Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Katalinuhan ba para sa isang tunay na Kristiyano na dumalo sa isang libing o isang kasal sa simbahan?

Ang pakikibahagi natin sa anumang anyo ng huwad na relihiyon ay hindi nakalulugod kay Jehova at dapat na iwasan. (2 Corinto 6:14-17; Apocalipsis 18:4) Ang isang libing sa simbahan ay isang relihiyosong serbisyo na malamang na nagsasangkot ng isang sermon na nagtataguyod ng di-makakasulatang mga ideya gaya ng imortalidad ng kaluluwa at ng makalangit na gantimpala sa lahat ng mabubuting tao. Maaaring kalakip dito ang mga kaugaliang gaya ng pag-aantanda o pananalanging kasama ng isang pari o ministro. Ang mga panalangin at iba pang relihiyosong gawain na salungat sa turo ng Bibliya ay maaaring bahagi rin ng isang relihiyosong seremonya sa kasal na ginaganap sa simbahan o sa ibang lugar. Yamang nasa gitna ng isang grupo na ang lahat ay nakikibahagi sa huwad na relihiyosong gawain, maaaring maging mahirap para sa isang Kristiyano na labanan ang panggigipit na makibahagi. Hindi nga katalinuhan na ilantad ang sarili sa gayong panggigipit!

Paano kung nadarama ng isang Kristiyano na obligado siyang dumalo sa isang kasal o libing na isasagawa sa simbahan? Halimbawa, maaaring himukin ng isang di-sumasampalatayang asawang lalaki ang kaniyang Kristiyanong asawang babae na sumama sa kaniya sa gayong okasyon. Maaari ba siyang sumama sa kaniya bilang isang tahimik na tagapagmasid? Bilang pagpapakundangan sa mga kahilingan ng kaniyang asawang lalaki, maaaring ipasiya ng asawang babae na sumama sa kaniya, anupat determinadong hindi makibahagi sa anumang relihiyosong mga seremonya. Sa kabilang dako naman, maaari siyang magpasiya na hindi sumama, palibhasa’y iniisip na ang emosyonal na kagipitang idudulot ng gayong mga kalagayan ay napakabigat para sa kaniya, na malamang na umakay sa kaniya na ikompromiso ang makadiyos na mga simulain. Siya mismo ang dapat na magpasiya. Tiyak na nanaisin niyang magkaroon ng panatag na puso, anupat nagtataglay ng isang malinis na budhi.​—1 Timoteo 1:19.

Anuman ang ipasiya, makabubuti kung ipaliliwanag niya sa kaniyang asawang lalaki na hindi ipahihintulot ng kaniyang budhi na makibahagi siya sa anumang relihiyosong mga seremonya o makisali sa pag-awit ng mga himno o magyukod ng kaniyang ulo kapag nanalangin. Salig sa kaniyang paliwanag, malamang na mahinuha ng asawang lalaki na maaaring magbangon ng di-kaayaayang mga kalagayan para sa kaniya ang pagkanaroroon ng kaniyang asawang babae. Maaari niyang piliin na pumunta na lamang nang mag-isa udyok ng pag-ibig sa kaniyang asawang babae, paggalang sa mga paniniwala nito, o pagnanais na maiwasan ang anumang pagkapahiya. Subalit kung ipagpilitan niyang dapat itong sumama sa kaniya, maaaring sumama ang asawang babae bilang tagapagmasid lamang.

Dapat ding pag-isipan ng isa kung paano makaaapekto sa mga kapananampalataya ang ating pagdalo sa isang relihiyosong gusali. Masasaktan kaya nito ang budhi ng ilan? Pahihinain kaya nito ang kanilang pagtutol laban sa pagsasagawa ng idolatriya? “Tiyakin ninyo ang mga bagay na higit na mahalaga,” ang paalaala ni apostol Pablo, “upang kayo ay maging walang kapintasan at hindi makatisod sa iba hanggang sa araw ni Kristo.”​—Filipos 1:10.

Kung ang okasyon ay nagsasangkot sa isang malapít na kamag-anak, malamang na may higit pang mga panggigipit ng pamilya. Anuman ang mangyari, dapat timbanging mabuti ng isang Kristiyano ang lahat ng mga salik na nasasangkot. Sa ilang kalagayan ay maaaring mahinuha ng asawang lalaki o babae na wala namang babangong mga suliranin mula sa pagdalo sa isang libing o isang kasal sa simbahan bilang isang tagapagmasid. Gayunman, may mga kalagayan na ang pagdalo ay malamang na magdulot ng pinsala sa sariling budhi ng isa o ng iba na siyang mas nakahihigit sa posibleng mga pakinabang ng pagkanaroroon. Anuman ang kalagayan, dapat tiyakin ng isang Kristiyano na ang kaniyang pasiya ay hindi makahahadlang sa kaniyang pag-iingat ng isang mabuting budhi sa harap ng Diyos at ng mga tao.