Sino ang Dapat Sisihin—Ikaw o ang Iyong mga “Gene”?
Sino ang Dapat Sisihin—Ikaw o ang Iyong mga “Gene”?
ANG mga siyentipiko ay lubos na nagpapagal sa pagsasaliksik upang hanapin ang henetikong mga sanhi ng alkoholismo, homoseksuwalidad, kahalayan, karahasan, iba pang kakatwang paggawi, at maging ng kamatayan mismo. Hindi ba nakagiginhawang malaman na hindi tayo ang may pananagutan sa ating mga pagkilos kundi naging mga biktima lamang ng ating henetikong kayarian? Likas sa mga tao na isisi sa iba o sa isang bagay ang ating mga pagkakamali.
Kung ang mga gene nga ang dapat sisihin, ipinakikita ng mga siyentipiko ang posibilidad na mabago ang mga ito at maalis ang di-kanais-nais na mga katangian sa pamamagitan ng henetikong inhinyeriya. Ang mga tagumpay kamakailan sa pagsusuri sa buong henetikong kayarian ng tao ay nagbigay ng panibagong-sigla sa gayong mga pag-asa.
Gayunman, ang posibilidad na ito ay salig sa palagay na ang ating henetikong pagmamana ang talagang may pananagutan sa lahat ng ating mga kasalanan at mga pagkakamali. Nakasumpong ba ang mga detektib na siyentipiko ng sapat na katibayan upang makasuhan ng pagkakasala ang ating mga gene? Maliwanag, ang kasagutan ay ganap na makaaapekto sa pangmalas natin sa ating sarili at sa ating kinabukasan. Gayunman, bago suriin ang katibayan, ang pagsusuri sa pinagmulan ng sangkatauhan ay magbibigay ng kaliwanagan.
Kung Paano Nagsimula ang Lahat ng Ito
Maraming tao ang pamilyar, o sa paanuman ay nakarinig na, sa ulat tungkol sa pagkakasala ng unang mag-asawa, sina Adan at Eva, sa hardin ng Eden. Ginawa ba sila na may orihinal na depekto sa kanilang mga gene buhat pa sa pasimula, isang uri ng pagkakamali sa disenyo na umakay sa kanila sa pagkakasala at pagsuway?
Ang kanilang Maylalang, ang Diyos na Jehova, na ang mga gawa ay pawang sakdal, ay nagpahayag na ang kaniyang pinakasukdulang makalupang nilalang ay “napakabuti.” (Genesis 1:31; Deuteronomio 32:4) Bilang karagdagang katibayan ng kasiyahan sa kaniyang ginawa, binasbasan niya ang unang mag-asawa at tinagubilinan silang magpalaanakin, punuin ang lupa ng mga taong nilalang, at pamahalaan ang kaniyang makalupang nilalang—tiyak na hindi ganito ang pagkilos ng isa na hindi nakatitiyak sa gawa ng kaniyang mga kamay.—Genesis 1:28.
Hinggil sa paglalang sa unang mag-asawa, ang Bibliya ay nagsasabi sa atin: “Pinasimulang lalangin ng Diyos ang tao ayon sa kaniyang larawan, nilalang niya siya ayon sa larawan ng Diyos; nilalang niya sila na lalaki at babae.” (Genesis 1:27) Hindi ito nangangahulugan na ang mga tao ay ginawang kawangis ng Diyos sa pisikal na anyo, yamang ang “Diyos ay Espiritu.” (Juan 4:24) Sa halip, ito ay nangangahulugan na ang mga taong nilalang ay pinagkalooban ng makadiyos na mga katangian at ng pagkadama ng moralidad, ng budhi. (Roma 2:14, 15) Sila ay may malayang kalooban din, na may kakayahang pagtimbang-timbangin ang isang bagay at pagpasiyahan ang gagawing pagkilos.
Gayunman, ang ating unang mga magulang ay hindi pinabayaang walang patnubay. Sa halip, sila ay binalaan hinggil sa idudulot ng maling gawain. (Genesis 2:17) Kaya ang katibayan ay nagpapakita na nang mapaharap si Adan sa isang moral na desisyon, pinili niyang gawin kung ano ang inakala niyang angkop o makabubuti sa panahong iyon. Sinunod niya ang kaniyang asawa sa maling gawain sa halip na isaalang-alang ang kaniyang kaugnayan sa kaniyang Maylalang o ang pangmatagalang epekto ng kaniyang pagkilos. Sinikap din niyang ipasa ang sisi kay Jehova, sa pagsasabing ang asawa na ibinigay Niya ang nagligaw sa kaniya.—Genesis 3:6, 12; 1 Timoteo 2:14.
Ang naging tugon ng Diyos sa kasalanan nina Adan at Eva ay nagbibigay ng kaliwanagan. Hindi niya tinangkang ituwid ang isang ‘pagkakamali sa disenyo’ sa kanilang mga gene. Sa halip, ginawa niya kung ano ang sinabi niya sa kanila na ibubunga ng kanilang mga pagkilos, na humantong sa kanilang kamatayan nang dakong huli. (Genesis 3:17-19) Ang sinaunang kasaysayang ito ay nagbibigay ng higit na liwanag hinggil sa likas na paggawi ng mga tao. *
Ang Ebidensiya Laban sa Biyolohiya
Sa mahabang panahon, ang mga siyentipiko ay nagpupunyagi sa napakalaking trabaho ng paghahanap sa henetikong mga sanhi at lunas sa pagkakasakit at paggawi ng mga tao. Makalipas ang sampung taóng paggawa ng anim na pangkat ng mga mananaliksik, ang gene na iniugnay sa Huntington’s disease ay natuklasan, bagaman ang mga mananaliksik ay walang ideya kung paanong ang gene ang siyang pinagmumulan ng sakit. Gayunman, sa pag-uulat hinggil sa pagsasaliksik na ito, sinipi ng Scientific American ang biyologong si Evan Balaban ng Harvard, na nagsabi na magiging “napakahirap tuklasin ang mga gene na sanhi ng mga diperensiya sa paggawi.”
Sa katunayan, ang pagtatangkang iugnay ng pagsasaliksik ang espesipikong mga gene sa paggawi ng mga tao ay nabigo. Halimbawa, sa Psychology Today, ang isang ulat hinggil sa mga pagsisikap na matuklasan ang henetikong mga sanhi ng panlulumo ay nagsasabi: “Ang mga impormasyong epidemiyolohiko hinggil sa malulubhang kapansanan sa isip ay malinaw na nagpapakita na ang mga ito ay hindi maaaring sabihing dahil lamang sa henetikong mga sanhi.” Ang ulat ay nagbibigay ng isang halimbawa: “Isang porsiyento ng bilang ng mga Amerikano na ipinanganak bago 1905 ang nanlumo pagsapit sa edad na 75. Sa mga Amerikanong ipinanganak pagkalipas ng kalahating siglo, 6 na porsiyento ang nanlumo pagsapit sa edad na 24!” Kaya ang naging konklusyon nito ay na tanging ang panlabas o sosyal na mga salik lamang ang maaaring magdulot ng gayong kalaking mga pagbabago sa gayong kaikling panahon.
Ano ang sinasabi sa atin ng mga ito at ng marami pang ibang pag-aaral? Bagaman ang mga gene
ay maaaring may ginagampanang papel sa paghubog ng ating mga personalidad, maliwanag na may iba pang nakaiimpluwensiya. Ang isang malaking salik ay ang ating kapaligiran, na nagkaroon ng malalaking pagbabago sa makabagong panahon. May kinalaman sa pagkakahantad ngayon ng mga kabataan sa popular na paglilibang, ang aklat na Boys Will Be Boys ay nagsasabi na ang mga bata ay malamang na hindi magkaroon ng mabubuting prinsipyo sa moral kapag sila ay “lumaki sa panonood ng mga palabas sa TV at mga pelikula sa loob ng sampu-sampung libong oras na doo’y ang mga tao ay sinasalakay, binabaril, sinasaksak, inaalisan ng mga lamang-loob, tinatadtad, binabalatan, o pinagpuputul-putol ang katawan, kapag ang mga bata ay lumaking nakikinig sa musikang lumuluwalhati sa panggagahasa, pagpapakamatay, droga, alkohol, at pagkapanatiko.”Maliwanag, hinubog ni Satanas, “ang tagapamahala ng sanlibutang ito,” ang isang kapaligiran na nagbibigay-kasiyahan sa napakasamang mga pagnanasa ng tao. At sino ang hindi maniniwala na ang makapangyarihang impluwensiya ng gayong kapaligiran ay may epekto sa ating lahat?—Juan 12:31; Efeso 6:12; Apocalipsis 12:9, 12.
Ang Ugat ng Suliranin ng Sangkatauhan
Gaya ng nakita na natin, ang mga suliranin ng sangkatauhan ay nagsimula nang magkasala ang unang mag-asawa. Ang resulta? Bagaman ang salinlahi ng mga anak ni Adan ay walang kinalaman sa pagkakasala ni Adan, gayunpaman, ipinanganak silang lahat taglay ang kasalanan, di-kasakdalan, at kamatayan bilang kanilang pamana. Ang Bibliya ay nagpapaliwanag: “Kaya naman, kung paanong sa pamamagitan ng isang tao ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa gayon ang kamatayan ay lumaganap sa lahat ng tao sapagkat silang lahat ay nagkasala.”—Roma 5:12.
Ang di-kasakdalan ng tao ay naglalagay sa kaniya sa isang tiyak na kawalan. Subalit hindi siya pinalalaya nito sa lahat ng moral na pananagutan. Ipinakikita ng Bibliya na yaong mga naglalagak ng pananampalataya sa paglalaan ni Jehova para sa buhay at iniaayon ang kanilang buhay sa mga pamantayan ng Diyos ay tatanggap ng kaniyang pagsang-ayon. Dahil sa kaniyang maibiging-kabaitan, si Jehova ay gumawa ng isang maawaing paglalaan upang tubusin ang sangkatauhan, upang bilhing-muli, wika nga, kung ano ang iwinala ni Adan. Ang paglalaang iyan ay ang haing pantubos ng kaniyang sakdal na Anak, si Jesu-Kristo, na nagsabi: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.”—Juan 3:16; 1 Corinto 15:21, 22.
Ipinahayag ni apostol Pablo ang kaniyang matinding pagpapahalaga sa paglalaang ito. Siya’y bumulalas: “Miserableng tao ako! Sino ang sasagip sa akin mula sa katawan na dumaranas ng kamatayang ito? Salamat sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo na ating Panginoon!” (Roma 7:24, 25) Alam ni Pablo na kung siya ay magkakasala dahil sa kahinaan, makahihingi siya ng kapatawaran sa Diyos salig sa haing pantubos ni Jesu-Kristo. *
Kagaya noong unang siglo, marami sa ngayon na dating imoral ang pamumuhay o nasa kalagayang waring wala nang pag-asa ang nagtamo ng tumpak na kaalaman sa katotohanan sa Bibliya, gumawa ng kinakailangang mga pagbabago, at nasa hanay na ng mga tatanggap ng pagpapala ng Diyos. Ang mga pagbabagong kinailangan nilang isagawa ay hindi madali, at marami ang kailangan pa ring makipagpunyagi laban sa nakapipinsalang mga hilig. Subalit sa tulong ng Diyos, napananatili nila ang katapatan at nakasusumpong ng kagalakan sa paglilingkod sa kaniya. (Filipos 4:13) Isaalang-alang ang isa lamang halimbawa ng taong gumawa ng malaking pagbabago upang mapalugdan ang Diyos.
Isang Nakapagpapatibay na Karanasan
“Noong ako’y isang binatilyo at nasa isang boarding school, ako ay nasangkot sa mga gawain ng homoseksuwal, bagaman hindi ko kailanman itinuring ang aking sarili na isang homoseksuwal.
Nagdiborsiyo ang aking mga magulang, at labis kong hinangad ang pagmamahal ng magulang na hindi ko kailanman nalasap. Nang ako’y matapos sa pag-aaral, sapilitan akong pinaglingkod sa militar. May isang grupo ng mga homoseksuwal sa kuwartel na katabi ko. Nainggit ako sa kanilang istilo ng pamumuhay, kaya ako ay nagpasimulang makisama sa kanila. Matapos makisama sa kanila sa loob ng isang taon, itinuring ko na ang aking sarili na isang homoseksuwal. ‘Ganito talaga ako,’ ang katuwiran ko, ‘at hindi ko na ito mababago pa.’“Nagsimula akong matuto ng bokabularyo ng mga homoseksuwal at magtungo sa mga klub ng mga ito, kung saan madaling makakuha ng mga droga at alak. Bagaman ang lahat ng ito ay waring kapana-panabik at kaakit-akit sa panlabas na anyo, ito ay aktuwal na kasuklam-suklam. Sa kaibuturan ng aking puso ay nadama ko na ang ganitong uri ng relasyon ay hindi likas at walang kinabukasan.
“Sa isang munting bayan, nadaanan ko ang isang Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova samantalang may nagaganap na pulong doon. Ako ay pumasok at nakinig sa pahayag, na tumalakay sa panghinaharap na mga kalagayan sa Paraiso. Pagkatapos ay nakilala ko ang ilan sa mga Saksi at inanyayahan ako sa isang asamblea. Dumalo ako, at ako’y nasorpresa—sa pagkakita sa maliligayang pamilya na sumasambang magkakasama. Nagpasimula akong mag-aral ng Bibliya kasama ng mga Saksi.
“Bagaman ito ay isang pakikipagpunyagi para sa akin, pinasimulan kong ikapit ang aking natututuhan mula sa Bibliya. Nakaalpas ako mula sa lahat ng maruruming gawain ko. Pagkatapos mag-aral ng 14 na buwan, inialay ko ang aking buhay kay Jehova at nabautismuhan. Sa unang pagkakataon sa buhay ko, nagkaroon ako ng mga tunay na kaibigan. Nakatulong ako sa iba na matutuhan ang katotohanan mula sa Bibliya, at ako ngayon ay nagsisilbi na bilang isang ministeryal na lingkod sa kongregasyong Kristiyano. Tunay na pinagpala ako ni Jehova.”
Tayo ang May Pananagutan
Ang pagsisikap na ibunton ang lahat ng sisi sa ating mga gene para sa ating pagkakasala ay hindi siyang solusyon. Sa halip na matulungan tayong malutas o mapagtagumpayan ang ating mga suliranin, sabi ng Psychology Today, ang paggawa ng gayon ay “maaaring magturo sa atin ng kawalan ng pag-asa na siyang ugat ng marami sa ating mga suliranin. Sa halip na mabawasan ang paglitaw ng mga suliraning ito, waring pinalalaki pa nga nito ang mga suliranin.”
Totoo na dapat nating paglabanan ang mga pangunahing nakasasamang puwersa, kasali na ang ating sariling makasalanang mga hilig at ang mga pagsisikap ni Satanas na ilihis tayo mula sa pagsunod sa Diyos. (1 Pedro 5:8) Totoo rin na maaaring maimpluwensiyahan tayo ng ating mga gene sa iba’t ibang paraan. Subalit tiyak na hindi nangangahulugang wala na tayong magagawa. Ang mga tunay na Kristiyano ay may malalakas na kakampi—si Jehova, si Jesu-Kristo, ang banal na espiritu ng Diyos, ang kaniyang Salita ang Bibliya, at ang kongregasyong Kristiyano.—1 Timoteo 6:11, 12; 1 Juan 2:1.
Bago pumasok ang bansang Israel sa Lupang Pangako, ipinaalaala ni Moises sa bayan ang kanilang pananagutan sa harapan ng Diyos, sa pagsasabing: “Inilagay ko ang buhay at kamatayan sa harap mo, ang pagpapala at ang sumpa; at piliin mo ang buhay upang manatili kang buháy, ikaw at ang iyong supling, sa pamamagitan ng pag-ibig kay Jehova na iyong Diyos, sa pamamagitan ng pakikinig sa kaniyang tinig at sa pamamagitan ng pananatili sa kaniya.” (Deuteronomio 30:19, 20) Gayundin sa ngayon, bawat responsableng indibiduwal ay obligadong gumawa ng personal na desisyon hinggil sa paglilingkod sa Diyos at pagsunod sa kaniyang mga kahilingan. Nasa iyo ang pagpili.—Galacia 6:7, 8.
[Mga talababa]
^ par. 10 Tingnan ang Gumising! ng Setyembre 22, 1996, pahina 3-8.
^ par. 19 Tingnan ang aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan, pahina 62-9, inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
[Mga larawan sa pahina 9]
Sina Adan at Eva ba ay madaling magkasala dahil sa depekto sa kanilang mga “gene”?
[Mga larawan sa pahina 10]
Dapat bang tanggapin ng bawat tao ang pananagutan sa kaniyang mga desisyon?
[Credit Line]
Gumagamit ng droga: Godo-Foto
[Larawan sa pahina 11]
Ang mga pagsisikap na matuklasan ang mga henetikong sanhi ng paggawi ng mga tao ay nabigo
[Larawan sa pahina 12]
Ang pagkakapit sa sinasabi ng Bibliya ay makatutulong sa taimtim na mga tao na magbago