan: “Ang pinakadakilang pamana na maibibigay natin sa ating mga anak ay ang pagnanais na maging mga lingkod ng Diyos.” Sa tulong ni Jehova, nais namin ni Karla na gawin ang gayon. Subalit paano?

Sa simula, ginawa naming kaugalian na manalanging magkakasama bilang isang pamilya araw-araw. Naikintal nito sa mga bata ang kahalagahan ng panalangin. Natutuhan ng bawat bata mula sa kamusmusan na kami ay laging nananalangin bago kumain. Kahit na noong sila ay mga sanggol pa, pagkakita nila sa kanilang botelya, iniyuyuko nila ang kanilang mumunting ulo at pinagdaraop ang kanilang maliliit na palad. Sa isang pagkakataon, kami ay naanyayahan sa kasal ng isa sa mga kamag-anak ng aking asawa, na hindi mga Saksi. Pagkatapos ng seremonya, inanyayahan ng ina ng babae ang mga bisita sa tahanan para sa kaunting meryenda. Gusto ng lahat na kumain na agad. Subalit sa palagay ng aming limang-taóng-gulang na si Karl-Heinz, ito ay hindi wasto. “Pakisuyong manalangin muna tayo,” wika niya. Tiningnan siya ng mga bisita, pagkatapos ay kami naman, at saka ang punong-abala. Upang maiwasan ang anumang kahihiyan, ako ay nagboluntaryong manalangin ng pasasalamat para sa pagkain, na sinang-ayunan naman ng punong-abala.

Ang pangyayaring iyon ay nagpaalaala sa akin ng mga salita ni Jesus: “Mula sa bibig ng mga sanggol at mga pasusuhin ay naglaan ka ng papuri.” (Mateo 21:16) Nakatitiyak kami na ang aming regular at taos-pusong pananalangin ay nakatulong sa mga bata na malasin si Jehova bilang kanilang maibiging makalangit na Ama.

Ang Aming Pananagutan kay Jehova

Ang pagtuturo sa mga anak na ibigin ang Diyos ay nangangailangan din ng regular na pagbabasa at pag-aaral ng kaniyang Salita. Taglay ito sa isipan, mayroon kaming pampamilyang pag-aaral linggu-linggo, kalimitan ay sa Lunes ng gabi. Yamang ang pagitan ng pinakamatanda at ng pinakabata ay siyam na taon, lubhang magkakaiba ang mga pangangailangan ng mga bata, kaya hindi namin makubrehan sa tuwina ang iisang materyal para sa kanilang lahat.

Halimbawa, para sa mga anak na nasa kindergarten, pinananatili naming simple ang pagtuturo. Tinatalakay sa kanila ni Karla ang isa lamang teksto sa Bibliya, o ginagamit niya ang mga larawan sa salig-Bibliyang mga publikasyon. Nasa akin pa rin ang masasayang alaala nang ako’y ginigising sa madaling araw ng musmos na mga bata na sumasampa sa aming kama upang ipakita sa amin ang kanilang paboritong mga larawan sa aklat na The New World. *

Si Karla ay nagkaroon ng pambihirang kakayahan para sa matiyagang pagtuturo sa mga bata tungkol sa maraming dahilan na taglay naming lahat upang ibigin si Jehova. Iyan ay parang simple at tuwiran, subalit sa katunayan, sa pisikal at emosyonal na paraan ay halos isang buong-panahong trabaho ito para sa amin ni Karla. Gayunman, hindi kami sumuko. Gusto naming ikintal ito sa kanilang murang puso bago sila maimpluwensiyahan ng ibang tao na hindi nakakakilala kay Jehova. Sa dahilang ito kung kaya namin iginigiit sa aming mga anak na maging presente sila para sa pampamilyang pag-aaral sa sandaling sila’y puwede nang maupo.

Bilang mga magulang, natatanto namin ni Karla ang kahalagahan ng pagbibigay ng tamang halimbawa sa aming mga anak may kaugnayan sa pagsamba. At kami man ay kumakain, naghahalaman, o lumalakad, sinikap naming patibayin ang kaugnayan ng bawat anak kay Jehova. (Deuteronomio 6:6, 7) Tinitiyak namin na ang bawat anak ay may kani-kaniyang sariling Bibliya mula pa sa murang edad. Bukod dito, pagkatanggap ng mga magasin, isinusulat ko ang pangalan ng bawat miyembro ng pamilya sa kani-kaniyang personal na kopya. Kaya natuto ang mga anak na kilalanin ang kani-kanilang sariling literatura. Naisip namin na iatas sa mga bata ang ilang artikulo sa Gumising! upang basahin. Pagkatapos ng aming pananghalian sa araw ng Linggo, ipinaliliwanag nila sa amin kung ano ang naunawaan nila sa materyal.

Pagbibigay sa mga Anak ng Kailangan Nilang Atensiyon

Sabihin pa, ang mga bagay ay hindi naging maalwan sa tuwina. Sa paglaki ng mga bata, natuklasan namin na ang pagkikintal ng pag-ibig sa kanilang puso ay humihiling na alamin namin kung ano na ang nasa kanilang puso. Ito ay nangangahulugan ng pakikinig sa kanila. Ang aming mga anak kung minsan ay nakadarama na nais nilang magreklamo, kaya kami ni Karla ay umuupo at ipinakikipag-usap ang mga bagay-bagay sa kanila. Pinasimulan namin ang isang pantanging kalahating oras sa katapusan ng pampamilyang pag-aaral. Pinahihintulutan ang sinuman na tahasang magsabi hinggil sa kaniyang nadarama.

Halimbawa, sina Thomas at Gabriele, ang dalawa naming pinakabata ay nakadama na kami bilang mga magulang ay nagpapakita ng paboritismo sa kanilang panganay na kapatid na lalaki. Sa isang sesyon, sila ay tahasang nagsabi: “Dad, sa palagay namin kayong dalawa ni Mommy ay laging nagpapahintulot kay Hans Werner na gawin ang kaniyang maibigan.” Sa pasimula, hindi ko mapaniwalaan ang aking narinig. Gayunman, matapos maisaalang-alang ang bagay na ito nang walang pagkiling, kailangan naming tanggapin ni Karla na may punto ang mga bata. Kaya higit naming pinagsikapang pakitunguhan ang lahat ng mga bata nang pantay-pantay.

Kung minsan, pinarurusahan ko ang mga bata nang padalus-dalos o di-makatuwiran. Sa gayong mga pagkakataon kami bilang mga magulang ay kailangang matutong humingi ng paumanhin. Pagkatapos nito, nananalangin kami kay Jehova. Mahalaga na matanto ng mga anak na ang kanilang ama ay handang humingi ng paumanhin kay Jehova at maging sa kanila, sa aming mga anak. Bilang resulta, nagkaroon kami ng isang masigla at palakaibigang relasyon sa kanila. Madalas nilang sinasabi sa amin, “Kayo ang aming matalik na kaibigan.” Lubha itong nagpaligaya sa amin.

Ang paggawang magkakasama bilang isang pamilya ay nagdudulot ng pagkakaisa. Dahil dito, ang lahat ay may regular na atas. Si Hans Werner ang inatasang pumunta sa mga tindahan at bumili ng pagkain at ng iba pang suplay minsan sa isang linggo, na kadalasan ay nangangahulugang kalakip ng listahan ng mga bagay na bibilhin, siya’y binibigyan ng pera. Isang linggo, hindi namin siya binigyan ng isang listahan o ng anumang pera. Nagtanong siya sa kaniyang ina hinggil dito, at ang ina ay nagsabi na wala pa kaming pera. Buweno, ang mga anak ay nagsimulang magbulungan, at pagkatapos ay kinuha ng bawat isa ang kaniyang sariling alkansya at sinaid ang laman nito sa mesa. “Mommy, puwede na tayong mag-shopping ngayon!” ang bulalas nilang lahat. Oo, ang mga bata ay natutong tumulong sa panahon ng kagipitan, at pinaglapít nito ang pamilya nang higit pa.

Habang sila ay nagkakaedad, ang mga batang lalaki ay nagkakaroon ng interes sa mga batang babae. Halimbawa, si Thomas ay lubhang naging interesado sa isang kapuwa Saksi na 16 anyos. Ipinaliwanag ko sa kaniya na kung siya’y seryoso hinggil sa batang babae, kailangang maging handa siya na pakasalan ito at balikatin ang pananagutan sa pagkakaroon ng isang asawa at mga anak. Natanto ni Thomas na hindi pa siya handa para mag-asawa, yamang siya’y 18 anyos pa lamang.

Paggawa ng Pagsulong Bilang Isang Pamilya

Samantalang sila’y nasa murang edad pa, ang mga bata ay sunud-sunod na sumali sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo. Nakinig kaming mabuti sa kanilang mga atas, at kami ay napatibay sapagkat nakita namin ang taos-pusong pag-ibig ng mga bata sa Diyos. Ang mga tagapangasiwa ng sirkito at distrito na sa pana-panahon ay tumutuloy sa amin ay naglahad ng kanilang sariling mga karanasan sa buhay o nagbasa sa amin ng Bibliya. Ang mga lalaking ito at ang kanilang mga asawa ay nakatulong upang malinang ang pag-ibig sa buong-panahong paglilingkod sa puso ng aming pamilya.

Inaasam-asam namin ang mga kombensiyon. Ang mga ito ay isang susing salik sa aming mga pagsisikap na maikintal sa aming mga anak ang pagnanais na maging mga lingkod ng Diyos. Para sa mga anak, isang pantanging sandali ito kapag kanilang ikinakabit na ang mga lapel card bago maglakbay patungo sa lugar ng kombensiyon. Lubha kaming naantig nang si Hans Werner ay mabautismuhan sa edad na sampu. Itinuturing ng ilan na siya’y napakabata pa upang mag-alay ng sarili kay Jehova, subalit sa edad na 50, sinabi niya sa akin kung gaano kalaki ang kaniyang pasasalamat na siya’y nakapaglingkod kay Jehova sa loob ng 40 taon.

Ipinakita namin sa aming mga anak na ang isang personal na kaugnayan kay Jehova ay mahalaga, subalit hindi namin sila pinilit tungo sa pag-aalay. Gayunman, kami ay nalulugod kapag ang iba ay sumusulong din tungo sa bautismo kapag sila’y handa na.

Pagkatutong Ihagis ang Aming mga Pasan kay Jehova

Naging walang kahulilip ang aming kagalakan nang si Hans Werner, noong 1971, ay nagtapos bilang isang miyembro ng ika-51 klase ng Watchtower Bible School of Gilead at inatasang maglingkod bilang isang misyonero sa Espanya. Sunud-sunod, ang iba pang mga bata ay gumugol din ng ilang panahon bilang buong-panahong mga ministro, na lubos na nagpaligaya sa amin bilang mga magulang. Noon ako binigyan ni Hans Werner ng Bibliya na nabanggit sa pasimula ng artikulong ito. Ang aming kaligayahan bilang isang pamilya ay waring kumpleto na.

Pagkatapos ay natuklasan namin na kailangan naming mangunyapit kay Jehova nang higit pa. Bakit? Sapagkat nakita namin na ang ilan sa aming may-gulang na mga anak ay napapaharap sa mga suliranin na lubhang sumubok sa kanilang pananampalataya. Halimbawa, ang aming mahal na anak na babae na si Gabriele ay hindi nakalibre sa mga kapighatian. Noong 1976, siya’y nagpakasal kay Lothar. Di-natagalan, si Lothar ay nagkasakit pagkatapos ng kanilang kasal. Habang ito’y pahina nang pahina, inalagaan siya ni Gabriele hanggang sa ito’y namatay. Ang pagkakita na ang isang malusog na miyembro ng pamilya ay nagkasakit at namatay ay nagpaalaala sa amin kung gaano kalaki ang pangangailangan namin sa maibiging kamay ni Jehova.​—Isaias 33:2.

Mga Pribilehiyo sa Organisasyon ni Jehova

Nang ako ay hirangin bilang lingkod ng kongregasyon (tinatawag sa ngayon na punong tagapangasiwa) noong 1955, sa palagay ko’y hindi pa ako handa para sa pananagutan. Napakarami ng kailangang gawin, at ang tanging paraan upang magampanan ang gawain ay ang bumangon ng alas kuwatro ng umaga sa ilang araw. Ang aking asawa at mga anak ay napakalaking tulong, na tinitiyak na hindi ako nagagambala sa gabi kapag may ilan pang bagay na kailangang gawin.

Gayunpaman, bilang isang pamilya, gumugol kami ng panahon sa paglilibang nang magkakasama hangga’t posible. Kung minsan ay ipinagagamit sa akin ng aking amo ang kaniyang kotse upang maipasyal ko ang aking pamilya. Ikinatuwa ng mga bata ang mga pagkakataon kapag kami ay nag-aaral ng Ang Bantayan sa kagubatan. Kami ay naglalakad ding magkakasama, kung minsan ay kumakanta ng mga awitin na sinasaliwan ng aking silindro habang kami ay naglalakad sa gitna ng kagubatan.

Noong 1978, ako ay hinirang bilang kahaliling tagapangasiwa ng sirkito (naglalakbay na ministro). Dahil sa nabibigatan, ako ay nanalangin: “Jehova, sa palagay ko’y hindi ko magagawa ito. Subalit kung nais mong subukin ko ito, kung gayon ay gagawin ko ang aking buong makakaya.” Makaraan ang dalawang taon, sa edad na 54 anyos, inilipat ko ang aking maliit na negosyo sa aming pinakabatang anak na si Thomas.

Malalaki nang lahat ang aming mga anak, na nagbigay sa amin ni Karla ng pagkakataon na gawin ang higit pa para kay Jehova. Noong taon ding iyon, ako ay hinirang bilang tagapangasiwa ng sirkito at inatasan sa isang seksiyon ng Hamburg at sa buong Schleswig-Holstein. Dahil sa aming karanasan sa pagpapalaki ng isang pamilya, naipakikita namin ang partikular na pang-unawa sa mga magulang at sa kanilang mga anak. Tinawag kami ng marami sa mga kapatid bilang kanilang mga magulang sa sirkito.

Pagkatapos ng sampung taóng pagsama sa akin sa gawain sa sirkito, si Karla ay kinailangang maoperahan. At sa taon ding iyon, natuklasan ng mga manggagamot na ako ay may tumor sa utak. Kaya, iniwan ko ang aking paglilingkod bilang tagapangasiwa ng sirkito at nagpaopera sa utak. Tatlong taon ang lumipas bago ko muling nagampanan ang pagiging kahaliling tagapangasiwa ng sirkito. Kami ni Karla ay mahigit na ngayong 70 at wala na kami sa gawaing paglalakbay. Tinulungan kami ni Jehova na makita na walang dahilan upang manatili sa isang pribilehiyo na hindi ko na magagampanan.

Sa paglingon sa nakaraan, kami ni Karla ay nagpapasalamat kay Jehova para sa kaniyang tulong sa paglilinang ng pag-ibig sa katotohanan sa puso ng aming mga anak. (Kawikaan 22:6) Sa paglipas ng mga taon, pinatnubayan at sinanay kami ni Jehova, anupat tinulungan kami na magampanan ang aming mga pananagutan. Bagaman kami ay matatanda at mahihina na, ang aming pag-ibig kay Jehova ay nananatiling bata at masigla gaya nang dati.​—Roma 12:10, 11.

[Talababa]

^ par. 15 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova, subalit hindi na makukuha ngayon.

[Larawan sa pahina 26]

Ang aming pamilya, naglalakad sa tabi ng Ilog Elbe, Hamburg, 1965

[Larawan sa pahina 28]

Ilang miyembro ng pamilya sa pang-internasyonal na kombensiyon sa Berlin noong 1998

[Larawan sa pahina 29]

Kasama ng aking asawa, si Karla