Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Nasumpungan ang Katotohanan sa Isang Di-inaasahang Dako

Nasumpungan ang Katotohanan sa Isang Di-inaasahang Dako

Nasumpungan ang Katotohanan sa Isang Di-inaasahang Dako

KALOOBAN ng Diyos na “ang lahat ng uri ng mga tao ay maligtas at sumapit sa tumpak na kaalaman ng katotohanan.” (1 Timoteo 2:3, 4) Sa layuning iyan, ang mga Saksi ni Jehova ay naglimbag at namahagi ng milyun-milyong kopya ng Bibliya at mga pantulong sa pag-aaral ng Bibliya. Kung minsan, ang mga publikasyong ito ay nakatutulong sa tapat-pusong mga tao na matuto ng katotohanan sa lubhang di-inaasahang mga paraan. May kaugnayan dito, iniulat ng mga tagapaghayag ng Kaharian sa Freetown, Sierra Leone, ang sumusunod na karanasan.

Pangalawang anak na lalaki si Osman sa siyam na magkakapatid. Palibhasa’y lumaki sa isang relihiyosong sambahayan, regular siyang nagsisimba kasama ng kaniyang ama. Gayunman, si Osman ay lubhang nababagabag sa itinuturo ng kaniyang relihiyon hinggil sa impiyerno. Hindi niya maintindihan kung bakit pahihirapan ng isang maawaing Diyos ang mga taong balakyot sa pamamagitan ng pagsunog sa kanila sa apoy. Ang lahat ng paliwanag upang maunawaan ni Osman ang doktrina ng apoy ng impiyerno ay hindi nagbigay sa kaniya ng kapayapaan ng isip.

Isang araw, nang si Osman ay 20 taóng gulang, napansin niya ang isang asul na aklat na bahagyang natatabunan ng basura sa isang basurahan. Palibhasa’y mahilig sa mga aklat, dinampot niya ito, nilinis ito, at napansin ang pamagat nito​—Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan. *

‘Ano kayang katotohanan ito?’ ang tanong ni Osman. Palibhasa’y napukaw ang kaniyang pagkamausisa, iniuwi ni Osman ang aklat at kaagad na binasa ang buong aklat. Tuwang-tuwa siyang malaman na ang Diyos ay may personal na pangalan​—Jehova! (Awit 83:18) Nalaman din ni Osman na pag-ibig ang nangingibabaw na katangian ng Diyos at na maging ang ideya ng pagpapahirap sa mga tao sa isang maapoy na dako ay karima-rimarim sa Kaniya. (Jeremias 32:35; 1 Juan 4:8) Nang dakong huli, nabasa ni Osman na malapit nang pasapitin ni Jehova ang makalupang paraiso na doo’y mabubuhay magpakailanman ang mga tao. (Awit 37:29; Apocalipsis 21:3, 4) Anong kamangha-manghang katotohanan nga mula sa isang maawain at maibiging Diyos! Taglay ang taos-pusong pagtanaw ng utang-na-loob, nagpasalamat si Osman kay Jehova na nasumpungan niya ang katotohanan sa lubhang di-inaasahang dako.

Pagkaraan ng ilang araw at sa tulong ng ilang kaibigan, nasumpungan ni Osman ang Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova at dumalo siya sa pulong sa kauna-unahang pagkakataon. Samantalang naroroon, hiniling niya sa isang Saksi na siya ay aralan sa Bibliya. Sa kabila ng matinding pagsalansang ng kaniyang pamilya, patuloy na sumulong sa espirituwal si Osman at nabautismuhan. (Mateo 10:36) Sa ngayon, siya ay naglilingkod bilang isang matanda sa kongregasyon. Kamangha-mangha nga na ang lahat ng ito ay bunga ng pagkasumpong ng isang publikasyon sa Bibliya sa basurahan!

[Talababa]

^ par. 5 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova noong 1968.