Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Kailangan bang lubusang ilubog sa tubig ang isa na nagnanais magpabautismo subalit mayroong malubhang kapansanan o napakahinang kalusugan, anupat magiging mahirap sa kaniya ang paglulubog sa tubig?
Ang salitang “bautismuhan” ay halaw sa pandiwang Griego na baʹpto, ang ibig sabihin ay “ilubog.” Sa Bibliya, ang “bautismuhan” ay kasingkahulugan ng “ilubog.” Hinggil sa bautismo ng bating na Etiope na isinagawa ni Felipe, ganito ang sabi ng The Emphasised Bible, ni Rotherham: “Kapuwa sila lumusong sa tubig, si Felipe at ang bating,—at inilubog niya siya.” (Gawa 8:38) Kaya, ang taong binabautismuhan ay aktuwal na inilulubog sa tubig.—Mateo 3:16; Marcos 1:10.
Inutusan ni Jesus ang kaniyang mga alagad: “Kaya humayo kayo at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, na binabautismuhan sila.” (Mateo 28:19, 20) Kaya, isinasagawa ng mga Saksi ni Jehova ang mga bautismo sa mga pool, lawa, ilog, o iba pang dako na may sapat na tubig para sa lubusang paglulubog. Yamang ang bautismo sa pamamagitan ng lubusang paglulubog ay isang kahilingan sa Kasulatan, ang mga tao ay walang awtoridad na ilibre ang isa sa bautismo. Sa gayon, ang isang tao ay dapat na bautismuhan kahit na kailangang gumawa ng di-pangkaraniwang mga hakbang dahil sa kaniyang kalagayan. Halimbawa, nakatulong ang mga bautismo sa malalaking bathtub para sa mga may-edad na o sa mga lubhang mahihina ang kalusugan. Ang tubig sa bathtub ay maaaring painitin at ang kandidato sa bautismo ay maaaring dahan-dahan at unti-unting ilagay sa tubig at, minsang masanay na siya rito, maaari nang gawin ang aktuwal na bautismo.
Kahit na ang mga taong may malulubhang kapansanan ay binautismuhan. Halimbawa, ang mga indibiduwal na naoperahan sa lalagukan at bunga nito ay may permanenteng butas sa lalamunan, o yaong mga nangangailangang gumamit ng makinang tulong sa paghinga ay nailubog sa tubig. Mangyari pa, kakailanganin para sa lahat ng gayong bautismo ang lubusang mga paghahanda. Makabubuting magkaroon ng isang sinanay na nars o doktor sa dako ng bautismo. Sa paanuman, sa halos lahat ng kaso, kapag isinasagawa ang pantanging pangangalaga o pag-iingat, maisasagawa ang bautismo. Samakatuwid, dapat gawin ang lahat ng makatuwirang pagsisikap upang bautismuhan ang isang tao sa tubig kung ito ang taimtim na kagustuhan ng indibiduwal at kung nais niyang tanggapin ang mga panganib na nasasangkot.