Pinahahalagahan Mo ba ang Pag-ibig ng Diyos?
Pinahahalagahan Mo ba ang Pag-ibig ng Diyos?
MINSAN ay inilarawan ng taong si Job ang di-sakdal na kalagayan ng tao sa mga pananalitang ito: “Ang tao, na ipinanganak ng babae, ay maikli ang buhay at lipos ng kaligaligan. Tulad ng bulaklak ay sumisibol siya at pinuputol, at siya ay tumatakas na tulad ng anino at hindi nananatili.” (Job 14:1, 2) Ang buhay, gaya ng naranasan noon ni Job, ay punô ng dalamhati at lumbay. Nadama mo na rin ba ang gayon?
Subalit, sa kabila ng lahat ng mga paghihirap at mga problemang napapaharap sa atin, may umiiral na matibay na pag-asa, isa na nakasalig sa pagkamahabagin at pag-ibig ng Diyos. Una sa lahat, ang ating maibiging makalangit na Ama ay naglaan ng haing pantubos upang tubusin ang sangkatauhan mula sa kanilang makasalanang kalagayan. Ayon sa Juan 3:16, 17, sinabi ni Jesu-Kristo: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan [ng sangkatauhan] anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. Sapagkat isinugo ng Diyos ang kaniyang Anak [si Jesus] sa sanlibutan, hindi upang hatulan niya ang sanlibutan, kundi upang ang sanlibutan ay maligtas sa pamamagitan niya.”
Isaalang-alang din ang mabait na saloobin ng Diyos hinggil sa atin na mga taong di-sakdal. Ipinahayag ni apostol Pablo: “Ginawa niya mula sa isang tao ang bawat bansa ng mga tao, upang tumahan sa ibabaw ng buong lupa, at itinalaga niya ang mga takdang panahon at ang tiyak na mga hangganan ng pananahanan ng mga tao, upang hanapin nila ang Diyos, kung maaapuhap nila siya at talagang masusumpungan siya, bagaman, sa katunayan, hindi siya malayo sa bawat isa sa atin.” (Gawa 17:26, 27) Isip-isipin ito! Bagaman tayo ay mga taong di-sakdal, maaari pa rin tayong magtamasa ng isang personal na kaugnayan sa ating maibiging Maylalang, ang Diyos na Jehova.
Kung gayon, may pagtitiwala nating mahaharap ang kinabukasan, sa pagkaalam na ang Diyos ay nagmamalasakit sa atin at maibiging naglaan para sa ating walang-hanggang kapakinabangan. (1 Pedro 5:7; 2 Pedro 3:13) Kung gayon, tunay na taglay natin ang lahat ng dahilan na higit na matuto tungkol sa ating maibiging Diyos sa pamamagitan ng pag-aaral ng kaniyang Salita, ang Bibliya.