Tinutuos Mo ba ang Halaga?
Tinutuos Mo ba ang Halaga?
IBINIGAY ni Jesu-Kristo sa kaniyang mga alagad ang pag-asa ng buhay na walang hanggan, ngunit hinimok din niya sila na tuusin ang halaga ng pagiging isang Kristiyano. Inilarawan niya ang puntong ito sa pamamagitan ng pagtatanong: “Sino sa inyo na nais magtayo ng tore ang hindi muna uupo at tutuusin ang gastusin [o, tutuusin ang halaga], upang makita kung mayroon siyang sapat upang matapos iyon?” (Lucas 14:28) Anong halaga ang tinutukoy ni Jesus?
Ang lahat ng mga Kristiyano ay napapaharap sa mga pagsubok—ang ilan sa mga ito ay mabigat. (Awit 34:19; Mateo 10:36) Samakatuwid, dapat tayong maging handa sa mental at espirituwal na paraan upang hindi tayo mabigla kapag napaharap tayo sa pagsalansang at iba pang mga suliranin. Dapat ay batid na natin na ang gayong mga pagsubok ay kasama sa halaga ng pagiging alagad ni Kristo, anupat nalalaman na ang gantimpala—kaligtasan mula sa kasalanan at kamatayan—ay makapupong higit ang halaga kaysa anumang maiaalok sa atin ng kasalukuyang sistema. Oo, walang anumang bagay na ipahihintulot ng Diyos—maging kamatayan—ang permanenteng makapipinsala sa atin kung patuloy tayong maglilingkod sa kaniya.—2 Corinto 4:16-18; Filipos 3:8.
Paano magiging gayon katibay ang ating pananampalataya? Lalong tumitibay ang ating pananampalataya sa tuwing gumagawa tayo ng tamang pasiya, naninindigang matatag sa mga simulaing Kristiyano, o kumikilos kasuwato ng kalooban ng Diyos—lalo na kung nasa ilalim tayo ng panggigipit na gawin ang kabaligtaran nito. Kapag personal nating nararanasan ang pagpapala ni Jehova bilang resulta ng ating tapat na landasin, ang ating pananampalataya ay lumalakas at sumisidhi. Sa gayong paraan, sinusunod natin ang halimbawa ni Jesus, ng kaniyang unang mga alagad, at ng lahat ng lalaki’t babae na may pananampalataya, na sa buong kasaysayan ay may-kawastuang ‘tinuos ang halaga’ ng paglilingkod sa Diyos.—Marcos 1:16-20; Hebreo 11:4, 7, 17, 24, 25, 32-38.