Ang Tetragrammaton sa Septuagint
Ang Tetragrammaton sa Septuagint
ANG pangalan ng Diyos, na Jehova, ay kinakatawan ng Tetragrammaton, ibig sabihin, ang apat na titik sa Hebreo na יהוה (YHWH). Malaon nang pinaniniwalaan na ang Tetragrammaton ay hindi lumilitaw sa mga kopya ng Septuagint. Kaya, ikinakatuwiran na kapag sumisipi ang mga manunulat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa Hebreong Kasulatan, hindi nila ginagamit ang pangalan ng Diyos sa kanilang isinulat.
Isiniwalat ng sunud-sunod na mga natuklasan sa nakalipas na mga dantaon o higit pa na lumitaw nga ang pangalan ng Diyos sa Septuagint. Ganito ang sabi ng isang akda: “Gayon na lamang kasidhi ang pagnanais ng mga Judio sa Gresya na may-katumpakang maingatan ang sagradong pangalan ng Diyos, anupat nang isinasalin ang Bibliyang Hebreo sa Griego, kinopya nila ang aktuwal na mga titik ng Tetragrammaton sa loob ng tekstong Griego.”
Ang piraso ng papiro na nasa kaliwa ay isa lamang sa ilang halimbawa ng mga naingatan. Nasumpungan sa Oxyrhynchus, Ehipto, at binigyan ng bilang na 3522, ang pirasong ito ay mula pa noong unang siglo C.E. * Ang sukat nito’y mga 7 por 10.5 sentimetro at naglalaman ng isang bahagi mula sa Job 42:11, 12. Ang Tetragrammaton, na binilugan, ay lumilitaw sa sinaunang mga titik na Hebreo. *
Kaya nga, lumitaw ba ang pangalan ng Diyos sa sinaunang mga kopya ng Kristiyanong Griegong Kasulatan? Ganito ang sabi ng iskolar na si George Howard: “Yamang ang Tetragrammaton ay nakasulat pa rin sa mga kopya ng Bibliyang Griego [ang Septuagint] na siyang ginagamit na Kasulatan ng sinaunang simbahan, makatuwirang maniwala na kapag sumisipi sa Kasulatan, pinananatili ng mga manunulat ng B[agong] T[ipan] ang Tetragrammaton na kasama ng teksto sa Bibliya.” Lumilitaw na di-nagtagal pagkatapos nito ay pinalitan ng mga tagakopya ang pangalan ng Diyos ng mga kahalili, gaya ng Kyʹri·os (Panginoon) at The·osʹ (Diyos).
[Mga talababa]
^ par. 4 Para sa higit pang impormasyon hinggil sa papiro na nasumpungan sa Oxyrhynchus, tingnan Ang Bantayan, Pebrero 15, 1992, pahina 26-8.
^ par. 4 Para sa iba pang mga halimbawa ng pangalan ng Diyos sa sinaunang mga bersiyon sa Griego, tingnan ang New World Translation of the Holy Scriptures−With References, apendise 1C.
[Picture Credit Line sa pahina 30]
Sa kagandahang-loob ng Egypt Exploration Society