Ginantimpalaan Dahil sa Pagsasagawa ng Makadiyos na Debosyon
Ginantimpalaan Dahil sa Pagsasagawa ng Makadiyos na Debosyon
AYON SA SALAYSAY NI WILLIAM AIHINORIA
Nagising ako sa kalagitnaan ng gabi dahil sa pamilyar na pagdaing ni Itay. Siya’y pagulong-gulong sa sahig hawak ang kaniyang tiyan. Si Inay, ang aking nakatatandang kapatid na babae, at ako ay pumalibot sa kaniya. Nang waring lumipas na ang kirot, naupo siya nang deretso, nagbuntong-hininga, at nagsabi: “Ang mga Saksi ni Jehova lamang ang may kapayapaan sa lupang ito.” Ang pangungusap na iyon ay isang palaisipan, subalit iyo’y lumikha ng isang malalim na impresyon sa akin sapagkat wala pa akong narinig kailanman tungkol sa mga Saksi ni Jehova. Naging interesado ako sa gusto niyang sabihin.
ANG pangyayaring iyon ay naganap noong 1953 nang ako ay anim na taóng gulang. Kabilang ako sa isang sambahayang nagsasagawa ng poligamya na nasa Ewossa, isang nayong agrikultural sa gitnang kanluran ng Nigeria. Ako ang ikalawang anak, subalit unang anak na lalaki sa isang pamilya na sa dakong huli ay kinabilangan ng 3 asawa at 13 anak ni Itay. Kami ay magkakasama sa bahay ni Lolo na yari sa putik, na may atip na kugon at may apat na silid. Kasama rin sa sambahayan si Lola at ang tatlong kapatid na lalaki ni Itay, at gayundin ang kani-kanilang pamilya.
Ang unang mga taon ng aking buhay ay miserable. Lalung-lalo na dahil sa mahinang kalusugan ni Itay. Palaging kumikirot ang kaniyang tiyan na tumagal hanggang sa kaniyang kamatayan pagkalipas ng maraming taon. Ang kaniyang sakit na di-malaman ang sanhi ay ayaw gumaling sa kabila ng lahat ng uri ng medikal na paggamot na makakaya ng isang magbubukid na pamilyang Aprikano—kapuwa halamang gamot at tradisyonal na paggamot. Maraming gabi kaming umiiyak sa tabi ni Itay habang siya ay pagulung-gulong sa sahig dahil sa sakit hanggang sa pagtilaok ng tandang sa kinaumagahan. Sa paghahanap ng lunas sa kaniyang karamdaman, siya’y madalas maglakbay kasama ni
Inay, anupat iniiwan ako at ang aking mga kapatid sa pangangalaga ni Lola.Ang aming pamilya ay nabubuhay sa pamamagitan ng paglilinang at pagtitinda ng tugî, kamoteng-kahoy, at mga kola nut. Paminsan-minsan ay gumagawa rin kami ng pagpapadagta sa puno ng goma upang madagdagan ang aming maliit na kita. Ang aming pangunahing pagkain ay ang tugî. Kumakain kami ng tugî sa umaga, nagbabayo ng tugî sa hapon, at muling kumakain ng tugî sa gabi. Paminsan-minsan, nagkakaroon ng kaunting pagbabago ang aming pagkain kapag kumakain kami ng inihaw na saging na saba.
Isang mahalagang bahagi ng aming buhay ang pagsamba sa ninuno. Ang pamilya ay naghahandog ng pagkain sa mga piraso ng kahoy na doo’y may nakatali na makukulay na kabibe. Si Itay ay sumasamba rin sa isang idolo upang mapalayas ang masasamang espiritu at mga mangkukulam.
Nang ako ay limang taóng gulang na, kami ay pansamantalang lumipat mula sa aming nayon tungo sa isang bukid na dinarayo ng mga magsasaka na may layong humigit-kumulang sa 11 kilometro. Doon nagkasakit si Itay ng guinea worm, bukod pa sa kaniyang sakit sa tiyan. Hindi siya makapagtrabaho sa araw, at sa gabi ay pinahihirapan siya ng kaniyang sakit sa tiyan. Nagkaroon ako ng sakit na jigger, o sandflea, isang klase ng tipus. Bilang resulta, nabuhay kami sa ibinibigay ng aming mga kamag-anak. Upang hindi mamatay sa napakaabang kalagayan, kami ay bumalik sa aming nayon ng Ewossa. Nais ni Itay na ako, na kaniyang unang anak na lalaki, ay magkaroon ng mas mabuting trabaho kaysa pagiging isang magsasaka na pang-agdong-buhay lamang. Sa kaniyang palagay, ang mabuting edukasyon ay tutulong sa akin na maitaas ko ang antas ng pamumuhay ng aming pamilya at makatutulong sa akin sa pag-aaruga sa aking mga kapatid.
Pagkalantad sa Iba’t Ibang Relihiyon
Sa pagbabalik sa aming nayon, napasimulan ko ang aking pag-aaral. Ito ay humantong sa pagkakalantad ko sa mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan. Noong mga taon ng 1950, mahirap ihiwalay ng isa ang edukasyon ng Kanluran mula sa relihiyon ng mga namamahala. Yamang ako ay pumapasok sa isang paaralang primarya ng Katoliko, iyo’y nangangahulugan na kailangan kong maging isang Romano Katoliko.
Noong 1966, ang taon na ako’y naging 19, ako ay natanggap sa Pilgrim Baptist Secondary School sa bayan ng Ewohinmi, humigit-kumulang walong kilometro mula sa Ewossa. Doon nabago ang aking edukasyon sa relihiyon. Dahil sa ako ngayon ay nag-aaral sa isang Protestanteng paaralan, hindi na ako pinayagan ng mga paring Katoliko na makibahagi sa Misa tuwing Linggo.
Sa panahong ito nagsimula ang interes ko sa Bibliya samantalang ako’y nasa paaralang ito ng Baptist. Bagaman patuloy akong nagpupunta sa simbahang Katoliko, binabasa ko naman sa ganang sarili ang Bibliya tuwing Linggo pagkatapos ng serbisyo sa simbahang Katoliko. Ang mga turo ni Jesu-Kristo ay nakaakit sa akin, anupat pumukaw sa aking pagnanais na magkaroon ng isang makabuluhang buhay taglay ang makadiyos na debosyon. Mientras binabasa ko ang Bibliya, lalo ko namang kinasusuklaman ang pagpapaimbabaw ng ilang relihiyosong lider at ang imoral na istilo ng pamumuhay ng maraming lego. Ang nakita ko sa mga nag-aangking Kristiyano ay lubhang kakaiba sa itinuro at ginawa ni Jesus at ng kaniyang mga alagad.
Nagulat ako sa ilang partikular na pangyayari. Nang minsang pumunta ako sa tindahan ng isang katekista upang bumili ng isang rosaryo, may nakita akong isang anting-anting ng juju na nakasabit sa haligi ng pintuan ng tindahan. Sa isa namang pagkakataon, tinangka akong abusuhin sa sekso ng prinsipal ng paaralang Baptist. Nalaman ko pagkatapos niyaon na siya pala ay isang homoseksuwal at nang-abuso na ng iba. Binulay-bulay ko ang mga bagay na ito, na nagtatanong sa aking sarili, ‘Sinasang-ayunan kaya ng Diyos ang mga relihiyon na ang mga miyembro at maging ang mga lider nito
ay hindi pinapanagot sa maliwanag na malulubhang pagkakasala?’Isang Pagbabago ng Relihiyon
Gayunman, nagustuhan ko ang nabasa ko sa Bibliya at nagpasiyang ipagpatuloy ang pagbabasa nito. Sa panahong ito, sinimulan kong pag-isipan ang komento ni Itay mga 15 taon na ang nakalipas: “Ang mga Saksi ni Jehova lamang ang may kapayapaan sa lupang ito.” Subalit ako ay nangangamba sapagkat ang mga kabataang Saksi sa aking paaralan ay tinutuya at kung minsa’y pinarurusahan dahil sa hindi pagsali sa aming pang-umagang pagsamba. At ang ilan sa kanilang paniniwala ay waring kakatwa. Halimbawa, hindi ko halos mapaniwalaan na 144,000 lamang ang magtutungo sa langit. (Apocalipsis 14:3) Palibhasa’y nais kong pumunta sa langit, ako ay nag-isip kung ang bilang na ito ay nakumpleto na bago pa ako ipanganak.
Maliwanag na ang mga Saksi ay kakaiba sa kanilang paggawi at saloobin. Hindi sila nasasangkot sa imoral at mararahas na gawain ng ibang mga kabataan sa paaralan. Para sa akin, talagang hiwalay sila sa sanlibutan, kagaya ng aking nabasa sa Bibliya na dapat ay maging gayon ang mga nagsasagawa ng tunay na relihiyon.—Juan 17:14-16; Santiago 1:27.
Ako ay nagpasiyang mag-imbestiga nang higit pa. Noong Setyembre 1969, nakakuha ako ng aklat na “Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan.” Nang sumunod na buwan, nagsimulang makipag-aral sa akin ang isang payunir, gaya ng tawag sa buong-panahong ministro ng mga Saksi ni Jehova. Inspirado dahil sa una kong pag-aaral, pinasimulan kong basahin ang aklat na Katotohanan noong isang Sabado ng gabi at tinapos iyon nang sumunod na hapon. Karaka-raka, pinasimulan kong sabihin sa mga kamag-aral ko ang kamangha-manghang mga bagay na nabasa ko. Inakala ng mga estudyante at ng mga guro na ako’y nasisiraan ng bait dahil sa aking nasumpungang bagong pananampalataya. Subalit alam kong hindi ako nasisiraan ng bait.—Gawa 26:24.
Ang balita na ako’y nangangaral hinggil sa isang bagong relihiyon ay ipinaabot sa aking mga magulang. Ako’y kanilang pinabalik agad sa bahay upang malaman nila kung ano ang aking problema. Wala akong makunan ng payo, yamang ang lahat ng Saksi ay dumalo sa isa sa kanilang mga pandistritong kombensiyon sa Ilesha. Sa pag-uwi ko sa bahay, pinaulanan ako ng mga tanong at pamumuna ng aking ina at ng iba pang mga kamag-anak. Pinagsikapan kong ipagtanggol na mabuti ang aking natutuhan mula sa Bibliya.—1 Pedro 3:15.
Pagkatapos mabigo sa pagsisikap na patunayang ang mga Saksi ni Jehova ay huwad na mga guro, sinubok ng aking tiyuhin ang ibang pamamaraan. Siya’y namanhik sa akin: “Alalahanin mo na ikaw ay pumapasok sa paaralan upang kumuha ng edukasyon. Kung iiwan mo ang iyong pag-aaral at mangangaral ka, hindi mo na kailanman matatapos ang iyong edukasyon. Kaya, bakit hindi ka muna maghintay hanggang sa matapos mo ang pag-aaral bago sumama sa bagong relihiyong ito?” Noon ay waring makatuwiran iyon, kaya huminto muna ako sa pag-aaral kasama ng mga Saksi.
Noong Disyembre 1970, karaka-raka pagkatapos ng aking gradwasyon, dumeretso ako sa Kingdom Hall, at mula noon ay patuloy na akong dumalo sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova. Noong Agosto 30, 1971, ako ay nabautismuhan bilang sagisag ng aking pag-aalay sa Diyos. Iyon ay ikinabahala hindi lamang ng aking mga magulang kundi ng buong komunidad din. Sinabi nilang binigo ko sila yamang ako ang kauna-unahang taga-Ewossa na naging isang iskolar ng pamahalaan. Malaki ang inaasahan sa akin ng marami. Umaasa silang gagamitin ko ang aking edukasyon upang mapaunlad ang komunidad.
Mga Epekto ng Aking Pagbabago
Ang aking pamilya at ang matatandang lalaki ng komunidad ay nagpadala ng isang delegasyon upang sikaping hikayatin ako na itakwil ang aking pananampalataya. Ang kanilang mga pagsisikap ay may kalakip na mga sumpa. “Kung hindi mo iiwan ang relihiyong ito,” wika nila, “masisira ang iyong kinabukasan. Hindi ka magkakaroon ng trabaho. Hindi ka makapagtatayo ng sarili mong bahay. Hindi ka makapag-aasawa at magkakaroon ng pamilya.”
Salungat sa kanilang kakila-kilabot na mga prediksiyon, sampung buwan pagkatapos ng aking pag-aaral, nagkaroon ako ng trabaho bilang isang guro. Noong Oktubre 1972, pinakasalan ko ang minamahal kong asawa na si Veronica. Nang maglaon, sinanay ako ng pamahalaan bilang isang agricultural extension agent. Binili ko ang kauna-unahan kong kotse, at pinasimulan kong itayo ang aming bahay. Noong Nobyembre 5, 1973, ipinanganak ang aming kauna-unahang anak na babae, si Victory, at nang sumunod na mga taon ay isinilang din sina Lydia, Wilfred, at Joan. Noong 1986, isinilang ang aming pinakabunsong anak, si Micah. Silang lahat ay napatunayang napakahalagang mga anak, isang mana mula kay Jehova.—Awit 127:3.
Kapag ginugunita ang nakalipas, masasabi kong ang masasamang hangad ng komunidad ay naging mga pagpapala. Kaya pinangalanan kong Victory ang aming unang anak na babae. Kamakailan, ang komunidad ay sumulat sa akin at nagsabi: “Pakisuyo, nais naming umuwi ka at makibahagi sa pagpapaunlad sa ating komunidad ngayong ikaw ay pinagpapala ng Diyos.”
Pagpapalaki sa mga Anak sa Makadiyos na mga Paraan
Alam naming mag-asawa na hindi namin puwedeng pagsamahin ang aming makadiyos na pananagutan sa pagpapalaki ng mga anak at ang paghahanap ng materyal na mga kayamanan. Kaya, natutuhan naming maging kontento taglay ang isang simpleng buhay. Pinili naming mabuhay sa ganitong paraan sa halip na harapin ang posibleng epekto ng pagpili sa isang naiibang istilo ng pamumuhay.
Karaniwan na sa bahaging ito ng aming daigdig na manirahan sa iisang gusali kasama ang iba pang mga pamilya, na gumagamit ng iisang paliguan, mga pasilidad sa kusina, at iba pa. Naliligayahan kaming makapangupahan sa isang pribadong tirahan sa saanmang bayan na doo’y naatasan ako bilang isang manggagawa ng pamahalaan. Totoo, ang gayong mga tirahan ay mas mahal, subalit ang pagtira sa mga ito ay nakababawas sa pagkakalantad ng aming mga anak sa di-kanais-nais na mga impluwensiya. Pinasasalamatan ko si Jehova na sa lumipas na mga taon, napalaki namin ang aming mga anak sa isang mabuting espirituwal na kapaligiran.
Bukod dito, ang aking asawa ay naiiwan sa tahanan upang makasama at mapangalagaan ang aming mga anak. Pagkatapos ng aking trabaho, sinisikap naming gawin ang mga bagay nang magkakasama bilang isang pamilya. Anuman ang aming ginagawa, ginagawa namin iyon bilang isang grupo. Kalakip dito ang pampamilyang pag-aaral sa Bibliya, paghahanda at pagdalo sa mga pulong ng kongregasyon, pakikibahagi sa ministeryong Kristiyano, at sa pagsasagawa ng mga sosyal na gawain.
Sinikap naming sundin ang payo ng Deuteronomio 6:6, 7, na humihimok sa mga magulang na turuan ang kanilang mga anak hindi lamang sa tahanan kundi sa bawat pagkakataon. Ito’y nagpapangyari sa mga bata na humanap ng mga makakasama sa gitna ng mga kapananampalataya sa halip na sa sanlibutan. Sa pamamagitan ng aming halimbawa, sila ay natutong pumili ng kanilang mga kasamahan sapagkat kami ni Veronica ay hindi gumugugol ng maraming oras kasama ng mga hindi namin katulad ang mga paniniwala.—Kawikaan 13:20; 1 Corinto 15:33.
Sabihin pa, ang patnubay at pagtuturo namin ay hindi siyang naging tanging positibong impluwensiya sa buhay ng aming mga anak. Ang aming tahanan ay lagi at patuloy pa ring bukas sa masisigasig na Kristiyano, na ang marami sa kanila ay mga naglalakbay na ministro ng mga Saksi ni Jehova. Ang panahong ginugol ng may-gulang na mga Kristiyanong ito kasama ng aming pamilya ay nagbigay ng pagkakataon sa aming mga anak na makita at matutuhan mula sa kanila ang mapagsakripisyong paraan ng pamumuhay. Ito ang nagpatibay sa aming pagtuturo, anupat dinibdib ng mga bata ang katotohanan sa Bibliya.
Ginantimpalaan Dahil sa Makadiyos na Debosyon
Sa ngayon, kaming mag-asawa, kasama ng aming apat na anak, ay nasa buong-panahong ministeryo. Ako ay nagpasimulang magpayunir noong 1973. Sa paglipas ng mga taon, kinailangan kong tumigil sa aking buong-panahong ministeryo sa pana-panahon dahil sa mga kalagayan sa kabuhayan. Sa pana-panahon, naging pribilehiyo ko rin na makabahagi sa pagtuturo sa Kingdom Ministry School, na naglalaan ng pagsasanay sa mga tagapangasiwang Kristiyano ng mga Saksi ni Jehova. Tinatamasa ko sa kasalukuyan ang pribilehiyo ng paglilingkod sa Hospital Liaison Committee, at gayundin ang pagiging tagapangasiwa ng lunsod ng Uhonmora.
Ang aking unang dalawang anak na babae, sina Victory at Lydia, ay maligayang nakapag-asawa ng mahuhusay na Kristiyanong matanda. Sila at ang kani-kanilang asawa ay naglilingkod bilang mga miyembro ng tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Igieduma, Nigeria. Ang aming pinakamatandang anak na lalaki, si Wilfred, ay nagsisilbi bilang isang ministeryal na lingkod, at ang aming bunso, si Micah, ay naglilingkod sa pana-panahon bilang isang auxiliary pioneer. Noong 1997, natapos ni Joan ang kaniyang pag-aaral sa sekundarya at pumasok sa paglilingkod bilang regular pioneer.
Kabilang sa lubhang kasiya-siyang mga karanasan sa aking buhay ay ang makatulong sa iba na maglingkod sa Diyos na Jehova. Kasama na rito ang ilan sa aking mga kamag-anak. Ang aking ama ay gumawa ng mga pagsisikap na maglingkod kay Jehova, subalit ang pagsasagawa ng poligamya ay nakahadlang sa kaniya. Mula pa sa aking pagkabata, may pag-ibig na ako sa mga tao. Kapag nakikita ko na nagdurusa ang iba, nadarama ko na ang aking mga suliranin ay hindi gaanong mahalaga. Sa palagay ko’y nakikita nila na taimtim ako sa aking pagnanais na tumulong sa kanila, anupat ginagawa nitong madali para sa kanila na makipag-usap sa akin.
Ang isa sa mga natulungan kong magkaroon ng kaalaman sa mga layunin ng Diyos ay isang kabataang lalaki na nakaratay na sa higaan. Siya ay isang manggagawa sa isang kompanya ng elektrisidad na dahil sa malubhang pagkakuryente sa trabaho ay naparalisado mula sa dibdib hanggang sa ibabang bahagi ng kaniyang katawan. Tumanggap siya ng isang pag-aaral sa Bibliya at unti-unting ikinapit ang kaniyang natutuhan. Ang kaniyang bautismo noong Oktubre 14, 1995, sa isang batis na malapit sa aming tahanan, ang kauna-unahang pagkakataon sa loob ng 15 taon na siya’y nakaalis sa kaniyang higaan. Sinabi niya na iyon ang pinakamaligayang araw sa kaniyang buhay. Siya ay isa na ngayong ministeryal na lingkod sa kongregasyon.
Masasabi ko na hindi ko pinagsisisihang pinili kong paglingkuran si Jehova sa nakalipas na mga 30 taon kasama ng kaniyang nagkakaisa at nakaalay na bayan. Nakita ko ang pagkilos ng tunay na pag-ibig sa gitna nila. Kahit na kung ang pag-asang buhay na walang hanggan ay hindi kabilang sa gantimpala ni Jehova sa kaniyang tapat na mga lingkod, nanaisin ko pa rin ang isang buhay ng makadiyos na debosyon. (1 Timoteo 6:6; Hebreo 11:6) Ito ang paraan na humubog at nagpatatag sa aking buhay, na nagdudulot ng kagalakan, kasiyahan, at kaligayahan sa akin at sa aking pamilya.
[Larawan sa pahina 25]
Kasama ng aking asawa at mga anak noong 1990
[Larawan sa pahina 26]
Kasama ng aking asawa at mga anak at dalawang manugang na lalaki