Ang Kabalighuan ni Tertullian
Ang Kabalighuan ni Tertullian
‘MAY anumang pagkakatulad ba sa pagitan ng Kristiyano at ng pilosopo? sa pagitan ng isa na nagpapasamâ sa katotohanan, at sa isa na nagsasauli at nagtuturo nito? Anong pagkakasuwato mayroon sa pagitan ng Akademya at ng Simbahan?’ Ang gayong mapanghamong mga katanungan ay ibinangon ni Tertullian, isang manunulat noong ikalawa at ikatlong siglo C.E. Nakilala siya bilang “isa sa pinakasaganang pinagmumulan ng kasaysayan ng Simbahan at ng mga doktrinang itinuro noong kaniyang panahon.” Talagang napapansin niya ang halos lahat ng aspekto ng relihiyosong buhay.
Marahil lubhang kilala si Tertullian sa kaniyang kabalighuan, o waring magkasalungat na mga pananalitang gaya nito: “Ang Diyos ay lalo nang dakila, kapag Siya ay mahina.” “[Ang kamatayan ng Anak ng Diyos] ay dapat paniwalaan, sapagkat ito ay di-makatuwiran.” “[Si Jesus] ay inilibing, at muling bumangon; ang bagay na ito ay tiyak, sapagkat ito’y imposible.”
Marami pang kabalighuan kay Tertullian kaysa sa kaniyang mga pananalita lamang. Bagaman nilayon niyang ipagtanggol ang katotohanan sa kaniyang mga akda at itaguyod ang integridad ng simbahan at ang mga doktrina nito, sa katunayan ay pinasamâ niya ang tunay na mga turo. Ang kaniyang pangunahing impluwensiya sa Sangkakristiyanuhan ay naging isang teoriya na nang maglaon ay pinagbatayan ng mga manunulat ng doktrina ng Trinidad. Upang maunawaan kung paano ito nangyari, kilalanin muna natin si Tertullian mismo.
“Kawili-wili sa Tuwina”
Kakaunti lamang ang nalalaman tungkol sa buhay ni Tertullian. Sumasang-ayon ang karamihan sa mga iskolar na siya ay isinilang noong mga 160 C.E. sa Carthage, Hilagang Aprika. Maliwanag, siya ay lubhang edukado at lubusang pamilyar sa grupo ng mga taong sumusunod sa isang guro ng pilosopiya noong panahon niya. Lumilitaw na ang nakaakit sa kaniya sa Kristiyanismo ay ang pagkukusa ng mga nag-aangking Kristiyano na mamatay alang-alang sa kanilang pananampalataya. May kinalaman sa pagkamartir ng Kristiyano, siya’y nagtanong: “Sapagkat sino na nagbabalak nito, ang hindi nauudyukan na magtanong kung ano ba ang motibo ng pagkamartir? na pagkatapos magtanong, ay hindi tumatanggap sa aming mga doktrina?”
Pagkatapos niyang makumberte sa naturingang Kristiyanismo, si Tertullian ay naging isang malikhaing manunulat na magaling sa maiikli at matatalinong pananalita. “Mayroon [siyang] kakayahan na bihira sa mga teologo,” ang sabi ng aklat na The Fathers of the Church. “Kawili-wili siya sa tuwina.” Isang iskolar ang nagsabi: “Si Tertullian ay [may] kaloob sa mga salita sa halip na sa mga pangungusap at mas madaling maunawaan ang kaniyang matatalinong pasaring kaysa sa kaniyang mga argumento. Marahil iyan ang dahilan kung bakit madalas siyang sipiin ngunit madalang sa mas mahahabang bahagi ng kaniyang mga sinabi.”
Pagtatanggol sa Kristiyanismo
Ang pinakabantog na akda ni Tertullian ay ang Apology, na itinuturing na isa sa pinakamabibisang pampanitikang pagtatanggol ng naturingang Kristiyanismo. Isinulat ito noong panahon na ang mga Kristiyano ay madalas na mga biktima ng mapamahiing mga mang-uumog. Ipinagtanggol ni Tertullian ang mga Kristiyanong ito at tinutulan niya ang di-makatuwirang pagtrato sa kanila. Sabi niya: “Itinuturing ng [mga
sumasalansang] na ang mga Kristiyano ang dahilan ng bawat kalamidad at bawat kasawian ng bayan. . . . Kung ang Nilo ay hindi umapaw upang patubigan ang mga bukid, kung hindi magbago ang panahon, kung may lindol, taggutom, salot—agad na maririnig ang sigaw na: ‘Ihagis ang mga Kristiyano sa leon!’ ”Bagaman ang mga Kristiyano ay karaniwang pinararatangan ng kawalang-katapatan sa Estado, sinikap ipakita ni Tertullian na sila sa katunayan ang pinakamapagkakatiwalaang mga mamamayan sa nasasakupang dako. Pagkatapos itawag-pansin ang ilang pagtatangkang ibagsak ang pamahalaan, ipinaalaala niya sa kaniyang mga kalaban na yaong mga nagsabuwatan ay mula sa mga pagano, hindi mula sa mga Kristiyano. Binanggit ni Tertullian na kapag pinatay ang mga Kristiyano, ang Estado ang nakararanas ng tunay na kawalan.
Ang iba pang akda ni Tertullian ay may kaugnayan sa pamumuhay Kristiyano. Halimbawa, sa kaniyang pagsisiwalat sa On the Shows, si Tertullian ay nagpayo laban sa pagiging naroroon sa ilang dako ng libangan, paganong mga laro, at pagtatanghal sa teatro. Maliwanag, may mga bagong kumberte na hindi nakikita ang pagkakasalungatan ng pagtitipon para sa pagtuturo ng Bibliya at pagkatapos ay pagdalo sa mga larong pagano. Sa pagsisikap na pukawin ang kanilang kakayahang mag-isip, sumulat si Tertullian: “Kasindak-sindak nga na pumunta mula sa simbahan ng Diyos tungo sa simbahan ng diyablo—mula sa espirituwal na mga gawain tungo sa makahayop na mga gawain.” Sabi niya: “Ang tinatanggihan mo sa gawa, hindi mo dapat tanggapin sa salita.”
Pinasasamâ ang Katotohanan Samantalang Ipinagtatanggol Ito
Sinimulan ni Tertullian ang kaniyang sanaysay na pinamagatang Against Praxeas sa pagsasabing: “Kinompetensiya at kinalaban ng diyablo ang katotohanan sa iba’t ibang paraan. Kung minsan ang layon niya ay sirain ang katotohanan sa pamamagitan ng pagtatanggol dito.” Ang lalaking nagngangalang Praxeas sa sanaysay na ito ay di-gaanong kilala, subalit hinamon ni Tertullian ang mga turo niya tungkol sa Diyos at kay Kristo. Minalas niya si Praxeas bilang isang kasangkapan ni Satanas na palihim na nagsisikap na pasamain ang Kristiyanismo.
Ang mahalagang usapin sa gitna ng nag-aangking mga Kristiyano noong panahong iyon ay ang kaugnayan ng Diyos at ni Kristo. Ang ilan sa kanila, lalo na yaong may Griegong pinagmulan, ay nahirapang pagtugmain ang paniniwala sa isang Diyos dahil sa papel ni Jesus bilang Tagapagligtas at Manunubos. Sinikap ni Praxeas na lutasin ang kanilang problema sa pamamagitan ng pagtuturo na si Jesus ay naiibang paghahayag lamang ng Ama at walang pagkakaiba sa pagitan ng Ama at ng Anak. Sinasabi ng teoriyang ito, na kilala bilang modalismo, na isiniwalat ng Diyos ang kaniyang sarili “bilang ang Ama sa Paglalang at sa pagbibigay ng Kautusan, bilang ang Anak kay Jesu-Kristo, at bilang ang Banal na Espiritu pagkatapos umakyat sa langit ni Kristo.”
Ipinakita ni Tertullian na nililinaw ng Kasulatan ang pagkakaiba sa pagitan ng Ama at ng Anak. Pagkatapos sipiin ang 1 Corinto 15:27, 28, nangatuwiran siya: “Siya na nagpasakop ng (lahat ng bagay), at Siya na sa ilalim niya ay ipinasakop ang mga ito—ay dalawang magkaibang Persona.” Itinawag-pansin ni Tertullian ang mismong pananalita ni Jesus: “Ang Ama ay mas dakila kaysa sa akin.” (Juan 14:28) Sa paggamit sa mga bahagi ng Hebreong Kasulatan, gaya ng Awit 8:5, ipinakita niya kung paano inilalarawan ng Bibliya ang “pagiging nakabababa” ng Anak. “Kaya ang Ama ay naiiba sa Anak, mas dakila kaysa sa Anak,” ang konklusyon ni Tertullian. “Yamang Siya na lumalang ay isa, at Siya na nilalang ay iba; Siya rin na nagsugo ay isa, at Siya na isinugo ay iba; at Siya muli na gumawa ay isa, at Siya na ginawa ay iba.”
Minalas ni Tertullian ang Anak bilang nakabababa sa Ama. Gayunman, sa kaniyang pagsisikap na biguin ang modalismo, ‘hinigitan niya ang mga bagay na nakasulat.’ (1 Corinto 4:6) Habang may-kamaliang sinisikap ni Tertullian na patunayan ang pagkadiyos ni Jesus sa pamamagitan ng ibang teoriya, inimbento niya ang isang pormula ng “isang Diyos sa tatlong persona.” Sa paggamit sa ideyang ito, sinikap niyang ipakita na ang Diyos, ang kaniyang Anak, at ang banal na espiritu ay tatlong magkakaibang persona sa iisang Diyos. Sa gayon, si Tertullian ang unang nagkapit sa anyong Latin ng salitang “trinidad” sa Ama, sa Anak, at sa banal na espiritu.
Mag-ingat sa Makasanlibutang Pilosopiya
Paano nabuo ni Tertullian ang teoriya ng “isang Diyos sa tatlong persona”? Ang kasagutan ay masusumpungan sa isa pang kabalighuan tungkol sa tao—ang kaniyang pangmalas sa pilosopiya. Tinawag ni Tertullian ang pilosopiya na “ ‘ang mga doktrina’ ng mga tao at ‘ng mga demonyo.’ ” Hayagan niyang binatikos ang kaugalian na paggamit ng pilosopiya upang suportahan ang mga Kristiyanong katotohanan. “Iwasan ang lahat ng pagsisikap na gumawa ng tiwaling Kristiyanismo na binubuo ng Estoico, Platoniko, at lohikong ideya,” ang sabi niya. Subalit, ginamit mismo ni Tertullian nang madalas ang sekular na pilosopiya kapag ito’y kasuwato ng kaniyang sariling mga ideya.—Colosas 2:8.
Ganito ang sabi ng isang akdang reperensiya: “Ang Trinitaryong teolohiya ay nangangailangan ng tulong ng mga ideya at mga kategoryang Griego para sa pag-unlad at ekspresyon nito.” At ang aklat na The Theology of Tertullian ay nagsasabi: “[Ito ay] pambihirang pagsasama ng mga ideya at mga terminong ukol sa batas at pilosopiya, na nagpangyari kay Tertullian na iharap ang doktrina ng trinidad sa isang pormula na, sa kabila ng mga limitasyon at mga di-kasakdalan nito, naging batayan para sa paghaharap ng doktrina sa Konseho ng Nicaea.” Kaya, ang pormula ni Tertullian—ang tatlong persona sa isang Diyos—ay gumanap ng malaking bahagi sa pagpapalaganap ng relihiyosong kamalian sa buong Sangkakristiyanuhan.
Pinaratangan ni Tertullian ang iba ng pagsira sa katotohanan habang sinisikap nilang ipagtanggol ito. Gayunman, balintuna nga na sa paghahalo ng kinasihang katotohanan ng Bibliya sa pilosopiya ng tao, ginawa rin niya ang mismong bagay na ipinaparatang niya sa iba. Kaya nga isapuso natin ang maka-Kasulatang babala laban sa ‘pagbibigay-pansin sa nagliligaw na kinasihang mga pananalita at mga turo ng mga demonyo.’—1 Timoteo 4:1.
[Mga larawan sa pahina 29, 30]
Binatikos ni Tertullian ang pilosopiya subalit ginamit niya ito upang isulong ang kaniya mismong mga ideya
[Credit Line]
Pahina 29 at 30: © Cliché Bibliothèque nationale de France, Paris
[Larawan sa pahina 31]
Iniiwasan ng tunay na mga Kristiyano na paghaluin ang katotohanan sa Bibliya at ang pilosopiya ng tao