Katapatan ang Pumapatnubay sa mga Matuwid
Katapatan ang Pumapatnubay sa mga Matuwid
“ANG tao, na ipinanganak ng babae, ay maikli ang buhay at lipos ng kaligaligan,” ang sabi ng Bibliya. (Job 14:1) Waring karaniwan nang nararanasan sa pag-iral ng tao ang kirot at pagdurusa. Aba, kahit ang araw-araw na buhay ay maaaring punô ng kabalisahan at kaligaligan! Ano ang gagabay sa atin upang mapagtagumpayan ang mahihirap na kalagayan at tutulong sa atin na mapanatili ang isang matuwid na katayuan sa Diyos?
Isaalang-alang ang halimbawa ng isang mayamang lalaki na nagngangalang Job, na nabuhay mga 3,500 taon na ang nakalilipas sa lugar na tinatawag ngayon na Arabia. Kaylaking kalamidad ang idinulot ni Satanas sa taong ito na may takot sa Diyos! Nawala ni Job ang lahat ng kaniyang mga alagang hayop at namatayan siya ng minamahal na mga anak. Di-nagtagal pagkatapos nito, sinaktan ni Satanas si Job ng malulubhang bukol mula ulo hanggang paa. (Job, kabanata 1, 2) Walang kaalam-alam si Job kung bakit nangyayari sa kaniya ang mga kalamidad na ito. Gayunman, “hindi nagkasala si Job sa pamamagitan ng kaniyang mga labi.” (Job 2:10) “Hanggang sa pumanaw ako ay hindi ko aalisin sa akin ang aking katapatan!” ang sabi niya. (Job 27:5) Oo, ang katapatan ni Job ang gumabay sa kaniya sa panahon ng kaniyang mga pagsubok.
Binigyang-katuturan ang katapatan bilang pagiging matuwid o ganap sa moral at nasasangkot dito ang pagiging walang kapintasan at walang pagkukulang sa paningin ng Diyos. Subalit, hindi ito nagpapahiwatig ng kasakdalan sa salita at sa gawa ng di-sakdal na mga tao, na hindi lubusang makaaabot sa mga pamantayan ng Diyos. Sa halip, ang katapatan ng tao ay nagpapahiwatig ng buong-puso o taos-pusong debosyon kay Jehova at sa kaniyang kalooban at layunin. Ang gayong makadiyos na debosyon ay gumagabay, o pumapatnubay, sa mga matuwid sa lahat ng kalagayan at sa lahat ng panahon. Ipinakikita ng unang bahagi ng ika-11 kabanata ng aklat ng Bibliya na Kawikaan kung paano tayo magagabayan ng ating katapatan sa iba’t ibang pitak ng buhay at tinitiyak sa atin nito ang mga pagpapalang kasunod ng ating pakikinig dito. Kung gayon, taglay ang masidhing interes, ating tingnan kung ano ang nakasulat doon.
Katapatan ang Pumapatnubay sa Isa Upang Hindi Mandaya sa Negosyo
Sa pagtatampok ng simulain ng pagiging tapat at paggamit ng matulaing mga salita sa halip na mga termino sa batas, ganito ang sinabi ni Haring Solomon ng sinaunang Israel: “Ang madayang pares ng timbangan ay karima-rimarim kay Jehova, ngunit ang hustong batong-panimbang ay kalugud-lugod sa kaniya.” (Kawikaan 11:1) Ito ang una sa apat na paglitaw sa aklat ng Kawikaan kung saan ginamit ang mga timbangan at panimbang upang ipahiwatig na nais ni Jehova na ang kaniyang mga mananamba ay maging tapat sa kanilang mga gawain sa negosyo.—Kawikaan 16:11; 20:10, 23.
Ang kasaganaan niyaong mga bumabaling sa madayang pares ng timbangan—o sa pandaraya—
ay maaaring makaakit. Ngunit gusto ba natin talagang itakwil ang mga pamantayan ng Diyos hinggil sa mabuti at masama sa pamamagitan ng pakikibahagi sa tiwaling mga gawain sa negosyo? Hindi nga natin ito gagawin kung ginagabayan tayo ng katapatan. Itinatakwil natin ang pandaraya dahil ang hustong batong-panimbang, isang eksaktong timbangan na nagpapahiwatig ng katapatan, ay nakalulugod kay Jehova.“Ang Karunungan ay Nasa mga Mahinhin”
Nagpapatuloy si Haring Solomon: “Dumating ba ang kapangahasan? Kung gayon ay darating ang kasiraang-puri; ngunit ang karunungan ay nasa mga mahinhin.” (Kawikaan 11:2) Ang kapangahasan—nakikita man ito sa pagmamapuri, pagsuway, o inggit—ay nagdudulot ng kadustaan. Sa kabilang dako naman, landasin ng karunungan ang mapagpakumbabang pagkilala sa ating mga limitasyon. Tunay ngang inilalarawan ng maka-Kasulatang mga halimbawa ang katotohanan ng kawikaang ito!
Isang mainggiting Levita, si Kora, ang nanguna sa isang mapanghimagsik na grupo ng mga mang-uumog laban sa awtoridad ng mga inatasang lingkod ni Jehova na sina Moises at Aaron. Ano ang naging resulta ng pangahas na pagkilos na iyon? ‘Ibinuka ng lupa ang bibig nito at nilamon’ ang ilan sa mga rebelde, samantalang ang iba naman, kasama si Kora, ay tinupok ng apoy. (Bilang 16:1-3, 16-35; 26:10; Deuteronomio 11:6) Talaga ngang kasiraang-puri! Isaalang-alang din si Uzah, na may-kapangahasang nag-unat ng kaniyang kamay at sumunggab sa kaban ng tipan upang pigilan ang pagbagsak nito. Kaagad-agad siyang namatay. (2 Samuel 6:3-8) Tunay ngang napakahalaga na iwasan natin ang kapangahasan!
Ang isang mapagpakumbaba at mahinhing tao ay hindi dumaranas ng kasiraang-puri kahit na kapag siya ay nagkasala. Bagaman huwaran sa maraming bagay, si Job ay di-sakdal. Isiniwalat ng mga pagsubok sa kaniya na may malubhang kapintasan sa kaniyang pag-iisip. Nang ipagtanggol niya ang kaniyang sarili laban sa kaniyang mga tagapag-akusa, si Job ay naging di-timbang sa paanuman. Ipinahiwatig pa nga niya na siya ay mas matuwid sa Diyos. (Job 35:2, 3) Paano itinuwid ni Jehova ang pag-iisip ni Job?
Habang itinuturo ang lupa, dagat, mabituing kalangitan, ilan sa mga hayop, at iba pang kamangha-manghang mga nilalang, binigyan ni Jehova si Job ng isang aral hinggil sa kaliitan ng tao kung ihahambing sa kadakilaan ng Diyos. (Job, kabanata 38-41) Walang binanggit si Jehova tungkol sa dahilan ng pagdurusa ni Job. Hindi na Niya kailangang gawin ito. Mahinhin si Job. May-kapakumbabaang kinilala niya ang malaking pagkakaiba sa pagitan niya at ng Diyos, sa pagitan ng kaniyang di-kasakdalan at mga kahinaan at ng katuwiran at kapangyarihan ni Jehova. “Binabawi ko ang aking sinabi,” ang sabi niya, “at ako ay nagsisisi sa alabok at abo.” (Job 42:6) Ang katapatan ni Job ang pumatnubay sa kaniya upang maging handa na tumanggap ng pagsaway. Kumusta naman tayo? Yamang pinapatnubayan ng katapatan, handa ba tayong tumanggap ng pagsaway o pagtutuwid kapag kinakailangan ito?
Mahinhin at mapagpakumbaba rin si Moises. Nang siya’y nahahapo na sa pag-aasikaso ng mga problema ng iba, ang kaniyang biyenang lalaki, si Jetro, ay nagbigay ng praktikal na solusyon: Ibahagi ang ilang pananagutan sa ibang kuwalipikadong mga lalaki. Yamang kinikilala ang kaniyang sariling mga limitasyon, may-karunungang tinanggap ni Moises ang mungkahi. (Exodo 18:17-26; Bilang 12:3) Hindi nag-aatubili ang isang mahinhing lalaki na mag-atas ng awtoridad sa iba, ni natatakot man siya na sa paanuman ay mawala ang kaniyang kontrol sa pamamagitan ng pagbabahagi ng naaangkop na mga pananagutan sa ibang kuwalipikadong mga lalaki. (Bilang 11:16, 17, 26-29) Sa halip, siya ay nananabik na tulungan sila na sumulong sa espirituwal. (1 Timoteo 4:15) Hindi ba gayundin ang dapat nating gawin?
‘Tuwid ang Lakad ng Walang Kapintasan’
Yamang kinikilala na hindi laging ipinagsasanggalang ng katapatan ang matuwid mula sa panganib o kalamidad, sinabi ni Solomon: “Ang katapatan ng mga matuwid ang pumapatnubay sa kanila, ngunit ang pagpilipit ng mga nakikitungo nang may kataksilan ang mananamsam sa kanila.” (Kawikaan 11:3) Tunay na ginagabayan ng katapatan ang mga matuwid na gawin kung ano ang tama sa paningin ng Diyos, kahit sa ilalim ng mahihirap na kalagayan, at nagdudulot ito ng kapakinabangan sa kalaunan. Tumanggi si Job na talikdan ang kaniyang katapatan, at “pinagpala [ni Jehova] ang huling wakas ni Job nang higit pa kaysa sa kaniyang pasimula.” (Job 42:12) Maaaring nadarama niyaong nakikitungo sa iba nang may kataksilan na gumaganda ang kanilang buhay dahil sa kapahamakan ng iba at tila umaasenso pa nga sila sa loob ng ilang panahon. Ngunit sa malao’t madali, ang kanila mismong panlilinlang ang sisira sa kanila.
“Ang mahahalagang pag-aari ay hindi mapakikinabangan sa araw ng poot,” ang sabi ng matalinong hari, “ngunit katuwiran ang magliligtas mula sa kamatayan.” (Kawikaan 11:4) Tunay ngang isang kamangmangan ang magpaalipin sa materyal na pakinabang ngunit kinaliligtaan naman ang personal na pag-aaral, pananalangin, pagdalo sa mga pulong, at pakikibahagi sa ministeryo sa larangan—ang mismong mga gawain na nagpapasidhi ng ating pag-ibig sa Diyos at nagpapatibay ng ating debosyon sa kaniya! Walang anumang dami ng kayamanan ang makapagbibigay ng kaligtasan sa darating na malaking kapighatian. (Mateo 24:21) Tanging ang katuwiran ng matapat ang makapagliligtas. (Apocalipsis 7:9, 14) Kung gayon, matalino tayo kung pakikinggan natin ang pagsusumamo ni Zefanias: “Bago dumating sa inyo ang araw ng galit ni Jehova, hanapin ninyo si Jehova, ninyong lahat na maaamo sa lupa, na nagsasagawa ng Kaniyang hudisyal na pasiya. Hanapin ninyo ang katuwiran, hanapin ninyo ang kaamuan.” (Zefanias 2:2, 3) Samantala, gawin nating tunguhin na ‘parangalan si Jehova ng ating mahahalagang pag-aari.’—Kawikaan 3:9.
Bilang pagdiriin pa sa kahalagahan ng pagtataguyod ng katuwiran, inihambing ni Solomon ang kahihinatnan ng walang kapintasan sa kahihinatnan ng balakyot, na sinasabi: “Ang katuwiran ng walang kapintasan ang magtutuwid ng kaniyang lakad, ngunit sa kaniyang sariling kabalakyutan ay mabubuwal ang balakyot. Ang katuwiran ng mga matapat ang magliligtas sa kanila, ngunit dahil sa kanilang paghahangad ay mahuhuli yaong mga nakikitungo nang may kataksilan. Kapag namatay ang taong balakyot, ang kaniyang pag-asa ay naglalaho; at maging ang pag-asam na salig sa kapangyarihan ay naglaho. Ang matuwid ang siyang inililigtas mula sa kabagabagan, at ang balakyot ay pumapasok na kahalili niya.” (Kawikaan 11:5-8) Ang isa na walang kapintasan ay hindi nahuhulog sa kaniyang sariling mga daan ni nabibitag man sa kaniyang sariling mga pakikitungo. Tuwid ang kaniyang daan. Sa katapus-tapusan, ang mga matuwid ay ililigtas mula sa kabagabagan. Waring makapangyarihan ang balakyot, ngunit walang pagliligtas ang naghihintay sa kanila.
“Lubhang Nagagalak ang Bayan”
Ang katapatan ng matuwid at ang kabalakyutan ng mga manggagawa ng kasamaan ay may epekto rin sa ibang mga tao. “Sa pamamagitan ng kaniyang bibig ay ipinapahamak ng apostata ang kaniyang kapuwa,” ang sabi ng hari ng Israel, “ngunit sa pamamagitan ng kaalaman ay naliligtas ang mga matuwid.” (Kawikaan 11:9) Sino ang magkakaila na ang paninirang-puri, nakapipinsalang tsismis, malaswang pananalita, at walang-saysay na pagdadaldalan ay nakapipinsala sa iba? Sa kabilang dako, ang pananalita ng matuwid ay dalisay, pinag-isipang mabuti, at makonsiderasyon. Sa pamamagitan ng kaalaman ay naliligtas siya sapagkat pinaglalaanan siya ng kaniyang katapatan ng patotoong kinakailangan upang ipakita na ang kaniyang mga tagapag-akusa ay nagsisinungaling.
“Dahil sa kabutihan ng mga matuwid ay lubhang nagagalak ang bayan,” ang pagpapatuloy ng hari, “ngunit kapag namamatay ang mga balakyot ay may hiyaw ng kagalakan.” (Kawikaan 11:10) Karaniwan nang iniibig ng iba ang mga matuwid, at dahil sa kanila ay lubhang nagagalak ang kanilang kapuwa—maligaya at nasisiyahan. Sa totoo ay walang sinuman ang natutuwa sa “mga balakyot.” Kapag namatay ang mga balakyot, karaniwan nang hindi nagdadalamhati ang mga tao dahil sa kanila. Tiyak na walang anumang kalungkutan kapag ‘nilipol ni Jehova ang mga balakyot mula sa mismong lupa at bunutin ang mga mapandaya mula rito.’ (Kawikaan 2:21, 22) Sa halip, magkakaroon ng kagalakan dahil hindi na sila umiiral. Ngunit kumusta naman tayo? Makabubuting isaalang-alang natin kung ang ating paggawi ay nakapagdudulot ng kagalakan sa iba.
“Naitataas ang Bayan”
Bilang paghahambing pa sa epekto ng matuwid at ng balakyot sa isang komunidad, sinabi ni Solomon: “Dahil sa pagpapala ng mga matuwid ay naitataas ang bayan, ngunit dahil sa bibig ng mga balakyot ay nagigiba ito.”—Kawikaan 11:11.
Ang mga taong-bayan na sumusunod sa isang matuwid na landasin ay nagtataguyod ng kapayapaan at kasaganaan at nakapagpapatibay sa iba sa komunidad. Kaya ang bayan ay naitataas—ito ay nananagana. Yaong nagsasalita ng mga bagay na mapanirang-puri, nakasasakit, at mali ay nagdudulot ng kabagabagan, kalungkutan, pagkakabaha-bahagi, at kaguluhan. Totoo ito lalo na kapag ang mga indibiduwal na ito ay prominenteng mga tao. Ang gayong bayan ay dumaranas ng kaguluhan, katiwalian, at paghina sa moral at marahil sa kabuhayan.
Ang simulaing binanggit sa Kawikaan 11:11 ay kumakapit din sa bayan ni Jehova yamang nakikisama sila sa isa’t isa sa loob ng kanilang tulad-bayang mga kongregasyon. Ang isang kongregasyon kung saan may impluwensiya ang espirituwal na mga tao—mga matuwid na pinapatnubayan ng kanilang katapatan—ay isang grupo ng maligaya, aktibo, at matulunging mga tao, na nagdudulot ng karangalan sa Diyos. Pinagpapala ni Jehova ang kongregasyon, at nananagana ito sa espirituwal na paraan. Paminsan-minsan, ang ilan na maaaring di-kontento at di-nasisiyahan, na namumuna at nagsasalita nang may kapaitan hinggil sa kung paano ginagawa ang mga bagay-bagay, ay gaya ng isang “ugat na nakalalason” na maaaring kumalat at makalason sa iba na sa una ay hindi naaapektuhan. (Hebreo 12:15) Ang gayong mga tao ay madalas na naghahangad ng higit na awtoridad at katanyagan. Gumagawa sila ng mga usap-usapan na umiiral daw ang kawalang-katarungan, pagtatangi sa lahi, o mga gaya nito, sa loob ng kongregasyon o sa bahagi ng matatanda. Sa katunayan, ang kanilang bibig ay maaaring magdulot ng pagkakabaha-bahagi sa loob ng kongregasyon. Hindi ba dapat tayong tumangging makinig sa kanilang usap-usapan at sa halip ay magsikap na maging espirituwal na mga tao na nagtataguyod ng kapayapaan at pagkakaisa sa loob ng kongregasyon?
Sa pagpapatuloy, ganito ang sinabi ni Solomon: “Siyang kapos ang puso ay humahamak sa kaniyang kapuwa, ngunit ang taong may malawak na kaunawaan ang siyang nananatiling tahimik. Ang gumagala bilang maninirang-puri ay nagbubunyag ng lihim na usapan, ngunit ang may tapat na espiritu ay nagtatakip ng isang bagay.”—Kawikaan 11:12, 13.
Kaylaking pinsala nga ang naidudulot ng isa na nagkukulang sa kaunawaan, o “kapos ang puso”! Nagpapatuloy siya sa kaniyang walang-taros na pagsasalita hanggang sa umabot ito sa paninirang-puri o panlalait. Dapat na maging mabilis ang hinirang na matatanda na ihinto ang gayong masamang impluwensiya. Di-tulad ng isa na “kapos ang puso,” nalalaman ng taong may kaunawaan kung kailan mananatiling tahimik. Sa halip na ibunyag ang isang bagay na ipinagkatiwala sa kaniya, pinagtatakpan niya iyon. Yamang nalalaman na ang isang di-nababantayang dila ay makapagdudulot ng malaking pinsala, ang taong may unawa ay “may tapat na espiritu.” Siya ay matapat sa kaniyang mga kapananampalataya at hindi niya ibinubunyag ang lihim na mga bagay na maaaring magsapanganib sa kanila. Tunay na isang pagpapala sa kongregasyon ang gayong mga tagapag-ingat ng katapatan!
Upang matulungan tayong lumakad sa daan ng mga walang kapintasan, naglalaan si Jehova ng saganang suplay ng espirituwal na pagkain na inihanda sa ilalim ng patnubay ng “tapat at maingat Mateo 24:45) Tumatanggap din tayo ng malaking personal na tulong sa pamamagitan ng Kristiyanong matatanda sa loob ng ating tulad-bayang mga kongregasyon. (Efeso 4:11-13) Tunay na tayo ay nagpapasalamat dahil sa mga ito, sapagkat “kung walang mahusay na patnubay, ang bayan ay bumabagsak; ngunit may kaligtasan sa karamihan ng mga tagapayo.” (Kawikaan 11:14) Anuman ang mangyari, nawa’y maging determinado tayo na ‘lumakad sa ating katapatan.’—Awit 26:1.
na alipin.” ([Blurb sa pahina 26]
Tunay ngang isang kamangmangan ang magpaalipin sa materyal na pakinabang ngunit kinaliligtaan naman ang teokratikong mga gawain!
[Mga larawan sa pahina 24]
Si Job ay ginabayan ng kaniyang katapatan, at pinagpala siya ni Jehova
[Larawan sa pahina 25]
Namatay si Uzah dahil sa kaniyang kapangahasan