Nalipol Silang Lahat
Nalipol Silang Lahat
“Ang dumadaluyong na tubig ay tumabon sa kanila; sila ay lumubog sa kalaliman tulad ng isang bato.”
SA PANANALITANG iyon, ipinagdiwang ni Moises at ng mga Israelita sa pamamagitan ng awit ang kanilang kaligtasan mula sa Dagat na Pula at ang pagkalipol ng kanilang tumutugis na mga kaaway na Ehipsiyo—si Paraon at ang kaniyang hukbong militar.—Exodo 15:4, 5.
Para sa sinuman na nakasaksi sa kagila-gilalas na pangyayaring iyon, ang leksiyon ay maliwanag. Walang sinuman ang matagumpay na makahahamon o makalalaban sa awtoridad ni Jehova at mabubuhay. Subalit, pagkalipas lamang ng ilang buwan, hayagang hinamon ng prominenteng mga Israelita—sina Kora, Datan, Abiram, at ng 250 tagasuporta nila—ang bigay-Diyos na awtoridad nina Moises at Aaron.—Bilang 16:1-3.
Sa utos ni Jehova, binabalaan ni Moises ang mga Israelita na umalis mula sa mga tolda ng mga rebelde. Sina Datan at Abiram, kasama ang mga miyembro ng kani-kanilang sambahayan, ay palaban na tumangging baguhin ang kanilang saloobin. Pagkatapos ay ipinahayag ni Moises na sa Kaniya mismong paraan, ipakikilala ni Jehova sa bayan na ‘pinakitunguhan [ng mga lalaking ito] si Jehova nang walang galang.’ Sa puntong iyon, ibinuka ni Jehova ang lupa na nasa ilalim ng kanilang mga paa. “Kaya sila at ang lahat ng sa kanila ay nababang buháy sa Sheol, at tinakpan sila ng lupa.” Kumusta naman si Kora at ang iba pang mga rebelde? “Lumabas ang apoy mula kay Jehova at tinupok ang dalawang daan at limampung lalaking naghahandog ng insenso.”—Bilang 16:23-35; 26:10.
Si Paraon at ang kaniyang mga hukbo, gayundin ang mga rebeldeng iyon sa iláng, ay pawang nalipol sapagkat hindi nila kinilala ang awtoridad ni Jehova at ang kaniyang interes sa mga kapakanan ng kaniyang bayan. Samakatuwid, lahat ng nagnanais na maranasan ang proteksiyon ni Jehova sa mapanganib na mga panahong ito ay dapat na apurahang kumilala at sumunod kay Jehova bilang ang “Kataas-taasan” at ang “Makapangyarihan-sa-lahat.” Sa paggawa nito, maaari nilang isapuso ang nagbibigay-katiyakang pananalita ni Jehova: “Isang libo ang mabubuwal sa iyo mismong tabi at sampung libo sa iyong kanan; sa iyo ay hindi iyon lalapit. Titingnan mo lamang ng iyong mga mata at makikita mo ang kagantihan sa mga balakyot. Sapagkat sinabi mo: ‘Si Jehova ang aking kanlungan,’ ginawa mong iyong tahanan ang mismong Kataas-taasan.”—Awit 91:1, 7-9.