Pakikinabang sa Maibiging-Kabaitan ni Jehova
Pakikinabang sa Maibiging-Kabaitan ni Jehova
“Sino ba ang marunong? Siya ay magbibigay-pansin sa mga gawa ng maibiging-kabaitan ni Jehova.”—AWIT 107:43.
1. Kailan kauna-unahang ginamit sa Bibliya ang pananalitang “maibiging-kabaitan,” at anong mga tanong hinggil sa katangiang ito ang isasaalang-alang natin?
MGA 4,000 taon na ang nakalilipas, ang pamangkin ni Abraham na si Lot ay nagsabi kay Jehova: “Pinalalawak mo ang iyong maibiging-kabaitan.” (Genesis 19:19) Ito ang kauna-unahang pagkakataon na lumitaw sa Bibliya ang pananalitang “maibiging-kabaitan.” Sina Jacob, Noemi, David, at iba pang lingkod ng Diyos ay nagsalita rin tungkol sa katangiang ito ni Jehova. (Genesis 32:10; Ruth 1:8; 2 Samuel 2:6) Sa katunayan, ang terminong “maibiging-kabaitan” ay lumilitaw ng mga 250 ulit sa Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan. Ngunit ano ba ang maibiging-kabaitan ni Jehova? Kanino niya ito ipinakita noon? At paano tayo nakikinabang dito sa ngayon?
2. Bakit ang salitang Hebreo na isinaling “maibiging-kabaitan” ay napakahirap bigyan ng kahulugan, at ano ang isang angkop na kahaliling salin nito?
2 Sa Kasulatan, ang “maibiging-kabaitan” ay isang salin ng Hebreong termino na punung-puno ng kahulugan anupat walang maitumbas na isang salita ang karamihan ng mga wika upang makuha ang eksaktong diwa nito. Samakatuwid, hindi makuha ng mga salin na gaya ng “pag-ibig,” “awa,” at “katapatan” ang kumpletong kahulugan nito. Subalit, ang mas malawak na saling “maibiging-kabaitan” ay “hindi malayo sa ganap na kahulugan ng salita,” ang sabi ng Theological Wordbook of the Old Testament. Angkop naman ang ibinigay ng New World Translation of the Holy Scriptures—With References na pananalitang “matapat na pag-ibig” bilang kahalili ng Hebreong termino na isinaling “maibiging-kabaitan.”—Exodo 15:13; Awit 5:7; talababa sa Ingles.
Naiiba sa Pag-ibig at Pagkamatapat
3. Paano naiiba ang maibiging-kabaitan sa pag-ibig?
3 Ang maibiging-kabaitan, o matapat na pag-ibig, ay may malapit na kaugnayan sa mga katangian na pag-ibig at pagkamatapat. Subalit, iyon ay naiiba sa mga ito sa mahahalagang paraan. Isaalang-alang kung paano nagkakaiba ang maibiging-kabaitan at ang pag-ibig. Ang pag-ibig ay maaaring ikapit sa mga bagay at mga ideya. Binabanggit ng Bibliya ang tungkol sa “umiibig sa alak at langis” at “umiibig sa karunungan.” (Kawikaan 21:17; 29:3) Subalit ang maibiging-kabaitan ay may kaugnayan sa mga tao, hindi sa mga ideya o mga bagay na walang buhay. Halimbawa, nasasangkot ang mga tao nang sabihin sa Exodo 20:6 na si Jehova ay “nagpapakita ng maibiging-kabaitan sa ikasanlibong salinlahi.”
4. Paano naiiba ang maibiging-kabaitan sa pagkamatapat?
4 Mas malawak din ang kahulugan ng salitang Hebreo na isinaling “maibiging-kabaitan” kaysa sa salitang “pagkamatapat.” Sa ilang wika, ang “pagkamatapat” ay karaniwan nang ginagamit para sa saloobing dapat ipakita ng isang nakabababa sa isang nakatataas. Subalit gaya ng sabi ng isang mananaliksik, mula sa pangmalas ng Bibliya, ang maibiging-kabaitan “ay mas madalas na tumutukoy sa mismong kabaligtaran ng ugnayan: ang nakatataas ay matapat sa mahina o sa nangangailangan o sa nakabababa.” Kaya naman maaaring magsumamo si Haring David kay Jehova: “Pasinagin mo ang iyong mukha sa iyong lingkod. Iligtas mo ako sa iyong maibiging-kabaitan.” (Awit 31:16) Si Jehova na nakatataas, ay hinihilingan na magpakita ng maibiging-kabaitan, o matapat na pag-ibig, sa nangangailangan na si David. Yamang ang nangangailangan ay walang awtoridad sa nakatataas, ang maibiging-kabaitang ipinakita sa gayong kalagayan ay ipinamamalas nang maluwag sa kalooban, hindi napipilitan.
5. (a) Anong mga katangian ng maibiging-kabaitan ng Diyos ang itinatampok sa kaniyang Salita? (b) Anong mga kapahayagan ng maibiging-kabaitan ni Jehova ang ating isasaalang-alang?
5 “Sino ba ang marunong?” tanong ng salmista. ‘Siya ay magbibigay-pansin sa mga gawa ng maibiging-kabaitan ni Jehova.’ (Awit 107:43) Ang maibiging-kabaitan ni Jehova ay maaaring magbunga ng pagliligtas at pag-iingat. (Awit 6:4; 119:88, 159) Ito ay isang proteksiyon at isang salik na nagdudulot ng kaginhawahan mula sa mga problema. (Awit 31:16, 21; 40:11; 143:12) Dahil sa katangiang ito, posibleng makalaya mula sa kasalanan. (Awit 25:7) Sa pagrerepaso ng ilang ulat sa Kasulatan at pagbibigay-pansin sa iba pang mga teksto sa Bibliya, makikita natin na ang maibiging-kabaitan ni Jehova ay (1) ipinahahayag sa pamamagitan ng espesipikong mga gawa at (2) nadarama ng kaniyang tapat na mga lingkod.
Pagliligtas—Isang Kapahayagan ng Maibiging-Kabaitan
6, 7. (a) Paano pinalawak ni Jehova ang kaniyang maibiging-kabaitan sa nangyari kay Lot? (b) Kailan binanggit ni Lot ang maibiging-kabaitan ni Jehova?
6 Marahil ang pinakamabuting paraan ng pagtiyak sa nasasaklaw ng maibiging-kabaitan ni Jehova ay ang pagsusuri sa mga ulat ng Kasulatan may kinalaman sa katangiang ito. Sa Genesis 14:1-16, nakita natin na si Lot, pamangkin ni Abraham, ay kinuha ng mga puwersa ng kaaway. Subalit iniligtas ni Abraham si Lot. Ang buhay ni Lot ay muling nanganib nang ipasiya ni Jehova na puksain ang balakyot na lunsod ng Sodoma, kung saan nakatira si Lot at ang kaniyang pamilya.—Genesis 18:20-22; 19:12, 13.
Genesis 19:16, 19) Sa mga salitang ito ay kinilala ni Lot na si Jehova ay nagpakita ng natatanging maibiging-kabaitan sa pamamagitan ng pagliligtas sa kaniya. Sa pangyayaring ito, ang maibiging-kabaitan ng Diyos ay inihayag sa pamamagitan ng pagliligtas at pag-iingat.—2 Pedro 2:7.
7 Nang malapit nang wasakin ang Sodoma, inakay ng mga anghel ni Jehova si Lot at ang kaniyang pamilya palabas ng lunsod. Noon ay sinabi ni Lot: “Ang iyong lingkod ay nakasumpong ng lingap sa iyong paningin kung kaya pinalalawak mo ang iyong maibiging-kabaitan, na ipinakikita mo sa akin upang ingatang buháy ang aking kaluluwa.” (Ang Maibiging-Kabaitan ni Jehova at ang Kaniyang Patnubay
8, 9. (a) Ano ang iniatas sa lingkod ni Abraham? (b) Bakit nanalangin ang lingkod ukol sa maibiging-kabaitan ng Diyos, at ano ang nangyari habang siya ay nananalangin?
8 Sa Genesis kabanata 24, mababasa natin ang isa pang kapahayagan ng maibiging-kabaitan, o matapat na pag-ibig ng Diyos. Sinasabi ng ulat na inatasan ni Abraham ang kaniyang lingkod na maglakbay patungo sa lupaing kinaroroonan ng mga kamag-anak ni Abraham upang humanap ng isang asawa para sa kaniyang anak na si Isaac. (Talatang 2-4) Mabigat ang misyong iyon, subalit tiniyak sa lingkod na ito na siya ay papatnubayan ng anghel ni Jehova. (Talatang 7) Nang dakong huli, nakarating ang lingkod sa isang balon sa labas ng “lunsod ni Nahor” (alinman sa Haran o sa isang karatig na dako) halos kasabay ng pagdating ng mga babae upang sumalok ng tubig. (Talatang 10, 11) Nang makita niya ang mga babaing papalapit, alam niyang sumapit na ang pinakamaselan na sandali ng kaniyang misyon. Subalit paano kaya niya makikilala ang tamang babae?
9 Palibhasa’y batid niyang kailangan niya ang tulong ng Diyos, nanalangin ang lingkod ni Abraham: “Jehova na Diyos ng aking panginoong si Abraham, pakisuyo, pangyarihin mong maganap ito sa harap ko sa araw na ito at magpakita ka ng maibiging-kabaitan sa aking panginoong si Abraham.” (Talatang 12) Paano kaya maihahayag ni Jehova ang kaniyang maibiging-kabaitan? Humiling ang lingkod ng isang espesipikong tanda na magpapakilala sa kaniya sa kabataang babae na pinili ng Diyos. (Talatang 13, 14) Isang babae ang gumawa mismo ng kaniyang hiniling kay Jehova. Aba, para bang naulinigan nito ang panalangin niya! (Talatang 15-20) Sa labis na pagtataka, ang lingkod “ay nakatitig sa kaniya sa pagkamangha.” Gayunman, kailangan pa ring matiyak ang ilang mahahalagang bagay. Kamag-anak kaya ni Abraham ang magandang babaing ito? At dalaga pa kaya siya? Kaya ang lingkod ay nanatiling “tahimik upang malaman kung pinagtagumpay ni Jehova ang kaniyang paglalakbay o hindi.”—Talatang 16, 21.
10. Bakit nasabi ng lingkod ni Abraham na si Jehova ay nagpahayag ng maibiging-kabaitan sa kaniyang panginoon?
10 Di-nagtagal, nagpakilala ang kabataang babae bilang “ang anak ni Betuel na anak ni Milca, na ipinanganak niya kay Nahor [na kapatid ni Abraham].” (Genesis 11:26; 24:24) Nang sandaling iyon ay napagtanto ng lingkod na sinagot na ni Jehova ang kaniyang panalangin. Udyok ng damdamin, yumukod siya at nagsabi: “Pagpalain si Jehova na Diyos ng aking panginoong si Abraham, na hindi naglayo ng kaniyang maibiging-kabaitan at ng kaniyang pagiging mapagkakatiwalaan sa aking panginoon. Habang ako ay nasa daan, inakay ako ni Jehova sa bahay ng mga kapatid ng aking panginoon.” (Talatang 27) Sa paglalaan ng patnubay, nagpakita ang Diyos ng maibiging-kabaitan kay Abraham, ang panginoon ng lingkod na iyon.
Nagdudulot ng Ginhawa at Proteksiyon ang Maibiging-Kabaitan ng Diyos
11, 12. (a) Sa panahon ng anong mga pagsubok nadama ni Jose ang maibiging-kabaitan ni Jehova? (b) Paano ipinahayag ang maibiging-kabaitan ng Diyos sa nangyari kay Jose?
11 Ngayon, isaalang-alang naman natin ang Genesis kabanata 39. Ito ay nakasentro sa apo sa tuhod ni Abraham na si Jose, na ipinagbili sa pagkaalipin sa Ehipto. Magkagayunman, “si Jehova ay sumasa kay Jose.” (Talatang 1, 2) Sa katunayan, maging ang Ehipsiyong panginoon ni Jose, si Potipar, ay nagsabi na si Jehova ay sumasa kay Jose. (Talatang 3) Gayunman, si Jose ay napaharap sa isang napakabigat na pagsubok. Siya ay may-kabulaanang pinaratangan ng seksuwal na pang-aabuso sa asawa ni Potipar at siya’y nabilanggo. (Talatang 7-20) Sa loob ng “bilangguang lungaw” ay “sinaktan nila ng mga pangaw ang kaniyang mga paa, sa mga bakal ay nalagay ang kaniyang kaluluwa.”—Genesis 40:15; Awit 105:18.
12 Ano kaya ang nangyari sa panahon ng napakahirap na karanasang iyon? “Si Jehova ay nanatiling sumasa kay Jose at patuloy na naggagawad ng maibiging-kabaitan sa kaniya.” (Talatang 21a) Dahil sa isang partikular na gawa ng maibiging-kabaitan, nagsimula ang sunud-sunod na mga pangyayari na nang maglaon ay nagdulot ng ginhawa mula sa mga problemang nararanasan ni Jose. Ipinahintulot ni Jehova na si Jose ay “makasumpong ng lingap sa paningin ng punong opisyal ng bahay-bilangguan.” (Talatang 21b) Dahil dito, si Jose ay inatasan ng opisyal sa isang mahalagang posisyon. (Talatang 22) Sumunod, nakasama ni Jose ang isang lalaki na noong dakong huli ay nagpakilala sa kaniya kay Paraon, ang tagapamahala ng Ehipto. (Genesis 40:1-4, 9-15; 41:9-14) Bunga nito, itinaas ng hari si Jose sa tungkulin ng pagiging pangalawang tagapamahala sa Ehipto, na nagpangyari naman upang magawa niya ang isang nagliligtas-buhay na gawain sa lupain ng Ehipto na sinasalanta ng taggutom. (Genesis 41:37-55) Ang pagdurusa ni Jose ay nagsimula noong siya ay 17 taóng gulang at tumagal nang mahigit sa 12 taon! (Genesis 37:2, 4; 41:46) Subalit sa lahat ng mga taóng iyon ng kabagabagan at kapighatian, ipinamalas ng Diyos na Jehova ang kaniyang maibiging-kabaitan kay Jose sa pamamagitan ng pagbibigay ng proteksiyon sa kaniya mula sa malubhang kalamidad at pag-iingat sa kaniya para sa isang natatanging papel may kinalaman sa layunin ng Diyos.
Hindi Kailanman Nabibigo ang Maibiging-Kabaitan ng Diyos
13. (a) Anong mga kapahayagan ng maibiging-kabaitan ni Jehova ang masusumpungan sa Awit 136? (b) Ano ba talaga ang maibiging-kabaitan?
13 Paulit-ulit na ipinahayag ni Jehova ang kaniyang maibiging-kabaitan sa mga Israelita bilang isang bayan. Isinaysay sa Awit 136 na dahil sa kaniyang maibiging-kabaitan, pinagkalooban niya sila ng kaligtasan (Talatang 10-15), patnubay (Talatang 16), at proteksiyon. (Talatang 17-20) Ang Diyos ay nagpakita rin ng maibiging-kabaitan sa mga indibiduwal. Ang isang tao na nagpapakita ng maibiging-kabaitan sa kapuwa ay gumagawa niyaon sa pamamagitan ng boluntaryong mga gawa sa layuning masapatan ang mahalagang pangangailangan. May kinalaman sa maibiging-kabaitan, isang reperensiyang akda sa Bibliya ang nagsasabi: “Ito ay isang gawa na nag-iingat o nagtataguyod ng buhay. Ito ay tulong para sa isa na dumaranas ng kasawian o kagipitan.” Inilalarawan ito ng isang iskolar bilang ang “pag-ibig na nakikita sa gawa.”
14, 15. Bakit tayo makatitiyak na si Lot ay isang sinang-ayunang lingkod ng Diyos?
14 Ipinakikita sa atin ng sinuri nating mga ulat sa Genesis na si Jehova ay palaging nagpapamalas ng maibiging-kabaitan sa mga umiibig sa kaniya. Sina Lot, Abraham, at Jose ay nabuhay sa ilalim ng iba’t ibang kalagayan at napaharap sa iba’t ibang pagsubok. Sila ay di-sakdal na mga tao, subalit sila ay sinang-ayunang mga lingkod ni Jehova, at sila ay nangailangan ng tulong ng Diyos. Naaaliw tayo sa pagkaalam na ang ating maibiging Ama sa langit ay nagpamalas ng maibiging-kabaitan sa gayong mga indibiduwal.
15 Si Lot ay nakagawa ng ilang maling desisyon na humantong sa mga paghihirap. (Genesis 13:12, 13; 14:11, 12) Subalit, nagpakita rin naman siya ng kapuri-puring mga katangian. Nang dumating sa Sodoma ang dalawa sa mga anghel ng Diyos, si Lot ay naging mapagpatuloy sa kanila. (Genesis 19:1-3) May-pananampalataya niyang binigyan ng babala ang kaniyang mga manugang tungkol sa nalalapit na pagkawasak ng Sodoma. (Genesis 19:14) Ang pangmalas ng Diyos kay Lot ay masusumpungan sa 2 Pedro 2:7-9, na ating kababasahan: “Iniligtas [ni Jehova] ang matuwid na si Lot, na lubhang nabagabag sa pagpapakasasa sa mahalay na paggawi ng mga taong sumasalansang sa batas—sapagkat ang taong matuwid na iyon, sa kaniyang nakita at narinig habang naninirahan sa gitna nila sa araw-araw, ay napahihirapan ang kaniyang matuwid na kaluluwa dahilan sa kanilang mga gawang tampalasan—alam ni Jehova kung paano magligtas ng mga taong may makadiyos na debosyon mula sa pagsubok.” Oo, si Lot ay isang matuwid na lalaki, at ang pananalita rito ay nagpapahiwatig na siya ay isang taong may makadiyos na debosyon. Tulad niya, tinatamasa natin ang maibiging-kabaitan ng Diyos habang tayo ay abala “sa banal na mga paggawi at mga gawa ng makadiyos na debosyon.”—2 Pedro 3:11, 12.
16. Sa anong magagandang termino tinutukoy ng Bibliya sina Abraham at Jose?
16 Ang ulat sa Genesis kabanata 24 ay maliwanag na nagpapakita ng malapít na kaugnayan ni Abraham kay Jehova. Sinasabi sa unang talata na “pinagpala ni Jehova si Abraham sa lahat ng bagay.” Tinawag ng lingkod ni Abraham si Jehova na “Diyos ng aking panginoong si Abraham.” (Talatang 12, 27) At sinabi ng alagad na si Santiago na si Abraham ay “ipinahayag na matuwid” at “tinawag na ‘kaibigan ni Jehova.’ ” (Santiago 2:21-23) Totoong-totoo rin ito kay Jose. Ang malapít na kaugnayan ni Jehova at ni Jose ay idiniriin sa kabuuan ng Genesis kabanata 39. (Talatang 2, 3, 21, 23) Bukod diyan, patungkol kay Jose, sinabi ng alagad na si Esteban: “Ang Diyos ay sumasakaniya.”—Gawa 7:9.
17. Ano ang matututuhan natin sa mga halimbawa nina Lot, Abraham, at Jose?
17 Ang mga tumanggap ng maibiging-kabaitan ng Diyos na katatalakay pa lamang natin ay mga indibiduwal na nagkaroon ng mabuting kaugnayan sa Diyos na Jehova at naglingkod ukol sa kaniyang layunin sa iba’t ibang paraan. Napaharap sila sa mga hadlang na hindi sana nila napagtagumpayan kung sa ganang sarili lamang nila. Nakataya rito ang pag-iingat sa buhay ni Lot, ang pagpapatuloy ng angkan ni Abraham, at ang pagsasanggalang sa papel ni Jose. Tanging si Jehova lamang ang makasasapat sa mga pangangailangan ng makadiyos na mga lalaking ito, at iyon nga ang ginawa niya sa pamamagitan ng mga gawa ng maibiging-kabaitan. Upang madama natin ang maibiging-kabaitan ng Diyos magpakailanman, dapat din tayong magkaroon ng isang malapít na personal na kaugnayan sa kaniya, at dapat na patuloy nating gawin ang kaniyang kalooban.—Ezra 7:28; Awit 18:50.
Nililingap ang mga Lingkod ng Diyos
18. Ano ang ipinahihiwatig ng iba’t ibang teksto sa Bibliya tungkol sa maibiging-kabaitan ni Jehova?
18 “Ang lupa ay pinunô” ng maibiging-kabaitan ni Jehova, at lubos nating pinasasalamatan ang katangiang iyan ng Diyos! (Awit 119:64) Buong-puso tayong sumasagot sa awit ng salmista: “O magpasalamat nawa ang mga tao kay Jehova dahil sa kaniyang maibiging-kabaitan at dahil sa kaniyang mga kamangha-manghang gawa sa mga anak ng mga tao.” (Awit 107:8, 15, 21, 31) Natutuwa tayo na ipinaaabot ni Jehova ang kaniyang maibiging-kabaitan sa kaniyang sinang-ayunang mga lingkod—bilang mga indibiduwal man o bilang isang grupo. Sa panalangin, tinawag ni propeta Daniel si Jehova bilang “tunay na Diyos, ang Isa na dakila at ang Isa na kakila-kilabot, na nag-iingat ng tipan at ng maibiging-kabaitan doon sa mga umiibig sa kaniya at doon sa mga nag-iingat ng kaniyang mga utos.” (Daniel 9:4) Nanalangin si Haring David: “Panatilihin mo ang iyong maibiging-kabaitan sa mga nakakakilala sa iyo.” (Awit 36:10) Kaylaki nga ng pasasalamat natin sa paghahayag ni Jehova ng maibiging-kabaitan sa kaniyang mga lingkod!—1 Hari 8:23; 1 Cronica 17:13.
19. Sa susunod na artikulo, anong mga tanong ang isasaalang-alang natin?
19 Talaga ngang nililingap tayo bilang bayan ni Jehova! Bukod sa nakikinabang tayo sa pag-ibig ng Diyos na ipinakikita sa sangkatauhan sa pangkalahatan, nagtatamasa rin tayo ng pantanging mga pagpapala dahil sa maibiging-kabaitan, o matapat na pag-ibig, ng ating makalangit na Ama. (Juan 3:16) Nakikinabang tayo mula sa mahalagang katangiang ito ni Jehova lalo na sa panahon ng kagipitan. (Awit 36:7) Subalit paano kaya natin matutularan ang maibiging-kabaitan ng Diyos na Jehova? Nagpapamalas ba tayo ng kahanga-hangang katangiang ito bilang mga indibiduwal? Ang mga ito at ang kaugnay na mga tanong ay isasaalang-alang sa susunod na artikulo.
Natatandaan Mo Ba?
• Ano ang kahaliling salin sa Kasulatan ng “maibiging-kabaitan”?
• Paano naiiba ang maibiging-kabaitan sa pag-ibig at pagkamatapat?
• Sa anu-anong paraan nagpakita si Jehova ng maibiging-kabaitan kina Lot, Abraham, at Jose?
• Anong katiyakan ang makukuha natin mula sa nakaraang mga kapahayagan ni Jehova ng maibiging-kabaitan?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 13]
Alam mo ba kung paano nagpakita ang Diyos ng maibiging-kabaitan kay Lot?
[Mga larawan sa pahina 15]
Sa kaniyang maibiging-kabaitan, pinatnubayan ni Jehova ang lingkod ni Abraham
[Mga larawan sa pahina 16]
Inihayag ni Jehova ang maibiging-kabaitan sa pamamagitan ng pag-iingat kay Jose