Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Sino ang Diyos?

Sino ang Diyos?

Sino ang Diyos?

“DIYOS ang pangalang karaniwang ibinibigay sa pinakadakilang pinagmulan at kapangyarihan ng sansinukob at ang pinag-uukulan ng relihiyosong debosyon,” ang sabi ng The Encyclopedia Americana. Binibigyan-kahulugan ng isang diksyunaryo ang katagang “Diyos” bilang “ang kataas-taasan o sukdulang katunayan.” Ano ba ang katangian ng gayong kagila-gilalas na katunayan?

Ang Diyos ba ay isang di-personal na puwersa o isang tunay na persona? May pangalan ba siya? Siya ba ay may tatluhang katauhan, isang Trinidad, gaya ng paniwala ng marami? Paano natin makikilala ang Diyos? Ang Bibliya ay nagbibigay ng makatotohanan at kasiya-siyang mga kasagutan sa mga tanong na ito. Sa katunayan, hinihimok tayo nito na hanapin ang Diyos, na sinasabi: “Hindi siya malayo sa bawat isa sa atin.”​—Gawa 17:27.

Isang Di-personal na Puwersa o Isang Tunay na Persona?

Iniisip ng marami na naniniwala sa Diyos na siya ay isang puwersa, hindi isang persona. Halimbawa, sa ilang kultura ang mga diyos ay iniuugnay sa mga puwersa ng kalikasan. Ang ilan na nagsuri sa katibayang natipon sa pamamagitan ng makasiyensiyang pananaliksik may kinalaman sa kayarian ng sansinukob at sa kalikasan ng buhay sa lupa ay naghinuha na dapat ay may Unang Nagpangyari nito. Gayunpaman, nag-aatubili silang iugnay ang Nagpangyaring ito sa isang persona.

Subalit, hindi ba’t ang pagiging masalimuot ng paglalang ay nagpapahiwatig na ang Unang Nagpangyari nito ay nagtataglay ng dakilang katalinuhan? Ang katalinuhan ay nangangailangan ng isipan. Ang dakilang kaisipan na siyang dahilan ng lahat ng paglalang ay nauukol sa persona ng Diyos. Oo, ang Diyos ay may katawan, hindi isang pisikal na katawan na katulad ng sa atin, kundi isang espirituwal na katawan. “Kung may katawang pisikal,” ang sabi ng Bibliya, “mayroon ding espirituwal.” (1 Corinto 15:44) Sa pagpapaliwanag hinggil sa kalikasan ng Diyos, malinaw na sinasabi ng Bibliya: “Ang Diyos ay Espiritu.” (Juan 4:24) Ang isang espiritu ay may anyo ng buhay na lubhang naiiba sa atin, at hindi ito nakikita ng mata ng tao. (Juan 1:18) Mayroon ding di-nakikitang espiritung mga nilalang. Ito ay mga anghel​—“ang mga anak ng tunay na Diyos.”​—Job 1:6; 2:1.

Yamang ang Diyos ay isang di-nilalang na persona na may espirituwal na katawan, makatuwiran lamang na mayroon siyang dakong tirahan. Sa pagtukoy sa dako ng mga espiritu, sinasabi sa atin ng Bibliya na ang langit ang “tatag na dakong tinatahanan” ng Diyos. (1 Hari 8:43) Binabanggit din ng manunulat ng Bibliya na si Pablo: ‘Si Kristo ay pumasok sa langit mismo upang humarap sa mismong persona ng Diyos para sa atin.’​—Hebreo 9:24.

Ang salitang “espiritu” ay ginagamit din sa Bibliya sa iba pang diwa. Ipinatutungkol ang kaniyang panalangin sa Diyos, sinabi ng salmista: “Kung isusugo mo ang iyong espiritu, sila ay nalalalang.” (Awit 104:30) Ang espiritung ito ay hindi ang Diyos mismo kundi ang puwersa na isinusugo, o ginagamit ng Diyos, upang gawin ang anumang kaniyang naisin. Sa pamamagitan nito, nilalang ng Diyos ang pisikal na langit, ang lupa, at ang lahat ng nabubuhay na bagay. (Genesis 1:2; Awit 33:6) Ang kaniyang espiritu ay tinatawag na banal na espiritu. Ginamit ng Diyos ang kaniyang banal na espiritu upang kasihan ang mga lalaki na sumulat ng Bibliya. (2 Pedro 1:20, 21) Kaya, ang banal na espiritu ang di-nakikitang aktibong puwersa na ginagamit ng Diyos upang isakatuparan ang kaniyang mga layunin.

May Natatanging Pangalan ang Diyos

Nagtanong ang manunulat ng Bibliya na si Agur: “Sino ang nagtipon ng hangin sa palad ng dalawang kamay? Sino ang nagbalot ng mga tubig sa isang balabal? Sino ang nagpaangat ng lahat ng mga dulo ng lupa? Ano ang kaniyang pangalan at ano ang pangalan ng kaniyang anak?” (Kawikaan 30:4) Sa katunayan, si Agur ay nagtatanong, ‘Nakikilala mo ba ang pangalan o angkan ng sinumang tao na gumawa ng mga bagay na ito?’ Ang Diyos lamang ang may kapangyarihang sumupil sa mga puwersa ng kalikasan. Bagaman ang paglalang ay nagbibigay ng makapangyarihang patotoo na umiiral ang Diyos, hindi nito isinisiwalat ang pangalan ng Diyos. Sa katunayan, hindi natin kailanman malalaman ang pangalan ng Diyos malibang ang Diyos mismo ang magsiwalat nito sa atin. At kaniya itong isiniwalat. “Ako si Jehova,” ang sabi ng Maylalang, “iyan ang pangalan ko.”​—Isaias 42:8.

Ang natatanging pangalan ng Diyos, na Jehova, ay lumilitaw nang halos 7,000 ulit sa Hebreong Kasulatan lamang. Ipinakilala ni Jesu-Kristo ang pangalang iyan sa iba at pinuri ito sa harap nila. (Juan 17:6, 26) Ang pangalang iyan ay masusumpungan sa huling aklat ng Bibliya bilang bahagi ng ekspresyong “Hallelujah,” na nangangahulugang “purihin ninyo si Jah.” At ang “Jah” ay pinaikling anyo ng “Jehova.” (Apocalipsis 19:1-6, talababa sa Ingles) Gayunman, bihirang gamitin ng maraming makabagong Bibliya ang pangalang iyan. Madalas nilang gamitin ang salitang “PANGINOON” o “DIYOS,” na pawang isinulat sa malalaking titik upang mapaiba ito sa karaniwang mga titulong “Panginoon” at “Diyos.” Sinasabi ng ilang iskolar na maaaring Yahweh ang bigkas sa pangalan ng Diyos.

Bakit nagkakaiba-iba ang palagay tungkol sa pangalan ng pinakadakilang Persona sa sansinukob? Ang problema ay nagsimula mga dantaon na ang nakalilipas nang ang mga Judio ay huminto sa pagbigkas sa pangalan ng Diyos dahil sa pamahiin at nagsimulang ihalili ang salitang Hebreo para sa “Soberanong Panginoon” kailanma’t nababasa nila ang pangalan ng Diyos sa Kasulatan. Yamang ang Hebreo na ginagamit sa Bibliya ay isinusulat nang walang mga patinig, imposibleng malaman kung paano eksaktong binigkas nina Moises, David, at ng iba pa noong sinaunang panahon ang mga titik na bumubuo sa pangalan ng Diyos. Gayunman, ang pagbigkas ng “Jehovah” sa Ingles ay ginagamit na sa loob ng mga dantaon, at ang katumbas nito sa maraming wika ay kilalang-kilala sa ngayon.​—Exodo 6:3; Isaias 26:4, King James Version.

Bagaman walang katiyakan kung paano binigkas ang pangalan ng Diyos sa sinaunang Hebreo, ang kahulugan nito ay hindi isang ganap na misteryo. Ang kaniyang pangalan ay nangangahulugang “Kaniyang Pinangyayaring Magkagayon.” Sa gayon ay ipinakikilala ng Diyos na Jehova ang kaniyang sarili bilang ang Dakilang Tagapaglayon. Lagi niyang pinangyayaring magkatotoo ang kaniyang mga layunin at mga pangako. Tanging ang tunay na Diyos, na may kapangyarihang gawin ito, ang nararapat na magtaglay ng pangalang iyon.​—Isaias 55:11.

Walang alinlangan, itinatangi ng pangalang Jehova ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat mula sa lahat ng ibang mga diyos. Iyan ang dahilan kung bakit ang pangalang iyan ay napakadalas na lumilitaw sa Bibliya. Bagaman hindi ginagamit ng maraming salin ng Bibliya ang pangalan ng Diyos, maliwanag na binabanggit sa Awit 83:18: “Ikaw, na ang pangalan ay Jehova, ikaw lamang ang Kataas-taasan sa buong lupa.” Noong panahon ng kaniyang ministeryo, itinuro ni Jesu-Kristo sa kaniyang mga alagad: “Manalangin kayo, kung gayon, sa ganitong paraan: ‘Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang iyong pangalan.’ ” (Mateo 6:9) Kung gayon, dapat nating gamitin ang pangalan ng Diyos kapag tayo ay nananalangin, nagsasalita tungkol sa kaniya, at pumupuri sa kaniya sa harap ng iba.

Si Jesus ba ang Diyos?

Maliwanag na ipinakikilala ng Diyos na Jehova mismo kung sino ang kaniyang Anak. Inilalahad ng ulat ng Ebanghelyo ni Mateo na pagkatapos mabautismuhan ni Jesus, ‘may tinig mula sa langit na nagsabi: “Ito ang aking Anak, ang minamahal, na aking sinang-ayunan.” ’ (Mateo 3:16, 17) Si Jesu-Kristo ang Anak ng Diyos.

Gayunman, sinasabi ng ilang taong relihiyoso na si Jesus ang Diyos. Sinasabi naman ng iba na ang Diyos ay isang Trinidad. Ayon sa turong ito, “ang Ama ay Diyos, ang Anak ay Diyos, at ang Espiritu Santo ay Diyos, ngunit hindi tatlo ang Diyos kundi iisang Diyos.” Pinanghahawakan nilang ang tatlo “ay pare-parehong walang hanggan at magkakapantay.” (The Catholic Encyclopedia) Tama ba ang gayong mga palagay?

May kinalaman kay Jehova, ang kinasihang Kasulatan ay nagsasabi: “Mula pa sa panahong walang takda hanggang sa panahong walang takda ay ikaw ang Diyos.” (Awit 90:2) Siya ang “Haring walang hanggan”​—walang pasimula o wakas. (1 Timoteo 1:17) Sa kabilang dako naman, si Jesus “ang panganay sa lahat ng nilalang,” “ang pasimula ng paglalang ng Diyos.” (Colosas 1:13-15; Apocalipsis 3:14) Sa pagtukoy sa Diyos bilang kaniyang Ama, sinabi ni Jesus: “Ang Ama ay mas dakila kaysa sa akin.” (Juan 14:28) Ipinaliwanag din ni Jesus na may mga bagay na hindi niya nalalaman ni ng mga anghel kundi ang Diyos lamang ang nakaaalam. (Marcos 13:32) Isa pa, nanalangin si Jesus sa kaniyang Ama, na nagsasabi: “Maganap nawa, hindi ang kalooban ko, kundi ang sa iyo.” (Lucas 22:42) Kanino siya nananalangin kundi sa isang Persona na nakahihigit sa kaniya? At ang Diyos ang bumuhay-muli kay Jesus mula sa kamatayan, hindi si Jesus mismo.​—Gawa 2:32.

Ipinakikita ng Bibliya, kung gayon, na si Jehova ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, at si Jesus ang kaniyang Anak. Silang dalawa ay hindi magkapantay bago naparito si Jesus sa lupa o noong panahon ng kaniyang makalupang buhay; ni naging kapantay man ni Jesus ang kaniyang Ama pagkatapos siyang buhaying-muli tungo sa langit. (1 Corinto 11:3; 15:28) Gaya ng nakita na natin, ang tinatawag na ikatlong persona sa Trinidad, ang banal na espiritu, ay hindi isang persona. Bagkus, ito ang puwersa na ginagamit ng Diyos upang isagawa ang anumang naisin niya. Kung gayon, ang Trinidad ay hindi isang turo mula sa Kasulatan. * “Si Jehova na ating Diyos ay iisang Jehova,” ang sabi ng Bibliya.​—Deuteronomio 6:4.

Higit Pang Kilalanin ang Diyos

Upang maibig ang Diyos at mapag-ukulan siya ng bukod-tanging debosyon na karapat-dapat sa kaniya, kailangang makilala natin kung sino talaga siya. Paano natin higit pang makikilala ang Diyos? “Ang kaniyang di-nakikitang mga katangian ay malinaw na nakikita mula pa sa paglalang ng sanlibutan,” ang sabi ng Bibliya, “sapagkat napag-uunawa ang mga ito sa pamamagitan ng mga bagay na ginawa, maging ang kaniyang walang-hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos.” (Roma 1:20) Ang isang paraan upang higit pang makilala ang Diyos ay sa pamamagitan ng may-pagpapahalagang pagmamasid at pagbubulay-bulay sa kaniyang nilalang.

Subalit hindi sinasabi sa atin ng paglalang ang lahat ng kailangan nating malaman tungkol sa Diyos. Halimbawa, upang maunawaan na siya ay isang tunay na espiritung Persona na may natatanging pangalan, kailangang bumaling tayo sa Bibliya. Sa katunayan, ang pag-aaral ng Bibliya ang pinakamabuting paraan upang higit pang makilala ang Diyos. Sa Kasulatan, marami pang sinasabi sa atin si Jehova tungkol sa kung anong uri siya ng Diyos. Isinisiwalat din niya sa atin ang kaniyang mga layunin at tinuturuan tayo sa kaniyang mga daan. (Amos 3:7; 2 Timoteo 3:16, 17) Nakatutuwa nga na ibig ng Diyos na tayo ay “sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan” upang tayo ay makinabang mula sa kaniyang maibiging mga paglalaan! (1 Timoteo 2:4) Kung gayon, lubos nating pagsikapan na alamin ang lahat ng bagay na maaari nating matutuhan tungkol kay Jehova.

[Talababa]

^ par. 19 Para sa detalyadong pagtalakay sa paksang ito, tingnan ang brosyur na Dapat ba Kayong Maniwala sa Trinidad?, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Mga larawan sa pahina 5]

Ginamit ng Diyos ang kaniyang banal na espiritu upang lalangin ang lupa at upang kasihan ang mga lalaki na isulat ang Bibliya

[Larawan sa pahina 5]

Isang tinig mula sa langit ang nagsabi: “Ito ang aking Anak”

[Larawan sa pahina 7]

Si Jesus ay nanalangin sa Diyos​—ang Personang mas nakatataas sa kaniya

[Larawan sa pahina 7]

Ipinakilala ni Jesus ang pangalan ng Diyos sa iba

[Mga larawan sa pahina 7]

Maaari nating higit pang makilala ang Diyos